CHAPTER TWO

"Mama, ang sabi ni Ma'am Parica need na naming magbayad ng tuition fee next week. Kapag hindi tayo nagbayad, baka hindi ako pakuhanin ng exam," salubong kay Czarina ng magsi-siyam na taong gulang na anak. Si Rory.

Napatitig si Czarina sa kanyang unica hija. Kahit saang anggulo tingnan, kamukhang-kamukha nito ang kanyang ama, si Rorik. Paano niya makakalimutan ang kanyang first love kung mayroon itong iniwang buhay na alaala?

"Ma, bakit?" Lumapit pa si Rory sa kanya at sinapo ang kanyang mukha. Ngayong magkaharap sila'y na-realize ni Czarina na kaunti na lang ang tinangkad niya sa bata. She's a little over five feet six at may tatlo hanggang apat na pulgada ang tinangkad niya kay Rory. Ibig sabihin ay lampas five feet na rin ito. Parang kailan lang ay pinaghehele pa niya ito, pero ngayon ay mukha nang dalaga.

Inunat din niya ang mga braso at sinapo rin ang magkabilang pisngi ng anak. "I just noticed, my baby is now a lady," naluluha niyang sabi.

"Ma," protesta agad ni Rory saka ngumiti. Lumabas ang magkabilang biloy nito na kawangis na kawangis ng sa kanyang ama. Lalong naluha si Czarina.

"Ang ganda mo talaga, anak."

"Hayan ka na naman, Ma, eh. Sasabihin n'yo na namang maganda ako. Baka maniwala na ako niyan sa inyo." At humagikhik ito.

Napangiti nang may lungkot sa mga mata si Czarina. Bumalik kasi sa kanyang alaala ang masasayang araw nila ni Rorik kung saan napapangiti at napapahagikhik niya ito. Ganoon din halos ang tunog ng halakhak nito. Parang hindi kapani-paniwala na makaraan lamang ang isang dekada ay kamumuhian siya nito nang todo.

Naalala na naman niya kung paano siya hiniya ng lalaki kanina sa harapan ng kanyang mga kasamahan sa trabaho. Binalita pa sa mga ito na siya ang kanilang valedictorian noon at flunker lamang ito. Nainsulto siya tuloy ni Luisa. Paano kasi'y ang layo na ng narating ng dati'y kargador lang sa palengke na nilait-lait ng kanyang pamilya lalo na ng kanyang ama ngunit siya'y isa pa ring struggling employee. Ano lang ba ang mga napasukan niyang trabaho? Kung hindi isang sekretarya, clerk naman. Ngayon nga lang sana siya nagkaroon ng maganda-gandang hanap-buhay, writer sa isang news outlet, kaso pumalpak naman siya.

When she was in high school, her teachers predicted that she will be the most successful alumna of their batch. Bukod daw kasi sa matalino at maganda, maimpluwensya rin ang kanyang pamilya sa bayan nila sa Bataan. Kumbaga, nasa kanya na ang lahat ng alas para magtagumpay. Subalit, ilang buwan bago siya magtapos ng high school nakilala niya si Rorik nang sumali sa isang community project ang kanilang eskwelahan. Isa si Rorik sa mga nakuhang piyon sa pina-renovate na palengke sa kanilang lugar. Ang naturang pamilihan ay pinagtulung-tulungang ipaayos ng kanilang munisipyo at ng pribadong eskwelahan na kinabibilangan niya. Dahil siya ang pinuno ng student council, palagi siyang nakabuntot sa kanilang school principal para bumisita sa proyekto at makipag-usap sa lahat ng mga manggagawa at mga boluntaryong nagtulungan para mapabilis ang trabaho.

Ang hindi niya alam, matagal na rin pala nilang kaeskwela si Rorik noon. Pinag-aral ito ng isa sa mga may-ari ng school sa eskwelahang pinapasukan niya. At ayon kay Rorik noon, matagal na siyang crush nito. Kaso lang hindi niya napapansin. Kaya nga raw nang magdesisyon ang kanilang lugar, sa tulong ng may-ari ng school nila, na ipagawa ang wet market, nagboluntaryo raw agad itong maging piyon doon kahit na hindi naman ito inoobliga ng benefactor. Napag-alaman daw kasi nitong siya ang estudyanteng tutulong sa pagtingin-tingin sa progress ng proyektong iyon.

"Mama, are you listening to me?"

Bumalik sa kasalukuyan ang isipan ni Czarina. "Yes, anak?" sabi niya at dumeretso na siya papasok sa maliit nilang apartment. Nakabuntot sa kanya si Rory.

"Ang sabi ko po, may field trip din po kami sa Laguna. Our school will gonna visit some orphanages there para sa outreach program namin. I want to go."

Field trip? Naku, magkano na naman ang gastos niyan? Hindi pa nga kami bayad sa tuition!

"Is that compulsory, anak?"

Lumungkot ang mukha ni Rory. Para namang kinuyumos ang puso ni Czarina sa nakita.

"Okay, okay. Magkano raw ba ang bayad sa field trip na iyan?"

"Sabi ni Ma'am one-five is okay na raw."

One-five? As in one thousand five hundered pesos?!

"That's a lot of money, Rory! Ang tuition mo this month is just two thousand five hundred. Isang libo lang ang deperensya nila?" Medyo tumaas ang boses niya sa puntong ito.

Tumingin sa kanya ang kanyang anak na lungkot na lungkot. Na-guilty naman si Czarina. Kahit alam niyang mahihirapan silang mag-ina na pagkasyahin ang huli niyang sahod sa pinagtrabahuhang news outlet, napatango siya sa anak. Inakbayan niya ito at sinabihang pumapayag siyang sumama ito sa field trip.

**********

Pumipili si Czarina ng tinapay na ipapabaon sa anak sa field trip nito kinabukasan sa isang bakery shop sa loob ng SM Southmall nang biglang marinig ang anak na nagsabi ng, "Oops, sorry po, sir!" Awtomatikong napalingon si Czarina rito at ganoon na lamang ang pagtahip ng kanyang dibdib nang makita kung sino ang nakabangga ni Rory. Si Rorik Rojas!

"Oh my God!" naibulong niya.

"Heto na po, ma'am," sabi ng tindera sa kanya habang inaabot ang supot ng binili niyang tinapay subalit ang kanyang atensyon ay nasa anak. Bahagya lang rumehistro ang sinabi ng babae.

Kitang-kita ni Czarina kung paano natigilan si Rorik pagkakita kay Rory. Ang kanyang unica hija naman ay ngumiti lang dito saka magalang na nagpaalam.

"Sandali lang," tawag ni Rorik kay Rory. No'n na nagkubli sa isang grupo ng mga nagkumpul-kumpol na teenager si Czarina at pinagmasdan mula sa kinaroroonan niya ang mag-ama.

"Yes, po?" magalang na tanong ni Rory.

"Y-you look f-familiar. Have we met before?"

Nagsalubong ang mga kilay ni Rory saka tiningnan nang matiim si Rorik. Mabilis itong umiling-iling saka lumingon sa direksiyon niya.

"I'm sorry. I shouldn't be talking to you right now. Bye!"

Nakita ni Czarina na nagtangka pa sanang humabol ni Rorik pero naging mabilis ang kilos ng kanyang anak. Lagi niya kasing binibilin dito na h'wag na h'wag makipag-usap kahit kaninong hindi kakilala.

Nabunutan ng tinik si Czarina nang makarating sa kinaroroonan niya ang anak nang hindi na bumuntot pa si Rorik.

"Mama! Hindi kita agad nakita! Why were you hiding?"

"I'm not!" kaila niya sabay hila sa anak.

Habang dali-dali silang naglalakad patungo sa exit, kinuwento nang mabilisan ni Rory ang nakabangga niyang weird daw na mama. May hitsura raw ito, pero weird.

"Why?" kunwari'y painosente niyang tanong.

"He told me I looked familiar. Isipin n'yo iyon? Katanda na niya tapos didigahan ako ng ganoon?"

Hindi na sumagot dito si Czarina. Naging abala siya sa paghahanap ng masasakyan nila pauwi sa kanilang apartment sa Zapote.

"But you know what, Mama? Though his pick up lines were that of a pervert, I didn't find it creepy. I should feel terrified, right? But I didn't! It's weird. Am I weird, too, Mama?"

Natigilan si Czarina. Napatingin siya kay Rory nang matagal. Abala ito sa kakadurog ng ice ng pineapple juice niyang nabili kanina sa isang juice stand sa loob ng SM Southmall kung kaya hindi nito nakita na tinitingnan niya ito nang may lungkot sa kanyang mga mata. Kung alam lamang nito.

"Mama? Bakit?"

"Ah, y-you should not stop and talk with strangers next time. That's an order!" sabi na lang niya. Czarina tried to sound firm. Hinawakan niya sa kamay ang anak at tumawid sila sa kabila para doon magbantay ng dyip na papuntang Zapote.

**********

Pinatawagan ni Rorik sa sekretarya ang isa niyang kamag-anak na nakatira pa rin sa kanilang bayan sa Bataan. Nang nasa linya na ito'y kinuha niya ang telepono sa babae. Napansin niyang tila kinilig si Mrs. Pernis at nanatili pa sa kanyang tagiliran. Binalingan niya ito at pinangunutan ng noo.

"Oh, sorry, sir." At nagkumahog na itong bumalik sa kanyang mesa.

"'Insan, mayroon akong gustong itanong sa iyo. Si---Si Cza---I mean, sila Don Gustavo ba'y nasa Bataan pa rin?"

"Ay, hindi n'yo nabalitaan, Kuya?"

"Ang alin?"

"Matagal na pong walang nakatira sa mansion ng mga Garza. Anim na taon nang patay ang don. Sumunod si Doña Filippa sa kanya makaraan ang tatlong taon. Ang kanilang nag-iisang anak, iyong dati mong gerpren, balita nami'y nag-abroad. Nakapag-asawa raw iyon ng Hapon, 'Insan."

Sumulak ang dugo sa ulo ni Rorik nang marinig ang huling sinabi ng pinsan. After all these years at sa kabila ng ginawa sa kanya ng babae'y may kakayahan pa rin itong pag-initin ang ulo niya. At nanggagalaiti pa rin siya sa tuwing may marinig na ibang lalaking nali-link dito katulad ng panggigigil niya sa anak ng mayor noon na patay na patay sa dating nobya.

"Teka. Hindi ba, anak ng mayor ang pinakasalan ni Czarina noon?" tanong niya sa pinsan. Kunwari'y casual lang ang tinig niya.

"Nakow! Hindi iyon natuloy, 'Insan. Umatras si Don Gustavo nang mapag-alamang walang maibibigay na mamahaling regalo sa kanyang anak ang pamilya ng mayor."

Napakagat ng labi si Rorik. Ano pa nga ba ang dapat asahan sa ganid at swapang sa pera na si Don Gustavo? Siyempre, hindi niyon magugustuhan ang kung sinong magtangka sa anak niya kung wala naman itong pera.

"Si Czarina pa rin ba at ang --- Hapon niyang asawa?"

Tumawa ang kanyang pinsan. Inulan na siya nito ng tukso. Sa inis niya, binabaan niya ito ng telepono. Kasunod niyon ay tinawag niya ang kiti-kiti niyang sekretarya at minanduan itong hanapan siya ng isang magaling na detective.

"Bakit, sir? May gusto kayong ipahanap?"

He glared at her for being nosy. Bumungisngis ito at tumalima naman agad. Pagbalik sa kanyang mesa ay may listahan na ito ng mga agencies na maaari niyang pagpilian.

**********

"Oh, shit!" naibulalas ni Czarina nang mabasa ang reply sa kanya ng isang news outlet na pinag-aplayan niya ng trabaho. Katatanggap lang daw ng mga ito ng isang writer noong isang araw. Sayang nga raw siya. Kung napaaga-aga lamang daw siya sana mas gusto raw ng ahensya ang kanyang credentials kaysa roon sa natanggap nila.

"Bakit, Mama?"

Napakayakap from behind ang kanyang anak. Hinalikan pa siya nito sa pisngi habang ini-stir ang kanyang kape. Lumagok pa roon si Rory at ngumiwi.

"Kape nga iyan, ano ba. Gusto mo bang maging pandak?"

"Anong delicious belief iyan, Ma?" nakangising biro sa kanya ng anak na ang tinutukoy nito ay superstitious. Ganoon niyon sinasabi ang salita kung tingin ay napaka-unreasonable ng pamahiin.

Sinimangutan lamang ito ni Czarina at nilapag ang hawak na dyaryo sa mesa. Nasulatan na niya ang lahat ng posibleng job vacancies doon na angkop sa kanyang qualifications. Nakapagpadala na rin siya ng sulat sa iilang nahanap niyang job prospects online.

"Any luck with your job hunting today, Mama?"

Buntong-hininga ang sagot ni Czarina sa anak at napangiti siya sa tatas na nitong mag-Ingles.

"Galing, ah! Pero bawas-bawasan mo iyang pagkulot-kulot ng accent mo at hindi maganda. Ang conyo nito." At inirapan pa ang bata.

"Conyo is not a good word in Spanish, Mama," may halong birong sagot ni Rory.

Nagulat si Czarina. "How did you know that? You're just nine years old!"

Hindi na nakasagot ang kanyang anak dahil nabaling ang atensyon nito sa pintuan. May nag-doorbell kasi. Hindi lang once itong pinindot. Ilang beses. Titingnan na sana agad ni Rory kung sino ang hindi makapaghintay na bisita nang pigilan niya.

"Dito ka lang, anak. Mamaya niyan masamang tao pala iyan."

"Tanghaling tapat, Ma! Madali tayong masasaklolohan ng mga kapitbahay if ever."

"Kahit na." At dali-daling pinuntahan ni Czarina ang pintuan. Sinilip niya mula sa maliit na peep hole kung sino ang panauhin. Isa lamang palang LBC guy. Dali-dali niya itong binuksan.

"Magandang araw. May mail po kayo, madam."

"Somebody sent you a letter?" Nasa likuran na rin pala niya ang anak at nauna pang kumuha ng sulat sa mga kamay ng mensahero.

Nagulat si Czarina pagkabasa niya sa naturang kapirasong papel. Galing iyon sa bangkong pinagsanglaan ng papa niya ng mansion nila. Iilitin na raw ang kanilang ancestral house pati na rin ang iba pa nilang ari-arian dahil matagal nang walang humuhulog sa utang nila sa bangko.

"Hindi naman natin kailangan ang mga iyan, Mama, di ba?" tanong ng anak. Nabasa siguro ang pag-aalala sa kanyang mga mata.

Imbes na sagutin si Rory, tumulo na lamang ang mga luha ni Czarina. Paano ba niya maipaintindi sa batang ito na sa kabila ng lahat, mahal na mahal pa rin niya ang nakagisnang tahanan? Kung hindi nga lang dahil sa pinagtangkaan ng kanyang ama ang buhay nito noon nang ito'y pinagbubuntis pa lamang niya'y hindi niya sana nilisan ang mansion na iyon.

Nagyakapan silang mag-ina. Nasa ganoon silang sitwasyon nang mag-ring ang cell phone na nasa ibabaw ng mesa. Dali-dali iyong nilapitan ni Rory. Babalewalain na lang sana iyon ni Czarina nang marinig ang sagot ng bata sa kausap sa telepono.

"Who's that?"

"It's from RL Fajardo Company, Mama."

"RL Fajardo---?" At no'n naalala ni Czarina ang pinadalang application dito para sa isang marketing position noong isang araw. "Dali! Akin na iyan!"

"Mama, they are asking you to report this afternoon daw para sa interview."

Pinangunutan niya ng noo si Rory. Atribidang bata 'to ah. Pero napangiti rito si Czarina.

Pagkababa nga sa cell phone ay dali-dali na siyang naghanda para pumunta sa interview na gaganapin daw sa Crimson Hotel sa Alabang nang ala una y medya ng hapon. Pabirong napasipol pa si Rory pagkakita sa kanya in her business suit. Isang dark blue skirt na medyo makipot sa bandang ibaba ang suot niya with a white short-sleeve blouse and long sleeve blazer na katerno ng skirt. Pinarisan niya iyon ng itim na sapatos na may tatlong pulgadang takong.

"Wish me luck, anak!" excited niyang sabi rito sabay bigay sa bata ng matunog na halik sa pisngi. "O, ang bilin ko lagi, ha? Do not let anyone in. Ignore mo kahit iyong nagba-buzzer. Never na never mong sagutin kahit masira niya iyon sa kapipindot."

"Yes, Ma," tila tinatamad na sagot ni Rory. She even rolled her eyes. Paulit-ulit niya kasing bilin iyon sa anak sa tuwing umaalis at kailangan itong maiwang mag-isa sa kanilang apartment.

Pagkasuot ng shoulder bag, dali-dali na siyang lumabas ng bahay. Dahil ang init at nakatodo-long sleeves siya, minabuti niyang mag-taxi papuntang Crimson Hotel sa Alabang. Pagdating niya roon, may nakaantabay nang assistant daw ng CEO ng company. Dinala siya nito sa isang private office sa tenth floor. Ang lakas ng aircon doon at ang lawak ng espasyo. Dahil wala pa ang mag-i-interview sa kanya, naglakad-lakad sa kabuuan ng opisina si Czarina. Nang-uusyuso siya sa isang digital picture sa ibabaw ng mesa nang bumukas ang isang pinto na parang adjacent sa isa pang silid at pumasok ang lalaking pinakaayaw niyang makita. Si Rorik Rojas! He walked inside the room with confidence and air of arrogance. Pero aminado siya na sa suot nitong mamahaling black business suit ay napakaguwapo nito talaga.

Awtomatikong dumagundong ang puso ni Czarina. Ang una niyang reaksyon ay tumakbo palabas sa isa pang pinto kung saan siya pumasok kanina. Hindi niya namalayan na hawak-hawak pa pala niya ang digital frame na kani-kanina lamang ay inuusyuso niya. Saka lamang niya na-realize iyon nang pinagsabihan siya ni Rorik.

"Where the hell are you taking my photo frame, Miss Garza?"

Napatingin si Czarina sa hawak at bigla siyang bumalik sabay lapag nito sa mesa. Sa pagmamadali ay hindi niya iyon nailapag nang maayos kung kaya nahulog sa sahig. Ganoon na lamang ang takot at pangamba niya nang makitang nabasag iyon.

"Oh my God! I'm so sorry!"

Hindi siya magkandatuto sa pagpulot niyon pero bigla siyang natigilan nang marinig ang dumadagundong na boses ni Rorik.

"Don't touch it anymore!"

May pinindot ito sa ibabaw ng mesa at mayamaya pa'y pumasok na ang assistant na sumalubong sa kanya kanina. Nanlaki ang mga mata nito nang makita kung ano ang nangyari.

"Oh my God! The picture frame!"

"Pakialis niyan dito ngayon, Mrs. Andal," mando rito ni Rorik. Tapos binalingan nito si Czarina nang may talim ang mga mata. "Sit down, Miss Garza," utos nito sa mahinang tinig sabay upo na rin sa swivel chair sa likuran ng mesa.

Kahit ang lakas-lakas ng aircon sa silid na iyon, pinawisan pa rin nang malapot si Czarina. Hindi na niya alam kung mananatili pa para sa interview na iyon o tumakbo na lang palabas. She wanted to do the latter, pero isang tingin lang sa mga mata ng lalaki'y natakot na siyang ituloy ang balak. Napilitan siyang maupo na lang sa isa sa mga visitor's chair sa harapan ng desk nito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top