BALANG ARAW KABANATA 16
[Kabanata 16 - Pamilyar]
"INAY magandang umaga po," tuloy-tuloy ang pagsasalita na bati ni Felicia kay Nay Anchita matapos magising at masilayan ang kaniyang inang nagluluto ng kanilang agahan. Bumangon na siya at tinupi ang ginamit na kumot.
"Anong maganda sa umaga, aber?" masungit na tanong ni Nay Anchita na ikinatakip ni Felicia sa kaniyang bibig. Nagpatuloy na lamang siya sa pagliligpit ng kaniyang pinaghigaan. Araw-araw na lamang masama ang loob ng kaniyang ina.
Sa isang mataas at payat na kamang gawa sa kahoy ang higaan ng kaniyang ina habang siya naman ay natutulog sa banig na nasa baba at gilid ng kama ni Nay Anchita. Matanda na ito at sa totoo nga lang ay kailangan nito nang mas magandang higaang pagtutulugan.
Sa isip ni Felicia, sa oras na siya'y makaipon ay bibilhan niya ng bagong higaan at palalawakan ang kanilang munting tahanan bilang pasasalamat sa lahat ng ginawa ni Nay Anchita sa kaniya kahit na hindi niya naman ito kadugo. Kahit na ina-inahan niya lamang si Nay Anchita, isa na itong napakahalagang tao sa kaniyang buhay.
Nang matapos magligpit ng pinaghigaan ay nagtungo saglit si Felicia sa masigip nilang palikuran upang maghilamos at magmumog. Masikip man ang kanilang tahanan ngunit napakaaliwalas naman sapagkat sadyang napakalinis ni Nay Anchita at hindi mapipirmi hangga't madumi ang kaniyang kapaligiran. Lumabas na si Felicia sa palikuran at dumiretso kay Nay Anchita.
"Inay, ano po ang pakiramdam na magkaroon kayo ng napakarikit na anak?" hirit ni Felicia at niyakap ang braso ng kaniyang ina. Napakamot naman si Nay Anchita sa kaniyang ulo sapagkat magsisimula na naman ang kakulitan ni Felicia. Napatingin siya sa nakabukas na bintana at maaliwalas ang kalangitan.
"Ako'y tigilan mo nga, Sanya. Ang tanda-tanda mo na," suway ni Nay Anchita at napailing-iling. Nagpatuloy na siya sa paghahalo ng kaniyang niluluto at pinanatiling sakto ang lakas ng apoy na nagmumula sa pinagdikit-dikit na kahoy.
Napahalukipkip naman si Felicia. "Para sabihin ko ho sa inyo, wala akong edad. Mayroon lamang kaarawan," saad niya at nagtaas ng kilay. Sa kaniyang ala-ala ay apat na beses pa lamang siyang nagdidiwang ng kaarawan na ipinagkaloob din sa kaniya ni Nay Anchita kung kaya't para sa kaniya ay apat na taong gulang pa lamang din siya.
Akmang magsasalita na muli si Nay Anchita upang sagutin si Felicia ngunit naunahan na siya nito. "Inay, napakaganda niyo po," pambobola ni Felicia at dali-daling naglakad palabas sa kanilang tahanan upang makalanghap na ng sariwang hangin.
Nang makalabas ay sinipit na ni Felicia ang kaniyang buhok habang sinasalubong ang malamig na ihip ng hangin. Alas-siyete na ng umaga. Simula nang mabuhay si Felicia sa kaniyang bagong mundo na ito, lumabas ang nakatago niyang kakulitan na hindi niya mailabas noong siya'y nabubuhay pa sa kaniyang totoong mundo.
Mula sa kaniyang tahanan na nakatayo sa may kataasang bahagi ay kaniyang matatanaw ang daungan kung saan matatanaw niya rin ang mga alon na ngayo'y payapa. Napatigil si Felicia matapos maramdaman ang presensyang papalapit sa kaniya. Agad siyang lumingon at nasilayan niya si Flavio na dahan-dahang naglalakad papalapit sa kaniya ngunit natigil iyon nang siya ay lumingon na.
Napangiti si Felicia at siya na ang tuluyang lumapit kay Flavio na ngayo'y bumagsak ang balikat dahil palagi na lamang nababasag ni Felicia ang kaniyang mga nais gawin dito. "Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Felicia, hinawakan naman ni Flavio ang kamay niya.
"Upang bisitahin ka ngunit paumanhin sapagkat kailangan ko na ring lumisan," sagot ni Flavio na ikinakurap ng dalawang beses ni Felicia.
"Saan ka naman magtutungo?" usisa ni Felicia at nagtatanong na tinignan si Flavio, hinawakan naman nito ng mahigpit ang kamay niya. "Paumanhin. Sa daungan upang mangisda, Sanya," sagot muli nito habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Felicia.
"Sanya?" patanong na wika ni Felicia sa kaniyang pangalan. Agad naman napagtanto ni Flavio ang nais kwestyonin ng kaniyang kasintahan. "Mahal. Paumanhin muli, aking mahal..." tuluyang gumihit ang ngiti sa labi ni Felicia dahil sadyang napaka-inosente nito pagdating sa kaniya.
Hindi pa nga nagsisimula ang kanilang pagtatalo ngunit agad na itong humingi ng paumanhin. Palagi lamang itong ganito kung kaya't kailanman ay hindi sila nagkaroon ng malalang pagtatalo. Natatawa na lamang si Felicia sapagkat sumobra naman yata sa kalusugan ang relasyon nilang dalawa.
"Paalam na muna, mahal ko. Ako'y mauuna na," pamamaalam na ni Flavio at hinaplos ang makinis na pisngi ni Felicia bago ito yakapin ng mahigpit. "Mag-iingat ka," bilin ni Felicia at tinapik ang likod nito bago mapangiti na rin.
Bumitaw na rin si Flavio sa yakap nilang dalawa nang bumukas ang pinto ng tahanan nila Hilaria at lumabas na doon ang kasamahan at kaibigan niyang si Julio, dalawampu't limang taong gulang na ito. Kasama niya rin si Hilaria sa paglabas. Magkapit-bahay lamang si Hilaria at Felicia kung kaya't madali sa kanilang magsama patungo sa kung saan-saan.
Nagtungo si Flavio sa nakabukas na pinto ng tahanan nila Felicia upang magpaalam din kay Nay Anchita ngunit hindi siya pinansin nito at nagpatuloy sa pagluluto. Napakamot na lamang si Flavio sa kaniyang ulo at nagsimula nang maglakad paalis kasama si Julio. Hanggang ngayon ay tila hindi pa rin siya nakapapasa kay Nay Anchita at palagi siyang sinusungitan; bagay na hindi naman malaking bagay kay Flavio sapagkat ganoon din naman ito sa lahat.
Sa huling pagkakataon ay nilingon niya si Felicia na tinatanaw ang kaniyang paglisan habang katabi si Hilaria. Kumaway siya at kumaway naman ang dalawa pabalik. Napangiti si Flavio at nagpatuloy na sa pag-alis dala ang ngiting ibinigay sa kaniya ni Felicia simula nang masilayan niya ang ganda nito.
Si Felicia ang kaniyang unang pag-ibig, at nais niyang ito na rin ang maging huli hanggang sa wakas.
Nagpaalam na si Hilaria sapagkat may kailangan pa itong gawin sa kaniyang tahanan. Napahinga naman ng malalim si Felicia at sa muling pagkakataon ay napatulala sa kawalan. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang muling panunumbalik ng mga tanong sa kaniyang isipan na palaging nangyayari sa tuwing siya'y mag-isa.
Mga katanungan na hindi niya alam kung kailan mapupunan ng kasagutan. Masaya man siya sa mundong kaniyang kinagagalawan ngayon ngunit hindi tuluyang mabubuo ang kasiyahan at kapayapaan sa kaniyang puso hangga't hindi nagbabalik ang mga ala-alang pilit isinisigaw ang katotohanan.
MAALIWALAS ang kalangitan. Narito ngayon si Enrique sa sala at nakaupo sa kanape ng kanilang mansyon. Siya ay tuluyan na dapat lilisan ngunit may panauhing biglang dumating kung kaya't sandali munang nanatili si Enrique upang tugunan ang mga nais sabihin nito.
"Maraming salamat," pasasalamat ni Katarina sa mga isinagot sa kaniya ni Enrique patungkol sa kaniyang tiyo na may idinaramdam. May mga itinanong siya kay Enrique na agad naman nitong natugonan.
"Walang anuman, Binibining Katarina," tugon ni Enrique at ngumiti ng kaonti. Napangiti rin si Katarina, simula pa noon ay talagang palangiti na ito ngunit ngayo'y tila may mali na sa ngiting ibinibigay nito sa lahat.
"Ika'y masyado namang pormal, Enrique. Ako lang naman ito," tawa ni Katarina at ikinumpas ang kaniyang abaniko upang itago ang kaniyang mukha. Habang nakayuko ay napangiti muli ng kaonti si Enrique, hindi pa rin nagbabago ang kaniyang dating kasintahan. Ganito pa rin ito hanggang ngayon.
Makalipas ang ilang saglit ay muli nang nag-angat ng tingin si Enrique. "Siya nga pala, Katarina, ako'y mauuna na rin. Maraming salamat muli sa iyong pag-aalala sa aking mga anak. Ikaw na muna ang bahala sa kanina," pamamaalam na ni Enrique at tumayo na, tumayo rin si Katarina at malugod na tumango kay Enrique.
"Iyong asahan," wika ni Katarina at ngumiti ng mayumi. Tumango na rin si Enrique sa kaniya at itinapat sa kaniyang dibdib ang suot niyang sumbrero bago naglakad na paalis sa kaniyang mansyon.
Tinanaw na lamang ni Katarina sa bintana ang paglisan ni Enrique habang nakasakay sa kalesa. Napahinga siya ng malalim bago mapasandal sa bintana at mapatulala sa kawalan.
Simula nang siya'y makauwi galing Siam (Thailand) ay dumiretso siya sa Santa Prinsesa upang balikan ang bayan na kaniyang pinagmulan, at upang balikan ang kaniyang nakaraan. Apat na taon na ang nakararaan simula nang maglakas loob siyang aminin kay Enrique na gusto niya pa rin ito at kung handa na ito, bukas ang puso niyang muling tanggapin si Enrique bilang kaniyang kasintahan muli.
Tinanggap ni Enrique ang kaniyang pagkukusang loob na alagaan sina Gael, Hilario, at Isla. Kilala ng pamilya De Vera si Katarina Cortez at alam nila maliban kay Laureana ang naging pagsasama ng mga ito kung kaya't hindi naman naging problema sa kanila ang pagbabalik ni Katarina.
Ngunit kasalungat nito ang pamilya Vergara na siyang pamilya ni Felicia. Hindi nila matanggap lalong-lalo na si Alfredo ang katotohanang tila basta na lamang nilang pinalitan si Felicia. Minsan nilang naisip na baka nga nagpakamatay si Felicia dahil sa labis na problemang alam nilang kinahaharap nito noong mga panahong iyon.
Nawala na ang koneksyon sa pagitan ng pamilya De Vera at Vergara simula nang mawala si Felicia.
Natauhan lamang si Katarina nang may abanikong kumumpas sa kaniyang harapan. Nagbaba siya ng tingin sa babaeng hanggang balikat na niya. "Ano ang inyong ginagawa rito?" tanong ni Isla at ibinaba ang hawak niyang abaniko. Umihip ang malamig na hangin na siyang sumalubong kay Isla na nakaharap sa tapat ng bintana.
Sinubukang ngumiti ni Katarina. "N-narito ako upang alagaan ka, kayo ng mga kapatid mo, Isla..." sagot ni Katarina at tinignan ng diretso si Isla sa mga mata nitong puno ng kalungkutan.
Walang emosyon siyang tinignan din ng diretso ni Isla. "Para saan?" tanong muli ni Isla. Habang pinagmamasdan ni Katarina ang walang emosyong mukha ni Isla ay tila kaharap niya ang ina nitong si Felicia.
"Kailangan pa ba ng dahilan upang kayo'y alagaan ko?" nakangiti nang mahinahon na tanong ni Katarina, hindi naman nagbago ang reaksyon ni Isla. Wala pa rin ito tulad ng kaniyang paki sa sinasabi ng kaharap niya ngayon.
Apat na taon na itong pabalik-balik sa kanilang tahanan at alam na ni Isla ang dahilan, at iyon ay dahil nais nitong makuha ang kanilang ama. Matagal na siyang may galit kay Katarina dahil itinuturing niya itong kerida ng kaniyang ama.
"Oo. Maipapangako mo ba na kami ay iyong aalagaan hanggang sa dulo?" tanong ni Isla. Maglalabing dalawang taong gulang pa lamang siya at nararapat lang na siya ay maging masaya muna sa kaniyang pagiging isang bata ngunit masyadong maaga nang siya ay mamulat sa reyalidad, na nawala ang kaniyang ina nang walang hustisya.
"Pangako," wika ni Katarina at muling nginitian si Isla sapagkat patuloy itong umaasang mapangiti si Isla kahit kaonti. Simula nang makita niya ito sa unang pagkakataon ay hindi niya pa kailanman nasilayan ang matamis nitong ngiti.
"Hindi ako naniniwala sa isang pangako..." malamig na saad ni Isla at tumingin ng diretso sa mga mata ni Katarina. "Kung kaya't makakaalis ka na. Hindi namin kailangan ng isang taong nais kaming alagaan sapagkat may adhikain din siyang iba," patuloy ni Isla at isinara ang kaniyang mamahaling abaniko upang itinuro kay Katarina ang daan paalis.
Hindi kailanman naniwala si Isla sa isang pangako, sapagkat ang isang pangako ay nakalaan lamang upang mapako rin sa huli.
ILINIBOT ni Felicia ang kaniyang paningin sa isang malaking puno, nasa ilalim siya nito at payapa ang buong kapaligiran. Kanina'y nagkatagpo sila ni Flavio at napag-usapan nila na muling magkita sa kanilang tagpuan kung kaya't naririto ngayon si Felicia, sa tagpuan nilang dalawa.
Makalipas ang isang oras na paghihintay ay tumayo na si Felicia sa ilalim ng puno. Umihip ang sariwang hangin. Humakbang siya ng kaonti papalayo sa malaking puno at ilinibot ang kaniyang paningin. Iniisip niya ngayon si Flavio, hindi niya alam kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin ito.
Napatingin si Felicia sa kalangitan na ngayo'y magkahalong kahel at asul. Ngunit napatigil siya nang may bumunggo sa kaniyang braso na siyang dahilan upang mawalan siya ng balanse. Napatumba siya sa sahig at napahawak sa braso niyang nabunggo ng taong hindi niya alam kung sino.
Dali-dali naman siyang tumayo bago mabilis na lingunin ang taong bumunggo sa kaniya habang nakahawak pa rin sa kaniyang braso. Nagtama ang paningin nila ng lalaking walang kurap na nakatingin ngayon ng diretso sa mga mata niya.
"F-fe..." ang pagsambit nito sa pangalang hindi niya alam kung bakit tila pamilyar sa kaniya. Napatigil si Felicia at nag-angat ng tingin sa mga mata nitong puno ng pagkabigla.
Tinignan niya ang lalaking iyon mula ulo hanggang paa. Matangkad, maputi ang balat, may magandang hubog ng katawan, makapal ang kilay, kalmado ang mga mata, matangos ang ilong, manipis ang labi, at may itim na buhok na tumatama sa kilay nito. Umihip ang malamig na hangin na siyang marahang nagpatangay sa kaniyang saya at sa kaniyang mahabang buhok.
Habang patuloy na umiihip ang malakas na hangin at habang nakatingin ng diretso sa lalaking hanggang ngayon ay hindi makapaniwalang pinagmamasdan siya, hindi niya alam kung bakit sa muling pagkakataon ay nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang puso na palagi niyang nararamdaman sa nakaraan niyang mundo.
Hindi niya alam ngayon kung bakit tila biglang nagbago ang pag-ikot ng kaniyang mundo, hindi niya alam kung bakit tila nanumbalik siya sa nakaraang hindi niya magawang maalala habang nakatingin ng diretso sa lalaking hindi niya maunawaan kung bakit tila pamilyar sa kaniya.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top