PROLOGUE
First upload: December 24, 2022
**********
Ilang hakbang na lang sana at mararating na ni Czarina ang gate sa likuran ng kanilang bahay. Alam niyang nasa labas na si Rorik at naghihintay sa kanya. Akmang bubuksan na sana niya ang bakal na tarangkahan nang biglang umilaw ang buong backyard. Nagsitahulan pa ang mga alaga nilang pitbull. Sa hindi kalayuan nakita niya ang ama na may pasan-pasang shotgun.
"Oh, shit!" mura niya sabay dali-dali sa pagbukas ng gate.
"Czarina!" tila nahahapong tawag sa kanya ni Rorik. Ngarag ang tinig nito sa takot at kaba dahil alam na rin nitong nahuli na sila ni Don Gustavo, ang ama ng nobya.
"Takbo na!" sigaw ni Czarina.
Nag-atubili si Rorik. Hinintay nito ang dalaga at magkahawak-kamay silang tumakbo palayo sa mansyon subalit may sumalubong sa kanilang tauhan ni Don Gustavo. Kaagad nilang hinablot si Czarina palayo sa binatilyo bago nila ito kinwelyuhan at sinuntok sa panga.
"Don Gustavo, ano ang gagawin namin dito? Totodasin na ba?" sigaw ng isang tauhan at tumawa na parang demonyo.
"NOOOO!!!" sigaw ng dalaga. Nagtangka siyang lapitan ang nobyo pero kinaladkad siya palayo ng dalawang tauhan at binalik sa kanyang ama.
Matalim na titig ang sinalubong sa kanya ng papa niya at minanduan ang isang tauhan na ibalik siya sa mansyon. Nagpumiglas din sana si Czarina pero wala ring nagawa dahil malalaking mama ang humahawak sa magkabila niyang braso.
"Rorik! Rorik!" tawag niya sa nobyo. Niligon niya ito. Kasabay no'n may pumailanlang na isang malaks na putok. Nakita niya ang ama na may hawak na shotgun at nakatutok ito sa kalangitan.
"Ang lakas ng apog mong itanan ang anak ko! Bakit? Ano ang ipapakain mo sa kanya? Tingin mo sapat na ang kita mo bilang kargador sa palengke?!" Dumadagundong ang tinig nito.
Nagpumiglas siya sa pagkakahawak ng dalawang tauhan ng ama at sumigaw siya. "Papa, h'wag n'yo siyang saktan! Maawa ka kay Rorik! Wala siyang kasalanan! Ako ang may gusto nito!"
Nagpaputok uli sa ere si Don Gustavo. Nagtagis pa ang bagang nito. Walang nagawa ang paghi-hysterical ni Czarina. Narinig na lamang ng dalaga na pinapili ang nobyo niya na tumakbo na o babarilin doon mismo sa likod ng bahay nila. Nakita niyang biglang kumaripas ng takbo si Rorik at nagtawanan ang mga tauhan ng kanyang ama. Pinahabol pa nila ito sa pitbull. Sinuwerte naang nakatakas nang ligtas si Rorik. Galit na galit ang don.
Kahit ganoon na ang nangyari sa una nilang pagtangkang magtanan, sumubok pa rin silang muli makaraan ang dalawang linggo. Akala nila ay nakalusot na sila sa pangalawang pagkakataon dahil halos ay kalahating kilometro na ang tinakbo nila mula sa mansyon nang walang nakabuntot sa kanilang tauhan ng ama ngunit mayamaya nang kaunti ay nakarinig sila ng tahol ng mga aso. Hindi lang isa kundi sampong pitbull. Bago pa nila mapagtanto kung ano ang nangyayari, may sumambilat na kay Czarina mula sa rumaragasang pickup kung kaya si Rorik lamang ang naiwang tumatakbo sa daan habang hinahabol ng galit na galit na mga aso.
Walang nagawa ang pagngangawa ng dalaga. Napaghiwalay na naman silang dalawa ng nobyo niya. Ang kaibahan lang this time, hindi na siya kinampihan ng ina. Hinayaan na nitong sampalin siya ng papa niya pagdating sa kanila.
Kinaumagahan, nag-text sa kanya ang binata at nangumusta. Nakaligtas daw ito sa mga pakawalang aso ng don, subalit natanggal naman sa trabaho sa palengke. Wala na rin daw itong babalikang mga kamag-anak. Ang tiyuhin at tiyahin na kumupkop dito simula pagkabata ay ayaw na siyang tanggaping muli. Tinakot daw kasi ang mga ito ng don.
"Ano pa'ng hinihintay mo?" asik ng ama kay Czarina. Kanina pa kasi siya minamanduan nitong sagutin na ang text ni Rorik at sabihin ditong kalimutan na siya, pero hindi niya magawa. Sa galit ng kanyang ama, dinaklot nito ang kanyang buhok at hinila. Napaliyad siya at napasigaw. Inakala niyang pipilipitin na rin nito ang kanyang leeg.
"Sagutin mo ang mensahe niya. Sabihin mo sa hunghang na bukas na bukas din ay ipapakasal kita sa anak ng mayor kaya kalimutan ka na kamo!"
Siyempre, hindi iyon totoo. Alam ni Czarina na galit din ang papa niya sa mayor ng kanilang bayan subalit masugid niyang manliligaw ang panganay na anak nito na siya ring numero unong pinagseselosan ni Rorik.
Takot man sa ama, hindi pa rin siya sumunod sa utos nito. Kahit nang kaladkarin siya paikot-ikot sa kanyang silid habang hila-hila ang buhok nanindigan siyang hindi niya lolokohin si Rorik.
"You are testing my patience, Czarina! Sige! Ayaw mong sumunod? Gusto mo bang ipapatay ko na lang ang nobyo mo? Nakahanda sina Mamerto na sumunod sa utos ko anumang oras!"
Pagkasabi n'yon, sinigaw nito ang pangalan ni Mamerto. Mayamaya pa'y maririnig na ang boses ng kanang kamay ng kanyang ama mula sa labas ng silid. Pagkarinig ni Czarina na minamanduan na ito ng kanyang ama na hanapin at patayin si Rorik, saka lang siya sumigaw na susunod na sa utos nito.
"Please, Papa. I'll do what you say. H'wag mo lang saktan si Rorik."
Sa dikta ng don, sinabi ni Czarina sa nobyo na kalimutan na lamang siya nito dahil nagbago na ang kanyang isipan. Labis iyong dinamdam ni Rorik, dahilan para lisanin nito ang kanilang bayan sa Bataan at magbakasakali sa Maynila.
Wala na siyang naging balita rito simula noon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top