BALANG ARAW KABANATA 17
[Kabanata 17 - Estranghero]
WALANG emosyon na tinatanaw ngayon ni Isla ang nakatalikod na si Katarina at nakasakay na sa kalesa nito paalis. Walang ibang nagawa si Katarina kung hindi umalis na lang sapagkat mukha hindi talaga siya titigilan ng katarayan ni Isla hangga't hindi siya lumilisan sa tahanang minsan na niyang pinangarap.
Nang mawala na si Katarina sa paningin ni Isla ay napahinga na ito ng malalim at tumalikod na. Ilinibot niya ang kaniyang paningin sa kapaligiran ng mansyon na ngayo'y walang katao-tao. Napakagat siya sa kaniyang labi matapos masilayan ang nakaraan sa kaniyang kapaligiran kung saan naglalaro silang mag-aama sa kanape at nagkikilitian habang pigil ang tawang pinagmamasdan naman sila ni Felicia na nakaupo sa kabisera.
Napayuko na lamang si Isla. Sa totoo lang ay nangungulila na siya sa dating siya. Nais na niyang manumbalik muli ang makulit at masiglang si Isla ngunit hindi niya rin magawa. Sapagkat ganoon lamang ang kaniyang naging ugali noon dahil nariyan si Felicia at dito siya pinaka-komportable.
Ngunit ngayo'y wala na ito. Minsan ay tinatanong niya ng kaniyang sarili kung bakit ba siya patuloy na umaasa at naghihintay sa wala? Patuloy na umaasang buhay pa si Felicia at naghihintay na muli nitong pagbabalik. Patuloy iyong sinisigaw ng kaniyang puso kahit na imposibleng mangyari pa ang kaniyang nag-iisang adhika.
Mula sa pagkakatulala ay natauhan si Isla nang marinig ang katok sa malaking pinto ng kanilang mansyon na nakabukas naman. Napapikit siya saglit bago dahan-dahang lingunin ang kumatok ngunit napatigil siya matapos makitang hindi iyon si Katarina na bumalik tulad ng kaniyang inaasahan.
"Magandang umaga, Isla! Maaari ba akong... Makigamit ng palikuran?" tanong ni Binibining Maria Sinta Sierra sabay ngiti kay Isla na ngayo'y walang reaksyong nakatingin din sa kaniya. Nagmula sa mayamang angkan ang dalagang kausap niya ngayon ngunit wala naman siyang pakielam sapagkat marangya rin siya.
"Bakit? Wala bang palikuran sa inyong mansyon?" tanong pabalik ni Isla na ikinatigil ni Sinta. Napahawak ito sa tapat ng kaniyang puso at tila biglang naluha dahil sa pagsusungit sa kaniya ni Isla. Labing isang taong gulang lamang ang kaniyang kausap at maglalabing limang taong gulang na siya ngunit mas emosyonal pa siya rito.
"Isla." Sabay na napalingon ang dalawa kay Hilario nang mula sa itaas ay bumaba ito at dumiretso sa kanila. Bumaling ito kay Isla, ang boses niya ay nanunuway sapagkat wala talaga sa lugar ang pagtataray ng kaniyang kapatid. Inaaraw-araw pa.
Hindi na sila pinansin pa ni Isla at naglakad na papanik sa itaas. Napakamot si Hilario sa kaniyang ulo bago muling balingan si Sinta na ngayo'y namula na ang pisngi. "Magandang umaga, Binibining Sinta! Ano ang iyong kailangan dito?" tanong ni Hilario at ngumiti, nahihiyang ngumiti pabalik si Sinta at tinakpan ang kaniyang mukha gamit ang hawak niyang abaniko.
Sa loob-loob niya ay nais na niyang mahimatay dahil sa sobrang hiya. Kahit na sinusungitan siya palagi ni Isla ay ito lamang ang kaya niyang kausapin kapag ang kaniyang nais gawin ay may halong kaharutan. Napatikhim na si Sinta at muling nag-angat ng tingin kay Hilario na ngayo'y kasing tangkad na niya.
"M-maaari ba akong makigamit ng palikuran?" halos mahimatay na sa kabang tanong ni Sinta, lumawak bigla ang ngiti sa labi ni Hilario matapos mapagtanto ang tunay na pakay ni Sinta sa kanilang tahanan. Pinigilan niya na lamang matawa bago tumango at ituro ang daan patungo sa palikuran.
Nagpasalamat naman si Sinta bago dumiretso sa palikuran na itinuro sa kaniya ni Hilario. Pagkapasok sa loob ng palikuran ay napatakip siya sa kaniyang bibig at napasigaw ng walang boses. Naghilamos na lamang siya sa tubig na nasa balde. May tali ito at siyang ginagamit upang makakuha ng tubig sa balon na konektado sa palikuran.
Wala naman talaga siyang kailangan sa palikuran ngunit ito ang kaniyang paraan at dahilan upang makapasok muli sa mansyon ng mga De Vera.
Sa kabilang banda, nang tuluyang makapanik sa ikalawang palapag ay naglakad muna si Isla papunta sa tapat ng pinto ng silid na katapat ng kaniyang cuarto. Kumatok muna si Isla sa cuarto ng kaniyang kuya Gael bago dumiretso na sa kaniyang silid upang muling magpahinga sapagkat bumaba lang naman siya upang palayasin ang taong umaaligid sa kaniyang ama.
Bumukas naman ang pinto ng silid ni Gael at tumingin sa magkabilang dulo ng pasilyo ngunit wala namang tao. Napahinga siya ng malalim at nagsuot muna ng damit pang-itaas bago lisanin ang kaniyang cuarto at naglakad pababa. Matalim ngayon ang kaniyang mga mata sapagkat gumagawa siya ng takdang aralin ngunit may umistorbo sa kaniya.
Nang makababa ay ilinibot ni Gael ang kaniyang paningin ngunit walang tao. Napasapo na lang siya sa kaniyang noo bago humakbang na papanik muli sa itaas. Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan nang maramdaman ang presensyang sumusunod sa kaniya mula sa likuran.
Bumagal ang hakbang ni Gael hanggang sa malibis niyang lingunin ang kaniyang nasa likuran ngunit laking gulat niya nang masilayan si Sinta na nasa likuran na nga niya at ang mas lalong nagpagulat sa kaniya ay ang muntikang pagtatama ng kanilang mga mukha.
Dahil sa gulat at pagkabigla ay muntikan nang mawalan ng balanse si Sinta ngunit mabuti na lamang at agad nahawak ni Gael ang kaniyang likod, napahawak din si Gael sa hawakan ng hagdan upang hindi sila tuluyang mahulog dalawa. Ngunit ang katotohanang hindi tama ang kanilang ginagawa ngayon ay ang siyang nagpaistatwa sa kanilang dalawa.
Gulat silang napatingin sa mga mata ng isa't isa. Agad naman siyang hinatak patayo ni Gael at mabilis na binitawan. Napalunok ang binata bago mabilis na ilinibot ang kaniyang paningin dahil sa takot na baka may nakakita sa kanila. Napapikit si Gael bago muling balingan si Sinta na ngayo'y nakatulala sa kaniyang mukha.
Napaatras si Gael dahil sa nakakikilabot nitong tingin. Sa isip ay ito marahil ang kumatok sa kaniyang pinto kanina. "A-anong ginagawa mo rito?" tanong ni Gael at lumingon sa kaniyang likuran. Iniisip na niya ngayon kung paano tatakasan ang babaeng apat na taon nang ginugulo ang buhay niya.
"Magandang umaga, Ginoong Gael..." pagbati ni Sinta at dahan-dahang napangiti ng sobrang lawak. Nais na niyang magtatalon ngayon sa tuwa dahil hinawakan ni Gael ang kaniyang likod kahit na hindi iyon tama sa patakaran ng kanilang mundo.
Hindi naman siya nababahala sapagkat pinabili niya si Hilario sa labas at walang nakakita sa pangyayaring iyon na tanging siya at kaniyang sinta lamang ang makakaalam.
Habang si Gael naman ay kinikilabutan na sa titig ni Sinta sa kaniya. Hindi niya nga nais tawagin si Sinta sa pangalan nito dahil baka kung anu-ano ang pumasok sa isipan nito. Naghanda na siya sa kaniyang pagtaas na natunugan na ni Sinta.
"M-magandang umaga," mabilis na pagbati ni Gael at dali-daling tumakbo papanik ngunit dahil inaasahan na iyon ni Sinta ay agad niyang nahabol si Gael. Akmang hahawakan niya ang likod nito ngunit agad umiwas si Gael at napaupo sa gilid ng hagdan.
Hinihingal itong napatingin sa kumikislap na mga mata ni Sinta bago dali-daling tumakbo pababa ng hagdan. Napapikit siya sa kaniyang ginawang iyon sapagkat mas lalo lamang siyang mahahabol ni Isla. Tulad ng kaniyang inaasahan ay nakipaghabulan na naman siya kay Sinta na hindi niya alam kung ano ba ang saltik sapagkat patuloy siyang hinahabol nito kahit halata namang hindi niya ito gusto.
Hindi niya akalaing ganito pala ang kaniyang haharapin sa sinasabing buhay pag-ibig na kailanman ay hindi niya pinangarap dahil sa kinahinatnan ng kaniyang mga magulang mula sa pagsasama nitong pinagtibay lamang ng isang kasunduan.
ISA-ISA nang bumababa ang mga tao barkong ilang araw nilang sinakyan patungo sa pook ng maynila. Isa na roon si Enrique na sumabay sa agos ng mga tao pababa ng barko. Nang makalayo sa mga tao ay tumigil na siya sa paglalakad at ilinibot ang kaniyang paningin sa siyudad ng maynila.
Payapa ngayon ang pag-alon ng katubigan sa daungan. Umiwas na ng tingin si Enrique at inayos ang kaniyang suot na abrigo bago magpatuloy sa paglalakad patungo sa kaniyang paroroonan.
Dalawang kalesa ang kaniyang sinakyan bago makapunta sa lugar na ayon sa kaniyang nakausap ay taga-roon. Mayroon siyang pamilyang nakilala sa maynila noong huling beses siyang nagtungo rito at ngayo'y nagbalik siya sapagkat bilang isang doktor ay kailangan siya ng anak ng kaniyang kaibigang Don na tanyag sa maynila at kinakailangan ang tulong niya.
Ngunit makalipas ang ilang minutong paglalakad ay napatigil siya matapos mabunggo ang isang babae na noo'y pinagmamasdan ang kalangitan. Dahil malalim ang kaniyang iniisip, hindi niya napansing maling daan na pala ng kaniyang dinadaanan at nasa payapang kalsada na siya ngayon na walang katao-tao.
Napatigil si Enrique at nag-angat ng tingin sa babaeng tuluyang nahulog sa sahig dahil sa malakas na pagtatama nilang dalawa. Humakbang siya at akmang aalalayan na ito patayo ngunit tila naistatwa siya sa kaniyang kinatatayuan matapos mamukhaan ang babaeng ngayo'y napahawak sa kaniyang balikat.
Dali-dali naman itong tumayo bago mabilis na lingunin siya. Sa muling pagkakataon ay nasilayan niya ang matalim nitong mga mata. Nagtama ang kanilang paningin, tila nabuhusan ng napakalamig na tubig ang buong katawan ni Enrique matapos tuluyang masilayan ang pamilyar nitong mukha.
Matangkad, mestiza, may makapal na kilay, mapungay ang mga mata, mahaba ang pilik mata, katamtaman ang tangos ng ilong, manipis ang labi, may tuwid, mahaba, at itim na buhok na tulad noon ay palaging nakasipit mula sa likod. Walang kurap niyang pinagmasdan ngayon ang babaeng apat na taon na niyang hindi nasilayan.
"F-fe..." nabibiglang pagsambit niya sa pangalan ng kaniyang asawa. Nakita niya ang pagkatigil sa mukha nito bago mag-angat ng tingin sa mga mata niyang puno ng pagkabigla.
Umihip ang malamig na hangin. Tila saglit na tumigil ang pagtibok ng kaniyang puso habang walang kurap na pinagmamasdan ngayon ang mukha ng babaeng naguguluhan ding nakatingin sa kaniya. Walang pinagbago ang mukha nito, tulad niya ay walang nagbago hitsura nito. Tanging ang kanilang mga buhay lamang ang nagbago na tila hangin sa isang iglap.
"F-felicia..." ang muling pagsambit ni Enrique sa pangalan ng kaniyang asawa bago agad humakbang papalapit dito upang mahagkan sa muling pagkakataon.
Laking gulat ni Felicia matapos siyang yakapin ng mahigpit ng lalaking hindi niya nakikilala. Dahil sa gulat ay dali-dali niya itong tinulak papalayo sa kaniya. "S-sino ka? Hindi kita kilala!" nabibiglang tanong at sigaw niya bago mapaatras.
"F-fe, paanong..." hindi na natapos sambitin ni Enrique ang kaniyang tanong at sinubukang humakbang papalapit dito ngunit agad din itong umatras.
"Paumanhin. Hindi kita kilala," pagtatapos na ni Felicia bago dali-daling tumakbo papalayo sa estrangherong hindi niya alam kung bakit bigla siyang niyakap nang walang pakundangan. Tumakbo na siya papalayo sa lugar na iyon dala-dala ang takot at pagkabigla dahil tila nagsisimula na siyang balikan ng nakaraang hindi niya magawang maalala.
Naiwang tulala at mag-isa si Enrique sa ilalim ng puno at sa kalagitnaan ng paglubog ng araw. Sa muling pagkakataon ay nag-angat siya ng tingin sa direksyon kung saan tumakbo papalayo ang babae ngunit nawala na rin ito sa kaniyang paningin.
Napahawak siya sa kaniyang noo at napapikit. Sa kaniyang isip, marahil ay ginawa lamang ng kaniyang isip ang nangyari at dinalaw lamang din siya muli ng ala-ala ng kaniyang namayapang asawa. Mga ala-alang sa pagkakataong ito ay tila nagsisimula nang magbalik muli.
KINABUKASAN, lumisan na si Enrique sa bahay panuluyan kung saan siya nanatili buong gabi. Kahapon ay inabutan na siya ng gabi, huli na nang makarating siya sa intramuros kung saan naninirahan ang kaniyang patutunguhan. Mabuti na lamang at buong puso pa rin siyang tinanggap ng mga ito kahit na siya'y nahuli.
Buong gabi ay hindi siya nakatulog dahil sa nangyari kahapon kung saan nasilayan niya si Felicia. Hindi niya alam kung ano nga ba ang totoo. Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na guni-guni niya lamang iyon ngunit sa kabilang banda ay malakas din ang kutob niyang si Felicia nga ang kaniyang nakatagpo.
Makalipas ang isang oras ay narating na niya ang lugar na nais niyang muling patunguhan, ang lugar kung saan nasilayan niya ang babaeng kamukhang-kamukha ni Felicia. Ngunit dahan-dahang bumagal ang kaniyang paghakbang matapos makitang walang sino mang tao ang nasa ilalim ng punong iyon.
Umihip ang malamig na hangin. Napayuko na lamang si Enrique at napabuntong hininga. Sa isip, marahil ay panahon na upang muli niyang tanggapin ang katotohanang matagal nang namayapa ang babaeng minsan niyang naging kabiyak at hindi na muli pang magbabalik.
"SANYA? Ika'y ayos lang ba?" tanong ni Hilaria nang mapansing kanina pa tahimik ang kaniyang kaibigan. Alam niyang tahimik naman talaga ito ngunit alam niya rin ang kaibahan ng tahimik sa hindi na nagsasalita pa.
Narito silang dalawa ngayon sa loob ng palengke upang tulad ng dati ay kumita ng salapi. Hindi naman siya pinansin ni Felicia at nagpatuloy lang sa ginagawa nito sa ilalim ng lamesa na kaniyang pinaglalagyan ng mga paninda. Kasalukuyan siyang lumulutang dahil sa lalaking sumasakop sa kaniyang isipan hanggang ngayon.
Inikutan na lamang siya ng mata ni Hilaria bago mapatingin sa kastilang lalaking isa-isang tinitignan ngayon ang mga prutas na paninda ni Felicia. Bigla ay napahawak si Hilaria sa kaniyang kinauupuan at napakurap ng dalawang beses.
Nais niya sanang tawagin muli si Felicia upang sabihing may parokyano ngunit napatulala siya sa kalmadong mukha ng lalaking iyon na talagang agaw pansin sapagkat maging ang ibang tinderang kanilang kahilera ay napatingin din dito.
"Magandang umaga, maaari bang makabili ng mangga?" tanong nito na siyang nagpagising sa lumulutang na kaluluwa ni Felicia. Napaangat siya ng tingin sa kaniyang harapan at gulat siyang napaupo sa sahig matapos muling masilayan ang lalaking yumakap sa kaniya kagabi.
Maging ito ay napatigil at gulat na pinagmasdan siya. Gulat silang napatingin ng diretso sa mga mata ng isa't isa na puno ng tanong at pagkabigla. Hindi makapaniwala si Felicia na sa muling pagkakataon ay masisilayan niya ang estranghero na nagpapagulo sa kaniyang isipan hanggang ngayon.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top