BALANG ARAW KABANATA 1

[Kabanata 1 - Luha]

Pilipinas, 1758.

"GAEL, Hil, bumangon na kayo riyan." Nagising ang diwa ni Gael matapos marinig ang boses ng kaniyang ina at ginigising na sila ni Hilario na katabi niya ngayon at nakayakap pa sa kaniya.

Napangiti ng kaonti si Felicia matapos makita ang kaniyang mga anak na magkayakap. Bagama't palaging nag-aaway, masaya siyang makitang nagmamahalan ang magkapatid. Binuksan na niya ang kurtina at bintana kung kaya't naghari ang liwanag sa buong kapaligiran ng silid ni Hilario at Gael.

Naalimpungatan na si Hil at agad tinakpan ng unan ang kaniyang mukha dahil sa liwanag na kahit nakapikit siya ay tumatagos pa rin sa mga mata niya. Si Gael naman ay gumulong papalayo sa kaniyang kapatid kung kaya't tuluyan siyang nalaglag sa kama.

Hindi naman pinansin ni Felicia ang pagkalaglag ni Gael at hinatak lang kay Hil ang yakap nitong unan. "Gumising na kayo. Nais niyo bang ako'y magalit pa?" tanong ni Felicia na kusang nagpadilat sa mga mata ni Hil. Agad siyang tumayo at muntik pang mawalan ng balanse.

"I-ina... Magandang umaga po. Mas maganda pa po kayo sa umaga," pambobola ni Hilario sa kaniyang ina ngunit naglaho ang pilit na ngiti sa kaniyang labi dahil wala namang naging reaksyon si Felicia sa sinabi niya.

Bigla ay pumasok sa isipan ni Felicia ang asawa niyang si Enrique dahil sa ugaling pinakita ng anak. Simula nang magkaroon ito ng isip, agad napagtanto ni Felicia kung saan namana ni Hilario ang pagkapilyo nito. Minsan ay nais niyang ihagis si Enrique dahil nagbigay siya ng ugali sa kanilang anak na labis niyang kinaiinisan ngayon.

"Walang maganda sa umaga. Bumangon na!" masungit na sigaw ni Felicia at hinawakan ang kamay ni Gael upang tulungan itong tumayo mula sa pagkakahulog sa kama.

Akmang hahatakin na niya ito patayo ngunit napahawak siya sa kaniyang tiyan nang may maramdaman doon. Naalerto naman agad ang dalawa. "Ina!" sabay na sigaw ni Hil at Gael, agad nilang linapitan si Felicia at inalalayan paupo sa kanilang malaking kama.

"Ina, ayos lang po ba kayo?" nag-aalalang tanong ni Gael, napasulyap naman si Felicia kay Gael nang magtanong ito. Namana naman ni Gael ang taglay niyang kasungitan at pagiging maaalahin.

Tumango naman si Felicia at muli nang tumayo na parang walang nangyari. Pakiramdam niya kanina ay biglang may sumipa sa kaniyang tiyan at alam na niya kung sino iyon. Umbok na ang kaniyang tiyan dahil sa dinadala nitong bata na tatlong buwan nang nabubuhay doon.

"Bumaba na tayo. Tumatakbo ang oras at baka mahuli pa kayo sa escuela," wika ni Felicia at nauna sa paglalakad pababa, agad namang sumunod si Hil at Gael dahil wala naman sa kanilang bokabularyo na hindi sundin ang kanilang napakasungit na ina.

Pagbaba, nagtaka si Felicia matapos makita si Isla na nakaupo sa kabisera ng hapag kainan. Maliit pa lamang ito at hindi pa umaabot sa sahig ang kaniyang mga paa. Nagtaka si Felicia sapagkat kay aga pa ngunit gising na ang ito.

"Isla, ano't ika'y gising na?" tanong ni Felicia, mula sa pagkakatulala ay natauhan si Isla matapos marinig ang kaniyang ina. Napangiti ito matapos makita si Felicia. Patalon itong umalis sa kinauupuan at yinakap baywang ng kaniyang ina.

Tila natunaw ang puso ni Felicia dahil sa ginawa ng kaniyang anak. Tinapik niya ang ulo nito bago ihiwalay sa kaniya upang halikan sa pisngi. Sa totoo lang, wala ngayong gana si Felicia at hindi masaya ngunit dahil sa malambing niyang anak ay bigla na lamang naglalaho iyon.

Nakabukas ang mga bintana sa loob ng mansyon kung kaya't tumatagos sa loob ang liwanag na hatid ng langit. Pumapasok din sa loob ang malamig na ihip ng hangin. Dinala na ni Felicia ang kaniyang mga anak sa hapag at isa-isang pinaupo.

"Oh, gising na pala ang mga mahal kong alaga." Napatingin silang lahat kay Manang Numeriana nang nakangiti niyang sabihin iyon. Ilinapag na niya sa mahabang lamesa ang linuto niyang afritada.

"Magandang umaga po, Manang Numeriana! Mas maganda pa po kayo sa umaga," hirit ni Hil na ikinatawa ng matanda. Si Isla at Gael naman ay nakatingin lang kay Hil dahil kasalukuyan silang sinasapian ngayon ng kasungitan.

"Ikaw talagang bata ka! Sadyang napakapilyo mo. Nagmana ka talaga sa iyong ama," ngiti ni Manang Numeriana ngunit napatigil din siya matapos mapatingin kay Felicia.

Alam niyang mali ang kaniyang nasabi kung kaya't nanahimik na lang siya at sinandukan na lang ang mga alaga. Nag-angat naman ng tingin si Hil ngayo'y hangang-hanga sa kaniyang sarili dahil napangiti niya si Manang Numeriana, ngunit nang mapasulyap sa ina ay nagkunwari siyang abala sa pagtingin sa sahig matapos makitang diretso itong nakatingin sa kaniya habang walang reaksyon ang mukha.

"Manang, sumalo na po kayo sa amin. Tutal ay ikaw naman po ang nagluto," pag-aaya ni Isla at ininguso ang kaniyang katabing upuan na bakante. Si Felicia ang nakaupo sa kabisera habang si Hil naman ang nasa kaniyang gilid. Katabi nito si Gael at katapat ni si Isla.

Napangiti naman si Manang Numeriana bago tumango. Matagal na siyang naninilbihan sa Hacienda De Vera at kay tagal na rin siyang inaanyayahan nito na sumalo sa kanila kung kaya't ngayong matanda na ay hindi na siya nahihiya pa.

Nagdasal muna sila bago kumain. Pasasalamat sa pagkaing nakahain ngayon sa kanilang harapan at pasasalamat sa lahat ng biyayang kanilang tinatamasa. Nagsimula na silang kumain. Hindi na nagsalita pa si Felicia at Manang Numeriana na alam ngayon ang tunay na nangyayari.

Hindi naman nagsalita pa si Gael dahil tahimik naman talaga ito sa tuwing kumakain habang si Hil naman ay hindi na talaga nagsalita dahil sa takot na mapagalitan siya ni Felicia. Si Isla ay nakalimutan na ang kaniyang ibabahagi sana kaya gumising nang maaga dahil sa luto ni Manang Numeriana na labis niyang nagustuhan.

Kung kaya't sa huli, wala na lang nagsalita hanggang sa natapos silang kumain.

"INA! Pakiusap po, isama niyo na ako sa inyong pag-alis! Ako'y nabuburyo na po sa ating tahanan," pagmamakaawa ni Isla sa kaniyang ina. Narito sila ngayon sa sala at inaayos ni Felicia ang mga gamit ni Gael at Hil para sa kanilang escuela.

Kahit saan magtungo si Felicia ay hindi siya tinigilan ni Isla at patuloy na sinundan. Nasa taas ngayon si Gael at Hil at nagbibihis na para sa kanilang pag-alis ngayon patungo sa kanilang escuela.

"Kung talagang mahal niyo po ako, ako'y isasama niyo," wika ni Isla, sa wakas ay nagbaba na ng tingin si Felicia rito. May luha nang namumuo sa mga mata ni Isla at tila ilang saglit lang ay luluha na.

Napatingin naman si Felicia sa hagdanan nang magkasunod na bumaba roon si Gael at Hilario na ngayon ay nakabihis na. Napatulala si Felicia sa mga ito nang may maisip. Mas kahawig ni Gael ang kaniyang ama ngunit mas kaugali ni Hil si Enrique.

"Ina, nais niyo po bang maging kabayo pa ako upang ako'y isama niyo lang?" muling nagbaba ng tingin si Felicia kay Isla, seryoso niya itong tinignan. Tingin na nagtatanong kung seryoso ba ito sa kaniyang sinasabi.

Nang akmang magsasalita muli si Isla ay napakamot na si Felicia sa kaniyang ulo dahil sa inis. Sa isip, noong bata naman siya ay hindi siya ganiyan kakulit. Hinahagisan niya lang naman ng bato ang mga taong gumagambala sa kaniyang pananahimik.

"Sige na, sige na. Ika'y sasama na ngunit tatandaan mong ayoko ng kasamang malikot, nauunawaan mo ba?" tanong ni Felicia at inabot na kay Gael at Hil ang mga baon nito.

Napasigaw at nagtatalon naman sa tuwa si Isla at yinakap ng mahigpit ang kaniyang ina. Napahinga naman ng malalim si Felicia bago yakapin pabalik ang anak. Matigas man siya sa lahat ngunit pagdating sa paglalambing ng kaniyang mga anak, agad siyang bumibigay.

Tumayo na si Felicia at inayos ang suot niyang balabal na nakapatong sa kaniyang balikat. Maluwag na baro't saya ang kaniyang suot dahil doon siya komportable lalo na't nagdadalang tao siya ngayon sa ika-apat nilang anak ni Enrique.

Bumaling si Felicia kay Manang Numeriana na ngayo'y nakangiting pinagmamasdan sila. "Manang, mauuna na ho kami. Kayo muna ang bahala sa hacienda," saad ni Felicia. Tumango naman ang matanda at nakangiting tinanaw ang mag-inang lumabas ng mansyon.

Sumakay na ang mga ito sa kalesang pag-aari ng kanilang pamilya. Nagsimula nang tumakbo papalayo ang kalesa sa Hacienda De Vera, sa haciendang naging tahanan ni Felicia simula nang magsama sila ni Enrique dahil sa isang kasunduan.

NANG makarating sa escuela ay naunang bumaba si Gael at Hilario. Kumislap ang mga mata ni Hil matapos makita ang kanilang escuelahan. Tanging ang mga kalalakihan lamang ang maaaring mag-aral sa kanilang paaralan, dahil noon, magkaiba ang edukasyon ng mga kalalakihan mula sa mga kababaihan.

Inalalayan namang bumaba ng kanilang kutsero na si Mang Ambo si Isla na ngayo'y namangha matapos makita ang paaralang pinapasukan ng kaniyang mga kuya. Ito ang unang beses niyang makita ito dahil kumpara sa kaniyang ama ay bihira siyang payagang lumabas ni Felicia.

Inalalayan ding bumaba ni Mang Ambo si Felicia na kahit hindi ito tanungin, makikita naman sa mga mata nito na hindi siya masaya. Napahinga ng malalim si Felicia at nang lingunin siya ng kaniyang mga anak ay sinubukan niya agad ngumiti.

Tumango si Felicia sa kanilang kutsero bago hawakan ang kamay ni Hil at Isla. Si Gael naman ay sumunod sa kanilang likod hanggang sa makatawid sila papunta sa entrada ng paaralan.

Marami ring mga bata ngayon na nagpapaalam na sa kanilang mga magulang at pumapasok na sa loob. Dahil malikot ang mga mata ni Isla ay isa-isa niyang pinagmasdan ang mga tao. Sa murang erad ay agad siyang napangiti matapos makita ang isang kay gandang lalaki na tila kaedad lang ng kaniyang kuya Hil at kasama ang kaniyang mga magulang.

Ngunit napatigil siya nang may mapagtanto. Bumaling siya sa kaniyang ina na ngayon ay tinatanaw ang makulimlim na kalangitan, ilang sandali lang at tila luluha na ang kalangitan.

Lumapit si Isla sa kaniyang ina at kumapit sa suot nitong saya. "Ina, nasaan po pala si ama?" tanong ni Isla, bagay na ikinatigil at ikinababa ng tingin ni Felicia kay Isla.

Napatingin siya kay Gael at Hilario na ngayon ay nakatingin na rin sa kaniya ngayon ay mukhang napagtanto na rin ang kawalan ng presensya ng kanilang ama.

Napalunok si Felicia. Ang totoo ay hindi rin niya alam kung nasaan ngayon ang kaniyang asawa. Nagkaroon sila ng pagtatalo ni Enrique at sa kabilang silid ito natulog. Sa kaniyang paggising, wala na ito. Umalis ang kaniyang asawa nang hindi nagpapaalam, bagay na hindi niya naman nakasanayan.

Sinubukan na lang niyang ngumiti. "M-marahil... Nasa trabaho ang inyong ama," may pag-aalinlangang sagot ni Felicia sa katanungan ni Isla.

Dahil mukhang hindi kumbinsido ang kaniyang mga anak ay agad niyang iniba ang usapan. Linapitan niya si Gael at Hil at yumukod upang makapantay ang dalawang anak.

"Mga anak... Galingan niyo sa escuela, ha? Kapag nakakuha kayo ng mataas na marka, asahan niyong sa inyong pag-uwi ay may nakahain na afritada sa hapag kainan," ngiti ni Felicia na ikinangiti rin ng tatlo at nagtatalon sa tuwa. Nakahinga na nang maluwag si Felicia dahil napangiti na ang mga anak niya dahil sa paborito nilang afritada.

Inayos ni Felicia ang buhok ni Gael ngunit umiwas ito. "Ina," pagtawag ni Gael sa kaniyang ina, ang boses nito ay may halong pagtutol.

Naalala bigla ni Felicia ang pakiusap ni Gael na huwag na siyang turinging bata lalo na sa harap ng mga kaibigan nito, naalala rin ni Felicia na nagbibinata na ang kaniyang anak. Kaya naman napangiti siya at tinanguhan si Gael bilang pagsabi na naiintindihan na niya ang nais nito.

"Sige na mga anak, pumasok na kayo. Galingan, ha?" ngiti ni Felicia, tumango naman si Gael at Hil. Hinalikan na ni Felicia sa pisngi ang dalawa bago ito tuluyang bitawan.

Kumaway si Gael at Hil sa kanila bago magkasabay na pumasok sa loob ng escuelahan. Muling napangiti si Felicia bago mapahinga ng malalim at binalingan na si Isla na ngayon ay patuloy na kumakaway dahil natatanaw pa niya ang kaniyang mga kuya.

"Isla, tayo na." Natauhan si Isla at nag-angat ng tingin sa kaniyang ina nang magsalita ito. Sandali siyang napatitig sa mga mata ni Felicia, sa murang edad ay hindi niya alam kung bakit tila kumikislap ang malungkot na mga mata ng kaniyang ina.

Dahan-dahang tumango si Isla bago kumapit sa kamay ni Felicia at sabay na tumawid pabalik sa kalesa. Nang muling makasakay sa kalesa ay nagsimula na itong umandar pabalik sa kanilang tahanan.

Nagbaba ng tingin si Felicia kay Isla nang kalabitin siya nito. Binigyan niya ito nang nagtatanong na tingin. "Ina? Maaari po ba akong humiga sa inyo? Ako'y inaantok po kasi," magalang na tanong at saad ni Isla. Napakurap naman ng dalawang beses si Felicia bago tumango.

Humiga na si Isla sa kaniyang hita at ilang sandali lang ay nakatulog na dahil sa malamig na ihip ng hangin. Hindi rin nagtagal ay tuluyan nang bumuhos ang ulan na inasahan na ni Felicia dahil sa makulimlim na kalangitan.

Napapikit si Felicia at dinama ang malamig na ihip ng hangin. Matapos no'n ay pinagmamasdan niya naman ang bawat pagpatak ng ulan na bumubuhos mula sa pagluha ng kalangitan.

Tahimik na at tanging ang pagbuhos ng ulan na lang ang kaniyang naririnig. Sa wakas, mailalabas na niya ang luhang namumuo na ngayon sa kaniyang mga mata matapos muling maalala ang naging pagtatalo nila ni Enrique bago ito tuluyang lumisan nang walang paalam.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top