BALANG ARAW KABANATA 11

[Kabanata 11 - Walang Hanggan]

MAKULIMLIM ang kalangitan. Pagluha ang maririnig sa kapaligiran ng Cimenterio de Santa Prinsesa kung saan naroon ang pamilya De Vera at sabay-sabay na nagluluksa dahil sa pagkamatay ng anak ni Felicia at Enrique De Vera.

Nakasuot silang lahat ng kulay puti. Narito rin ang ilan sa kanilang mga kaanak tulad ng pamilya ni Enrique at pamilya ni Felicia. Narito rin si Manang Numeriana, Mang Ambo, at ilang mga kakilalang tao na nakikiramay sa pagkamatay ng batang nabubuhay pa lamang sa sinapupunan ni Felicia ngunit sa kasamaang palad ay kusa na itong bumitaw sa pagkabuhay.

Nakatulala lang si Felicia sa kabaong ng kaniyang anak habang patuloy na nagsasalita ang padre sa harapan at habang patuloy na bumubuhos ang luha sa mga mata niya. Napakasakit sa kaniya ng katotohanang nawalan siya ng anak at kailanman, hindi niya matanggap ang katotohanang iyon.

Dumating na ang araw kung saan mangyayari ang pinakamasakit na trahedya sa kaniya bilang isang ina na handang gawin ang lahat para sa kaniyang mga anak. Hawak niya ngayon ang isang puting panyo na kaniyang ibinili noon para sa kaniyang anak bilang isang regalo kahit na nasa sinapupunan niya pa lang ito.

Lumipas na ang kaniyang kaarawan at hindi na nila nagawang magdiwang pa dahil sa nangyaring trahedya, trahedya na nangyari pa sa mismong kaniyang kaarawan. Binati siya ng kaniyang mga anak ngunit hindi niya nagawang tumugon pa sapagkat sa oras na magsalita siya ay tuluyan ding bumuhos ang luha sa mga mata niya.

Nasa kaniyang likod si Enrique na ngayo'y nakayuko habang nasa tabi si Gael, Hilario, at Isla na ngayo'y patuloy na naguguluhan sa mga nangyari. Sa murang edad ay hindi nila lubos na maunawaan kung paanong sa isang iglap ay nawalan sila ng kapatid. Naluluha na lamang sila sa pagkagulo at sa pagtangis ng kanilang mga magulang.

Mula sa likod ay nakaalalay naman si Manang Numeriana sa magkakapatid na De Vera. Maging siya ay hindi pa rin makapaniwalang nalaglag ang bata sa sinapupunan ni Felicia. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin nakalilimutan ang nangyari bago tuluyang sumapit ang kaarawan ni Felicia...

Nagising si Manang Numeriana matapos marinig ang sigaw ni Enrique. Siya ay kasalukuyang nasa silid ni Isla sapagkat madalas niyang kinekwentuhan ito upang makatulog.
Dali-dali siyang lumabas at laking gulat niya matapos makita ang nagkalat na dugo mula sa ibaba ng hagdanan hanggang sa puwesto kung nasaan ngayon si Felicia at hawak ni Enrique.

"M-manang, dinurugo siya!" sigaw ni Enrique, dali-dali namang tumakbo ang matanda papalapit sa kanila. "D-dalhin natin siya sa silid, magmadali!" natatarantang sigaw ni Manang Numeriana, dali-dali namang binuhat ni Enrique ang asawa at dinala papanik sa kanilang silid.

Dali-dali nilang dinala ang walang malay na si Felicia patungo sa silid at ihiniga ni Enrique roon. Laking gulat na lamang ni Manang Numeriana matapos masilayan ang bata sa sinapupunan ni Felicia at papalabas na, may tubig ding bumababa sa hita ni nito. Si Manang Numeriana ay kilalang hilot at marunong magpaanak, siya rin ang nagpaanak kay Felicia simula kay Gael hanggang kay Isla.

Napagtanto na ni Manang Numeriana ang nangyayari. Agad niyang nilingon si Enrique na ngayo'y namumutla na sa kaba. "Enrique, panahon na..." wika ni Manang Numeriana na ikinagulat ni Enrique.

"Maglilimang buwan pa lamang ang aking anak, paanong..." napatigil din si Enrique sa pagsasalita at nababahalang tinignan si Manang Numeriana. Napahinga ng malalim ang matanda bago sinimulan ang dapat niyang gawin.

Madali niya lamang nakuha ang bata kahit na walang tulong ni Felicia, na tila kusa na itong bumitaw sa sinapupunan nito. Nanginginig na binuhat ni Manang Numeriana ang sanggol na kahit anong gawin niya ay hindi pa rin tumatangis tulad ng dapat mangyari.

Nag-angat siya ng tingin kay Enrique na ngayo'y tila naistatwa sa kaniyang kinatatayuan habang nakatingin ng diretso sa kaniyang anak na ngayo'y wala nang buhay. Malungkot na tumayo si Manang Numeriana sa kama bago ibigay kay Enrique ang sanggol.

Nanginginig na binuhat ni Enrique ang kaniyang walang buhay na anak at pinagmasdan. Mapula pa ang balat nito at sadyang kay liit na hindi tulad ni Gael, Hilario, at Isla noong isinilang ito. Isa rin itong... Babae.

Hindi makapaniwalang napaiwas ng tingin si Enrique at kasabay niyon ay ang pamumuo ng luha sa mga mata niya. Humakbang siya papalapit kay Felicia at umupo sa tabi nito. Ngayon ay gagawin na niya ang huling natitirang pag-asa upang mabuhay ang kanilang anak.

Maingat niyang ilinagay ang sanggol sa dibdib ni Felicia na hanggang ngayon ay wala pa ring malay at namumutla. Lumipas ang ilang segundo ngunit hindi na nagkonekta pa ang mga patay nilang puso.

Tuluyang gumuho ang mundo ni Enrique noong araw na iyon, noong mismong araw ng kaarawan ni Felicia. Naluha na lamang si Manang Numeriana habang pinagmamasdan si Enrique na ngayo'y tuluyan nang pinagkaitan ng kapalaran na makapiling ang kaniyang huling anak na si Josefa De Vera.

Nagsimula nang pumatak ang ambon ngunit hindi na iyon alintana pa kay Felicia. Hanggang ngayon, pinagsisisihan niya pa ring nakatulog siya noong araw na isinilang ang kaniyang anak sapagkat hindi niya man lang nasaksihan ito at nahawakan kahit sa huling pagkakataon man lang.

Josiah o Josefa... Iyan ang dalawang pangalang kay tagal niya ring pinag-isipan ngunit hindi rin naman pala nito magagamit hanggang sa pagtanda sapagkat wala na ito ngayon. Kay Manang Numeriana niya lang nalaman na babae ang kaniyang anak, kung kaya't hindi man ito buhay pa, kinikilala niya pa rin ito bilang si Josefa De Vera.

Nagsimula nang ibaba ang kabaong ng kaniyang anak at mas lumakas din ang malamig na ihip ng hangin. Naramdaman ni Felicia ang paghawak ni Enrique sa kaniyang balikat, ngunit hindi niya nagawang lumingon sapagkat nais niya lamang pagmasdan ang kaniyang anak hanggang sa huli. Mga bagay na hindi niya nagawa noong isilang niya ito.

"Josefa..." bulong ni Felicia at kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang tuluyang paglubog nito sa ilalim, tinabunan na rin ito ng mga lupa at tuluyan na nga itong nawala sa piling ni Felicia.

Napapikit na lamang si Felicia habang patuloy na kumakawala ang luha sa mga mata niya. Kailanman ay hindi niya matanggap ang katotohanang nawalan siya ng anak dahil sa walang katapusang problema na patuloy siyang sinusubok at ginugulo.

GABI na, kaaalis lamang ng mga bisita. Sumadya si Don Asuncion, Doña Emillena, at Laureana na siyang magulang at kapatid ni Enrique upang damayan siya. Maging si Doña Florencia, Don Eugenio, at Alfredo Vergara kasama ang asawa nito upang samahan si Felicia ngunit hindi rin nila ito masyadong nalapitan sapagkat tahimik lamang ito sa isang tabi at nakatulala sa kawalan.

Tanging si Enrique lang ang nagkaroon ng lakas upang makausap ang kanilang mga pamilya. Sumaglit lamang ang pamilya ni Felicia at 'di kalaunan ay umalis na rin ang kaniyang pamilya. Muli, naiwan siya kasama ang kaniyang pamilya na ngayo'y nababalot ng lungkot.

Nagpapahinga na ang mga trabahador, natutulog na rin ngayon si Gael, Hil, at Isla sa kanilang mga silid. Natapos na ang lahat ngunit nanatili si Felicia sa kaniyang puwesto sa kabisera ng hapag kainan kung saan madalas siyang palaging umupo at mapag-isa.

Napahinga naman ng malalim si Enrique bago ito lapitan. "Fe, ika'y magpahinga na..." mahina ang boses na saad nito, wala rin siyang gana ngayon at pilit lamang na nagpapakatatag.

Tumayo na si Felicia, akmang hahawakan na siya ni Enrique ngunit agad siyang umiwas. Sa pagkakataong ito ay nagliliyab sa galit na niyang tinignan si Enrique na kanina niya pa pilit pinipigilan.

"K-kasalanan mo kung bakit nawala ang aking anak..." nanginginig na saad ni Felicia. Napatigil si Enrique at seryosong tinignan ang asawa, "Kasalanan ko?" kunot noong tanong ni Enrique.

"Kasalanan mo! Kung hindi mo ako binigyan ng labis na problema, hindi mapapahamak ang bata na nasa sinapupunan ko! kasalanan mo ang lahat, Enrique!" galit na sigaw ni Felicia at sa pagkakataong ito ay tuluyan na siyang sumabog sa galit.

Napaiwas ng tingin si Enrique at hinawakan na lang ang pulso ni Felicia. "Huwag muna nating pag-usapan ito, pagod ka lamang," mahinahong saad ni Enrique at akmang dadalhin na si Felicia papanik ngunit sapilitan itong kumawala sa kaniyang pagkakahawak.

"Pagod lamang ako kung kaya't huwag nating pag-usapan ang babae mo?!" galit na tanong ni Felicia habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Enrique. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin nakalilimutan ang lahat ng pagtataksil na ginawa nito sa kaniya ngunit narito ito ngayon at linalapitan siya na tila walang nangyari.

Nanatili lang din itong nakatingin ng diretso sa mga mata niya. Ang hindi alam ng dalawa, mula sa ikalawang palapag ng kanilang malaki ngunit madilim na mansyon ay naroroon ang tatlong magkakapatid na narinig ang bawat salitang binitawan ng kanilang mga magulang. Mga salitang tumatak sa isipan ni Gael, Hilario, at Isla.

PAYAPA na ang gabi. Natigil na ang pagtatalo ng mag-asawang De Vera nang diretsong pumanik si Enrique at matulog sa kabilang silid. Lumabas naman ngayon si Felicia mula sa kanilang silid nang makaramdam ng uhaw. Natuyo na ang luha sa kaniyang pisngi matapos patuloy na lumuha sapagkat nawalan na nga siya ng anak, patuloy pa silang nagtatalo ni Enrique.

Hindi niya rin mapigilang maluha habang nakahiga sa kama sapagkat doon isinilang ang kaniyang walang buhay na sanggol. Nalinis na ito at wala nang naiwan pang bakas ng dugo ngunit naiwan naman ang kirot sa kaniyang puso sapagkat kailanman ay hindi na muling nabubuhay pa si Josefa at mananatiling sanggol habang buhay.

Akmang bababa na siya ngunit napatigil siya matapos maabutan si Gael at Hilario na pumasok sa silid ni Isla, madilim ang kapaligiran kung kaya't mukhang hindi siya napansin ng dalawa. Naiwan nilang nakauwang ang pinto kung kaya't nagawa silang masilip ni Felicia.

May lamparang nakabukas kung kaya't nagawang masilayan ni Felicia si Isla na nakahiga sa kama ngunit nanatiling dilat ang mga mata. Hindi ito makatulog, tulad ni Gael at Hil na natutulog sa iisang silid.

Napaupo si Isla sa kama matapos masilayan ang kanilang dalawang kapatid. "Isla, ika'y ayos lang ba? Bakit hindi ka pa natutulog?" tanong ni Gael at lumapit sa lampara, sa kabila naman ay naroon si Hilario. Nakasuot na ang tatlo ng pantulog.

"Ayos lang po ako, mga kuya. Ako'y hindi lang talaga makatulog dahil sa mga salitang binitawan ni ina at ama sa isa't isa," sagot ni Isla at napatingin sa bintana na ngayo'y nakasara na, tanging isang lampara na lang ang nagbibigay liwanag sa buong kapaligiran.

"Ako nga rin, eh. Rinig hanggang sa ating mga silid ang kanilang sigawan," saad ni Hil, napatingin sa kaniya ang dalawang kapatid. Si Felicia naman ay napatigil mula sa tapat ng pinto, hindi niya akalaing narinig pala ng kaniyang mga anak ang pagtatalo nila ni Enrique.

"Alam niyo, magdasal na lamang tayo. Iyan ang itinuro sa akin ni ina sa tuwing ako'y may problema," ngiti ni Isla, tumango naman ang dalawa at umupo sa kaniyang tabi bago sabay-sabay na tumingin sa krus kung saan nakapako si Hesus sa bandang itaas ng pader.

"Mahal naming panginoon, magandang gabi po! Maraming salamat po sa araw na ito kahit na... Hindi po ganoong kasaya at kaganda. Hinihiling lang po sana namin na magbati na si ama at ina. Kapag po sila'y magkaaway, nalulungkot po kami. Kung kaya't sana po ay magbati na sila," hiling ni Isla, nagdasal din si Gael at Hilario sa kanilang isip bago iyon tapusin.

"Mga Kuya... Maaari bang dito na lamang kayo matulog? Ako'y may napanaginipan kasi kagabi na nakakikilabot at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito mabura sa aking isipan," tanong at saad ni Isla, nagkatinginan naman si Gael at Hil bago dahan-dahang tumango.

Tinabihan na nila si Isla na noo'y napangiti, ngiti na kagayang-kagaya sa kaniyang ina. Humiga na sila at ipinikit ang kaniyang mga mata, ilang saglit lang ay nakatulog na rin si Isla habang yakap ang kaniyang kuya Hil. Maging si Gael at Hilario ay ipinikit na rin ang kanilang mga mata at umasang kinabukasan ay maging maayos na muli ang lahat.

Sa kabilang banda, dahan-dahan nang isinara ni Felicia ang pinto kung saan nasilayan niya ang buong pangyayari. Napasandal na lamang siya sa pinto at ipinikit ang kaniyang mga mata upang pigilan ang nagbabadyang luha sa mga mata niya.

Hindi niya matanggap... Na maging ang mga anak niya pala ay naaapektuhan na rin sa walang hanggang pagtatalo nila ni Enrique bilang mag-asawa.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top