BALANG ARAW KABANATA 12
[Kabanata 12 - Karagatan at Katapusan]
"GAEL, Hil, ito na ang inyong mga baunan," ngiti ni Manang Numeriana at inabot kay Gael at Hilario ang kanilang mga baunan. "Tayo'y lumisan na at baka kayo'y mahuli pa sa inyong escuela," patuloy ng matanda ngunit naglaho rin ang ngiti sa kaniyang labi matapos sumulyap ng dalawa sa kanilang ina.
Nakaupo si Felicia sa kabisera ng hapag kainan na malapit lang sa kanila at tulad ng dati ay nakatulala ito sa kawalan. Nauunawaan naman ni Manang Numeriana kung bakit ito ganito hanggang ngayon. Hindi basta lamang ang mawalan ng isang anak.
Nais sanang yakapin muna ni Gael at Hil ang kanilang ina bago tuluyang lumisan sa kanilang madilim na tahanan, ngunit hindi rin naman nila nais gambalain ito sa pag-iisang nais naman palagi nito. Sa huli, bumuntong hininga na lamang si Gael at umiwas na ng tingin.
"Tayo na, Hil. Ating galingan na lamang sa escuela," saad ni Gael at hinawakan ang balikat ni Hilario na noo'y napalingon sa kaniya at napangiti ng kaonti. Tinanguhan niya ang kapatid at muling sinulyapan ang kanilang ina bago sabay na lisanin na ang kanilang mansyon kasama si Manang Numeriana na siyang maghahatid sa kanila.
Nang tuluyan nang mawala ang presensya nila sa pakiramdam ni Felicia ay dahan-dahan na siyang gumalaw at lumingon kung saan wala na roon ang kaniyang mga anak. Napayuko siya at biglang napapikit nang maramdaman ang luha na bumagsak sa kaniyang mga mata.
Labis na niyang kinaiinisan ngayon ang sarili sapagkat para sa kaniya ay napakawalang kuwenta niyang ina, hindi niya kayang maging matatag tulad ng ibang ilaw ng tahanan na kagaya niya. Nais niyang samahan ang kaniyang anak o mahagkan man lang bago ito tumungo sa escuela ngunit kahit iyon ay hindi niya magawang maharap sapagkat kay hirap kalabanin ng taksil niyang mga luha. Hindi niya naman nais makita ng lahat na siya ay mahina.
Napatingin siya sa kaniyang tiyan na ngayon ay unti-unti nang bumabalik sa dati sapagkat wala nang bata pa ang nabubuhay sa kaniyang sinapupunan, nawala at naglaho na ito sa kaniyang piling dahil sa walang katapusang problema at isipin na patuloy siyang yinayakap hanggang ngayon.
Ipinikit niya na lamang ang kaniyang mga mata at sinubukang ipahinga ang kaniyang puso na ngayo'y patuloy na nadudurog dahil sa sitwasyon niyang tila isang malaking alon na kay hirap takasan.
NAGISING ang diwa ni Felicia matapos marinig ang tunog ng kalesa na malapit lamang sa kaniyang pandinig. Dahan-dahan na niyang idinilat ang kaniyang mga mata at kaniyang napagtanto na nakatulog na pala siya sa kaniyang puwesto at sa hapag kainan, napahawak siya sa kaniyang pisngi at natuyo na rin ang kaniyang mga luha roon.
Dumapo ang kaniyang tingin sa malaking pintuan ng mansyon nang pumasok doon si Mang Ambo, bakas sa mukha nito ang pagkataranta. Laking gulat nito matapos makita si Felicia na walang kurap na nakatingin sa kaniya habang walang emosyon ang mukha.
"S-señora..." nabibiglang saad ni Mang Ambo at nanginginig ang kamay na itinapat ang sumbrelo nitong buri sa kaniyang dibdib, nanatiling nakatingin sa kaniya si Felicia. Naririto na naman ang matanda, at mukhang may ibabalita na naman itong hindi niya ikatutuwa.
"Anong mayroon?" tanong ni Felicia habang patuloy na nararamdaman ang kirot sa kaniyang dibdib na tila hindi na mawawala pa simula nang mawala ang kaniyang anak na si Josefa.
"S-si Señor Enrique ho..." nakayukong wika ni Mang Ambo, hindi pa nito nabubuo ang kaniyang isinasaad ngunit agad nang napagtanto ni Felicia na mukhang may mangyayari na namang masama sa pagitan nila ni Enrique.
Tumayo na si Felicia sa kabisera at napahinga ng malalim. "Ano? Hindi muling makauuwi dahil sa tila walang katapusan niyang trabaho? May gulong pinasukan? O may kasamang ibang babae?" malamig na tanong nito at kahit hindi sabihin ay mahihimigan sa boses nito ang poot.
Napatigil si Mang Ambo at agad umiling, "H-hindi ho, Señora. N-naabutan ko ho siya sa panciteria at mukhang nakararami na ng inom ng serbesa. Sinubukan ko ho siyang pigilan ngunit nais niya raw hong mapag-isa," salaysay ni Mang Ambo at nanatiling nakayuko dahil sa takot na magkaroon muli ng pagtatalo ang mag-asawa dahil sa kaniyang mga impormasyon.
Iyon lamang at nauna nang lumabas si Felicia sa mansyon upang sumakay sa kalesa na ang ibig sabihin lamang ay nais niyang magtungo sa panciteria upang puntahan ang kaniyang asawa na si Enrique De Vera.
PAGKARATING ni Felicia sa panciteria ay kusa na siyang bumaba sa kalesa, hindi na niya nagawang maging maingat pa tulad ng dati sapagkat maliban sa siya'y napopoot ay wala na rin naman siyang kailangang ingatan pa mula sa kaniya. Hindi rin naman siya sanay na ingatan ang kaniyang sarili gayong wala namang gumgawa noon para sa kaniya.
Nagpatuloy na si Felicia sa paglalakad habang si Mang Ambo naman na nanatili sa kalesa ay napatakip sa kaniyang mukha dahil sa takot na maaaring magsimula na naman ng gulo ang kaniyang ginawa. Napayakap na lamang siya sa kaniyang sumbrelo at taimtim na nagdasal na sana'y walang masamang mangyari sa oras na magbalik si Felicia sa kalesa.
Napatigil naman si Felicia sa paglalakad matapos tuluyang masilayan si Enrique, lumipat ang kaniyang mga mata sa tabi nito at sa isang babae na nakasuot ng itim na balabal. Gumalaw ang ulo nito bago tumayo at patalikod na nagmadaling umalis palabas sa kabilang direksyon ng panciteria.
Sandaling nanatili si Felicia sa kaniyang puwesto bago mapakurap na at nanginginig na napahinga ng malalim. Tinatagan niya ang kaniyang loob bago nagsimulang humakbang papasok sa panciteria.
Pagpasok ay napatingin sa kaniya ang lahat ng mga serbidora at trabahador ng panciteria, hindi naman sila binigyang pansin ni Felicia at dumiretso lang kay Enrique. Walang emosyon siyang napatingin sa mga bote ng alak na nakakalat sa lamesa at ubos na bago kay Enrique na ngayo'y nakapikit na ang mga mata.
Akmang magsasalita na si Felicia ngunit napalingon siya sa kaniyang likod nang maramdaman ang presensya ng isang tao mula sa kaniyang likuran. Tinignan siya ng Doña na nasa kaniyang likuran nga mula ulo hanggang paa, ito ay walang iba kung hindi ang may-ari ng panciteria.
Napataas ang kilay nito, "Hindi ba't ikaw ang asawa niyan? Kung kaya't iuwi mo na, nanggugulo lamang siya rito," saad ng Doña at ikinumpas ang kaniyang mamahaling abaniko na nagmula pa sa Europa.
Walang emosyon naman siyang tinignan ni Felicia. Nais niyang sagot-sagotin ito ngayon tulad ng dapat niyang gawin bilang siya ngunit may pumipigil din sa kaniya. Sa huli ay tinalikuran niya na lamang ang Doña bago muling balingan si Enrique na mukhang nakatulog na.
Kay Enrique niya na lamang ibinaling ang kaniyang inis at malakas na hinatak ito patayo kung kaya't kusa ring napadilat ang mga mata nito ngunit muli ring napapikit dahil sa antok. Hinawakan ni Felicia ng mahigpit ang braso ni Enrique bago ito sinimulang dalhin palabas ng panciteria.
"Kaawa-awang Felicia De Vera. Sadyang sa umpisa nga lang talaga ang isang masayang pamilya," rinig ni Felicia mula sa kaniyang likuran na siyang nagpatigil sa kaniya, nakilala niya ang boses ng nagsalita sapagkat kasasalita pa lamang nito kanina.
Isa siyang mataas na tao at nagmula sa mayamang angkan, kayang-kaya niyang gawin ang nais niya bilang isang binibining nararapat lamang na irespeto. Nais na niyang sumigaw at magwala ngayon sa galit ngunit sa huli ay humakbang na lamang siya papalapit sa Doña at diretsong itong sinampal sa mukha.
Gulat na napatingin sa kaniya ang lahat lalong-lalo na ang Doña na noo'y muntik nang mawalan ng balanse dahil sa malakas na sampal na ibinigay sa kaniya ni Felicia. Diretso niyang tinignan ang matandang babae na hanggang balikat niya lang at ang siyang may-ari ng panciteria na ito ngunit walang sino man ang kaniyang kikilalanin sa oras na siya ay banggain ng taong walang ibang ginawa kung hindi magbigay ng walang saysay na opinyon patungkol sa kaniyang buhay.
Nanatiling walang emosyon ang mukha ni Felicia hanggang sa tumalikod na siya at hatakin paalis si Enrique sa lugar kung saan tuluyang bumigay ang kaniyang pasensya na mas wala pa kaysa sa kaniyang emosyon.
HALOS magtatalon na si Mang Ambo sa tuwa matapos mapayapang bumaba sa kalesa ang kaniyang Señor Enrique at Señora Felicia. Labis siyang natutuwa ngayon dahil natupad ang kaniyang hiling na walang mangyaring masama kahit na hindi ganoong natupad sapagkat si Felicia pa pala ang mapapaaway.
Si Mang Ambo na ang umalalay kay Enrique papasok sa loob sapagkat naunang bumaba si Felicia at dumiretso sa loob ng mansyon. Mukhang nahimasmasan na rin naman si Enrique dahil sa malakas na ihip ng hangin na sumalubong sa kaniya habang umaandar ang kalesa kanina.
Nang maihatid si Enrique sa kanape ay aalis na sana si Mang Ambo nang magsalita si Felicia, "Mang Ambo, huwag sanang makarating sa aking mga anak ang nangyari kanina," wika ni Felicia habang nakaupo sa kabisera ng hapag kainan at nakatulala sa kawalan.
Napalunok naman ang matanda. "M-masusunod ho, Señora. Ako'y mauuna na rin ho," magalang na pamamaalam ni Mang Ambo bago dali-daling lumabas ng mansyon dahil sa takot na masangkot pa siya sa kung ano man ang mangyayari.
Naiwan si Felicia at Enrique sa sala. Lihim na sumulyap si Felicia kay Enrique na ngayo'y nakatingin na din pala sa kaniya. Nanatili namang nakatingin sa kaniya si Felicia, wala man siyang pasensya ngunit hindi siya kailanman nakalilimot sa lahat.
Sa muling pagkakataon ay sinubukang tatagan ni Felicia ang kaniyang loob bago lapitan si Enrique na noo'y sinundan siya ng tingin hanggang sa makalapit ito sa kaniya. Tumayo si Enrique kung kaya't napaangat ng tingin si Felicia sapagkat hanggang labi lang siya nito.
Nagbaba na rin ng tingin si Felicia bago sinimulang tanggalin ang suot na abrigo ni Enrique upang diretso na niya iyong mailagay sa labahan, ngunit napatigil siya sa kaniyang pagkilos matapos maramdaman ang yakap ni Enrique sa kaniya.
Tila naistatwa siya sa kaniyang kinatatayuan at hindi malaman ang mararamdaman matapos muling maramdaman ang yakap ni Enrique na ilang buwan din niyang hindi naramdaman. Hindi rin naman sila ganito ni Enrique, ang katotohanan na hindi sila totoong malapit at matamis sa isa't isa tulad ng ibang mag-asawa.
Tila dahan-dahang humupa ang lahat ng kaniyang nararamdaman at hindi nakapagsalita. Tila sa sandaling iyon ay wala siyang ibang naramdamang sakit at kirot sa puso niyang nababalot din ng poot. Akmang yayakapin na rin niya pabalik si Enrique ngunit muli siyang napatigil nang may mapagtanto.
Dahan-dahan na siyang kumawala sa yakap ni Enrique at napatulala rito. Nawala man kahit sandali ang sakit na nararamdaman niya ngunit sa mahabang sandali naman ay muling mababalot ng kirot ang kaniyang puso matapos maamoy ang abrigo ng kaniyang asawa.
"Amoy babae ka..." mapait na wika ni Felicia habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Enrique, nasilayan niya ang pagkatigil sa mukha nito.
"N-ngunit sino ba ako upang magalit? Ako ay naging asawa mo lang naman dahil sa isang kasunduan na alam ko namang hindi mo kailanman ginusto," patuloy niya habang pilit na pinipigilan ang nagbabadyang luha sa mga mata niyang punong-puno ng kalungkutan.
"P-palagi kong iniisip kung tama pa ba ito? Tama pa bang patuloy akong magbulag-bulagan gaya nang palagi mong ginagawa kung kaya't nawala sa atin si Josefa?" tanong ni Felicia habang patuloy na nararamdaman ang kirot sa kaniyang dibdib. Nahihirapan na siyang huminga ngunit patuloy niya itong linalabanan, madirekta lamang si Enrique patungkol sa kanilang pagsasamang kay hirap ituwid.
"Hanggang ngayon ay ako pa rin ba ang iyong sinisisi sa pagkawala ng ating anak? Bakit, Felicia? Ikaw lang ba ang nawalan? Ikaw lang ba ang nasasaktan?" tanong pabalik ni Enrique, sa pagkakataong ito ay nawala na ang pagkalango niya sa alak at diretso na ring tinignan si Felicia.
"Marahil nga ay tama ang bagay na iyong palaging sinasabi mula pa noon, na hindi tayo ang tamang tao para isa't isa. Na hindi ikaw ang taong nararapat kong makasama habang buhay..." malamig na saad ni Enrique habang patuloy na binabalikan ang nakaraang nalimot na.
Sa muling pagkakataon ay namutawi ang poot sa mga mata ni Felicia. "K-kung kaya't nais mong iparating ngayon na hindi mo na ninanais pang makasama ang pamilyang ito? Na hindi mo ako gusto kung kaya't hindi mo na rin nais sa ating mga anak? Kay Gael, Isla, ganoon ba?!" tanong ni Felicia at sa pagkakataong ito ay muling tumaas ang kaniyang boses dahil sa poot na nararamdaman.
Hindi niya lubos maunawaan kung bakit tila kasalanan na niya ngayon. Naputol lamang ang diretso nilang pagtititigan nang may mabasag mula sa 'di kalayuan. Sabay silang napatingin kay Isla na ngayo'y nanginginig sa kaba at namuo na rin ang luha sa mga mata dahil sa lahat ng mga narinig niya.
Siya ay kanina pa nasa baba sapagkat siya ay tumungo sa palikuran. Hindi niya inasahang maabutan niya ang kaniyang mga magulang at nang marinig ang mga salita nito'y napatago siya sa tabi ng isang mamahaling porcelanas. Sa bawat pagpatak ng segundo at dahil sa labis na kaba ay nasagi niya ang baul at tuluyang nabasag na siyang bumasag din sa mapait na titigan ng kaniyang mga magulang.
Tuluyan nang bumuhos ang luha sa mga mata ni Felicia habang pinagmamasdan ang kaniyang anak na lumuluha ngayon. Napasabunot siya sa kaniyang buhok at napasigaw dahil sa labis na galit at pagkagulo bago dali-daling tumakbo papalabas sa kanilang mansyon.
"Felicia!" sigaw ni Enrique ngunit tuluyan nang naglaho si Felicia sa kaniyang paningin, akmang hahakbang na siya papalabas upang habulin ito ngunit muli siyang napalingon kay Isla matapos marinig ang pigil nitong pagluha.
Napapikit naman sa inis si Enrique at napahinga ng malalim bago lapitan si Isla na ngayo'y naguguluhan ding nakatingin sa kaniya, sa murang edad ay may mga mabibigat na siyang salitang narinig mula sa tahanang buong akala niya'y isang paraiso. Hindi niya lubos na maunawaan kung bakit tila wala nang katapusan pa ang pagtatalo ng kaniyang mga magulang.
Hinawakan ni Enrique ang kamay ng anak at ilinayo sa nabasag na porcelanas. Lumuhod siya sa tapat ni Isla upang makapantay ito. Habang nakatingin sa kasalukuyang bunsong anak ng pamilya De Vera ay hindi niya maitatangging kahawig nito ang kaniyang ina, si Felicia.
"Isla, anak... Kalimutan mo na lamang ang mga narinig mo, ha? Pagtatalo lamang ng mag-asawa iyon," saad ni Enrique habang nakatingin sa malungkot na mga mata ni Isla, dahan-dahan naman itong tumango at tinanggap ang yakap ng kaniyang ama.
Tumayo na rin si Enrique at sinamahan papanik si Isla sa cuarto nito upang muling makapagpahinga sapagkat sinisinat ito, ito rin ang dahilan kung bakit hindi siya nakasama kanina sa paghatid sa kaniyang mga kapatid na ngayo'y papauwi na rin galing escuela kasama si Manang Numeriana.
Habang patuloy na umaakyat sa hagdan, sa huling pagkakataon ay nilingon ni Enrique ang malaking pinto ng mansyon na naiwang nakabukas ni Felicia bago ito tuluyang tumakbo paalis. Hindi alam ni Enrique kung saan nagtungo at hahanapin ito.
Hapon na at paparating na ang kaniyang mga anak, kailangan na rin niyang mahanap si Felicia bago tuluyang magtapos ang araw na ito.
PAYAPA ang gabi. Narito ngayon si Felicia sa isang lugar na walang katao-tao habang nakaupo at nakayuko sa kaniyang mga tuhod. Narito siya ngayon sa lugar kung saan maririnig niya ang paghampas ng alon na nagbibigay kapayapaan sa puso niya, sa dalampasigan.
Dahan-dahan na niyang inangat ang kaniyang tingin at napatigil siya matapos makita ang madilim na kapaligiran. Maliwanag pa nang siya ay magtungo rito, hindi niya namalayan ang pagpatak ng oras. Napahawak siya sa kaniyang mata at saglit siyang napapikit matapos maramdaman ang hapdi roon dahil sa walang katapusan niyang pagluha.
Nang makarating sa dalampasigan ay agad niyang isinigaw ang lahat ng galit at hinanakit na kaniyang nararamdaman, ngunit kahit anong gawin niya ay hindi pa rin naman nawala ang bigat sa kaniyang dibdib lalo na't patuloy na ginugunita ng kaniyang isipan ang mga salitang binitawan ni Enrique patungkol sa tila walang saysay nilang pagsasama.
Nang makayanan ay tumayo na si Felicia sa puting buhangin ng dalampasigan at pinagpagan ang suot niyang saya. Napahinga na rin siya ng malalim bago mapatingin sa kalangitan na ngayo'y nababalot ng dilim tulad niya. Umihip ang malamig na hangin, napatulala siya sa malakas at malamig na pag-alon ng tubig na umaabot sa kaniyang mga paa.
Nais nang sumuko at bumitaw ngayon ni Felicia kay Enrique, gustong-gusto na niya ngunit patuloy niya ring naiisip ang kaniyang mga anak. Paano na kung mawala si Enrique sa buhay nila? Alam niyang ang tanging nais ni Gael, Hilario, at Isla ay isang masaya at buong pamilya na hindi mangyayari sa oras na siya'y sumuko at magdesisyon.
Hinawi niya na lamang ang huling luha sa mga mata niya bago tumalikod at nagsimulang humakbang pabalik sa kanilang tahanan kung saan alam niyang hinihintay na siya ng kaniyang mga anak. Ito lamang ang tanging hangad niya ngayon, ang mahagkan ang kaniyang mga anak bago muling sumapit ang umagang kay sakit.
Ngunit napatigil si Felicia sa paglalakad matapos maramdaman ang presensya na nakasunod sa kaniya, akmang lilingon na siya ngunit laking gulat niya nang may humawak sa kaniya at takpan ang kaniyang bibig na ang dahilan upang hindi siya makasigaw.
Tila nanigas ang buong katawan si Felicia at hindi alam ang gagawin, nahulog na ang suot niyang balabal dahil sa pagkaladkad sa kaniya ng isang malakas na taong hindi niya nakikilala. Pilit man siyang magpumiglas ngunit mas malakas ito sa kaniya.
Makalipas lang ang ilang segundo at naramdaman ni Felicia na hindi lang isa ang kumapit sa kaniya. Tinakpan nila ang mga mata niya kung kaya't wala nang ibang nasilayan pa si Felicia kung hindi kadiliman tulad ng kaniyang buhay.
"B-bitawan niyo ako!" sigaw ni Felicia nang makawala ang kaniyang labi sa pagkakatakip ng taong nasa likuran niya ngunit agad na siyang kinaladkad nito at sapilitang sinakay sa isang bangka.
Tila naistatwa si Felicia mula sa kaniyang kinauupuan at hindi nakagalaw. Pakiramdam niya ay hindi lang isa o dalawa ang kaniyang kasama sa bangka kung hindi marami pang iba. Naramdaman niya na lang ang mabilis na pag-andar ng bangka na kaniyang sinasakyan habang may nakahawak ng mahigpit sa kaniyang braso.
Hindi maunawaan ni Felicia ang nangyayari, hindi niya maintindihan kung bakit ito nangyayari. Nais niya ngayong sumigaw upang humingi ng tulong ngunit naisip niya ring sino pa kaya ang makaririnig sa kaniyang sigaw maliban sa mga masasamang taong kasama niya ngayon?
Napapikit si Felicia at nag-isip ng mariin. Naririnig niya ngayon ang malakas na pagkabog ng kaniyang puso dahil sa kaba. Wala siyang kaalam-alam kung sino ba ang mga taong nasa kaniyang kapaligiran. Nag-iisip siya ng paraan kung paano makatatakas gayong nakatali na ang kaniyang kamay at paa at may nakahawak pa sa kaniya. Higit din siyang nahihirapan sapagkat wala siyang makita.
"Sayang naman ang binibini na ito kung basta na lamang nating itatapon," rinig niyang wika ng kaniyang nasa tabi. Nanlamig ang buong katawan ni Felicia nang maramdaman ang kamay nitong kumapit sa kaniyang leeg.
Dumagundong ang kaniyang puso dahil sa labis na kaba. Nagbaba siya ng tingin sa kaniyang gilid kung saan naririnig niya ang malakas na pag-alon ng tubig kung kaya't umaalog din ang bangka, nakasisiguro siyang nasa pinakagilid siya ng bangka. Nang tuluyang makalas ang tali sa kaniyang kamay ay agad siyang naghanda.
Hindi iyon napansin ng kaniyang katabi sapagkat nakaharap siya rito. Nang dumating ang hudyat, nang saglit na mawala ang higpit na nakakapit sa kaniyang braso ay dali-dali siyang tumayo at diretsong tumalon sa ilalim ng karagatan.
Nagwala ang karagatan sa paggalaw. Nang lumubog sa katubigan ay agad tinanggal ni Felicia ang telang nakatakip sa kaniyang mga mata ngunit wala pa rin siyang nakita sapagkat gabi na at siya'y nasa gitna ngayon ng malalim na karagatan.
Narinig ni Felicia ang sunod-sunod na putok ng baril... At diretsong tumama sa kaniya ang isa sa mga balang iyon. Nahihirapan at nasasaktan man ngunit sinubukang umahon muli ni Felicia kahit na hindi siya marunong lumangoy at labis na kinatatakutan ang ganitong sitwasyon.
Ngunit sa huli, hindi na niya nakayanan pa at tumigil na sa paggalaw nang tuluyang malagutan ng hininga sa ilalim ng malamig na karagatan. Dahan-dahan nang lumubog ang kaniyang katawan. Nasa ilalim man ng katubigan ngunit naramdaman niya pa rin ang mainit na likidong kumawala sa kaniyang mga mata bago tuluyang magdilim ang lahat.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top