BALANG ARAW KABANATA 19

[Kabanata 19 - Paglubog ng Araw]

BUWAN ng setyembre. Sabay ngayong kumakain si Isla at Hilario sa hapag kainan. Walang iba tao sa kapaligiran at tanging silang dalawa lamang. Wala ngayon ang kanilang ama na kanilang nakasanayan na naman. Wala rin si Manang Numeriana sapagkat abala ito sa pagsasampay ng mga damit sa gilid na bahagi ng mansyon habang si Gael naman ay kasama ngayon si Sinta.

Wala ang dalawa sa mansyon at lumabas sapagkat pinilit ni Sinta si Gael na sumama sa kaniya at kung hindi ay isusumbong niya kay Enrique ang pagiging walang pakielam nito sa isang binibining katulad niya. Wala namang ibang nagawa si Gael kung hindi samahan si Sinta dahil hindi niya naman nais magkaroon ng masamang pangalan sa kaniyang ama.

Habang patuloy na kumakain ay napasulyap si Hilario sa kaniyang kapatid na ngayo'y nakatingin lang sa kaniyang plato at patuloy na kumakain. Magkatapat silang dalawa. Hindi man lang nag-abala si Isla na kausapin siya o batiin man lang tulad ng palagi nitong ginagawa noon. Siya'y nalulungkot sapagkat tila hindi na magbabalik pa ang kanilang makulit at matamis na si Isla.

Naisipan niyang simulan itong kausapin. "Isla, ika'y ayos lang?" tanong niya, napatigil naman sa pagkain si Isla at dahan-dahang nag-angat ng tingin sa kaniyang kapatid.

Hindi. "Oo..." mahina ang boses na sagot ni Isla at bumuntong hininga. Sa paraan ng pagsagot nito, halata naman na kasalungat ang katotohanan sa naging sagot nito.

Natahimik na muli ang dalawa. Akmang magpapatuloy na si Hilario sa pagkain ngunit nagsalita muli si Isla. "Kuya?" mahina ang boses na pagtawag nito sa kaniya, napatigil si Hilario sapagkat sa muling pagkakataon ay tinawag na siya nito.

"Bakit ba tayo patuloy na umaasa at naghihintay sa wala?" tanong ni Isla at sa pagkakataong ito ay namutawi na ang emosyon sa mukha niya na kung kanina ay wala. Napatingin ng diretso si Hilario sa kaniyang kapatid dahil sinimulan muli nito ang usapin tungkol sa kanilang ina na apat na taon nang nawawala sa kanilang piling.

Hinawakan niya ang kamay ni Isla na nakapatong sa lamesa at muli itong tinignan. "Siya ay nananatili pa rin naman sa ating puso, Isla," saad ni Hilario at malungkot na tinignan ang kapatid. Hanggang ngayon ay pareho silang nabubuhay sa nakaraang hindi nila matanggap ang naging katotohanan.

"Siya ay nananatili pa nga sa ating puso ngunit hindi na sa ating buhay..." malamig na saad ni Isla na siyang nagpasampal sa kanila ng mapait na katotohanan. Tumayo na si Isla at bago pa kumawala ang luha sa mga mata niya at dali-daling na siyang naglakad papanik sa kaniyang cuarto.

Naiwang tulala at mag-isa si Hilario sa kanilang hapag kainan na kung dati ay sabay-sabay silang kumain, masaya at buong pamilya. Hinayaan niya na lamang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang muling pagkadurog ng kaniyang puso dahil sa patuloy na pangungulila sa kanilang dakilang ina na si Felicia.

Wala silang kaalam-alam na buhay pa rin ito, nabubuhay ng masaya at payapa ngunit ang kapalit niyon ay ang pagkawalay sa kanila.

MATIRIK ngayon ang araw habang patuloy na kumikilos si Felicia para sa kaniyang mga parokyano na ngayo'y namimili sa kaniyang mga panindang prutas at gulay. Sadyang mapalad lang talaga siya sapagkat mukhang sa lahat ay sa kaniya ang may pinakamagandang klase ng paninda at nagmula pa sa mga pananim ni Nay Anchita na labis nitong iniingatan.

"Sanya." Napapikit si Felicia sapagkat sa ika-apat na pagkakataon ay tinawag at sinitsitan siya ng kaniyang matalik na kaibigan na si Hilaria. Wala namang bumibili sa kaniyang paninda kung kaya't wala siyang iba magawa kung hindi kulitin ang kaniyang kasama.

"Sanya, iyong totoo? Bakit bigla kang umalis noong nakaraang araw kung saan nasilayan mo ang isang napakakisig na ginoo at mukhang marangya pa at tila naibigan din ang iyong ganda! Sayang talaga," tanong at saad ni Hilaria, napailing pa siya ng paulit-ulit dahil sa pagkadismaya para sa kaibigan. Kung kasing ganda niya lamang si Felicia, gagamitin niya talaga ito bilang puhunan.

"Kung ako lamang ang iyong nasa posisyon, aakitin ko na siya nang sa gayon ay maubos na agad ang aking mga paninda," patuloy niya at napangisi. Kunot noo naman siyang nilingon ni Felicia, tinignan ng nagtatanong na kung seryoso ba ito sa kaniyang sinasabi.

"Iyong totoo rin, mahal mo ba talaga ang iyong kasintahan para makapagsalita ng ganiyan?" tanong ni Felicia at tinaasan ng kilay si Hilaria na siyang ikinatigil nito. Napahawak si Hilaria sa tapat ng kaniyang puso at sinundan ng tingin ang kaibigan na noo'y umupo na sa kaniyang silya dahil nawala na ang mga tao sa harapan.

Muli itong napatulala sa kawalan at mukhang nag-isip na naman ng malalim. Napahinga ng malalim si Hilaria bago ilapit ang kaniyang upuan sa tabi ni Felicia at tabihan ito. Ito ang dahilan kung bakit palagi niyang tinatanong ito, palagi na lamang kasi itong tulala.

"Sanya, alam mo ba, kung iyong hindi pa nalalaman, sinundan ka ng lalaking iyon ngunit mukhang hindi ka naman niya nahabol sapagkat ang bilis mong maglaho. Nakapagtataka. Bakit niya naman hahabulin ang isang tulad mo?" tanong ni Hilaria at itinapat ang kaniyang palad sa mukha ni Felicia. Napapikit naman si Felicia sa inis bago masama ang loob na lingunin ang kaibigan.

"Ngunit... Kay gandang lalaki talaga ng kastilang iyon. Ilang taon na kaya siya? Sa aking palagay ay dalawampu't lima pa lamang siya. Dalawampu't apat pa lamang ako. Hindi kaya't siya talaga ang para sa akin?" nakangiting tanong ni Hilaria at napatakip sa kaniyang bibig dahil sa tila kiliting nararamdaman. Sa kaniyang gunita noon ay dalawampu't apat lang din si Felicia dahil wala naman itong edad sa kanila.

Napatulala si Felicia dahil sa sinabi nito. Totoo nga naman na kay gandang lalaki ng ginoong iyon. Ngunit sa tuwing naaalala niya ang lalaking iyon, hindi niya maiwasang kabahan sa hindi malamang dahilan. Marahil ay dahil sa takot na muli siyang yakapin nito tulad ng una nilang pagkikita.

"Marahil ay may sakit siya sa utak..." wala sa sariling sambit ni Felicia na ikinagulat ni Hilaria. "Ako? May sakit sa utak? Imposible! Sinasabi ko lang naman na ang ginoong iyon ay sadyang naging paborito ng ating panginoong Diyos ngunit si Julio pa rin naman ang aking pinakamamahal," depensa ni Hilaria sa kaniyang sarili at napahalukipkip.

Napasapo si Felicia sa kaniyang noo at napapikit, naguguluhan na siya. Muli niyang binalingan si Hilaria at hinawakan ang kamay nito. "Hilaria, iyong totoo? Sabihin mo ang totoo," tila wala sa sariling wika ni Felicia. Napakurap naman ng dalawang beses si Hilaria at nagtatakang hinawakan pabalik ang kamay ni Felicia.

"Anong totoo? Na ika'y nahahawa na sa akin? Oo, totoo iyan," taas noong sagot ni Hilaria at malawak na nginitian ang kaibigan ngunit naglaho ang kaniyang ngiti nang paulit-ulit itong umiling. Umayos na rin si Hilaria nang mapansing mukhang may pinoproblema nga ang kaniyang kaibigan.

Napahinga ng malalim si Felicia bago muling magsalita, "Hilaria, ako'y nagiging makasalanan na talaga. Hindi ko pa naibabahagi sa iyo ito at ngayon pa lamang. Ngunit isang lalaki ang aking nakatagpo sa tagpuan namin ni Flavio, hindi iyon siya. Hindi ko kilala ang lalaking iyon at unang beses ko pa lamang siyang nakita nang ako'y yakapin niya nang walang pakundangan! Pakiramdam ko ay napakamakasalanan ko na at isang taksil!" kinakabahang salaysay ni Felicia at napatakip sa kaniyang bibig.

"Hindi ko talaga sinasadya. Hindi ko ginusto na ako'y yakapin niya. Ngunit paano na ito? Ako'y nagtaksil na sa aking kasintahan," tila maiiyak nang saad ni Felicia at napayuko sa kaniyang bangko. Agad namang tinapik ni Hilaria ang kaniyang likod upang damayan siya.

"Ayos lang iyan, kaibigan. Ang mahalaga ay wala kang tinatapakang tao," saad ni Hilaria na mas lalong nagpabigat sa loob ni Felicia dahil mali-mali naman ang mga salitang binibitawan nito upang pagaanin ang loob niya.

"Biro lang pala. Ngunit Sanya, hindi mo naman ginusto ang yakap na iyon kung kaya't huwag ka nang mabahala pa," bawi naman ni Hilaria at patuloy na tinapik ang likod ng kaibigan. Ngunit ang mga salitang binitawan ni Hilaria ay ang siyang nagpakaba lalo kay Felicia sapagkat tila may iba siyang naramdaman sa pamilyar na yakap na iyon.

Hindi niya akalaing sa ikalawang pagkakataon ay magtatagpo silang muli ng lalaking hindi niya nakikilala ngunit tila pamilyar sa kaniya. Dahil sa kabang naramdaman ay dali-dali siyang umalis, nang makasalubong niya si Flavio sa daungan. Hindi niya nasabi ang dahilan ngunit agad siyang yinakap nito upang pakalmahin. Sa yakap ng kaniyang kasintahan, nakararamdam siya ng kapanatagan.

Ngunit mas lalo lamang siyang nakunsensya habang yakap si Flavio dahil may yinakap din siyang ibang lalaki. Hindi niya na ngayon alam ang dapat niyang gawin upang mawala ang kabang patuloy ngayong bumabalot sa kaniya dahil sa kastilang lalaki na iyon na tila balak guluhin ang payapa niyang buhay na puno ng katanungang naiwan.

"Sino nga pala ang lalaking iyong tinutukoy?" tanong ni Hilaria na siyang nagpabalik kay Felicia sa reyalidad. Umalis na siya sa pagkakatungo at nagdadalawang isip na tinignan ang kaibigan.

"H-hindi ko alam. Sana na lamang ay hindi ko na siya muling makita pa," wika ni Felicia at umiwas na ng tingin. Hindi niya man gustong magsinungaling ngunit nais niya na lamang sarilihin ang katotohanang ang lalaking kanilang pinag-uusapan ay ang siyang itinutukoy niya rin.

Nagkibit balikat na lamang si Hilaria at nagsimulang magsulat ng liham para sa kaniyang kasintahan na si Julio dahil bigla siyang nakaramdam ng kunsensya matapos tangkilikin ang kagandahang lalaki ng iba at hindi ng kaniyang kasintahan. Napailing na lang si Felicia matapos makitang lumuluha na ito dahil naalala niyang hindi nga pala siya marunong gumawa ng liham.

Sa huli ay gumuhit na lamang siya ng hugis puso bilang paghingi ng tawad sa kasalanang mukhang mamaya ay ikagugulo ni Julio sapagkat hindi niya alam kung saan nagmula.

PAPALUBOG na ang araw. Mag-isang naglalakad ngayon si Felicia sa daan kung saan sa gilid niya'y naroon lang ang mabatong ilog. Tumatama ang alon sa malalaking bato at walang pakielam si Felicia kung siya'y matalsikan man ng tubig sapagkat lumulutang ngayon ang kaniyang isipan.

Kahit papaano ay nakaramdam siya ng kapayapaan habang naririnig ang pag-alon ng katubigan. Patag ang lupang kaniyang linalakaran ngayon na may mga bato sa kung saan-saan. May mga puno rin sa kapaligiran na sumasayaw dahil sa marahang pag-ihip ng hangin.

Ngunit nagising ang lumulutang niyang diwa nang maramdaman ang presensyang nakasunod sa kaniya. Napatigil siya ngunit nagpatuloy pa rin sa mabagal niyang paglalakad. Humigpit ang kaniyang hawak sa dala niyang bayong. Sa isip, sana pala ay hindi na lang siya humiwalay kay Hilaria sapagkat nais niyang mapag-isa.

Bumagal ang kaniyang hakbang at nang tuluyang maramdaman ang presensya ng taong iyon sa kaniyang likuran ay dali-dali siyang humarap. Kasabay ng kaniyang pagharap, akmang ihahampas na niya sa taong iyon ang hawak niyang bayong ngunit laking gulat niya matapos makilala ang lalaking sumusunod sa kaniya.

"I-ikaw?" gulat na tanong ni Felicia at tila naistatwa sa kaniyang kinatatayuan dahil sa ikatlong pagkakataon ay nasilayan niyang muli ang lalaking nagdudulot ng kaba sa kaniya.

"Ikaw na naman?" tanong muli ni Felicia at sa pagkakataong ito ay dahan-dahan nang kumunot ang kaniyang noo. Namutawi na ang katarayan sa mukha niya na nasilayan muli ng lalaking iyon sa muling pagkakataon, ang lalaking walang iba kung hindi si Enrique.

Ang totoo ay kinakabahan pa rin si Felicia ngunit agad niyang linabanan iyon at umastang naiinis na. Tinignan niya si Enrique mula ulo hanggang paa. Palagi na lamang iisa ang hitsura't pananamit nito. Mula siyang nag-angat sa mga mata nitong nakahahalina.

"Iisa lamang palagi ang iyong kasuotan at hitsura. Bakit? Rebulto ka ba?" pagtataray ni Felicia at tinaasan ng kilay si Enrique. Mula sa pagkakatitig kay Felicia ay dahan-dahan namutawi ang emosyon sa mukha ni Enrique dahil walang pinagbago ang kaniyang asawa, matabil pa rin ang bibig nito.

"Fe..." pagsambit ni Enrique sa palayaw na kaniyang binigay dito at sinubukang humakbang papalapit ngunit agad itong umatras. Sinubukan niyang hawakan ang kamay nito.

"Ako'y hindi mo ba talaga maalala? Pakiusap, Fe. Kung ito'y ginagawa mo lamang dahil sa lahat ng kasalanang nagawa ko sa iyo, nakikiusap akong itigil mo na. Kailangan ka ng ating mga anak," puno ng emosyon na pakiusap ni Enrique ngunit patuloy na umiiwas si Felicia sapagkat hindi niya lubos na maunawaan ang lahat ng sinasabi ni Enrique.

"M-mga anak? Ano ba ang iyong pinagsasasabi? Hindi nga kita kilala!" sigaw ni Felicia habang nakatingin sa lalaking nakatingin ngayon ng diretso sa mga mata niya. Kay bilis ngayon ng tibok ng kaniyang puso dahil sa kabang nararamdaman.

"F-fe, ako ito, si Enrique. Hindi mo ba ako matandaan? Ako ang iyong asawa," wika ni Enrique at tuluyang naabot ang kamay ni Felicia. Tumingin siya ng diretso sa mga mata nitong naguguluhan.

"Pakiusap, bumalik ka na..." patuloy ni Enrique at sa pagkakataong ito ay napatigil na si Felicia sa pagkawala sa kamay ni Enrique na patuloy na kumakapit sa kaniyang kamay. Napatingin sila ng diretso sa mga mata ng isa't isa at kasabay niyon ay ang pag-ihip ng malamig na hangin.

Hindi alam ni Felicia kung bakit biglang kumirot ang kaniyang puso dahil sa huling sinabi nito. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay natauhan na siya at napabitaw sa kamay ni Enrique bago muling humakbang paatras.

"M-maaari bang ako'y tigilan mo na?" tanong ni Felicia at muling ibinalik ang kunot noo niyang mukha. Hindi naman nagbago ang reaksyon ng mukha ni Enrique at nanatili lang na nakatitig kay Felicia.

Napahinga ng malalim si Felicia bago muling magsalita, "Hindi mo ba alam na mali ang iyong ginagawa? Mukhang ika'y marangya pa naman. Sayang ang iyong pinag-aralan," pandidiretso ni Felicia at walang takot na tinignan si Enrique kahit na nanggaling pa ito sa yaman.

Hindi naman naasar si Enrique, bagkos ay natutuwa pa siyang tumingin sa mga mata nitong diretso ring nakatingin sa kaniya. Isang bagay na maaaring ikapahamak ngunit kahanga-hanga rin sa ugali nito, ang pandidirekta sa isang tao.

Sumama ang timpla ng mukha ni Felicia dahil imbis na mapikon ay mukhang mas lalo pa itong natuwa. Agad siyang nagpatuloy sa pagsasalita upang lubayan na siya nito habang si Enrique naman ay tinitigan lang siya.

"Ako'y tigilan mo na at huwag na muling lapitan pa. Para sabihin ko sa iyo, hindi kita gusto. Sa oras na ika'y masilayan kong muli, sisiguraduhin kong hindi lang masasakit na salita ang iyong matatanggap kung hindi--" hindi na natapos ni Felicia ang kaniyang pagbabanta nang humakbang si Enrique papalapit sa kaniya at yakapin ang kaniyang baywang bago diretsong halikan sa labi.

Gulat na napapikit si Felicia bago napaatras dahil sa pagkabigla. Gulat siyang napahawak sa kaniyang bibig at hindi makapaniwalang tinignan si Enrique na noo'y binitawan na ang kaniyang baywang at humakbang na din paatras bago kalmadong tinignan siya na tila hindi malaking bagay ang nangyari.

Umihip ang malakas na hangin. Tila naistatwa si Felicia sa kaniyang kinatatayuan at nabibiglang tinignan ng diretso ang lalaking ngayon ay ninakawan lang siya ng halik sa kalagitnaan ng paglubog ng araw.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top