Mikaela

~●~

"Trish, I'm sorry."


Wika ni Greg pagkapasok na pagkapasok pa lang namin sa condo.


Hindi na bago sa akin ang tagpong ito. 'Yong lalaking nagmamakaawa na patawarin ng babae sa kabila ng katarantaduhan niya. 'Yong babae nama'y iyak nang iyak sa kasawiang-palad ngunit magpapatawad din sa bandang huli. Siguro nga kung naging pelikula ang buhay pag-ibig ko, malamang pinarangalan na akong martir ng taon.


Kung tutuusin, mas mabuti pa nga sa pelikula. Kasi matapos ang madamdaming eksena, babalik lang sa karaniwan ang lahat at walang maiiwang kirot sa dibdib. Pero iba sa realidad. Sa totoong buhay ay halos pagsakluban ka na ng langit at lupa kapag nalaman mong niloloko ka ng minamahal mo. Halos ikamatay mo ang sakit at pighati na para bang sinasaksak ka nang paulit-ulit ng matulis na bagay. Ngunit imbes na dugo, mga malalaking butil ng luha ang dumadaloy mula sa mga matang naging saksi sa kanyang pagkakasala.


Ganitong-ganito rin ang naramdaman ko isang taon na ang nakakalipas no'ng unang beses siyang nagloko. Halos isumpa ko na siya noon at nagbantang iiwan siya. Walang pinagkaiba sa nararamdaman kong hapis ngayon. Ang bago lang ay ang inis sa sarili ko dahil hinayaan kong maulit muli. Ang galit sa sarili dahil nanatili pa rin ako kahit niloko na noon. Maituturing bang isang kahangalan ang pagpapatawad ko at hindi bumitaw sa aming dalawa? O isang karuwagan sa pag-aakalang hindi ko kayang mabuhay na wala siya?


Akala ko noon naging manhid na ako sa lahat ng sakit na naidulot niya sa puso ko. Ngunit parang bumukas muli ang mga sugat ng kahapon na hindi pa man gumagaling ay ngayon nagdurugo ulit at tila mas dumoble pa ang hapdi. Na wala kang pagpipilian kung hindi ang tanggapin at kayanin. Na gugustuhin mo nalang kainin ng lupa para matapos na ang lahat ng paghihirap mo.


"Trish, pag-usapan naman natin 'to, please?" Pagmamakaawa niya.


Sa kabila ng nararamdaman kong pighati, pinunasan ko ang aking mga luha na kanina pang dumadaloy sa aking mga pisngi at nilakasan ang aking loob para harapin siya nang buong tapang.


"Hindi 'to ang unang beses Greg. Alam mo 'yan." Mariin kong sabi.


"Alam kong nagkamali ako. Pero sana magawa mo pa rin akong patawarin." Katuwiran niya.


"Kaya ba inuulit mo? Dahil napapatawad kita? Gano'n ba?" Singhal ko.


"'Di naman sa gano'n Trish--"


Hindi ko na siya pinatapos sa kanyang sasabihin.


"Kung gano'n bakit?"


"Bakit nagawa mo pa rin akong lokohin?" Sigaw ng nagpupuyos kong damdamin.


At sa puntong ito, hindi ko na napigilan pa ang aking sarili. Napaupo ako nang pasalampak habang bumubuhos ang malalaking luha na nakakubli sa namumugto kong mga mata. Lumapit si Greg at inalalayan ako upang makatayo. Mga sampal at hampas naman ang natamo niya mula sakin habang patuloy pa rin ako sa pananangis.


"Sige saktan mo 'ko. Sampalin mo 'ko. Kung ito lang ang paraan para mapatawad mo 'ko." Aniya.


Agad ko naman siyang itinulak para mapalayo siya sa akin. Pinunasan ko ang aking mga pisngi at pinatahan ang sarili.


"Ilan ba Greg?" Tanong ko.


"Isa?" Impit na sabi ko.


"Dalawa?" Dagdag ko na ngayo'y may kasamang hikbi.


"Ilang sampal ba para tumino ka?"


"Ilang sampal pa ba ang kailangan para pumasok diyan sa kukuti mo na huwag nang magloko?" Singhal ko uli.


Pinunasan ko muli ang mga bagong luhang nagbabadyang tumulo sa aking mga mata.


"Kung sabagay, ginusto ko to, eh." Pahayag ko.


"Sa simula pa lang, alam ko naman kung ano ka. Binalaan na ako ng mga kaibigan ko tungkol sa'yo. Pero hindi ko sila pinakinggan. Binalewala ko ang sinabi nila. Pinaglaban kita."


Nagsimula na namang tumulo ang aking mga luha.


"Alam mo kung bakit?"


"Naniwala ako sa'yo. Naniwala ako sa sinabi mo. Umasa ako na magbabago ka." Panunumbat ko sa kanya.


"Alam mo ano'ng mas masakit?" Pagpapatuloy ko.


"Sa kagustuhan kong mabago ka, ako 'tong nagbago. Ako 'yong binago mo, Greg."


Napahagulgol ako. "Hindi naman ako ganito, eh."


"Hindi ako ang tipong naghahabol. Alam 'yan ng mga kaibigan ko. Kaya nga nagtataka sila kung bakit pagdating sa'yo, nagpapakatanga ako."


"Kung ako lang, iniwan na kita dahil sawang-sawa na ako. Kaso hindi pwede, eh. Hindi ngayon. Hindi bukas."


Nanuot naman ang noo ni Greg sa mga sinabi ko.


"Anong ibig mong sabihin?" Pagtataka niya.


Ito na marahil ang tamang oras para sabihin ko sa kanya. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon niya pero bahala na. Habang maluha-luha akong nakatitig sa kanya, dahan-dahan kong inilapat ang aking kanang kamay sa aking puson na agaran naman niyang sinundan ng tingin at rumihestro sa mukha niya ang ibig kong ipahiwatig. Binaling ang tingin sa akin at---


"Trish.." ang tanging nasambit niya.


Lumapit siya sa akin at niyakap ako tulad nang pagyakap niya no'ng nangliligaw pa siya. Ngunit hindi 'to ang oras para ako'y manabik at magbalik-tanaw sa mga yakap niya noon. Bagkus ito ang panahon para alalahanin ko ang magiging bukas naming mag-ina.


"I'm sorry. Hind ko alam. Pangako magbabago na ako." Hagulgol niya na parang bata sa kanyang ina.


Bumitaw siya sa pagkakayakap at nilagay ang mga kamay sa aking magkabilang balikat sabay halik sa aking noo. Tapos ay yumuko siya nang bahagya para magtama ang aming mga mata.


"Para sa magiging anak natin." Saad niya.


At muli akong niyakap nang mahigpit. Gumanti naman ako ng yakap sa kanya. Napahikbi ako hindi dahil sa pighati kung hindi dahil sa tuwa na sa wakas ay naramdaman kong muli ang makabagbag-pusong pagmamahal ng isang Greg na nakilala ko noon sa kolehiyo.


Sinabi ko dati na hihiwalayan ko siya sa oras na lokohin niya ako ulit. Ngunit iba na ang sitwasyon ngayon. Hindi ko na ipinaglalaban ang relasyon na ito para sa pansariling kapakanan ko lamang. Para sa magiging anak namin, handa ko siyang tanggapin ulit at muling panghahawakan ang kanyang mga salita. Sa pagkakataon na ito'y nagbabakasakali ako na sana tuparin niya ang kanyang mga ipinangako. Na sana'y magawa niyang magbago. Kahit hindi na para sa akin.


Kahit man lang para kay---










. . . Mikaela.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top