BALANG ARAW KABANATA 20

[Kabanata 20 - Huling Pagkakataon]

"SANYA, ika'y ayos lang ba kaibigan?" tanong ni Hilaria kay Felicia. Alas onse na ng umaga, tulad ng dati ay narito ang dalawa sa palengke at muling ginagampanan ang kanilang trabaho sa pamilihan ng bayan.

Sa pagkakataong ito ay nabahala na si Hilaria sapagkat buong gabi itong tulala at hanggang ngayon din matapos nitong magbalik sa kanilang tahanan. Natagpuan niya itong tulala sa kawalan at namumula ang mukha sa hindi niya malamang dahilan sapagkat hindi pa naman ito tumutugon sa kaniyang mga tanong hanggang ngayon.

"Sanya, ano ba talaga ang nangyari sa iyo at tila may tinakasan ka?" tanong muli niya. Sa pagkakataong ito ay natauhan na si Felicia at napatigil matapos marinig salitang tinakasan.

Muli ay naramdaman niya ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso matapos muling maalala ang nangyari kahapon kung saan nanakaw lang ng isang estranghero ang kaniyang unang halik na labis niya pa namang pinakaiingatan simula noon...

Tila naistatwa si Felicia sa kaniyang kinatatayuan habang nakatingin ng diretso sa lalaking ninakawan siya ng halik. Ramdam niya ngayon hanggang lalamunan ang pagkabog ng kaniyang puso dahil sa naghalo-halo niyang pakiramdam.

"M-may kasintahan na ako!" sigaw ni Felicia na puno ng pagkabigla at pagkabahala. Napatigil naman si Enrique at gulat na napatingin sa kaniya.

"May pamilya kang naiwan... Fe," tugon ni Enrique sa kaniyang isinigaw, hindi na nito nagawa pang intindihin ang kaniyang sinabi dahil naghahari rito ang kaniyang adhikain na malaman at huwag nang tanggihin pa ni Felicia ang katotohanang pilit na ikinukubli ng tadhana.

Saglit silang napatitig sa isa't isa. Naramdaman ni Felicia ang panghihina ng kaniyang tuhod dahil sa titig at halik ni Enrique na tila nararamdaman niya pa rin sa kaniya hanggang ngayon. Hindi na nakayanan pa ni Felicia at agad nang tumalikod bago dali-daling naglakad paalis. Kung maaari lang siyang tumalon sa tabing ilog upang makapagtago kay Enrique ay gagawin na niya upang makatakas lang sa sandaling iyon.

Naiwan namang tulala si Enrique at tinanaw na lang ang paglayo ni Felicia sa kaniya tulad ng dati. Hindi na niya nagawang habulin pa si Felicia matapos mapagtanto ang isinigaw nito kanina. Na baka nga huli na ang lahat...

Hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin si Felicia sa tuwing naaalala ang ala-ala ng kaniyang unang halik. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sapagkat hindi pa nga siya nagagawang halikan ni Flavio ngunit may isang estranghero na bigla na lamang dumating sa kaniyang buhay at ninakawan siya ng halik.

Sa kaniyang ala-ala, iyon pa lamang ang unang beses na mahalikan siya ng isang tao. Napatakip si Felicia sa kaniyang mukha na ngayo'y nag-iinit na naman. Napapikit siya at hindi na malaman pa ang dapat niyang gawin. Nais niyang magsisigaw ngayon at gulpihin si Enrique sa oras na makita niya muli ito.

"Sanya, hindi kaya'y tungkol sa inyo ni Flavio ang dahilan kung kaya't nagkakaganiyan ka ngayon?" tanong ni Hilaria at sa pagkakataong iyon ay biglang sumilay ang ngisi sa kaniyang labi na nang-aasar. Napatigil muli si Felicia at nilingon na si Hilaria na noo'y nakangisi sa kaniya.

Bigla ay unti-unting namutawi ang kunsensya kay Felicia. Hindi niya man lang naalala ang kaniyang kasintahan na si Flavio matapos ang pangyayaring iyon. Ngayon ay tuluyan na nga siyang nagtaksil dito at hindi niya alam kung paano magpapaliwanag sa oras na malaman nito ang nangyari.

Muli na lang napayuko si Felicia sa kaniyang bangko at ipinikit ang kaniyang mga mata. Ngayo'y tuluyan na talaga siyang nakukunsensya dahil tila mas malaki pa ang espasyo sa kaniyang isipan ng lalaking ayon dito ay si Enrique kaysa sa kaniyang kasintahan at kasalukuyan na si Flavio.

Naguguluhan man ay tinapik na lang ni Hilaria ang likod ng kaniyang kaibigan at kinumbisi ang sarili na tama ang kaniyang hinuha kahit na kasalungat niyon ang naging reaksyon ni Felicia na kinikilala nila bilang si Sanya.


TULALANG naglalakad ngayon si Felicia. Hapon na at kalalabas pa lamang niya sa palengke. Bitbit niya ngayon ang isang bayong na naglalaman ng kaniyang mga paninda. Napagtanto niyang alam na ni Enrique kung saan siya dapat puntahan at ngayo'y napagdesisyonan niyang umuwi na ngayon dahil napapraning na siya at baka magkaabutan pa sila ng taong pilit niyang iniiwasan.

Ngunit napatigil si Felicia sa paglalakad nang tumama siya sa dibdib ng isang lalaki. Magpapatuloy na muli sana siya sa paglalakad ngunit tila naistatwa siya sa kaniyang kinatatayuan matapos makilala ang mabangong amoy ng lalaking iyon.

Sandali siyang hindi nakagalaw at nanatiling nakayuko. Ilang saglit pa at dahan-dahan na siyang nag-angat ng tingin at inaasahan man ngunit nanlaki pa rin ang mga mata niya matapos masilayan si Enrique sa paulit-ulit na pagkakataon.

Agad siyang napaatras ngunit humakbang din ito papalapit sa kaniya. Akmang sasampalin na niya ito ngunit agad nitong nahawakan ang kamay niya at napigilan. Sa muling pagkakataon ay napatingin sila ng diretso sa isa't isa. Umihip ang malamig na hangin.

"Nandito ka na naman," tila nagsasawa nang wika ni Felicia. Binitawan na ni Enrique ang kamay niya at ngumiti na siyang nagpalitaw sa dalawang biloy nito sa pisngi.

Tinalikuran na siya ni Felicia at nagsimulang maglakad papunta sa kabilang direksyon ngunit muli siyang sinundan ni Enrique. Napapikit siya sa inis, hindi na niya alam kung ano ba ang dapat gawin upang tigilan siya nito.

Walang tao sa kanilang kapaligiran sapagkat nakalalayo na sila sa palengke at sa daungan. Sinabayan siya ni Enrique sa paglalakad. Napahinga siya ng malalim upang habaan ang kaniyang pasensya bago tumigil kung kaya't napatigil din si Enrique at nilingon siya.

"Napakalandi mo naman, Señor," nagtitimping saad ni Felicia habang walang reaksyong nakatingin dito. Hinabol, kinulit, hinawakan ang kaniyang kamay, yinakap, at hinalikan pa siya nang walang pakundangan. Sumilay naman ang ngisi sa labi ni Enrique dahil sa ugaling ipinamamalas sa kaniya ni Felicia.

Ngunit nagulat siya nang tulakin ni Felicia ang kaniyang kaliwang balikat na tila naghahanap ng gulo. "Ligaw-biro!" salubong ang kilay na sigaw ni Felicia bago talikuran si Enrique at dali-daling naglakad paalis.

Naiwang tulala si Enrique at hindi nakapagsalita. Tila marami na ngang nagbago sa kaniyang asawa. Naging maingay na ito, masungit pa rin ngunit sadyang palaban na. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang kaniyang adhikain na muling maibalik si Felicia sa kanilang mga anak ngunit nais na niyang magsimula ngayon.

INGAY sa loob ng palengke ang naririnig ni Enrique habang patuloy na humahakbang patungo sa puwesto ni Felicia. Makalipas ang ilang sandali ay narating na niya ito ngunit wala na si Felicia na kaniyang inaasahan na naman. Hindi rin naman si Felicia ang kaniyang sadya rito.

Napatingin siya sa isang pamilyar na babae na nakatunganga dahil lumisan na ang kaniyang kausap. Natauhan na ito at napatigil matapos siyang makita. Napahinga siya ng malalim bago humakbang papalapit dito.

"Magandang hapon," pagbati ni Enrique na ikinatigil nito. Napahawak si Hilaria sa tapat ng kaniyang puso at saglit na napatulala kay Enrique. Hindi siya makapaniwalang kinakausap siya nito ngayon.

"Hilaria ang iyong pangalan, hindi ba?" tanong ni Enrique at sinubukang ngumiti. Napakurap ng dalawang beses si Hilaria bago tumango.

"P-paano ninyo nalaman?" nabibiglang tanong ni Hilaria. Siya'y kinakabahan na ngayon dahil baka kinabukasan ay hindi na niya maabutan pa ang araw.

"Hindi mo na kailangang malaman pa," tugon ni Enrique at isa-isang tinignan ang paninda ni Hilaria. Mga kuwaderno, pluma, at tinta. Napangiti ng kaonti si Enrique, naalala niya bigla ang kaniyang anak na si Isla.

Muli na niyang binalingan si Hilaria na noo'y namamangha pa ring pinagmamasdan ang kaniyang mukha. "Kilala mo ba si Felicia... Ang itinawag mong Sanya noon na nagtitinda rito," wika ni Enrique at dinapuan ng tingin ang katabi niyang puwesto na nakasarado.

"Ah, opo Señor. Siya ay aking matalik na kaibigan. Bakit?" tanong naman ni Hilaria at tumayo na mula sa kaniyang kinauupuan. Pilit niyang sinasaisip ngayon ang salitang katapatan habang pinagmamasdan ang maamong mukha ni Enrique.

Nagbalik na ng tingin sa kaniya si Enrique. "Maaari mo bang sabihin sa akin kung sino siya?" tanong ni Enrique. Sa kaniyang gunita ay may nalalaman si Hilaria patungkol sa naging buhay ni Felicia simula nang mawala ito sa kanila.

Napatingin si Hilaria sa magkabilang gilid bago muling tignan si Enrique. "Maupo ka," paggagayak ni Hilaria at pinaupo si Enrique sa upuan na nasa kaniyang tabi. Umupo na rin siya sa kaniyang upuan bago umayos ng upo at harapin si Enrique.

"Sasagutin ko ang iyong mga katanungan ngunit sa bawat tanong, nararapat lamang na bumili ka rin ng isa sa aking mga paninda," saad ni Hilaria at nginitian si Enrique. Napangiti rin Enrique, dito na marahil nahawa si Felicia.

"Bibilhin ko na ang lahat," wika ni Enrique na ikinalawak ng ngiti ni Hilaria. Napatango-tango siya at tinanggap ang salapi na ibinigay ni Enrique sa kaniya. Hindi niya mapigilang magdiwang sa loob-loob niya dahil magmula sa araw na ito ay mukhang uunlad na ang buhay niya.

"Si Sanya, ang buong pangalan niya ay Sanya Espinosa. Siya lamang ang aking pinakamatalik na kaibigan simula pa noon. Napakasungit man niya ngunit kailanman, hindi niya ako iniwan," panimula ni Hilaria habang isa-isang ilinalagay sa bayong ang kaniyang mga paninda na ibinili na ni Enrique para makapagtanong lang ng malaya rito.

"Sa aking palagay ay ako lang din ang kaibigan niya sapagkat hindi naman iyon marunong makipagkaibigan sa iba. Ako lang nga ang naglakas loob noon na kaibiganin siya. Mabuti na lang at mabait-bait siya noong una kaming nagkakilala kaysa ngayon," patuloy ni Hilaria. Napasandal si Enrique sa kaniyang kinauupuan at napahawak sa kaniyang labi.

"Si Aling Anchita naman ang kaniyang ina. Hindi ko kilala ang kaniyang ama sapagkat hindi ko naman ito naabutan. Ang tanging alam ko lang ay namayapa na ang ama ni Sanya." Napatigil si Enrique sa isinaad ni Hilaria na iyon. Muli siyang napatingin sa binibini.

"May magulang siya?" puno ng pagkatigil na tanong ni Enrique. Kumunot naman ang noo ni Hilaria at nagbalik din ng tingin sa kaniya.

"Malamang, Señor. Paano ka mabubuhay sa mundong ito kung wala kang mga magulang na siyang bumuo sa iyo?" tanong pabalik ni Hilaria at napapamewang. Napapikit naman si Enrique sapagkat hindi siya nauunawaan nito.

Bigla ay may tanong na pumasok sa kaniyang isipan. Na hindi kaya'y kamukha lang talaga ng kaniyang asawa na si Felicia ang babaeng patuloy niyang hinahabol ngayon at kinikilala ng lahat bilang si Sanya?

"Bakit nga pala nais mong malaman kung sino si Sanya? Kung napukaw man niya ang iyong puso, paumanhin ngunit may kasintahan na siya," saad ni Hilaria na muling ikinatigil ni Enrique, dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin sa mga mata nito. Kung gayon, totoo nga ang sinabi ni Felicia noong nakaraan sa kaniya na inakala niyang dahilan lang upang tigilan na niya ito.

"Sino... Ang kaniyang kasintahan?" tanong ni Enrique at sa pagkakataong ito ay tila dahan-dahan nang nawawala ang pag-asa sa kaniya.
Napahinga naman ng malalim si Hilaria bago muling sumagot.

"Si Flavio ang kasintahan ni Sanya. Isang taon na silang nagsasama bilang magkasintahan. Si Flavio ay aking pinsan din. Sa loob ng apat na taon, ako, si Flavio, at si Aling Anchita lang ang nakakaalam na may--" napatigil si Hilaria sa pagsasalita nang maisip na wala siyang karapatang ibahagi iyon sa iba, na ang kaniyang kaibigan ay may karamdaman at walang maalala sa nakaraan nito.

"Ano iyon, binibini?" tanong ni Enrique, nanatili siyang nakatingin kay Hilaria at pinag-aaralan ang mga kasagutan nito. Napalunok naman si Hilaria dahil mukhang naghihintay ito sa susunod niyang sasabihin.

"D-dumaan dito kanina si Flavio at hinanap si Sanya. Sa aking palagay ay magkasama na sila ngayon," pag-iiba ng usapan ni Hilaria. Nais sanang balikan muli ni Enrique ang naputol na isinalaysay nito kanina ngunit napukaw din ng kaniyang atensyon ang bagong impormasyon na iwinika nito.

"Alam mo ba kung saan sila nagtungo?" tanong ni Enrique. Napakurap si Hilaria bago tumango ng dalawang beses. "Saan?" tanong muli ni Enrique. Napakamot naman si Hilaria sa kaniyang ulo.

"Sandali nga, Señor. Bakit ba nais niyong malaman kung nasaan sila ngayon?" tanong pabalik ni Hilaria. Napahinga ng malalim si Enrique, mukhang kailangan niya pang kumilos ngayon dahil nagdududa na si Hilaria sa kaniya.

Tumayo siya at binuhat ang kaniyang bangko papalapit sa tabi ni Hilaria bago muling umupo rito. Tinignan niya ito ng diretso sa mga mata. "Nais ko lamang malaman," sagot niya at binigyan ng ngiti si Hilaria na noo'y tila naistatwa dahil sa nakahuhulog na tingin sa kaniya ni Enrique.

"S-señor, paumanhin ngunit may kasintahan na ako," saad ni Hilaria na ikinalawak ng ngiti ni Enrique. Natutuwa siyang nag-angat ng tingin sa mga mata nitong hindi magawang tumingin sa kaniya pabalik.

"May asawa na rin ako," tugon ni Enrique na ikinagulat ni Hilaria. Gulat siyang napatingin kay Enrique na noo'y kalmado lang na tinignan siya. Hindi niya talaga alam kung bakit tila sa isang tingin lamang nito'y kay rami nang binibini ang kaniyang makukuha.

"K-kung ganoon, bakit mo pa hinahabol ang aking kaibigan? Huwag niyong sabihing mamamangka pa kayo sa dalawang ilog?" tanong ni Hilaria. Sa pagkakataong ito ay si Enrique naman ang napatigil matapos mapamilyaran ang tanong na iyon.

H-hindi ako makapaniwalang magagawa mo pa ring hawakan ang kamay ng iba gayong may asawa ka na. Anong pakiramdam magtaksil, Enrique?

Anong pakiramdam na mamangka sa dalawang ilog?

Ang mga tanong na kailanman ay hindi niya malilimutan na kay Felicia nanggaling. Mula sa pagkakatulala ay tumayo na si Enrique at tumalikod na. Akmang hahakbang na siya paalis ngunit nagsalita muli si Hilaria.

"Nasa dalampasigan sila..." wika nito. Matapos niyon ay nagpatuloy na si Enrique sa paglalakad at hindi na muling lumingon pa sa lugar na muling nagpabalik sa kaniya sa ala-ala ng nakaraang sinusubukan niyang maitama at muling maibalik.

MALAKAS na ihip ng hangin ang sumalubong kay Enrique matapos niyang marating ang pinakamalapit na dalampasigan mula sa pamilihan. Papalubog na ang araw. Nagsimula nang humakbang si Enrique sa puting buhangin ng dalampasigan at ilinibot ang kaniyang paningin.

Mula sa malayo ay natatanaw na niya ang mga alon na patuloy niyang hinaharap sa kabila ng lahat. Napatingin siya sa kalangitan na ngayo'y kulay kahel. Kaniyang napagtanto na gaano man kaganda ang paglubog ng araw, ito ay nagpapahiwatig pa rin ng wakas.

Napahinga siya ng malalim at nagbaba na ng tingin. Akmang magpapatuloy na siya sa paglalakad ngunit napatigil siya sa muling paghakbang matapos masilayan ang pamilyar na babae. Kahawak nito ng kamay ang isang lalaking ngayon ay kilala na niya, ang bagong iniibig ng kaniyang asawa, si Flavio.

Magkahawak ng kamay ang dalawa at nasa mababaw na pag-alon ng tubig na hanggang paa lamang nila. Ang lahat ng iyon ay magagawa niya pang tanggapin. Ngunit tila tumigil ang pag-ikot ng kaniyang mundo nang humarap si Flavio kay Felicia at lumuhod sa harapan nito.

Umihip ang sariwang hangin na siyang marahang nagpatangay sa suot na saya ni Felicia. Napatakip si Felicia sa kaniyang bibig at gulat na tinignan si Flavio na noo'y may ipinakitang singsing, bagay na napagtanto na ni Enrique at ang maaari pang sunod na mangyari. May sinabi si Flavio ngunit hindi iyon narinig ni Enrique sapagkat may kalayuan siya sa dalawa.

Ngunit nang tumango si Felicia at tanggapin ang singsing na ibig ibigay sa kaniya ni Flavio, napagtanto ni Enrique na huli na nga siya. Tumayo na muli si Flavio at nagyakap silang dalawa ni Felicia sa kalagitnaan ng mga alon. Sa huling pagkakataon ay umihip ang malamig na hangin at sa huling pagkakataon ding iyon ay napagtanto ni Enrique na huli na siya, huli na ang lahat.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top