KABANATA 7
Pagkauwi nang pagkauwi ni Amanda galing sa kanyang eskwelahan ay halos maghalumpasay siya gawa ng pagod. Kahit papaano ay nawala rin ito sa tulong ni Enzo dahil masaya itong kasama.
"Kumusta ang araw mo ngayon?" tanong ni Hilda nang salubungin siya nito.
Ngumiti naman si Amanda at niyapos ng yakap ang kanyang inang. "Nakapapagod po mentally," sagot naman niya at hinagod naman ni Hilda ang likod nito.
"Tara sa loob at iginawa kita ng meryenda," wika ni Hilda saka inakay si Amanda patungo sa kusina.
Inubos naman ni Amanda ang inihandang pagkain sa kanya pagkatapos ay nagtungo na siya sa itaas.
Nang matapos na siyang maligo ay agad naman niyang naalala ang kanyang selpon. Dali-dali naman niya itong kinuha sa loob ng kanyang bag na may kaba. Malakas ang kutob niyang puno naman ng mensahe o tawag ni Alfonso ang tatambad sa kanya.
Napakunot naman ang kanyang noo nang makita niyang may iisang numerong tumambad sa kanya ibig sabihin ay hindi iyon galing kay Alfonso dahil tanging siya lang naman ang laman ng kanyang contacts.
Hinggil doon ay ipinagtataka niya na walang kahit na anumang tawag o mensahe na galing kay Alfonso siyang natanggap.
Agad naman siyang tumipa ng mensahe para kay Alfonso.
To Alfonso: Kauuwi ko lang po, Senyorito.
Iyon lang at agad niyang pinindot ang send button.
Pagkatapos ay binuksan niya ang hindi kilalang numero.
Unknown number: Hello
Iyon lamang ang laman ng mensahe at doon niya lang naalala na ibinigay niya pala ang kanyang numero kay Enzo kanina.
Sigurado naman siyang wala siyang pinagbinigyan ng kanyang numero nitong araw kung hindi si Enzo lamang.
Ngumiti naman si Amanda ngunit napagpasyahan niyang hindi na muna ito sagutin sa halip ay nagtungo siya sa kuwadra. Kailangan niyang magpahangin kahit papalubog na ang araw. Isang araw pa lang ang nakalipas at agad naman siyang nakaramdam ng pangungulila sa paboritong kabayo na pinangalanan niyang Caspian.
Nang makababa si Amanda ng kanyang kwarto ay nagkasalubong sila agad ng kanyang Inang. "O? Saan ka na naman pupunta at humahangos ka?" tanong ni Hilda habang may bitbit bitbit na mga tinuping damit.
"Kukunin ko lang po si Caspian at magpapahangin kami, Inang," sagot naman ni Amanda habang inaayos ang sintas ng kanyang sapatos.
Napabuntong hininga naman si Hilda at tumango. "Basta's siguraduhin mong makababalik ka agad dito ha. Magdidilim na Amanda, mag-ingat ka. Hala sige iaakyat ko na muna ito sa kuwarto ni Senyor at baka bukas ay uuwi na raw siya. Wala pa namang kasiguraduhan ngunit mas maigi na yung handa ang kanyang kuwarto," wika naman ni Hilda saka pumanhik sa itaas.
Sandaling napaisip naman si Amanda sa mga sinabi ng kanyang Inang. Kung ganoon ay babalik na naman sa dati ang lahat na halos gawin na niya ang lahat upang hindi lamang magkrus ang landas nilang dalawa. Hindi naman lingid sa kaalaman ni Amanda na noong una pa lang ay hindi na siya gusto ni Senyor Wilbert ngunit kahit na ganoon ay hindi naman siya nito minamaltrato.
"Caspy, tara pahangin tayo," usap ni Amanda sa puting kabayo nang makita niya ito. Para namang naiiintindihan siya ng kabayo at agad itong lumapit sa kanya.
Dahan-dahan namang umangkas si Amanda rito at bahagyang hinamas-himas muna ang kabayo bago sila humayo. Papalubog na ang araw at halos papalitaw na ang mga bituin sa kalangitan. Sa sobrang dami ay halos gustong magpaagos ni Amanda sa hangin habang patuloy pa rin sa pagtakbo ang kabayo. Halos lahat ng kanyang pagod ay napawi sa isang iglap. Gustong-gusto niya ang kanyang kabayo, iyon ang unang regalong natanggap niya galing kay Alfonso. Bukod pa roon ay wala na siyang nagustuhang mga regalo na ibinigay sa kanya mismo ng binate dahil hindi naman siya nahuhumaling sa mga mamahaling mga bagay. Sapat na sa kanya ang mga simple at pwede niyang gamitin sa kanyang pang araw-araw.
Hindi naman lumayo si Amanda dahil lumibot lang naman siya sa rantso hanggang sa makita niya si Miguel na nakatayo lamang at nakatanaw sa kanya. Sandali naman siyang natigilan at hinila papahinto ang kanyang kabayo.
"Sir Miguel?" tawag niya at alam naman niyang narinig siya nito dahil kahit medyo may kalayuan siya ay sila lang naman ang tao roon.
Hinila ni Amanda ang kabayo patungo sa direksyon ni Miguel.
"Bakit po?"
"Magandang gabi po, pinapasabi po ni Senyorito Alfonso na kanina pa po siya tumatawag sa'yo at hindi mo raw po sinasagot pero sinabi ko na rin pong nandito kayo sa labas at nagpapatakbo ng kabayo. Kaya po ako nandito dahil inutusan akong bantayan po kayo," wika ni Miguel at doon lang napagtanto ni Amanda na may itsura ito at kasing tangkad din ni Alfonso.
Kunot-noo namang bumaba sa pagkasasakay si Amanda. "Pasensya na at naabala ko pa po kayo," paghihingi ni Amanda ng pasensya ngunit umiling naman si Miguel.
"Trabaho ko po 'to kaya okay lang po," sagot naman ni Miguel na napakamot ng kanyang batok.
Ngumiti naman si Amanda habang hawak-hawak ang tali ng kanyang kabayo. "Tara na po sa loob at malamig na rito. Kumain na po ba kayo?" anyaya naman ni Amanda sabay hila ng kabayo.
NAPABUNTONG hininga naman si Amanda nang makapasok siya sa kanyang silid.
Tiningnan niya ang screen ng kanyang selpon at tama nga si Miguel, nakakailang tawag na pala si Alfonso sa kanya. Nagdadalawang isip siya kung tatawagan niya ba ito o padadalhan na lang ng mensahe ngunit sa huli ay nakita na lang niya ang kanyang sarili na tinatawagan ito.
Agad naman itong nag-ring at doon na nagsimulang kabahan si Amanda dahilan upang mapaupo ito sa dulo ng kanyang kama.
Ilang ring lang at agad din itong sinagot ni Alfonso.
"Amanda." Halos nanindig naman ang balahibo ni Amanda nang marinig ang malamyos na boses ng binata.
"S-sorry hindi ko nasagot ang tawag mo. Nasa labas kasi ako kasama si Caspian-" Hindi na napatapos ni Amanda ang kanyang pagsasalita nang biglang sumambat si Alfonso.
"Caspian, who's that?" pagsibat naman ni Alfonso at halata sa tono ng pananalita nito ang pagkairita.
"Yung kabayo po na iniregalo ninyo noong kaarawan ko. Pinangalan ko pong Caspian," mahinahong sagot naman ni Amanda at dinig naman nito ang pagbuntong hininga ni Alfonso.
"You're making me crazy. Good night, Amanda."
Iyon lang at pinatay na ni Alfonso ang tawag. Naiwan namang tulala si Amanda hindi malamang kadahilanan ngunit walang tigil ang pagtambol nang husto ng kanyang puso.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top