CHAPTER NINE

May bumara sa lalamunan ni Czarina nang sa wakas ay masilayan niyang muli ang dati'y tinuturing niyang home sweet home makalipas ang mahigit sampong taong pagkawalay doon. Palalo pa ring nakatirik ang kanilang mala-palasyong mansyon sa sentro ng kanilang barangay sa Dinalupihan. Bagama't nangingitim na ang pinturang dati ay matingkad na luntian, hindi pa rin maikakaila ang gandiyosong anyo ng istraktura. Ang pinagtataka lang ni Czarina ay malinis pa rin ang hardin. Parang mayroong nangangalaga sa kanilang bakuran dahil ni hindi nagkaroon ng mga ligaw na damo roon.

"Magandang araw, miss. May kailangan po kayo?"

Napatingin si Czarina sa mamang lumapit sa kanya. Naaamoy niya ang freshly cut grass sa loob ng hawak nitong sako. Nagpakilala ito bilang caretaker ng mansion.

Caretaker? Ang huli niyang natatandaan ay nagsialisan ang lahat na nagtatrabaho sa kanila nang mamatay ang kanyang mga magulang. Sino itong taong ito?

"Ako po si Simon, ang nautusan ni Manedyer na maglinis dito isang beses kada linggo. Sino po sila?" pagpakilala ng mama. Parang nahulaan ang tanong sa kanyang isipan.

"Czarina po. Dati po akong nakatira rito."

Nang marinig ang kanyang pangalan ay tila umilaw ang mga mata nito. Mukhang pamilyar dito ang narinig na pangalan. Saglit itong nagpaalam sa kanya. May tatawagan lang daw saglit. Mayamaya pa'y bumalik ito sa kanyang harapan at sinabing maaari na siyang maglibot-libot sa paligid. Kaagad nitong nilawakan pa ang bukas sa mga bakal na tarangkahan.

Naglakad-lakad sa paligid si Czarina at nang makita ang Acacia sa likod-bahay kung saan niya kinakatagpo noon si Rorik, parang piniga ang kanyang puso. Dali-dali siyang tumakbo papunta roon. Halos niyakap niya ang mala-drum nitong puno. Napatingala siya rito at no'n niya napansin na nandoon pa rin ang mga inukit nilang pangako.

Rorik heart Cza-cza (Chacha).

You (Rorik) are my leche flan and my halo-halo!!

Napangiwi siya sa kakornihan ng mga nakaukit na salita. Kung nandito lang ang anak niya, siguradong uulanin siya nito ng kantiyaw. Baka nga sasabihin pang, "Oh, Ma. So cringey!"

Napangiti rin siya sa mga naalala nang makita ang mga pinagsusulat nila ni Rorik doon. Noong mga panahong iyon, limitado lamang ang kanilang oras kaya hindi pantay ang pagkakaukit sa mga salita. Katunayan nga hindi nila natapos iyon ng isang ukitan lang. It took them almost a week dahil maya't maya'y tatakbo sila at magtatago sa ama.

May kung anong humaplos sa puso niya nang maalala si Aling Petra, ang isa sa mga kasambahay nilang tumulong sa pagmamatyag sa papa niya habang nag-uusap sila ng nobyo sa lilim ng Acacia. Dahil dito kung kaya nagkaroon sila ng bonding moments ni Rorik sa kanilang likod-bahay. Kaso nga lang, nahuli ito ng kanyang ama at napatalsik sa kanila. Iyon na ang simula na pinagmalabisan ng papa niya ang dating nobyo.

"This is a private property. Nobody is allowed to come here."

Biglang napalingon si Czarina sa narinig na boses sa kanyang likuran. Nagsalubong ang mga mata nila ni Rorik na ngayo'y naka-denim jeans at T-shirt na puti lamang. Fresh na fresh ang mukha nito. At malayo na sa yagit na teenager na kinahumalingan niya noon.

"Private property?"

Ngumisi ang lalaki at lumapit sa kanya.

"Yes. Hindi ba nasabi ng bangko sa iyo?"

Napakurap-kurap si Czarina. Binalikan ang papeles na natanggap niya mula sa pinagsanlaan ng ama. Ang tanging naaalala lamang niya ay ang sinabi ng manager na ipapa-auction ang mansion at ang lupang kinatitirikan nito kung hindi siya makababayad ng kahit multa lang.

Teka, kailan nga uli ang deadline ng payment?

Mabilis na binilang ni Czarina ang mga araw simula nang matanggap ang sulat na iyon. At napasinghap siya nang mapagtanto na nakalampas na ang taning. Ang ibig sabihin ay maaari na nga nilang maipagbili ang bahay at lupa!

"Yes. You heard me right. This property is now mine." At ngumisi ang dating nobyo. Lumapit pa ito sa kanya at tumingala sa puno ng Acacia. "Ipapaputol ko ang punong ito. This would be a good material for the furnitures I am thinking of."

Nagulat si Czarina sa narinig. "Hwag! This has been here with us for centuries. Simula nang unang nabili ng kalololohan ng papa ang property na ito, nandito na ang punong ito. This is the symbol of the Garza family for generations."

"And the symbol of my oppression," mahinang tugon ni Rorik.

Sinalubong nito ang kanyang mga mata. Mababanaag sa ekspresyon nito ang hinanakit sa kahapon. Napalunok si Czarina. At inatake siya ng guilt. Ni hindi kasi niya nakayang ipagtanggol ito sa pagmamalupit ng ama noon.

Nagpalakad-lakad pa si Rorik sa dati nilang likod-bahay. Nang makita nito ang nipa hut mula sa hindi kalayuan, tumigil ito saglit sa harapan no'n. Kitang-kita ni Czarina na gumalaw-galaw ang Adam's apple nito at tila pinangiliran ng luha. Makailang beses itong napakurap-kurap at nang tumingin na muli sa munting kubo ay kakakitaan na ng bagsik ang kanyang mga mata.

"Kailangan din itong magiba. Nakakapanget ng view mula sa kuwarto sa master's bedroom."

Aalma na naman sana si Czarina dahil ang dami nilang memories doon. For one, doon na-conceive si Rory, ngunit nabatid niyang hindi siya pakikinggan nito. Nais nga ng dating nobyo na burahin ang kanilang nakaraan. Nasaktan siya sa ipinahayag nito pero hindi siya nagpahalata.

"Tama. Lalo pa't hindi na na-maintain ang kubo. Gastos lang kung ipapagawa pa ang mga sira. Halos wasak na rin kasi lahat ng bahagi niya."

Napalingon sa kanya si Rorik at tila napasimangot no'ng una, pero agad din namang napalitan ang ekspresyon sa mga mata. He smirked at her.

"You bet," ang sabi.

Nagpaikot-ikot pa ito roon at halos ganoon ang pinagsasabi. Tanggalin o ipagibaa ang mga istraktura na naging bahagi ng kanilang nakaraan at ipabunot o ipaputol ang mga tanim na naging saksi sa kanilang puppy love. Nalungkot si Czarina pero hindi na niya tinangka pang kontrahin ito. Nagkunwari na lang siyang wala na rin ang mga iyon sa kanya.

"Sir Rorik! Mabuti po pala at naabutan ko po kayo rito," anang pamilyar na tinig. Hindi na niya kailangang lumingon para malaman kung sino iyon.

"O, Hazel. Mabuti't napadaan ka. I thought you were just joking," nakatawang sagot dito ni Rorik at sinalubong pa nito ang magandang dalaga.

May kung anong pait na naramdaman si Czarina, pero kaagad din iyong isinantabi.

"Bueno, mauuna na ako sa inyo," paalam niya sa dalawa sabay kaway pero mukhang hindi na siya napansin ng mga ito. Ni hindi nga bumati sa kanya ang dalaga. Parang hindi siya nakita roon.

Bago niya tuluyang lisanin ang dating bakuran, napalingon muna siya sa dalawa. Nakatayo na sila malapit sa isa't isa at may pahampas-hampas na ang dalaga sa balikat ni Rorik. Dinig pa nga niya ang malutong nilang tawa. Nanlamig siya sa realisasyong baka sila na pero wala rin siyang magawa. Tiningala na lang niya uli ang dating mansion at tinitigang mabuti ang bintana ng lumang silid bago dali-daling umalis doon.

**********

Pagkarinig ni Rorik sa pinsang si Eric na ipinapa-auction ng rural bank sa kanila ang dating mansion ng mga Garza, kaagad niyang kinontak ang manager ng bangko. Hiningi niya rito ang detalye ng naturang property at agad-agad ay sinabihan ito na bibilhin nga iyon. Nagulat pa ang lalaki nang kaagad siyang pumayag sa binigay na presyo ng bangko. Ni hindi na niya tinawaran iyon. Ganoon siya ka desperadong makuha ang properties ng pamilya ng dating nobya.

"Sigurado po ba kayo, Architect Rojas?" paniniguro pa nga ng manager at pinaliwanag pa na maaaring i-negotiate ang presyo.

"Siguradung-sigurado, Mr. Rivera," sagot naman niya agad at sinabihan itong si Mrs. Andal na ang bahala sa usapin tungkol sa papeles. Pinirmahan na lamang niya ang tseke na nagkakahalaga ng buong presyo ng property saka nilisan ang bangko.

Bago pa siya pumunta roon kanina, nakapasyal na siya nang ilang beses doon noong mga nakaraang taon. Ang una ay noong napasyal sila sa bayan ng Dinalupihan ni Don Jaime dahil mayroon itong farm doon. Kasama niya ang don nang mapadaan sila sa mansion. That was a few years after his breakup with Czarina. Tandang-tanda pa niya kung paano siya naiyak nang masilayang muli ang simbolo ng naranasan niyang pang-aapi. Nagulat nga ang don.

"May problema ba, hijo?" tanong nito sa kanya noon. Na hindi niya sinagot. Mabuti't hindi naman ito nang-usisa pa. Tumahimik na lang ito at pakiramdam niya'y pinakiramdaman siya.

Ang pangalawa niyang pagbisita sa mansion ay noong marinig niya mula sa pinsan na nagpuntang Japan at nag-asawa ng Hapon ang dating nobyang si Czarina. Itinangis niya rin ang balitang iyon lalo pa nang mapag-alaman na ipanalaglag nito ang ipinagbubuntis para lamang maging isang entertainer sa club sa Osaka. Ipinangako niya sa sarili na pagdating ng panahon ay bibilhin niya ang mansion at ang lupang kinatitirikan nito at sisirain niya ang istraktura. Papalitan niya iyon ng isang magarbong bahay na naaayon sa modernong panahon. Gusto niyang iparamdam sa don at sa lahat ng kanununuan ng mga Garza na ang dating kargador sa palengke na inapi nila ay siyang magmamay-ari na ng pinakaiingatan nilang mansion. At hindi lang ito basta-basta inangkin, sinira pa ang alaala ng kanilang angkan na ilang daang taon din nilang iningatan.

Akala niya hindi na siya maaapektuha ng kanilang nakaraan, subalit nang makita niya ang puno ng Acacia sa malapitan pati na ang munting kubo na naging saksi ng matamis na alaala ng kahapon, muntik na siyang maiyak. At sa harapan pa mismo ng dating nobya! Buti na lang at napigilan niya ang sarili. Kung hindi baka lalong magmataas sa kanya si Czarina na mayroon pa rin itong power over his emotions.

"'Insan, nakikinig ka ba sa akin? 'Kako'y magpapahanda ba kami ng pananghalian mo at ng iyong espesyal na bisita?"

Napakurap-kurap siya sabay buntong-hininga.

"'Insan, may problema ba?"

"H'wag na, Eric. Salamat na lang. Babalik na akong Maynila ngayon. I have a lot of things to do there." At pinutol niya ang linya saka sinilid sa bulsa ng pantalon ang cell phone. Nilingon niya si Hazel at sinabihan itong umalis na sila roon.

"Sir, akala ko ho ba pag-uusapan pa natin kung paano ko ita-transform ang interior design ng mansion na iyon? Mayroon ho akong mga ideya kung paano pagsanibin ang classic at modern design para magmukha po itong parang nagmula sa mga pahina ng isang magarbong magazine tungkol sa affluent houses in Asia."

"Thank you, Hazel, but I have a meeting to attend to in Manila. Kailangan ko na ring umalis ngayon din. Baka hindi ako umabot."

Ang totoo niyan, kaya lang siya napasyal sa mansion kanina ay dahil nasabihan siya ng tagapangalaga no'n na nandoon ang dati niyang nobya. Hiningi kasi nito ng permiso sa kanya. Papapasukin daw ba nito ang dating prinsesa ng Garza mansion?

"Oh, sorry po kung gano'n, sir."

Mukhang sobrang disappointed si Hazel, pero hindi naman ito nagpumilit pa. Halos ay naglakad-takbo ito para masabayan ang bilis ng kanyang paglakad. Nang marating nila ang sasakyan niyang pinarada niya ilang metro ang layo sa mansion, nilingon niya ito at tinanong kung saan pupunta.

"I can drop you off at your place if you want to."

Namilog ang mga mata ni Hazel. Kaagad nitong sinunggaban ang kanyang alok. Napilitan siya tuloy isakay ang dalaga.

Binaba niya ang bintana ng minamanehong sedan at pinagmasdan pang muli ang kalye na dati-rati'y naging bahagi ng harutan nila ni Czarina. Iyon din kanina ang dahilan kung bakit mas pinili niyang lakarin ang papunta sa mansion dahil gusto uli niyang maramdaman ng mga paa ang kalyeng nagbigay sa kanya ng ibayong kasiyahan noon. Dati kasi'y umiinit na sa excitement ang kanyang mga paa pagkatapak pa lang sa daraanan papunta sa mansion. Hindi pa rin pala naiba ang kanyang pakiramdam, kaya matindi ang naging reaksyon niya nang makita ang nobyang nakatitig nang may kalungkutan sa puno ng Acacia. Marahil naisip din nito ang kanilang nakaraan. Dahil sa matinding hinanakit sa ginawa nito noon, napasabi siya ng kung anu-ano. Pinagsisihan din niya agad ang mga nabanggit nang makitang tila nasaktan ang babae. But then, he wanted her to feel that he despised their past and he couldn't wait to get rid of all those memories.

"Sir, hindi po rito ang daan papunta sa amin."

Napalingon siya sa katabi. He almost forgot. Napatingin siya uli rito when he caught a glimpse of excitement on her face. Nagparinig pa ito na okay lang daw silang maligaw. Hindi niya pinatulan. Bagkus ay minadali niyang mag-U-turn at idaan ito sa dorm na malapit sa Bataan Polytechnic College kung saan ito nag-aaral.

"Sabi ko, sir, okay lang po kung saan n'yo ko dalhin." And she gave him her sweetest smile.

Nagkunwari siyang hindi ito narinig.

"Here you go. Thank you for accompanying me today."

Imbes na bumaba na, bigla na lang siyang sinunggaban nito. Mabilis niya itong inilagan kung kaya imbes na sa mga labi lumanding ang halik, sa pisngi niya ito dumapo.

"What are you doing?" asik niya rito.

Sinapo nito ang magkabila niyang pisngi at hahalikan uli sana siya nang maagap niyang tinanggal ang mga kamay nito at mahinahon na pinagsabihan.

"I'm not looking for a fling, Hazel. And besides, you are too young for me. Please look for a guy your age. Iyong masasabayan ka sa lahat ng bagay."

"I'm already nineteen almost twenty, sir. Hindi na ako bata. Masasabayan naman kita sa lahat ng bagay. Ako ang mag-aadjust."

Mabilis siyang umiling dito. At sa pinakamahinahon niyang tinig ay sinagot ito ng, "No."

Tila nasaktan ang dalaga. Pinangiliran ito ng mga luha, pero hindi na niya pinansin iyon. He immediately opened the passenger's door and asked her to leave.

**********

"Ems, pasensya na!" salubong ni Czarina sa officemate na siyang kumupkop kay Rory nang magpunta siya ng Bataan. Inabot niya rito ang pera na para sa pagkain ng anak na nakaligtaang iwan nang magmadali siyang umuwi ng probinsya.

"Ano ka ba? Nagpadala ka naman ng groceries, di ba? Ikaw talaga."

"Ha? Anong groceries?"

"Mama!" excited na sigaw ni Rory sa kanilang likuran. Patakbo itong bumaba ng hagdan at sinalubong siya ng mahigpit na yakap at halik. "Kailan ka uli mag-a-out of town?" nakangisi nitong tanong. Na nagpakunot sa noo niya. Hindi ba siya na-miss ng batang ito? "Kasi, Mama, ang galante n'yo rin pala kapag nalalayo kayo sa akin." At tumawa ito. Pinakita nito ang hawak na isang 90 gram Godiva dark chocolate. Lalong nangunot ang noo ni Czarina.

"Sabi ko nga, siguro nanalo sa lotto ang mama mo, Rory, at isang supot pa talaga ng mga imported chocolates ang iniwan bukod sa halos isang buwan na groceries." At kinuwento nito ang pagkakatanggap ng isang kahong supplies na naglalaman ng cereals, fresh milk, imported canned goods, bigas, choiced bacon strips, corned beef, fresh meat at kung anu-ano pa. "Nabigyan ka ng bonus ni Sir Ed, ano? Ang damuhong matandang iyon! Kailangan lang palang manalo tayo ng award para maging galante!"

"Wala akong pinadalang groceries!"

"Ha? Eh sino nagbigay ng mga iyon sa amin?"

Napanganga si Czarina. At may naisip na siya agad kung kanino iyon galing. Kaso, parang ang labo rin dahil sa tuwing nagkakaharap sila ay kulang na lang sapakin siya nito. Kung anu-anong pang-iinsulto pa ang pinagsasabi nito at pinapamukha pang isa lamang siyang bangungot ng kahapon.

"Baka, na-realize ni Senator Lee na hindi siya dapat nagpapadala sa sumbong ng bruha niyang apo. Marahil pang-hugas guilt iyan."

Nagprotesta pa sana si Rory. Hinding-hindi raw iyon magagawa ng lolo ng maldita niyang kaklase pero hinila na niya ito at sinabihang uuwi na sila.

"Thanks, Ems," sabi nila sa butihing kaibigan at umalis na silang mag-ina sa harap ng bahay nito sa T.S. Cruz Subdivision.

**********

Kumatok si Rorik nang tatlong beses sa nakabukas na pintuan ng conference room kung saan nagmi-miting ang news department ng kanyang pahayagan. Narinig niyang nagtatalo ang mga ito sa susunod na itatampok na feature story. Ang gusto raw kasi ni Czarina ay iko-cover nila ang nangyayaring demolisyon sa isang barangay sa Muntinlupa para makuha ang pansin ng local government unit at maaksyunan ang hindi makataong pagpapaalis sa mga iskwater doon. Inalmahan ito ng isang grupo at sinabihan si Czarina na masyado siyang subersibo. Hindi raw nila pupwedeng kontrahin na lang lagi ang lokal na pamahalaan dahil baka raw matulad sila sa ibang dailies na pinasara na lang nang walang kaanu-ano.

"I agree with your staff. Dapat maging maingat lalo pa't nasa tama ang may-ari ng lupa. In the first place, hindi naman dapat iyon pinamamahayan ng mga iskwater dahil hindi kanila ang lupa."

Nagkislapan ang mga mata ng grupong sumasalungat kay Czarina. Halos sabay-sabay pa silang bumati kay Rorik at buong yabang na pinamukha sa una na tama nga sila.

"Kasali ka ba sa usapan? Ba't sabat ka nang sabat?" sagot ni Czarina sa kanya. Tinapunan siya ng matalim na tingin. "Guys, di ba sabi ko, close the door? Sino ang nagbukas ng pintuan?"

"Please stop acting like a bossy boss, Czarina. Kita mo na? Na-korek ka pa ni Architect Rojas. Hindi ka na nadala. Hindi ba kamuntik na tayong mahabla noon ni Congressman Alvarez nang dahil sa ginawa mong kuwento-kuwento tungkol sa diumanong anomalya niya?" reklamo ng isa. Sa pagkakaalala ni Rorik ito ang babaeng nirekomenda ni Ed sa kanya na ilagay sa posisyon ngayon ni Czarina subalit hindi siya pumayag. Sa pagkakatanda niya Wynona ang pangalan nito.

"Architect Rojas! What a surprise!"

Napasulyap si Rorik sa bagong dating. Si Ed Santos. Tumingin ito sa loob ng conference room at inalam ang pinagtatalunan ng grupo. Kaagad itong pumanig kay Czarina to which Rorik smiled secretly. Pero nang marinig nito mula sa mga staff na iba ang opinyon niya, he cleared his throat and suddenly changed his mind.

Nakita ni Rorik ang pagsimangot ng dating nobya at ang paghagis na naman sa kanya ng matalim na tingin. Napilitan itong palitan ang feature story nila for the week.

All the staff contradicting her smiled smugly. Nagsisi tuloy si Rorik. Pero huli na para baliktarin ang kanyang opinyon. Ang gusto lamang niya kanina'y asarin ang babae, pero nang makitang tila maiiyak ito't parang napagkaisahan ng lahat lumambot din ang kanyang puso. How he wanted to just grab her and give her a tight hug.

"Come to my office now, Architect Rojas. Handa na ang mga papeles."

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Ayaw niyang makita ang paghihirap ng loob ng dating nobya. Baka bigla siyang bumigay.

Czarina glared at him as he made his way out. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top