BALANG ARAW KABANATA 18
[Kabanata 18 - Kasalukuyan at Nakaraan]
HABANG patuloy na iginagalaw ni Isla ang kaniyang kamay sa kuwadernong kulay asul na ibinili sa kaniya ng kaniyang ina ay hindi niya mapigilang muling mapaisip at mapatulala. Tumigil muna siya sa kaniyang pagguhit at napatingin sa nakabukas na bintana kung saan masisilayan niya ang marahang pagbuhos ng ulan.
Tulad ng dati ay palagi ay pumasok na naman sa kaniyang isipan si Felicia. Sa pagkakataong ito ay muli niyang naisip ang pagkamatay at paglaho ng kaniyang ina sa isang iglap. Walang kasagutan, at walang katarungan.
Bigla na lamang itong nawala na tila isang bula. Ayon sa kaniyang tiyo Alfredo ay huli nilang natagpuan ang bakas ni Felicia sa dalampasigan kung saan naiwan nito ang suot nitong balabal. Dalawa lamang iyon. Kung hindi ito nagpakamatay, may pumatay sa kaniya.
Hanggang ngayon ay naaalala niya pa rin ang winika ni Mang Ambo na may nakasagupa ito sa panciteria bago ito mawala sa kanila, ang may-ari ng panciteria na si Doña Adora. Linitis na ito noon ngunit itinanggi nito ang nangyari kay Felicia. Wala namang nahanap na patunay na nasasangkot ang matanda kung kaya't nakaligtas ito sa matinding parusa ng hukuman.
Pumasok naman sa kaniyang isipan ang kaniyang ama, si Enrique. Hindi niya man gusto ngunit hindi niya pa rin mapigilang maisip na baka nagkaroon ng madilim na plano ang kaniyang ama dahil sa walang hanggang pagtatalo nila ni Felicia noong mga panahong iyon. Hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa isipan ni Isla ang mga salitang binitawan ng kaniyang mga magulang sa isa't isa bago tuluyang magwakas ang lahat.
Hindi ikaw ang taong nararapat kong makasama habang buhay.
Kung kaya't nais mong iparating ngayon na hindi mo na ninanais pang makasama ang pamilyang ito?
Na hindi mo ako gusto kung kaya't hindi mo na rin nais sa ating mga anak?
Sa isip, marahil ay hindi na nga ninais ng kaniyang ama na makasama ang kaniyang ina dahil sa walang katapusan nilang pagtatalo bilang mag-asawa kung kaya't tuluyan na nga nitong inalis si Felicia sa kanilang buhay nang walang sino man ang nakakaalam at walang sino man ang makaiisip sapagkat siya ang asawa ng taong namayapa na.
Napasabunot siya sa kaniyang buhok at umiling, pilit na iwinawaksi ang mga bagay na iyon na palaging pumapasok sa kaniyang isip sa tuwing naaalala ang walang kasagutang kamatayan ng kaniyang ina.
Karamihan na lamang sa mga tao ay naisip na nagpakamatay nga si Felicia sa dalampasigan dahil nawalan ito ng anak at sa naging patong-patong na problema't isipin na hindi maaaring wala si Enrique.
Iyon na lamang din ang sinusubukan niyang paniwalaan kahit na taksil ang kaniyang isipan at naghahanap pa ng ibang kasagutan at katotohanan. Nagsimula nang mamuo ang luha sa kaniyang mga mata kung kaya't dali-dali na siyang lumapit sa mga nakabukas na bintana at pigil ang luhang isinara iyon.
Araw-araw na lamang nalulunod si Isla sa alon ng kalungkutan at kahit ano ang kaniyang gawin ay hindi niya magawang bitawan ang nakaraang umaasa siyang muli pang magbabalik.
MULA sa malayo ay natanaw ni Gael ang pagsara ni Isla sa bintana ng silid nito. Tumila na ang ulan ngunit hindi tulad ng luha ng kaniyang bunsong kapatid na ngayo'y patuloy na nababalot ng dilim. Napatulala na lamang siya sa bintana na ngayo'y nakasara na. Sa tuwing nakikita niya ang lungkot sa mga mata nito ay muli rin siyang nanumbalik sa mapait na nakaraan.
Natauhan si Gael nang maramdaman ang hawak sa kaniyang balikat. Napatigil siya at napalingon sa kaniyang likuran. Nakahinga siya ng maluwag matapos makitang si Hilario iyon at hindi kung sino man. Nasa gilid sila ngayon ng kanilang mansyon at naglilibot si Gael nang mapatigil siya matapos matagpuan ang pigil na pagluha ng kaniyang kapatid na si Isla mula sa ikalawang palapag.
"Bakit?" tanong ni Gael at tinignan ang kaniyang kapatid. Laking pasasalamat niya sapagkat nagagawa na nitong hindi lumuha araw-araw, hindi tulad noong nakaraang mga taon kung saan sariwa pa sa kanila ang lahat.
Nagpapasalamat din siya sapagkat nagagawa na ring maging matatag ni Hilario kahit na kailanman, hindi na mawawala pa ang lungkot sa kanilang mga mata dahil sa pagkawala ng kanilang ina na siyang pinakamamahal nila sa lahat.
Sumulyap naman si Hilario sa tarangkahan bago muli sa kaniya. "Sinong nariyan?" tanong muli ni Gael. Nangangapa siya ngayon dahil ayaw sumagot ng diretso ng kaniyang kausap.
Nagtaka siya nang bigla itong mapangiti. "Si Binibining Sinta na naman," sagot na ni Hilario na ikinagulat ni Gael, kinakabahan siyang napasulyap muli sa tarangkahan at tila tumigil ang kaniyang mundo matapos tuluyang makapasok ni Sinta sa tarangkahan at agad siyang natagpuan.
Nagtama ang kanilang mga mata. Nang makita ang pagkislap ng mga mata nito at dali-dali na siyang umatras at pumunta sa direksyon kung saan hindi siya matatanaw nito. Tinignan niya muna ng masama si Hilario na ngayo'y pinipigilang matawa bago dali-daling naglakad paikot sa mansyon. Malamang ay si Hilario ang nagpahintulot na pumasok ito at masama ngayon ang kaniyang loob sapagkat parang hindi kapatid ang naging desisyon nito.
"Ginoong Gael!" napapikit siya matapos marinig ang pamilyar na sigaw ni Sinta. Tulad ng kaniyang inaasahan ay naabutan na nga siya nito at sinabayan sa paglalakad. Walang emosyon siyang nagbaba ng tingin kay Sinta. Nag-angat naman ito ng tingin sa kaniya at binigyan siya ng matamis na ngiti.
"Ano iyon, binibini?" nagtitimping tanong ni Gael, sinusubukang maging mahinahon. Napangiti ng labas ngipin si Sinta matapos marinig ang boses ni Gael at nagdulot iyon ng kiliti sa kaniyang puso.
Napaiwas naman ng tingin si Gael. Hindi magandang tignan na makita niya ang ngipin nito ngunit iyon ang ginagawa nito ngayon. Napailing na lang siya, hindi si Sinta ang tipo niya sa isang babae.
"Maaari mo akong tawaging Sinta, Ginoong Gael," ngiti ni Sinta. Umihip ang malakas na hangin kung kaya't nakarating sa kaniya ang pamilyar na bango ni Gael. Hindi pa natutuyo ang sahig dahil katatapos lang ng ulan ngunit wala naman siyang pakielam sapagkat kasama niya ngayon ang lalaking hindi niya alam kung bakit tinamaan siya.
"Maaari mo akong tawaging sinta ngunit mas ibig ko kung ako'y tawagin mong... Mahal," patuloy niya na ikinagulat nito. Gulat na napausog si Gael papalayo sa kaniya at gulat siyang tinignan. Napalunok ito, siya'y kinikilabutan talaga sa mga pinagsasasabi ni Sinta sa kaniya.
Hindi na lang nagsalita si Gael at muli na lang nagpatuloy sa paglalakad. Agad naman siyang sinundan ni Sinta at walang kurap na nag-angat ng tingin sa makinis na mukha ni Gael. Hanggang leeg lang siya nito. Nagbaba rin ng tingin si Gael sa kaniya at walang emosyon siyang pinagmasdan. Nagkatinginan silang dalawa, umihip ang malamig na hangin.
Sa tuwing magkasama silang dalawa ay hindi maiwasang kabahan palagi ni Gael dahil bigla ay baka may mangyaring hindi niya ikatutuwa. Malapit na siyang maglabing anim at ang babaeng kasama niya ngayon ay sadyang napakalakas sa ama nito at maging sa kaniyang ama kung kaya't ganoon na lamang kadali na makapasok ito sa kaniyang tahanan. Malapit na sila sa legal na edad. Sa madaling salita, baka wala sa oras ay maikasal siya.
Naramdaman ni Sinta ang pag-iinit ng kaniyang pisngi matapos siyang titigan nang matagal ni Gael. Sa simenteryo niya unang nasilayan si Gael De Vera. Siya'y nagluluksa noong mga panahong iyon dahil sa pagkamatay ng kaniyang ina. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay natagpuan niya si Gael na binisita rin ang puntod ng namayapa nitong ina. Magkalapit lamang sila.
Tila tinamaan ng pana ang kaniyang puso matapos makilala si Gael sa Cimenterio de Santa Prinsesa, apat na taon na ang nakararaan. Nang malaman kung saan ito nakatira at nalamang kaibigan ng kaniyang ama ang ama nito ay agad siyang nagpalakas kung kaya't ngayon ay naririto na siya at malayo na rin ang narating bilang tagahanga ni Gael.
Marami ring humahanga at nangangarap sa kaniyang sinta ngunit kailanman ay hindi siya magpapatalo at ngayon pa lang ay binabakuran na si Gael kahit hindi pa siya nito gusto.
Natauhan na si Gael at agad umiwas ng tingin, hindi niya namalayang sa mukha na pala ni Sinta siya napatulala. Naikot na nila ang mansyon at hindi niya ngayon alam kung paano makababalik sa kaniyang silid at maiiwan si Sinta.
Natauhan na rin si Sinta ngunit hindi naman umiwas ng tingin. Agad siyang umisip ng masasabi upang muli niyang mapukaw ang atensyon ni Gael na ngayo'y diretso lang ang tingin at walang emosyon ang mukha. Umihip ang malakas na hangin.
"Bakit palagi kang tahimik?" wala sa sariling tanong ni Sinta. Nang mapagtantong may punto naman ang kaniyang sinabi ay ngumiti na siya at taas noong tinignan si Gael na ngayo'y nagbaba muli ng tingin sa kaniya.
"Bakit palagi kang maingay?" tanong nito pabalik na ikinatigil ni Sinta, napahawak ito sa tapat ng kaniyang dibdib at tinignan si Gael ng pagtanggi dahil para sa kaniya ay hindi naman siya maingay.
Napakaingay lang. "Sa iyo lang ako ganito kung kaya't dapat ay magpasalamat ka," taas noong wika ni Sinta at tumingin sa harap nang mapagtantong nakarating na sila sa tarangkahan ng Hacienda De Vera.
Sa pagkakataong ito ay napangiti na si Gael ngunit agad niyang inalis iyon nang muli siyang lingunin ni Sinta. "Ako'y pinapaalis mo na ba?" tanong ni Sinta at biglang lumungkot ang mga mata sapagkat sinusubukan niya naman gawin ang lahat ngunit hindi pa rin niya magawang mapaamo ito.
"Wala akong sinasabihan ganiyan," tugon ni Gael na muling ikinangiti at ikinakislap ng mga mata ni Sinta. Napatigil naman si Gael matapos mapagtantong nagbibigay motibo ang kaniyang isinaad.
Sa huli ay napatalikod na lang siya at dali-daling naglakad papasok sa loob ng mansyon dahil pagod na siya ngunit muli siyang hinabol ni Sinta na tila hindi magsasawang habulin siya habang buhay.
ILINIBOT ni Enrique ang kaniyang paningin sa isang lugar na madalas niyang patunguhan. Nang makuntento ay nagsimula na muli siyang maglakad papasok sa loob ng pamilihan sapagkat siya'y nagugutom na at nais munang maghanap ng makakain.
Nakapasok na siya sa loob at nagsimula muling ilibot ang kaniyang paningin. Narito na siya ngayon sa hilera ng mga prutas. Habang nagtitingin-tingin ay napatigil siya matapos makita ang patong-patong na mga mangga sa isang malaking bakol. Bigla ay pumasok sa kaniyang isipan ang isang tao na mahilig kumain ng mangga.
Napahinga siya ng malalim at humakbang na papalapit sa tindahang iyon. "Magandang umaga, maaari bang makabili ng mangga?" tanong niya. Nais niya munang bumili ng mangga bago muling magbalik sa bayan ng Santa Prinsesa.
Mula sa ilalim ay nag-angat ng tingin sa kaniya ng tingin ang tinderang hindi niya alam na naroroon pala. Ngunit laking gulat niya matapos makita ang pamilyar na mukha ng babaeng gulat na napaupo sa sahig matapos siyang masilayan.
Gulat silang napatingin sa isa't isa. Napakurap ng tatlong beses si Enrique bago muling titigan ang babae ngunit ito pa rin ang mukha nito, ang nag-iisang hitsura ng kaniyang namayapang asawa na si Felicia.
"Sanya, ayos ka lang ba?" napatingin siya sa isang babae na lumapit kay Felicia at alalayan itong tumayo. Napatigil si Enrique matapos itong tawagin ng babae sa ibang pangalan na hindi niya kilala.
Sinubukang magsalita ni Enrique ngunit walang boses na lumabas sa kaniyang labi dahil sa pagkabigla. Sandali siyang tinignan ni Felicia bago dali-daling tumalikod at nagmadaling umalis. Napatigil naman si Enrique at sandaling hindi nakakilos dahil sa pagkabigla.
Sinundan niya ng tingin si Felicia na bigla na lamang nawala sa kaniyang paningin dahil sa dami ng tao na patuloy na naglalakad papunta sa iba't ibang direksyon. "Anong nangyari roon?" puno ng pagtataka ng tanong ni Hilaria at sinulyapan si Enrique na napatingin din sa kaniya matapos niyang magtanong sa hangin.
Napalunok si Enrique bago mapahinga ng malalim at hindi man siguro, agad na siyang humakbang papunta sa direksyon kung saan nagmadaling lumisan ng babaeng kamukhang-kamukha ng namayapa niyang asawa na si Felicia.
"Fe..." bulong ni Enrique sa kaniyang sarili habang patuloy na ilinilibot ang kaniyang paningin at umaasang muli niyang masumpungan si Felicia. Kay daming tao at kay ingay sa loob ng palengke kung kaya't hindi niya magawang makapag-isip ng maayos.
Napapikit siya at sa huli ay nagpatuloy muli sa paglalakad kung saan huli niyang natanaw si Felicia. Patuloy siyang naglakad hanggang sa marating na niya ang dulo at iyon ay sa daungan. Sandaling napatigil si Enrique at muling ilinibot ang kaniyang paningin.
Bumaba na siya ng hagdan at humakbang patungo sa daungan. Umihip ang malakas na hangin. Hapon na at makulimlim ngayon ang kalangitan. Marami mang tao sa kapaligiran ngunit nabuhayan siya ng pag-asa matapos masilayan si Felicia sa muling pagkakataon. May sampung hakbang silang layo sa isa't isa.
Ngunit dahan-dahang humupa ang pag-asang kaniyang nararamdaman matapos makita ang kasama nitong lalaki. Napatingin siya magkahawak kamay ng dalawa. Hinawakan nito ang pisngi ni Felicia at nginitian. Sa kauna-unahang pagkakataon, matapos ang napakahabang panahon, nasilayan na muli ni Enrique ang ngiti ni Felicia na kailanman ay hindi nito nagawang ibigay sa kaniya at tanging sa iba lamang.
Tila napako ang kaniyang mga paa mula sa kaniyang kinatatayuan at hindi makagalaw habang nakatingin ngayon ng diretso kay Felicia. Harap-harapan niyang nakita ang paghakbang ng lalaki papalapit dito at yakapin ng mahigpit.
Tila tumigil ang pagtibok ng kaniyang puso matapos yakapin pabalik ni Felicia ang lalaking hawak ngayon ang kaniyang likuran. Ipinikit ni Felicia ang kaniyang mga mata at nakangiting dinama ang yakap ng kaniyang kasintahan na kung dati ay si Enrique ngunit ang lahat ng iyon ay hindi na niya magawang maalala pa.
Tila muling naulit ang ala-ala ng nakaraang unti-unti nang nagbabalik. Mga ala-alang patuloy na ginugulo ang kasalukuyan. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang pagtanaw na lamang ni Enrique sa kaniyang nakaraan na ngayo'y may bago nang mundo sa kasalukuyan.
Ang mapait na nakaraang hindi na magagawa pang matumbasan ng masayang kasalukuyan.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top