CHAPTER 14
CHAPTER 14
DELAIHLA FRIA HATT
"Kailan ka babalik?" usisa ko pagkasubo sa aking almusal.
"Hindi ko pa alam pero hindi ako magtatagal doon. Bibisitahin ko lang sina mama," tugon ni Stephanie.
Tumango ako. "Sige. Mag-iingat ka roon, ah?" Bininyagan niya ako ng isang matamis na pagngiti saka niya itinuloy ang pagsalo sa akin sa pagkain. "Magpaalam ka muna kay Aksana bago ka umalis," paalala ko.
Nang matapos kaming mag-umagahan ay agad naming tinungo si Aksana sa kuwarto ko. Nadatnan namin siyang nilalaro ang kanyang mga bagong laruan—kasama na ang stuffed toy na bigay ni Dominic. Hindi ko na siya kinailangang tawagin upang mapansin niyang naroroon kami.
"Fria! Tita Stephanie!" Lumundag siya mula sa kama saka tumakbo kaagad palapit sa amin. Agad ko naman siyang binuhat kasabay ng kanyang halakhak.
"May sasabihin si Tita Stephanie mo," wika ko sa kanya. Tiningnan ko si Stephanie, dahilan upang lingunin din siya ni Aksana.
"Bakit?"
Humugot ng buntonghininga si Stephanie. "Aalis muna si Tita mo. Huwag kang makulit kay ate mo, ah?"
Nagsalubong ang kilay ng bata. "Kailan ka babalik?"
"Hindi ko pa alam eh. Pero saglit lang ako roon sa pupuntahan ko," malumanay na saad ni Stephanie. Hindi naalis ang tingin ni Aksana sa kanya.
"Saglit lang si tita mo, Axe. Ibig sabihin, tayong dalawa lang dito sa bahay," paliwanag ko bago ko siya ibinaba. Naupo kami sa kama.
Nanatiling tulala si Aksana kay Stephanie, tila pilit na iniintindi ang sinasabi nito sa kanya.
"Oh, pa'no? Aalis na ako, ah? Mag-iingat kayong dalawa rito," ani Stephanie saka hinalikan ang noo ni Aksana.
Nilapitan niya rin ako upang mayakap ako nang mahigpit. Ginantihan ko rin 'yon ng pagyapos.
"Sali rin ako!" bulalas ni Aksana.
Hahagi-hagikhik kami ni Stephanie habang pabirong inipit si Aksana sa pagitan ng aming mga yakap. Napaigik pa nga siya dahil do'n. Nang kumalas na kami ay muli nang namaalam si Stephanie bago tuluyang lumabas ng bahay.
Nagpakawala ako ng isang malalim na paghinga. Kami na lang ngayon ni Aksana ang nandito sa bahay. Tumabi ako kay Aksana na muli nang nilalaro ang kanyang mga bagong laruan.
"Mag-almusal ka muna, Axe," alok ko.
Tumingin siya sa akin at tumango. Kumuha muna siya ng limang laruan at nilagay ang mga 'yon sa maliit niyang basket. Nawiwili akong pinanonood siya hanggang sa may bigla siyang binanggit.
"Fria, nilalamig ako." Kumibit ang aking labi. "Yakap mo nga ako, ang lamig!"
Binuhat ko siya saka ko siya binalot ng mahigpit na yakap. Dinala ko siya hanggang sa aparador upang kumuha ng jacket. Ilang saglit pa ay dumagundong ang isang malakas na pagkulog.
Mukhang parating na ang bagyo. Sana naman ay ligtas na makabiyahe si Stephanie.
Binitbit ko si Aksana hanggang sa maiupo ko siya sa harap ng hapag-kainan. Napansin kong tila walang imik si Aksana hanggang sa malapagan ko na siya ng plato sa harap niya.
"Aksana," tawag ko sa kanyang atensyon. Dahan-dahan siyang tumingin sa 'kin. "Okay ka lang ba? Sabi ko naman sa 'yo na kapag may nararamdaman kang kakaiba, sabihin mo kaagad sa 'kin," paalala ko.
Yumuko siya, at ang kanyang mga daliri ay nagsisimulang maglikot sa kanyang mga laruan.
"O-okay lang naman ako, Fria. Parang mabilis lang akong hingalin." Umangat ang kanyang ulo at tiningnan ako. "N-natatakot lang ako kasi baka hindi ako makahinga. G-gusto pa kitang makasama nang matagal." Nagsimulang manubig ang kanyang mga mata.
Nanikip ang dibdib ko sa kanyang sinabi. Huminga ako nang malalim, tila nagbabadya na rin ang mga luha.
"Bakit hindi mo agad sinabi sa 'kin? May inhaler ka, 'di ba?"
"Ginamit ko 'yon," agad niyang tugon. "Medyo okay na ako."
Nanatili akong nakatingin sa kanya. Bakit hindi ko 'yon napansin? Gusto kong magalit sa sarili ko. Masyado akong abala sa paghahanap ng trabaho na sa puntong hindi ko na napagtutuunan ng pansin ang mga nararamdaman niya.
"I love you, Fria." Malumanay ang pagkasabi niya sa 'kin. Nakakapanibago.
Ngumiti ako saka siya niyakap. "I love you too. Konting tiis na lang, magiging maayos ka na." Sinuklay ko ang buhok niya gamit ang mga daliri ko.
"Hindi na ako makapaghintay na gumaling ako, Fria. Kapag gumaling na ako, maglalaro tayo ng Chinese garter," aniya. Natawa na lamang ako.
"Ikaw talaga. Sige na, pumasok ka na sa kwarto. Babalikan kaagad kita. Maghuhugas muna ako ng pinagkainan natin," ang tangi kong nasabi saka niligpit ang mga nasa hapag-kainan.
Hindi rin nagtagal at unti-unti na ring kumalampag ang malalaking butil ng ulan sa aming yero. Nagsimula sa paunti-unting patak hanggang sa palakas na iyon nang palakas. Minabuti kong isara na ang mga pintuan at bintana dahil baka tumalsik pa ang tubig-ulan papasok ng bahay.
Kapag ganitong mayroong bagyo, o kahit malakas na ulan, mas gusto naming manatili na lang sa loob ng kwarto. Matatakutin kasi si Aksana sa kulog at kidlat. Pagkatapos kong maghugas, pumasok kaagad ako sa loob ng kwarto at naabutan ko si Aksana na nakabihis na ng damit na kagaya kay Merida.
"Uminom ka muna ng gamot mo," usisa ko.
Bumaba siya sa kama at pinuntahan ako. Ibinuka niya ang kanyang bibig upang ma-shoot ko ang gamot sa loob nito. Bahagya pa siyang natawa dahil sa ginawa ko. Kinuha niya ang tubig at ininom 'yon.
"Fria, kailan mo ako bibilhan ng bagong pana?" tanong niya.
"Ay oo nga pala. Kapag nakadaan ako sa mall. Bibilhan kita sa Toy Kingdom," nakangiti kong sabi.
Ngumiti siya saka ako niyakap nang mahigpit. "Salamat, Fria! I love you."
Ngumiti ako at hinimas ang buhok niya. "I love you too, Axe."
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
"Saglit lang talaga ako. Huwag kang lalabas at huwag mong bubuksan ang pintuan kapag may kumatok o kahit kakilala natin. Basta diyan ka lang sa kwarto. Maliwanag?"
"Oo! Ang dami mong sinabi," maktol ni Aksana.
Tumawa ako at hinalikan ang kanyang pisngi. Niyakap niya rin ako bago naglakad-takbong pumasok sa loob ng kwarto.
Huminga ako nang malalim saka ibinuka ang payong. Saglit lang ako sa labas dahil bibili ako ng gamot ni Aksana. Malapit lang naman ang bilihan dito.
Napahigpit ang kapit ko sa payong nang biglang humangin nang malakas. Naglakad kaagad ako para mabilis na makabalik. Nakahinga na lang ako nang maluwag nang makitang hindi mahaba ang pila sa botika.
Hindi rin ako nagtagal. Pagkakuha ng mga ipinamiling gamot ay muli kong binuksan ang aking payong—na siya namang nasaktuhan ng malakas na hangin. Napwersa ng hangin ang tela ng payong kaya naman ipinanlaki ng mata ko nang matunghayang ang natira na lang sa akin ay ang hawakan.
Napaatras ako nang dumoble ang lakas ng hangin. Tatakbuhin ko na lang 'to hanggang sa bahay. Malapit lang naman, e.
Huminga ako nang malalim at mabilis na tumakbo. Hindi pa ako nakarating sa ukayan ni Aling Ising, basang-basa na kaagad ako. Napamura na lang ako nang humangin pa nang mas malakas.
Nang matunton ang gate namin ay mabilis akong kumaripas papasok, agad na napayapos sa giniginaw na katawan. Nanginginig ang labi ko habang naglalakad papunta ng kwarto. Doon, naabutan ko si Aksana na naglalaro sa aking cellphone.
"Fria!" Tila ba nakakita siya ng multo sa kanyang pagsigaw.
Akmang lalapitan niya ako nang pigilan ko siya.
"Huwag kang lumapit sa 'kin. Basa ako. Magbabanlaw muna ako," agad kong sabi saka inilapag ang pinamiling gamot sa ibabaw ng vanity table.
"Nabasa ka ng ulan?" Tumango ako saka kinuha ang towel. "Nagdala ka naman ng payong, 'di ba? Bakit ka pa rin nabasa? Baka magkasakit ka!" pagmamaktol ni Aksana saka humalukipkip.
Napabuntonghininga ako saka siya pinantayan ng tindig.
"Nilipad ang payong ko, Axe. Huwag kang mag-alala, okay lang ako," nakangiti kong sabi.
"Dapat kasi hindi ka na lang lumabas, eh!"
Mahina akong natawa. Agad naman na akong nagpaalam na magbabanlaw na. Pagkatapos kong maligo ay nagtungo rin ako kaagad sa kwarto at nagbihis ng oversized shirt at pajama.
"Nagugutom ka na ba?" tanong ko.
Umiling si Aksana. "Hindi. Kumuha ako ng biscuit sa drawer. Sorry kung 'di ako nakapagpaalam."
Ngumiti ako at hinalikan siya sa pisngi. Niyakap ko siya at nahiga kami sa kama.
"Okay lang. 'Di mo naman kailangan mag-sorry. Kapag nagugutom ka, kuha ka lang doon, okay?" Tumango lamang siya nang mabilis
Huminga ako nang malalim at ipinikit ang mata ko—bigla na lang akong napagod ng walang dahilan. Hinayaan ko na lang na lamunin ako ng antok hanggang sa makatulog.
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
Kumunot ang noo ko nang makarinig ng parang may umiiyak. Dahan-dahan akong dumilat at bumungad sa akin ang luhaang mukha ni Aksana.
Bumangon ako at akmang tatayo nang biglang akong makaramdam ng pagkahilo. Bumagsak agad ako pabalik sa kama habang sapo-sapo ang noo ko.
"Ate!" umiiyak na bulalas ni Aksana.
Umubo ako at hinilot ang aking lalamunan. Tiningnan ko si Aksana at tipid na ngumiti sa kanya.
"O-okay lang ako," paos kong wika.
Lumapit siya sa 'kin at niyakap ako nang mahigpit. Muli siyang umiyak habang yakap-yakap ako.
"May sakit ka! Dapat kasi hindi ka na umalis kahapon, ate!" Sumubsob siya sa dibdib ko.
Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Tumingin ako sa bintana at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang araw kahit na umuulan pa rin.
"Hindi ka pa k-kumakain," alala kong sambit. Maingat ko siyang binaba sa kama, iniiwas ang mukha ko sa kanya upang makaubo.
Hindi pwedeng hindi siya makakakain! Ibig sabihin, simula hapon at kanina ang tulog ko. Edi biscuit lang ang nakain ni Aksana!
Pagkaapak ko sa lapag ay nahilo akong muli, pero hindi na kama ang pagbabagsakan ko kundi ang sahig na. May dalawang brasong umalalay sa 'kin na siyang ikinagulat ko, dahilan upang lumukso ang pagtibok ng aking puso.
Inangat ko ang aking ulo, sinisinagan kung sino ang siyang sumalo sa 'kin.
"D-dominic?"
Gumuhit sa kanyang mukha ang pag-alala. Sino'ng nagpapunta sa kanya rito? Nilingon ko si Aksana na patuloy pa ring umiiyak; namumula na ang pisngi at ilong.
SHANGPU
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top