CHAPTER 27
CHAPTER 27
DELAIHLA FRIA HATT
Kinakabahan kong tiningnan si Stephanie. Napabuntonghininga na lang siya at napailing. Sinenyasan niya akong habulin si Dominic na agad kong sinunod.
Alam kong narinig niya ang pinag-usapan namin. Bakit ba hindi ko napansin ang presensya niya?
Hindi pa nakakaalis ang kotse nito. Mahina kong kinatok ang bintana no'n para ipaalam na papasok ako. Kabado kong binuksan ang pintuan sa passenger seat.
Ni Hindi man lang niya ako sinulyapan nang buksan ko iyon. Nakatingin siya sa labas ng kotse, at nakita ko ang paggalaw ng kanyang panga. Naupo ako sa upuan at hindi na nag-seatbelt.
"You can talk, Delaihla. Explain everything. . . "
Napalunok ako at tiningnan siya. "Totoo 'yong narinig mo pero hindi ko na balak ituloy 'yon," a pause, "G-ginawa ko 'yon kasi gusto kong gumanti—"
"Gumanti? Para saan ka naman gumaganti?" Lumagong ang kanyang boses.
Nilingon niya ako. Walang emosyon ang mukha niya, mahigpit ang hawak sa manibela.
"Iyong araw na ginagago mo 'ko noong nagta-trabaho pa lang ako para kay Dinoques. Hindi mo matandaan?" usisa ko. "Hindi ko gustong ituloy 'yon Dom kasi totoong mahal na kita—"
Hindi ko naituloy ang sinasabi ko nang humalakhak siya. Galit niyang hinampas ang manibela at ginulo ang kanyang buhok sa sobrang inis.
"You're unbelievable, Delaihla. Dahil lang do'n?"
Huminga ako nang malalim, nilalabanan ang sariling mga luha.
"Hindi 'yon 'lang.' Dom! Kung sa tingin mong parehas tayo ng nararamdaman kapag nasasaktan, puwes hindi! I easily get attached; I admitted it," giit ko.
"Gumaganti ka sa 'kin dahil do'n? Akala ko ba kakalimutan na natin 'yong nakaraan? Kung 'di ko pa narinig ang pag-uusap ninyo ni Stephanie, e'di hanggang sa lumipas ang ilang panahon, magpapanggap ka lang pala na mahal mo 'ko?"
Umiling ako. Hindi ko na napigilang umiyak sa harapan niya.
"Sasabihin ko naman sa 'yo ang totoo, eh, pero—"
"Patatagalin mo pa?" natatawa niyang tanong, halatang nasasaktan.
Napasandal na lang ako sa kinauupuan ko habang tinitingnan siya. Mabilis ang paghinga niya at halatang kinakalma ang sarili. Tahimik lang akong umiiyak habang pinupunasan ang luha ko.
"Mahal kita, Dominic," I softly muttered. "Mahal na m-mahal."
Pagak siyang tumawa. "You know what? I don't think I can believe you anymore."
Umangat ang tingin ko at tiningnan siya. Ramdam ko ang pagkirot sa dibdib ko nang iling-ilingan niya ako, natatawa sa pagkadismaya.
"Get out." Tinuro niya ang pintuan ng sasakyan. "I want to think about this—alone." Tulala lang siya sa manibela.
"Dom. . . Kailangan nating pag usapan 'to. 'Wag ka namang ganyan—"
"Get out!" Muli siyang nagtaas ng boses. "Habang pinipigilan ko pa ang sarili ko, Delaihla."
Umangat ang kamay ko at hinawakan ang kamay niya. "Dom. . ."
Tinanggal niya ang pagkakahawak ko. "Get. Out."
Pinunasan ko ang luha ko at sinunod na lang ang sinabi niya.
"I-I'm sorry," mahina kong wika pagkalabas ko at sinarado na ang pintuan.
Naglakad ako papunta sa gate ng bahay at pinagmasdang umandar ang kanyang sasakyan. Huminga ako nang malalim saka mabigat na pumasok sa loob ng bahay.
Naabutan ko si Stephanie na nagpapabalik-balik sa nilalakaran niya, nakahalukipkip. Natigilan lang siya nang makita ako.
"Anong sabi? Galit na galit ba?" she asked.
Nanghihina akong naupo sa sofa. Isang mabigat na hininga ang aking napakawalan. Umangat ang tingin ko sa kanya at doon bumuhos ang luha ko. Napahawak pa ako sa dibdib ko nang maramdamang sumisikip 'yon.
"Sasabihin ko naman talaga 'yong totoo sa kanya, eh. Pero bakit parang mali? Mali kasi alam kong masasaktan siya," umiiyak kong wika.
Natigilan ako nang marinig ang notification sa phone na may nag-text. Kinuha ko 'yon at tiningnan.
Dominic:
I think this relationship will not work, Delaihla. Let's break up. Are you happy
now? Nasaktan mo na ako.
"No. . . No. . ." Mas lalong umagos ang aking mga luha, umiiling sa phone ko.
"Anong meron?" kinakabahang tanong ni Stephanie.
Pinakita ko sa kanya ang text sa 'kin ni Dominic. Sinubukan ko siyang tawagan ngunit hindi niya ako sinasagot. Makailang ulit ko 'yong ginawa ngunit walang tawag na bumalik. Napasabunot na lang ako sa buhok ko sa sobrang inis.
"Hindi na niya sinasagot!" palahaw ko.
Sinubukan ko ulit siyang tawagan pero wala na talaga. Maski text ko ay hindi na nakalulusot. Mugto kong tiningnan si Stephanie.
"W-wala na kami."
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
Tinaklob ko ang makapal kong kumot sa 'king ulo nang marinig ang pagtunog ng phone ko. Sumasakit ang ulo ko at bigla na lang akong naiirita tuwing naririnig kong tumutunog 'yon. Nakalimutan ko yatang patayin ang alarm no'n.
When I looked at the time, I just realized that it was already afternoon. Doon ko lang naalala na si Aksana pala ang nangangalikot ng alarm ko noon at kung ano-anong oras ang pinaglalalagay niya no'n.
Kahit tinatamad ay napilitan akong bumangon. Ilang linggo na rin ang nakalilipas noong nakipaghiwalay si Dominic sa 'kin. Noong gabing 'yon ay sinundo na 'ko ni Papa para umuwi rito sa bahay niya.
Inilibot ko ang tingin sa aking silid. Pinaayos nila ang kwartong ito. Pinalitan nila ang noo'y kulay pink na pintura nito at ginawang kulay-krema't kayumanggi.
Tumayo na ako at binuksan ang malaking kurtina para papasukin ang sinag ng papalubog na araw sa kwarto. Napapikit pa ako dahil sa liwanag. Huminga ako nang malalim saka nagtungo sa sofa.
Doon ko naramdamang kumirot ang tiyan ko. Inipit ko 'yon, nagbabakasakaling mawala ang sakit. Nang hindi ko kinaya ang kirot ay humiga na ako, nakahawak pa rin sa tiyan. Hindi ko na maalala kung kailan ako nakakakain nang maayos.
Pinilit ko ulit na bumangon. Agad akong nagtungo sa banyo para maligo. Pagkatapos ay nagbihis ako sa simpleng pantulog. Pinatuyo ko pa ang aking buhok gamit ang blower habang walang buhay na nakatitig sa aking repleksyon sa full-body mirror sa aking harapan.
Napakamot na lang ako sa ulo ko nang aking mapuna kung gaano nga ako nangayayat. Nangingitim na rin ang ilalim ng mga mata ko. Sobrang bakat na ng panga ko na tila ba nagiging kalansay.
Napako ang tingin ko sa naka-frame na litrato ni Aksana na nilagay ko sa aking bedside table. Kinuha ko 'yon at hinalikan.
"Good afternoon, Axe." Tipid akong ngumiti saka maingat na 'yong binalik sa lamesa.
Nagtungo naman ako sa pintuan nang biglang may kumatok. Binuksan ko 'yon at bumungad sa 'kin si Papa. Hinarap niya ako at tipid na ngumiti sa 'kin. Hinawakan niya ang braso ko saka ako niyakap.
"You're getting thinner, Delaihla," usal niya.
Siya ang unang umalis sa pagkakayakap, at nakita ko ang pangingilid ng kanyang luha. Binundol naman kaagad ako ng kaba dahil doon at hindi nakapagsalita.
"Gusto kitang alagaan katulad ng ginawa ng mama mo pero parang hindi ka lumulusog dito sa bahay ko. Pinapakain naman kita ng tama, pero parang lalo kang pumapayat."
Mahina akong natawa sa sinabi niya at muli siyang niyakap. "Hindi lang po ako medyo okay ngayon, 'Pa."
"Ano ba'ng nararamdaman mo ngayon? Pwede bang. . . Kung may problema ka at wala kang masabihan, pwede mo sa 'kin sabihin. Makikinig ako."
"Nagugutom ako. . . Don't worry, sasabihin ko kaagad sa 'yo pag may problema ako 'Pa," sagot ko.
Napabuntonghininga siya at hinalikan ang noo ko. Hindi ko alam pero nasisiyahan ako sa ginagawa niya. Para niya 'kong nilalambing.
"Okay. Tara na sa dining area. Nakahanda na ang mga pagkain do'n," aniya.
Sabay kaming naglakad pababa hanggang sa makarating sa sala. Inalalayan niya pa ako at hindi ko maiwasang hindi matawa. Nakikita ko na bumabawi siya sa pagkukulang niya sa 'kin noon.
Hindi ko rin alam na ganito kalaki ang bahay ni Papa kahit silang dalawa lang naman ni Stefano nakatira rito. Malaki din ang garden nila at may parang maze pa sa gitna. Nakakalula sa ganda.
"Hindi muna kita papapasukin sa kumpanya hangga't hindi ka pa maayos, Delaihla. If I know that you are already recovering physically and emotionally, I'll tell you. I won't let you get stressed with work, not with that health."
Tumango ako habang kumakain. Tango lang ang nagagawa ko sa bawat nguya. Ang sarap ng mga ulam! Parang bumabawi 'yong katawan ko.
"That's good. Eat more, Delaihla. Magana ka ngayong kumain, ah."
Tipid lang akong ngumiti sa kanya bago uminom ng tubig. Natigilan ako nang marinig ang mahihinang tawa ni Aksana. Hindi ko alam pero kusa akong napatayo at hinanap kung saan nanggaling 'yon.
"Aksana. . ." bulong ko.
Dumiretso ako sa garden at hinanap kung saan nanggaling ang boses niya. Nilingon ko ang malaking maze. Tumakbo ako papunta ro'n.
"Delaihla! Hindi ka pa tapos kumain!" dinig kong habol ni papa.
Nilingon ko siya at nag-aalanganing bumalik. Pabalik-balik ang tingin ko sa kanila. Bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig ulit ang boses ni Aksana.
"Fria!" Kusa akong napangiti nang marinig ang boses niya. Parang musika sa tenga ko ang mahihina niyang tawa.
"Oo, Aksana. Nandito na si Fria. Hintayin mo 'ko!"
Tumakbo ako papasok ng maze at sinundan lang kung nasaan nanggaling ang boses ni Aksana. Dinig ko rin ang boses ni Papa na tinatawag ako.
"Aksana!" malakas kong sigaw.
Ngayon pa lang ako nakapasok dito, at hindi ko alam kung saan ang tagos nitong pinasukan ko.
"Fria! Bye!"
Kumunot ang noo ko sa sinabi nito. "Teka! Axe!"
Bumilis na ang takbo ko para mahanap siya. Nakita ko siya kanina rito! Nakaputing damit pa siya!
"Aksana! Nasaan ka!?"
Nagsimulang magtubig ang mata ko dahil doon. Hindi ko na siya mahanap! May malakas na hanging bumalot sa katawan ko. Nagsimula akong lumuha. Napaatras ako. Muntik pa akong matapilok nang may humila sa 'kin paharap.
"Are you trying to kill yourself?!"
Natigilan ako nang marinig ang boses ni Stefano. Hinihingal ito at nakasuot pa rin siya ng business suit. Bumaba ang tingin ko sa likuran ko na dapat malalakaran ko.
Isang malaki at malalim na hukay ang naroon. Binundol ng kaba ang dibdib ko nang makitang may 'di kalakihang matutulis na bato roon.
"Ano na naman bang pumasok sa utak mo at pumunta ka rito? Under renovation 'to!" naiinis niyang wika sa akin.
Tuluyang tumulo ang luhang pinipigilan ko. "Si A-Aksana. . . Tinatawag niya 'ko. Hinahanap ako ni Aksana," umiiyak kong wika.
"Delaihla!" sigaw ni Papa. Natigilan siya. Nang makita ako ay nagpakawala siya ng hininga.
He rushed to hug me and caress my hair. "Thank God."
"Patay na si Aksana, Delaihla. Imahinasyon mo lang 'yong naririnig mo," mahinang sambit ni Stefano.
Napapikit ako at umiling. "Narinig ko siya kanina. Pati tawa niya naririnig ko. Baka hinihintay niya ako sa sementeryo. . . Sabi ko sa inyo, nandoon lang siya hinihintay ako—"
"Stop! She's already dead. Please, Delaihla. Tulungan mo ang sarili mong maka-move on sa nangyari. Nahihirapan din kaming dalawa ni Papa na makita kang nagkakaganito," agad na gatong ni Stefano.
Nanghina ang tuhod ko at basta na lang bumagsak sa lupa. Humagulhol ako ng iyak habang nakayuko. Pinantayan ako ni Papa saka ako muling niyakap.
"Carry her," utos ni Papa kay Stefano.
Naramdaman ko na binuhat ako ni Stefano. Sabay kaming tatlong naglakad papasok ng bahay habang umiiyak ako. Sunod-sunod ang hikbi ko.
"Kailangan ko si Aksana. . . Aksana."
SHANGPU
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top