BALANG ARAW KABANATA 15
[Kabanata 15 - Noon]
NAKATULALANG pinagmamasdan ngayon ni Isla ang ginawa niyang obra. Katatapos niya pa lamang nito ngayon at tulad ng dati hindi siya nasiyahan sa kaniyang natapos. Simula nang mawala ang kaniyang ina na si Felicia, tila lahat na lamang ng kaniyang makikita at gagawin ay puro kadiliman.
Nanatili siyang nakatingin sa kuwadernong kulay asul na siyang ibinigay sa kaniya ni Felicia, apat na taon na ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay gamit pa rin ito ni Isla at labis na iniingatan. Labis niyang pinahahalagahan ang bawat pahina na maaaring 'di kalaunan ay magtapos na rin.
Dahan-dahan nang isinara ni Isla ang kuwaderno kung saan natuyo na ang ipininta niyang malaking alon na kulay itim. Kung iyong makikita at mabubuksan ang kuwadernong iyon, kadiliman at kalungkutan ang iyong masisilayan na kung dati ay puno ng kulay.
Dahan-dahang ilinibot ni Isla ang kaniyang paningin sa kaniyang silid na ngayo'y nababalot ng dilim. Palagi lamang nakasara ang pinto at mga bintana ng kaniyang cuarto at tila wala nang balak pang tumakas sa kadiliman ng nakaraan. Lahat ay sinasabing kalimutan na niya ang nakaraan at palayain ng kaniyang puso ngunit hindi naman iyon ganoon kadali lalo na't ang taong pilit nilang sinasabing kalimutan na niya ay ang kaniyang mundo.
Nang maramdaman ang luhang tumulo sa kaniyang pisngi ay tumayo na siya sa upuan at dala-dala ang kuwadernong humiga sa kama. Sa kaniyang tabi ay naroon ang unan at nakasuot doon ang baro ng kaniyang ina upang kahit papaano ay maramdaman niyang nasa tabi niya lamang si Felicia.
Ipinikit na ni Isla ang kaniyang mga mata at niyakap ang kuwaderno na kaniyang naging huling ala-ala sa kaniyang ina bago sa isang iglap ay mawala ito sa kaniyang tabi. Itinulog na lamang niya ang luha at kirot sa kaniyang puso na tila habang buhay ay hindi na mawawala pa dahil wala na ang si Felicia na siyang kaniyang tahanan at mundo.
HAPON na at nasa labas ngayon ng escuelahan si Gael at Hilario. Uwian na at kanilang hinihintay ngayon si Mang Ambo na siyang susundo sa kanila pabalik sa Hacienda De Vera. Marami ring mga binata sa labas ng escuela. Ang iba ay sinusundo ng mga kalesa habang ang iba naman ay naglalakad pauwi.
May kalayuan ang escuela at kanilang tahanan kung kaya't mas maigi kung sila'y sunduin na ni Mang Ambo lalo na't sila ay nagmula naman sa marangyang pamilya. Napasulyap si Hilario sa kaniyang kapatid, matatangkaran na niya ito ngunit mas matangkad pa rin ito sa kaniya.
Nakatulala lamang ito sa kawalan at mukhang malalim ang iniisip. Napaisip naman si Hilario, ilan lamang ang mga bagay na sa palagay niya ay iniisip nito. Ang kanilang ina, ang kaniyang pag-aaral, o hindi naman kaya'y may pag-ibig na ito.
"Ano ang iyong itinitingin diyan?" natauhan si Hilario nang tumingin na rin pabalik si Gael sa kaniya at masungit siyang tanungin. Habang tumatanda ito ay mas lalo itong nagiging suplado.
Nag-iwas na lang ng tingin si Hilario at napatingin sa pamilyang ngayon ay papasakay sa kalesa. Sumakay na ang dalawang magkapatid na galing ding escuela. Inalalayan namang sumakay ng kanilang ama ang kanilang ina na nagdadalang tao bago sumakay na rin ang haligi ng tahanan at umandar na paalis ang kalesa.
Isang masaya at buong pamilya kung maitatawag. Naramdaman na lang ni Hilario ang kirot sa kaniyang puso matapos muling maalala ang kanilang ina na tanging makakapagbuo sa kanilang sirang pamilya. Naalala niya bigla noong mga panahong sabay-sabay pa silang kumakain at namamasyal ng buo.
Gaano man kasungit ang kanilang ina, hindi pa rin magbabago ang katotohanang ito ang pinakamahalagang tao sa kanilang buhay at pamilya. Napalingon siya kay Gael nang hawakan nito ang balikat niya. Napatingin siya ng diretso sa mga mata ng kaniyang kapatid, kitang-kita niya ngayon ang lungkot sa mga mata nito dahil mukhang nasilayan din nito ang masayang pamilya kanina.
"N-nariyan na si Mang Ambo," ang tanging sinabi ni Gael bago nauna sa paglalakad patawid ng kalsada upang kusang lapitan ang kanilang kalesa at sumampa roon. Napahinga naman ng malalim si Hilario bago pigil ang damdaming tumawid na rin at sumakay sa kalesa ng kanilang pamilya.
Hindi naman nagsalita si Mang Ambo at sinimulan nang paandarin ang kalesa. Umihip ang malamig na hangin na siyang yumakap sa nilalamig na puso ng magkapatid na ang tanging hangad lamang ay isang masaya at buong pamilya.
Ang salitang habang buhay na kailanman ay hindi na pinaniwalaan pa ni Hilario simula nang masira ang kanilang masayang pamilya na inaakala niyang magtatagal noon hanggang sa magpakailanman.
"MGA binibini at ginoo, kung talagang kayo'y nagtataglay ng karikitan at kakisigan, bibili kayo sa amin!" napatingin sa gilid si Felicia at tinakpan ang kaniyang mukha matapos sumigaw ni Hilaria na rinig hanggang sa labas ng palengke. Siya na ang nakaramdam ng hiya para rito.
"Hilaria!" pabulong na sigaw ni Felicia sa kaniyang kaibigan na tila sa buong buhay niya ay hindi nakaramdam ng hiya. Nakangiti naman siyang nilingon ni Hilaria.
"Ano iyon, kaibigan?" masiglang tugon ni Hilaria sa kaniya. Napapikit na lamang si Felicia bago muling magbalik ng tingin sa harapan nang may mga parokyanong tumitingin sa kanilang mga paninda.
Nagtama ang kanilang paningin ng isang lalaking kastila na sa tindig at pananamit pa lang ay mukhang nagmula na sa mayamang pamilya kung kaya't dali-daling tumayo si Felicia mula sa kaniyang kinauupuan at magalang na sinimulang kausapin ang lalaking iyon.
"Magandang umaga ho, Señor. Sabihin niyo lang ho kung may nais kayong bilhin," kalmadong wika ni Felicia habang normal ang mukha, at ang kaniyang normal na mukha ay punong-puno ng katarayan kung kaya't naaagaw niya ang atensyon ng parokyanong iyon lalo na't hindi maitatangging nagtataglay si Felicia nang pambihirang kagandahan.
"Bibilhin ko na ang lahat para sa iyo, binibini," wika ng kastila na ikinangiti ng kaonti ni Felicia ngunit sa loob-loob niya'y masaya siya sapagkat pinalad na naman siya sa araw na ito. May maibabahagi na naman siya kay Nay Anchita at maaari niya itong mabilhan ng masasarap na pagkain.
"Salamat," pasasalamat ni Felicia at inabot na sa kastilang lalaki ang bayong na naglalaman ng kaniyang mga paninda. Kumuha naman ang lalaking iyon ng salapi sa kaniyang bulsa at muling tumingin sa nakahahalinang mga mata ni Felicia.
Ilinahad na ng lalaking iyon ang kaniyang kamay. Akmang kukuhanin na ni Felicia ang salapi ngunit iniwas ng lalaki ang kaniyang kamay. "Ano ang iyong pangalan?" tanong muna nito at ngumisi. Napahinga naman ng malalim si Felicia at napasulyap kay Hilaria bago mabilis pa sa hanging kinuha ang salapi sa kamay ng lalaki.
"Salamat," pag-uulit ni Felicia at tuluyan nang nginitian ang lalaki. Napahalakhak naman ang kastilang binata dahil sa ugaling ipinamamalas sa kaniya ng binibining ang ganda ay tila kauri niya.
"Walang anuman... Salamat," tugon ng lalaking iyon at napailing-iling bago bagsak ang balikat na nagpatuloy sa paglalakad paalis dala-dala ang mga bayong na hindi niya alam kung saan niya magagamit. Sa isip ay salamat na lamang ang pangalan ng babaeng saglit na nagpahanga sa kaniya ngunit mukhang hindi sila pareho ng nararamdaman.
"Kakaiba ka talaga, Sanya!" nakangising wika ni Hilaria at pinalakpakan ang kaniyang kaibigan nang makalayo na ang lalaking iyon. Natawa at napailing na lang si Felicia bago bilangin ang salaping ibinigay sa kaniya ng kastila at ibulsa na iyon.
Sadyang kay rami talagang ligaw-biro sa mundo. Kay rami na niyang nakatagpong mga ganoong klaseng lalaki at alam na niya kung paano ito maiisahan. Huwag lamang siyang babastusin sapagkat ibang usapan na iyon.
"Fe!" napatigil si Felicia at mabilis na napalingon sa kaniyang likuran nang may sumigaw. Napatulala siya sa lalaking sumigaw at lumapit sa isang babae na mukhang tinawag niya.
"Sanya, bakit?" natauhan si Felicia at napalingon kay Hilaria nang kalabitin siya nito at tanungin. Napahawak si Felicia sa kaniyang noo bago umiling at sinubukang ngumiti.
Muli siyang napatingin sa lalaki at babaeng iyon na nasa kabilang hilera ng palengke at iba rin ang mga itinitinda. "Felicidad, lumisan na tayo..." rinig niyang wika ng lalaki at magkahawak kamay na lumisan na kasama ang babaeng mukhang ang ngalan ay Felicidad.
Umihip ang malamig na hangin. Napatulala na lamang si Felicia sa kawalan, hindi niya alam kung bakit tila pamilyar ang pangalang isinigaw ng lalaki kanina.
Muli ay napatigil siya matapos maramdaman ang yakap mula sa kaniyang likuran. Agad siyang lumingon at dahan-dahang humupa ang kaniyang kaba matapos masilayan si Flavio na siyang yumakap sa kaniya. Ang kaniyang kasintahan.
Dalawampu't pitong taong gulang na ito. Matangkad, katamtaman ang kulay ng balat, itim ang buhok, makapal ang kilay, may nakahahalinang mga mata, matangos ang ilong, manipis ang labi, at may magandang hubog ng katawan. Siya ay walang iba kung hindi si Flavio Fernacio.
"Ano ang iyong ginagawa rito?" tanong ni Felicia at napangiti, ngiti na kay tagal nang sumisilay sa kaniya simula nang siya'y mapunta sa mundong ito. Napatingin si Felicia sa katabi niyang puwesto at wala na roon si Hilaria.
Pinaupo ni Flavio si Felicia sa upuan nito at kinuha ang upuan ni Hilaria, ilinagay niya ito sa tabi ni Felicia at umupo roon. Hinawakan ni Flavio ang kamay ni Felicia na nakapatong sa hita nito na natatakpan ng mahaba nitong saya na kulay itim.
"Nais kong masilayan ang iyong ganda," sagot nito na ikinasama ng tingin sa kaniya ni Felicia ngunit ang totoo ay pinipigilan niyang mapangiti dahil sa mga hirit nitong palaging nagbibigay ng saya sa kaniyang puso.
Pinisil na lamang ni Felicia ang kamay nito at muling nginitian si Flavio na nakangiti ring pinagmamasdan siya. Sa kabila ng ingay at karamihan ng tao sa loob ng palengke ay hindi na iyon malaking bagay pa sa dalawa habang pinagmamasdan ang isa't isa.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Felicia na may lalaking magagawa siyang tanggapin sa kabila ng malabo niyang nakaraan. Kailanman ay hindi niya pa rin nakalilimutan ang katotohanang isa si Flavio sa mga mangingisda na nagligtas sa kaniya noong siya'y nalunod sa karagatan sa hindi malamang dahilan. Ang ala-ala ng katotohanan ay tuluyang nabura sa kaniyang isipan.
Malaki ang utang na loob niya rito sapagkat simula nang mabuhay siya kasama si Nay Anchita ay hindi rin siya iniwan nito at hanggang sa gumaling ang mga sugat niya ay hindi ito nagsawang kumustahin siya. Hindi nagtagal ay nagpahayag na ng damdamin si Flavio at buong tapang na tinanggap ang maaaring maging desisyon niya.
Minsan na niyang tinanong si Flavio kung sigurado ba ito sa kaniya gayong hindi niya nga rin kilala ang kaniyang sarili at baka may masama siyang nakaraan ngunit ang tanging sinabi ni Flavio ay handa siyang harapin at tanggapin ang maaaring mangyari sa kasalukuyan at hinaharap bilang tanda ng pagmamahal niya kay Felicia.
Magtatatlong taon na rin nang sa wakas ay sagutin na niya si Flavio matapos ang tatlong taon nitong panliligaw. Sa loob ng isang taon nilang pagsasama ay wala naman silang naging pagtatalo at sadyang napakalusog ng kanilang mapayapang pagsasama na pinagtibay ng kanilang pagmamahalan.
Ngunit walang kaalam-alam si Flavio na ang kaniyang kasintahan ay may naiwang pamilyang luhaan at sugatan ang mga pusong patuloy na nangungulila sa ina ng kanilang madilim na tahanan at ang tanging magbibigay ng liwanag sa tahanang iyon ay walang iba kung hindi si Felicia.
GABI na, alas-sais na ng gabi at mag-isang kumakain ngayon si Enrique sa hapag kainan sapagkat ang sabi ng kaniyang mga anak ay busog pa sila. Nasa kani-kanilang silid na si Gael, Hilario, at Isla. Umaasa si Enrique na gumagawa ng aralin, nagpapahinga, at natutulog na ang mga ito ng mahimbing sa kabila ng lahat.
Wala nang katao-tao ngayon sa ibaba at tanging si Enrique na lamang. Napatigil siya sa pagkain nang mapatingin sa kabisera kung saan noon ay palaging nakaupo si Felicia. Binitawan na niya ang kubyertos na hawak niya bago mapasandal sa kaniyang upuan. Napatulala siya sa kabisera ng upuan, animo'y muli siyang nanumbalik sa ala-ala ng nakaraan na hindi na muling magbabalik pa.
Sa kabilang banda ay naroon si Isla sa itaas ng hagdan at tinatanaw ang pag-iisa ng kaniyang ama sa hapag sapagkat walang kahit sino man sa kanila ang nais sumalo rito. Napayuko na lang si Isla habang nakaupo sa hagdanan. Sa kabila ng lahat, hindi niya pa rin maiwasang makunsensya at malungkot sa biglaang pagbabago ng pakikitungo nila ni Enrique sa isa't isa na tila hindi na bilang isang mag-ama pa.
Ngunit napatigil si Isla matapos dumating ng isang babae, nang makilala ang babaeng iyon ay muling naglaho ang emosyon sa kaniyang mukha at dali-dali nang bumalik sa kaniyang cuarto upang muling manatili nang napakatagal doon.
Mula sa labas ay tahimik na pumasok sa mansyon ng mga De Vera ang isang babaeng kakilala ni Enrique. Nang makalapit sa hapag kainan ay maingat niyang hinawakan ang balikat ni Enrique na ikinatigil nito. Agad itong napalingon at muli itong napatigil matapos niyang makilala ang binibining humawak sa kaniya.
"Magandang gabi, Enrique," mahina ang boses na pagbati ni Katarina at ilinapag sa lamesa ang dala niyang bakol (basket). "Ika'y magpatuloy na sa pagkain," patuloy niya at umupo sa kabisera ng hapag kainan.
Nanatili namang nakatulala sa kaniya si Enrique. Hindi man sabihin ni Enrique ngunit kitang-kita ngayon ni Katarina ang lungkot at pag-iisa sa mga mata nito. Napahinga ng malalim si Katarina bago ipakita kay Enrique ang dala niyang putahe na nasa loob ng maliit na bakol.
"Alam kong paborito mo ito," saad niya at ngumiti bago ipinakita kay Enrique ang linuto niyang afritada. Napatingin ng diretso si Enrique sa mga mata ng babaeng nagsimula muling dumating sa buhay niya simula nang mawala si Felicia.
Bumaba na ang tingin ni Enrique at dahan-dahang ngumiti ng kaonti na siyang nagpalawak sa ngiti ni Katarina. Sa wakas ay napangiti na niya ang lalaking kay tagal nabalot ng dilim dahil sa ala-ala ng kahapong hindi na muli pang magbabalik, sa wakas ay napangiti na niyang muli si Enrique na minsan niyang naging kasintahan bago ito itinakda kay Felicia noon.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
- 2.22.22 <3
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top