BAHAGHARI : Act One

~•~

"Pula." Mungkahi ng isang diwata.

"Ang pag-ibig ay kulay pula. Matingkad. Namumukadkad. Puno ng pagsinta at romansa!!"

"Subalit ang pag-ibig ay 'di lamang sa dalawang taong nagkagustuhan." Pagtutol ng katabing diwata.

"Maaari rin ito sa loob ng tahanan --- sa iyong pamilya't mga kaibigan. Kahel ang totoong kulay ng pagmamahalan."

"Alam kong hindi ito isang patimpalak. Ngunit may mas hihigit pa ba sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak? Ang pag-ibig ay kulay dilaw 'pagkat sa kadiliman ito ang siyang nagbibigay tanglaw." Pahayag ng nakakatandang diwata.

"Nalimutan niyo bang mahalin ang kalikasan? Ito ang pinagkukunan ng mga likas na yaman. Kaya nararapat lamang na ito'y alagaan at pahalagahan. Ito ang pag-ibig, kulay luntian." Salaysay ng diwata ng kalikasan.

"Papaano kayo magmamahal sa iba kung sa iyong sarili ay wala kang pag-aaruga? Ang pag-ibig sa sarili ay walang kapantay. Ito'y kulay bughaw, totoo at dalisay." Turan ng batang diwata.

"Makasarili ang inyong pag-ibig." Wika ng diwata ng pangitain.

"Pagmamahal sa kapwa'y dapat ring isaalang-alang. Pagtulong sa nangangailangan na walang hinihinging kabayaran. Sapagkat ang pag-ibig ay kulay indigo, kulay ng pakikipagkapwa-tao."

"Huwag niyong isantabi ang pagkamakabayan. Mahalin ang kultura't ipaglaban ang lupang sinilangan. Debosyon, katapatan, pagmamahal sa bansa. Ito ang pag-ibig, at ito'y kulay lila." Paglalahad ng diwata ng digmaan.

Natigil ang kanilang diskusyon nang magsalita si Bathala.

"Lahat kayo ay may punto. Lahat kayo ay may makabuluhang interpretasyon tungkol sa pag-ibig. Kaya naman gamit ang lahat ng kulay na inyong binanggit ay lilikhain ko ang isang munting kaloob."

Sa isang kumpas ay nabuo sa kalangitan ang tila isang malaking arko na binubuo ng iba't-ibang kulay.

"Ito ang bahaghari ---"



"Nawa'y sa tuwing masilayan nila ito ay maalala at pairalin ng mga tao ang iba't-ibang kulay ng pag-ibig."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top