KABANATA 18

Makalipas ang dalawang linggo...

Nagising si Amanda na mugto ang mga mata. Sinadya niyang magising ng mas maaga kaysa sa kanyang nakagawian upang sa gayun ay makapaghilamos siya at upang maimulat na niya nang mabuti ang kanyang mga mata. Ginagawa niya ito upang hindi mapansin ng kanyang inang na galing siya sa pag-iyak.

Sa katunayan ay hindi niya rin alam kung bakit niya nararamdaman ang ganito. Nagsimula lamang ito nang umalis si Alfonso at kinabukasan ay nakita niya ang mukha ng binata sa social media na may kasamang magandang babae na tila isang modelo.

Higit pa roon ang iniiyakan niya gabi-gabi dahil sa nabasa niyang article patungkol sa dalawa. Umano ay nagkikita raw sila at laging magkasama. Napag-alaman din at nakuhanan ng imahe na lumabas ang naturang babae sa hotel kung saan namamalagi si Alfonso. Kilala na si Alfonso kahit saan pa man dahil na rin siguro sa isa itong Alonto at namamayagpag ang kanyang pangalan sa larangan ng abogasya.

Gustong magwala ni Amanda ngunit wala na siyang enerhiya para gawin 'yon. Alam din niyang mapapansin na ng kanyang Inang ang walang kaganahan niya. Kasabay din noon ay ang araw-araw ding pagbisita ni Enzo sa kanya ngunit hindi niya ito pinapansin. Nakararamdam na rin siya ng konsensya para sa binata dahil wala naman itong ginagawa sa kanya. Sinusunod niya lang naman ang inutos sa kanya ni Alfonso ngunit dahil na rin sa mga nangyayari at sa mga nakikita niya ay hindi na niya ito susundin.

"Naguguluhan ako sa'yo," bulong niya habang nakaharap sa salamin. Inayos niya ang kanayng sarili at nagsuklay ng kanyang buhok.

Ni isa sa kanyang mga pinadalang mensahe sa binata ay wala siyang nakuha sagot. Pakiramdam niya ay inabandona siya nito at nagpapakasaya sa babaeng kasama niya ngayon. Hindi niya mapigilang isipin na kung baka ay marami silang babae niya at kasama na siya roon.

Nagpasya siyang ngayong araw ay pupuntahan niya mismo si Enzo kung saan ito nakatira at hihingi ng kapatawaran. Nang makapag-ayos ay muli niyang tinitigan ang kanyang sarili sa salamin. Maga pa rin ang kanyang mga mata ngunit hindi na gaano. Napatingin siya sa orasan at malapit ng mag-alas singko ng umaga.

"Ipagluluto ko siguro ng adobong manok si Enzo para dalhin sa kanila," wika niya habang pababa ng hagdan.

Tahimik ang buong kabahayan at marahil ay tulog na tulog pa ang kanyang Inang ngunit mas maigi na rin iyon upang Malaya siyang gawin ang kanyang nais. Hindi na rin niya ginagamit ang kanyang selpon simula kahapon. Ini-off niya ito at itinago upang hindi niya makita ito. Ayos lang naman sa kanya na hindi na gumamit pa ng selpon. Hindi na niya kasi kaya pang makita ang mukha ni Alfonso na kumakalat sa mga social media.

Kailangan niyang libangin ang kanyang sarili sa ibang mga gawain upang malihis lamang ang kanyang atensyon palayo sa binata. Mamaya rin ay pagkatapos niyang magluto ay ipapasyal niya na muna si Caspian sa batis upang paliguan bago siya pumunta kay Enzo.

Habang abala siya sa pagluluto ay nagulat na lamang siya nang may tumawag sa kanyang pangalan. Agad naman niya itong nilingon. "Inang, gising na po pala kayo," puna ni Amanda at tumango naman si Hilda.

"Ang aga mo naman yatang nagising anak? At nagluluto ka na," puna ng kanyang Inang at lumapit ito sa kanyang direksyon.

"Adobo?" tanong ni Hilda nang masilayan ang iniluluto ni Amanda.

Tumango naman siya at ngumiti. "Idadala ko po kay Enzo ngunit dinamihan ko na rin po upang hindi na kayo magluto ng pang-umagahan," sagot niya at napatitig naman si Hilda sa kanya. "Nitong mga nakaraang araw po kasi ay hindi kop o siya pinapansin kaya medyo nakaramdam din po ako ng pagkakonsensya dahil sa mga naging aksyon ko sa kanya kahit wala naman po siyang ginagawa," dugtong niya dahil tila naghihintay ang kanyang Inang ng dahilan.

Tumango naman si Hilda dahil kahit siya ay pansin niya iyon. Masaya na rin siyang nakikita si Amanda na nakangiti dahil halos araw-araw niya itong nakikitang malungkot.

"Anak, gusto ko magkuwento ka rin sa akin kung may iniibig ka na ha?" wika ni Hilda at muntik nang masamid si Amanda sa kanyang narinig.

"Inang, nakakagulat naman po kayo. Opo, ikukuwento ko po talaga sa inyo," sagot ni Amanda at nakaramdam naman ulit siya ng konsensya dahil mukhang hindi niya kayang sabihin ang patungkol kay Alfonso.

"Hala, sige at magsisimula na lamang akong maglinis sa sala. Maraming salamat sa pagluluto mo anak ha," wika ni Hilda at ngumiti naman si Amanda bilang pagsagot. "Papaliguan mo rin ba ngayons si Caspian o ipag-uutos ko na lang muna sa iba?" dugtong pa ni Hilda.

Umiling naman si Amanda. "Pagkatapos ko po rito at didirekta na po muna ako sa kuwadra at papaliguan ko po si Caspian sa may batis," sagot naman ni Amanda at napangiti naman si Hilda roon.

Masaya siyang bumabalik ang maaliwalas na mukha ni Amanda ngunit sa loob-loob niya ay tila gusto niya pang magkuwento si Amanda sa kanya ukol sa pag-ibig dahil na rin sa nagdadalaga na ito ngunit hihintayin niya na lamang itong magkuwento sa kanya.

Alam din naman ni Hilda na mabait na bata si Enzo at wala siyang nakikitang mali kung magiging kaibigan ito ni Amanda ngunit ramdam niyang iba ang mga titig ng binata kay Amanda. Matanda na siya at lumaki siya sa dikta ng kanyang mga magulang kaya lumaki rin siyang naging matandang dalaga at ayaw niyang gawin iyon kay Amanda ngunit isa lamang ang gusto niya at iyon ay maging bukas si Amanda sa kanya nang sa gayun ay magabayan niya ito nang husto.

"Siyanga pala, anak, paborito nga pala iyan ni Senyor Wilbert. Maaari bang haluan mo ng pinya? Iyon kasi ang gusto niyang luto sa isang adobong manok," wika ni Hilda at tila namangha naman doon si Amanda.

"Sige po, Inang," sagot naman ni Amanda at naging abala na ito sa kanyang pagluto.

Pagkatapos niyang magluto at nahugasan na ang kanyang mga ginamit sa kusina at nakapag-ayos ay agad din siyang lumabas at tumungo sa kuwadra.

"Simula ngayong araw na ito ay hindi na kita iisipin, Alfonso."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top