KABANATA 8
Maagang nagising si Amanda at bago niya inasikaso ang kanyang sarili ay kumuha muna siya ng carrots na ipinapaalam niya muna sa kanyang Inang upang ipakain kay Caspian. Habang pinapakain si Caspian ay doon niya lang napagtantong hindi niya pa masyadong nakita si Alfonso na sakay-sakay ng kabayo maliban na lang noong araw na iyon.
Ipinilig naman ni Amanda ang kanyang ulo at napabuntong hininga sabay himas kay Caspian. Pagkatapos niya kay Caspian ay agad na rin siyang nagtungo sa kanyang kwarto upang ayusin ang kanyang sarili. Ngayon ang ikalawang araw ng kanilang pagsusulit kaya dapat niya pa ring galingan sa pagsagot upang makapasa.
Ilang minuto rin siyang naligo nang bigla niyang maalala ang kanyang selpon. Hindi pa siya gaanong sanay na mayroon siyang kagamitang ganito. Nang makuha na niya ito ay nagbabasakali siyang may matatanggap siyang mensahe galing kay Alfonso ngunit wala. Ang mensaheng naroon lamang ay ang mensahe ni Enzo. Hindi niya pa pala ito nailalagay sa contacts niya.
Enzo: Miss Sungit, magandang umaga.
Iyon lamang ang laman ng mensahe ngunit hindi mapigilan ni Amanda na mapangiti dahil dito. Napag-isipan niyang sagutin na lamang ang mensahe ni Enzo tutal ay wala namang mawawala sa kanya. Nang mareplayan na niya ito ay dali-dali na niyang isinukbit ang kanyang bag at kinuha ang suklay sa isang dulo bago lumabas papuntang kusina.
Saka na lang din niya naalala na baka nakauwi na nga si Senyor Wilbert. Malapit na siya sa kusina at walang ano-ano ay sa katatakbo niya ay nabangga siya sa pagkatigas-tigas na bagay. Para naman siyang nahilo sa pagkasalpok niya.
"Mag-iingat ka sa dinadaanan mo, iha." Isang baritonong pamilyar na boses at napakalamig ang narinig ni Amanda. Agad naman niya itong nilingo at tama nga ang kanyang hinala na si Senyor Wilbert nga ang nabangga niya.
Agad naman siyang napaatras at yumuko. "Magandang umaga po, humihingi po ako ng pasensya," wika ni Amanda habang nakayuko.
"Kumain ka na at nakahanda na si Hilda ng makakain mo. Pagbutihin mo ang pag-aaral at pagsusulit mo ngayong araw," wika ni Senyor Wilbert at tuluyan na siya nitong iniwan at umakyat na sa taas.
Bahagyang natulala naman si Amanda dahil sa buong buhay niya ay tila ngayon lang siya nito nakausap at ang pag-uusap nila ngayong araw ay tila nakagagaan ng kanyang kalooban na hindi niya mawari. Napangiti naman siya dahil dito at kita iyon ng kanyang Inang.
"Sabi sa'yo kahit papaano ay may malasakit din siya sa'yo, anak. Halika na at maupo ka na. Kumain ka na rito. Mabuti na lang at maaga kang nagising masyado akong abala ngayong araw na ito dahil maraming pinapagawa si Senyorito Alfonso kahit nasa ibang lugar siya ngayon. Hala, asikasuhin mo na lamang ang sarili mo riyan," wika ni Hilda habang inaayos ang babaunin ni Amanda.
NASA kalagitnaan na sila ng byahe nang maalala ni Amanda kung nag-reply si Enzo sa kanya. At hindi nga naman siya nagkamali dahil may reply nga ito. Agad naman niya itong binuksan at napangiti sa hindi malamang kadahilanan at nang alisin niya ang mga tingin niya sa kanyang selpon ay doon niya lang napansin na malapit na sila sa kanyang eskwelahan at nakatingin sa salamin si Miguel sa kanya.
"Parang masaya po tayo ngayon," wika naman ni Miguel nang ibalik nito ang kanyang atensyon sa daan.
Umiling naman si Amanda. "Wala lang po ito, Sir Miguel," sagot niya saka inayos na ang kanyang sarili dahil malapit na sila. "Maraming salamat po sa paghahatid sa akin at ingat po kayo sa pag-uwi," dagdag pa ni Amanda nang ihinto na ni Miguel ang sasakyan sa harap ng eskwelahan.
Habang naglalakad patungo sa kanyang building si Amanda ay abala naman siyang nag-recap ng mga inaral niya kagabi pagkatapos ng tawagan nilang dalawa ni Alfonso. Napasinghap naman siya nang may biglang umakbay sa kanyang balikat. Agad naman niyang nilingon kung sino ito at nagulat nang malamang si Enzo pala ito. Sa sobrang lapit nila sa isa't isa ay halos amoy na ni Amanda ang pabango ni Enzo.
Bahagyang napaatras naman si Amanda dahilan upang bahagyang nahiya si Enzo. "Sorry," paghingi niya ng dispensa ngunit umiling naman si Amanda at inipit ang ilang hibla ng kanyang buhok sa kanyang tainga.
"Ayos lang, nagulat lang kasi ako. Sobrang lapit mo rin kasi kaya medyo nahihiya ako," sagot naman ni Amanda at tumango-tango naman si Enzo na napapakamot ng kanyang batok.
"Pasensya ka na ulit. Nakasanayan ko na rin kasi sa iba," wika naman ni Enzo at tumango-tango naman si Amanda.
Lihim namang napaisip si Amanda sa naging sagot ni Enzo. Hindi naman kasi nakapagtataka dahil kahit nga mga kaklase niya ay naririnig niyang sinasambit ang pangalan ni Enzo at maraming nagkakagusto rito. Ngayon niya nga lang din nalaman na school heartthrob ito ng buong eskwelahan. Sa tagal na niyang nag-aaral ay ngayon niya lamang ito nalaman. Wala naman kasi siyang kaamor-amor sa mga ganito dahil sa tuwing mayroong program sa kanilang eskwelahan noon ay hindi na siya dumadalo bagkus tumutulong na lamang siya sa rantso.
"Ngayon 'di ba ang huling araw ng pagsusulit ninyo?" tanong ni Enzo at tumango naman si Amanda bilang sagot. "So, what's your plan after this? Bukas may plano k aba?" dagdag na tanong ni Enzo at napaisip naman si Amanda roon.
"Sa rantso lang tutulong sa mga trabahante at kay Inang," sagot na lang din ni Amanda at tumango-tango naman si Enzo.
"Wala kasi akong gagawin bukas dahil wala na rin kaming pasok. Preparasyon na kasi ng Antelope o kung tawagin ay intramurals nating lahat. Mapa-college at mapa-high school man ay sama-sama na sa intramurals hindi gaya noon na magkahiwalay. Hindi ba ang saya kung iisipin?" ani ni Enzo at tumango-tangong may ngiti naman sa mga labi si Amanda.
"Sa totoo lang ay hindi pa ako kailanman dumalo sa mga ganyan kasi wala naman akong sinasalihan at wala rin akong kasama," wika naman ni Amanda habang nakatanaw lamang sa daan.
Napatingin naman si Enzo sa kanya. "Kasama mo na ako."
Napalingon naman si Amanda at dahan-dahang napangiti at tumango. "Kung ayos lang sa'yo ay ayos na ayos din sa akin."
Napangiti naman si Enzo roon. "Pwede ba akong makapasyal sa inyo bukas? Kilala kasi ang mga Alonto dahil na rin sa mga naggagandahang mga kabayo at sa napakalawak nilang hacienda. Gusto ko rin sanang maranasan ang makasakay sa isang kabayo. Pwede ba 'yon?" tanong ni Enzo at natigilan naman si Amanda roon.
Pakiramdam niya kasi ay wala siya sa lugar na mag-imbita o magpapunta sa rantso ng mga Alonto dahil isa lang naman siyang ampon. Ngunit dahil na rin sa kahilingan ni Enzo na gusto nitong maranasan kung ano ang pakiramdam na makasakay sa kabayo ay para bang guston tuparin iyon ni Amanda.
"Sige, text na lang kita kung okay na. Kailangan ko muna kasing ipaalam ito sa aking Inang at kay Senyor Wilbert," sagot naman ni Amanda at ngiting-ngiti naman si Enzo roon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top