BALANG ARAW KABANATA 14
[Kabanata 14 - Bagong Mundo]
Pilipinas, 1762.
ISANG magandang umaga ang sumalubong kay Felicia matapos niyang magising sa tamang oras na kaniyang nais. Nagsitilaukan na ang mga manok nang mainhanda niya ang lahat sa kaniyang pag-alis patungo sa pamilihan kung saan siya nagtatrabaho.
"Sanya, ika'y gising na? Kay aga-aga pa." Habang sinisipit pataas ang kaniyang mahabang buhok ay napalingon siya sa kaniyang likuran matapos marinig ang boses ng kaniyang ina na kababangon lamang sa kamang hinihigaan nito.
Ngumiti si Felicia, "Nay, alam niyo naman pong aking kinasasabikan na magtungo sa palengke," ngiti ni Felicia sa kaniyang ina-inahan na si Anchita Espinosa.
"Ngayon lamang ako nakatagpo ng isang taong nasisiyahan sa pagtatrabaho sa palengkeng kay daming tao," wika ni Nay Anchita at napakamot sa kaniyang ulo, lumawak ang ngiti sa labi ni Felicia at kinuha na ang dalawang bayong na nakapatong sa lamesa.
"Inay, naghanda na po ako ng almusal para sa inyo. Kumain na lang po kayo riyan at magpahinga. Tutungo na po ako sa pamilihan," saad ni Felicia at linapitan si Nay Anchita bago ito yakapin, napangiti ang matanda at niyakap pabalik ang kinikilala niyang anak. Ang pagdating nito sa kaniyang buhay ay ang pinakamagandang regalo na natanggap niya.
"O'siya, ika'y lumisan na. Mag-iingat, naiintindihan?" tanong ni Nay Anchita, kumawala na si Felicia sa kanilang yakap at tumango ng dalawang beses habang nakatingin sa suot ni Nay Anchita. Kulay itim na baro't saya ang suot nito, palagi na lamang itong nakaitim. Minsan ay naiisip niyang may kababalaghang ginagawa ang kaniyang ina sa tuwing siya'y umaalis.
Naisip niyang bilhan ito ng bagong baro't saya na makulay at babagay dito upang magmukha muli itong bata. Matanda na si Nay Anchita at nasa edad limampu na ito. Kulubot na ang maputing balat, payat lamang ang pangangatawan, may mahabang buhok, may mataray na mukha kung kaya't ang iba ay hindi na natatanong pa ang kanilang hindi pagkakadugo sapagkat parehong mataray ang mukha nila ni Felicia.
Kahit matanda na si Nay Anchita ay nakikita pa rin ni Felicia ang kagandahan nito at mukhang mas maganda pa noong kabataan. "Oh? Magtititigan na lamang ba tayo?" natauhan si Felicia at muling napangiti nang taas kilay siyang tanungin ni Nay Anchita.
Umiling si Felicia, "Ito na nga ho," tugon niya at tinarayan si Nay Anchita bago nagsimulang maglakad paalis habang dala-dala ang mga bayong. Sa huling pagkakataon ay nilingon niya si Nay Anchita na noo'y napapamewang. Kinawayan niya na lamang ito bago muling nagpatuloy sa paglalakad paalis.
"SANYA! Kaibigan ko!" napatingin si Felicia sa babaeng tumawag sa kaniya at kumaway-kaway pa upang ipahiwatig na naroon siya sa puwesto kung saan sila nagtitinda. Naririto na siya ngayon sa pamilihan dito sa maynila. Nakaramdam pa ng hiya si Felicia sapagkat napakalakas ng boses nito at napatingin pa sa kanila ang lahat ng tao sa pamilihan.
Dumiretso na siya kung nasaan ang kaniyang kaibigan at linapag ang mga bayong. "Kay aga mo namang mag-ingay, Hilaria," wika ni Felicia at sinimulang ihilera ang mga prutas at gulay na kaniyang dala upang ibenta.
Napahawak naman si Hilaria sa tapat ng kaniyang puso. "Isa ka talagang napakasamang kaibigan! Pasalamat ka talaga at ako'y mabait," nakasimangot na saad ni Hilaria at napahalukipkip.
Lihim na napangiti na lamang si Felicia at nagpatuloy sa kaniyang ginagawa. Mga kuwaderno, pluma, at tinta ang binebenta ni Hilaria ngunit dahil hindi niya nais mawalay kay Felicia kahit na sa pagtatrabaho ay tinabihan niya ito ng puwesto sa pamilihan kahit na nasa hilera sila ngayon ng mga prutas at gulay.
Dalawampu't apat na taong gulang na si Hilaria. Katamtaman ang kulay ng balat, may magandang hubog ng katawan, mapungay ang mga mata, katamtaman ang ilong, manipis ang labi, hanggang leeg lamang siya ni Felicia, at ang pangalan nito ay nagbibigay ng kakaibang pakiramdam kay Felicia sa tuwing binabanggit niya ito.
Nagsimula nang dumami ang mga mamimili kung kaya't naging abala na ang dalawa sa kanilang pagiging tindera. Apat na taon na simula nang maging ganito ang buhay ni Felicia. Payapa, tahimik, at masaya kahit na may mga ala-alang patuloy siyang ginugulo hanggang ngayon.
Payapa at masayang buhay na hindi niya makamtan at maramdaman sa kaniyang tunay na pamilya at tunay na buhay. Apat na taon na ang nakararaan simula nang maiwan niya ang kaniyang pamilya sa gitna ng dilim. Wala siyang kamalay-malay na may naiwan pala siyang pamilya na tuluyang nabalot ng dilim simula nang mawala siya...
Santa Prinsesa, 1762.
"GAEL, Hil..." matapos iyong sambitin ni Manang Numeriana ay kinatok na niya ng tatlong bases ang pinto ng silid ng dalawa. Apat na taon na ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay nasa iisang silid pa rin ang mga ito.
Bumukas na ang pinto at bumungad sa kaniya si Gael na siyang nagbukas ng pinto at nakabihis na, gaya ni Hilario sapagkat sila ay tutungo ngayon sa escuela. Napatulala bigla si Manang Numeriana. Bigla na naman niyang naalala si Felicia sapagkat ito ang palaging umaasikaso kay Gael at Hilario sa tuwing papasok sa escuela noon ngunit hindi na ngayon.
"Bumaba na kayo upang kumain ng agahan," mahinahong wika ni Manang Numeriana sinubukang ngitian ang kaniyang mga alaga ngunit hindi na iyon tulad pa ng dati, hindi na ngumiti pabalik ang isa sa mga ito at tumango na lamang.
Isa-isa nang lumabas ng cuarto si Gael at Hilario, dala-dala ang lungkot sa kanilang mga mata dahil sa katotohanang hindi na maitatama pa. Bumaba na ang dalawang binata na labing tatlo at labing limang taong gulang na. Akmang bababa na rin si Manang Numeriana ngunit napalingon siya sa pintong katapat lamang ng cuarto ni Gael at Hilario nang bumukas iyon.
Napatigil si Isla matapos magtama ang kanilang paningin ni Manang Numeriana, hindi niya akalaing matutunugan pa rin siya ng matanda gayong walang ingay niya namang binuksan ang pinto ng kaniyang silid. Akmang isasara na muli ni Isla ang pinto ngunit agad siyang linapitan ng matanda.
"Isla, anak, nagugutom ka ba? Maaari kang kumain sa ibaba," tanong at hikayat sa kaniya ni Manang Numeriana. Nagbaba ng tingin si Isla sa kamay niyang hinawakan ng matanda. Napahinga siya ng malalim upang pigilan ang nagbabadyang luha sa mga mata niya.
"S-sige po, mauna na kayo," tugon ni Isla at agad nagtago sa likod ng pinto upang itago ang luhang ngayon ay namumuo na sa mga mata niya. Agad niyang pinigilang gumawa ng ingay at pigil ang luhang pinunasan ang kaniyang mga luha habang patuloy na naninikip ang kaniyang dibdib.
Napayuko naman si Manang Numeriana at napabuntong hininga. Alam niyang ngayon ay pinipigilan ni Isla ang kaniyang pagluha at nasasaktan siyang malaman ngayon. Sa lahat ng taong naninirahan sa tahanang iyon, si Isla ang nagbago at labis na nasaktan dahil sa katotohanang nawalan siya ng ina sa isang iglap. Katotohanang kailanman ay hindi niya matatanggap.
Nang mapigilan na ang sariling damdamin ay tuluyan nang binuksan ni Isla ang pinto at dire-diretsong naglakad pababa ng hagdan upang hindi makatagpo ng tingin si Manang Numeriana na ngayo'y napahinga ng malalim at isinara na ang pinto bago sumunod kay Isla.
Pagkababa, napatingin ang mag-aamang si Gael, Hilario, at Enrique kay Isla nang dire-diretso itong bumaba ng hagdan habang walang emosyon ang mukha. Sa tuwing pinagmamasdan nila si Isla, palagi nilang nakikita si Felicia rito.
Dahan-dahang nag-angat ng tingin si Isla kay Enrique na noo'y nakatingin din sa kaniya. Nang makita si Enrique, tila nais niya na lang muling bumalik sa kaniyang silid at magkulong doon tulad ng dati. Ngunit wala na siyang ibang nagawa pa nang hawakan ni Manang Numeriana ang balikat niya at dalhin sa hapag.
Umupo si Isla sa tabi ni Gael. Katapat ni Gael si Enrique at katabi naman ni Enrique si Hilario. Napatingin si Isla sa kabisera kung saan noon ay palaging nakaupo ang kaniyang ina. Walang nakaupo roon at kailanman ay wala na sapagkat walang sino man ang maaaring umupo sa kanilang kabisera kung hindi naman iyon si Felicia.
Biglang nanumbalik si Isla sa nakaraan kung saan sabay-sabay silang kumakain palagi, masaya at buong pamilya. Ngunit ngayon ay apat na lamang sila, at tila kailanman ay hindi na sila muling mabubuo pa.
Akmang magsisimula nang kumain si Hilario ngunit nag-angat ng tingin sa kaniya si Isla na nasa tapat lamang niya. "Magdasal muna tayo. Nakalimutan mo na ba ang itinuro sa atin noon ni ina?" malamig na tanong ni Isla na ikinatigil ni Hilario at maging ng lahat.
Sa muling pagkakataon ay namutawi ang lungkot sa kanilang mga puso matapos muling ipaalala ni Isla si Felicia na bigla na lamang inagaw ng alon sa kanila. Hanggang ngayon ay nabubuhay pa rin si Isla sa nakaraan. At kung papipiliin man siya, mas pipiliin niyang manatili na lang sa nakaraan habang buhay.
"M-magdasal na tayo," pagbabasag ni Manang Numeriana sa malungkot na sandaling naghari sa pagitan ng bawat isa. Si Manang Numeriana na ang nanguna sa pagdadasal habang nanatili namang nakatingin ng diretso si Hilario kay Isla.
Hindi naman nagpatalo si Isla at tinignan din ng diretso ang kaniyang nakatatandang kapatid. May luhang nagbabadya na ngayon sa kanilang mga mata. Agad namang tinignan ni Gael ang dalawa niyang kapatid at binigyan ng tingin na tumigil na sila.
Nang matapos ang dasal, hindi na nakayanan pa ni Isla at tumayo na sa kaniyang kinauupuan bago nagmadaling pumanik sa kaniyang cuarto upang doon niya mailabas ang luhang patuloy na gumuguhit sa kaniyang mga mata dahil hanggang ngayon ay hindi niya pa rin matanggap na wala na si Felicia.
Apat na taon na ang nakararaan simula nang mawala si Felicia, simula nang maging mailap at malamig si Isla sa lahat. Simula nang maunawaan niya ang mga balita at pagtatalo ng kaniyang mga magulang noon ay nagsimula ring lumayo ang loob niya sa kaniyang ama na si Enrique.
Hindi niya man nais ngunit kinamumuhian niya ang kaniyang ama dahil tila ito na nga ang katotohanan at dahilan kung bakit nawala sa kanila ang minamahal nilang si Felicia.
MAKULIMLIM ang kalangitan hanggang sa makarating sina Gael at Hilario sa kanilang bagong escuela. Nang makababa sa kalesa ay sabay silang napatingin sa taong sumama sa kanila upang ihatid dito, si Enrique.
Bumaba na rin si Enrique sa kalesa at ilinibot ang kaniyang paningin. Maraming mga binata ngayon ang nasa labas ng escuelahan at pumapasok na sa loob. Nagbaba na siya ng tingin sa kaniyang mga anak na nagsisitangkaran na.
"Ama, mauuna na po kami," pamamaalam na ni Gael, tumango naman si Enrique bago sulyapan si Hilario na noo'y nakatingin lang sa mga taong patuloy na pumapasok sa loob ng kanilang escuela.
"Paalam na. Mag-aral kayong mabuti," saad ni Enrique, si Gael naman ang tumango bago hawakan ang balikat ng kaniyang kapatid at dalhin papasok sa loob ng escuela dahil mukhang nahihirapan pa itong pakalmahin ang sarili.
Pilit na nagpapakatatag si Gael, kahit na ang puso niya ngayo'y patuloy na nadudurog dahil sa panunumbalik muli ng ala-ala ng kanilang ina na sa kanilang isip ay namayapa na. Kay sakit sa kaniya ng katotohanang wala na si Felicia. Sakit at kirot sa kaniyang puso na tila habang buhay ay hindi na mawawala pa.
Nang tuluyang maglaho sa paningin ni Enrique ang dalawa niyang anak ay dahan-dahan na siyang napayuko. Kasabay ng pagkawala ni Felicia ay ang pagkawala rin ng kulay sa kanilang madilim na tahanan, kasabay ng pagkawala nito ay ang paglayo rin ng kaniyang mga anak sa kaniya na araw-araw niyang nararamdaman bilang isang ama.
Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang pagtalikod din ni Enrique. Ngayon ay muli na siyang lilisan kahit na alam niyang iyon ang mas lalong magpapalayo sa kaniya sa kaniyang mga anak. Ngunit kahit ano naman ang kaniyang gawin, hindi pa rin magbabago ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya at tuturingin pa ring isang lalaking naging dahilan upang nawala si Felicia sa kanilang madilim na mundo.
PAPALUBOG na ang araw. Dala-dala ngayon ni Felicia ang dalawang bayong na wala nang laman sapagkat sa kabutihang palad ay naubos ang kaniyang mga paninda bago tuluyang sumapit ang gabi. Kasama niya ngayon si Hilaria at nagulat pa siya nang hampasin siya nito sa balikat.
"Ano ba iyon?" kunot noong tanong ni Felicia. Simula nang mapunta siya sa bagong mundo na ito ay agad ding dumating sa buhay niya si Hilaria bilang isang kaibigan at hanggang ngayo'y hindi pa rin siya iniiwan. Makulit man ito at mapanakit ngunit siya ay itinuturing ni Felicia bilang isang tunay na kapatid.
"Sanya! Paparating na sila!" tuwang-tuwang saad ni Hilaria at tila isang uod kung gumalaw. Napangiti at natawa na lang si Felicia bago tanawin ang daungan kung saan manggagaling ang mga taong hinihintay nila. Natatanaw niya ngayon ang marahang pag-alon ng katubigan sa daungan.
Kulay kahel ang kalangitan na tumatagos sa buong kapaligiran. Tila naging kahel na rin ang kulay ng kanilang mga balat dahil doon. Namalayan na lamang ni Felicia ang paghatak ni Hilaria sa kaniya papunta sa mga taong sa wakas ay ligtas na nakababa na ng bangka at ligtas ding nakauwi mula sa pangingisda.
Bumitaw na si Hilaria sa kamay ni Felicia at hinagkan ang kaniyang kasintahang si Julio. Napangiti si Felicia habang pinagmamasdan ang pagkislap ng mga mata ni Hilaria habang yakap ang minamahal nito.
Ngunit mas lumaki ang ngiti ni Felicia nang maramdaman ang pamilyar na hawak sa kaniyang balikat. Nilingon na niya ang lalaking palaging nagdadala ng ngiti sa kaniyang labi. Nang masilayan ang ngiti nito ay agad na niya itong niyakap ng mahigpit.
"Napakasarap maramdaman ng iyong yakap matapos ang nakapapagod na araw na ito, mahal ko..." nakangiting wika ni Flavio bago yakapin pabalik ang kasintahan niyang si Felicia na kinikilala ng lahat bilang si Sanya Espinosa.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top