Kabanata 4

[ VIANA ]

Sinalubong ko ang tingin ni Darem at sinagot ang tanong niya.

"May sakit si ate. Kahit gustuhin niya man na siya ang pumunta sa pilian ay hindi kaya ng katawan niyang tumagal sa mga pagsubok. Nanood sila kahapon at kailangan pa ng tulong ni ina at ama para lang makalakad siya." Huminto ako at huminga ng malalim.

"Hindi namin kayang magbayad ng dobleng buwis sa loob ng isang linggo. Wala kaming maraming salapi tulad ng pamilya mo. Wala na akong ibang naisip na paraan para matulungan ang pamilya ko kundi ang pumalit sa ate ko kahit na hindi ako marunong gumamit ng kapangyarihan." Natahimik ito.

"Alam kong mali at labag iyon. Papalipasin ko lang ang isang linggo at aalis na rin agad ako." Sabi ko sa maliit na boses. Nasabi lang dahil dala ng sari't saring emosyon.

"Bakit ka aalis kung ang pagsubok kahapon na mismo ang nagpatunay na nararapat kang makapasok rito. Panindigan mo ang pagtulong mo at palalampasin ko ang ginawa mo."

"Masusunod po, Mahal na Prinsipe. Maraming salamat po." Yumuko ako.

"Maraming salamat rin po." Yumuko rin ako kay Rohan Sinclair.

"Yung babae kanina na nagpanggap na ikaw, kilala mo?" Tanong nito.

"Opo. K-kaibigan ng ate ko." Gusto ko pa sanang dagdagan pero ayaw kong malaman nila ang iba pang detalye tulad ng sinabi nito kanina.

"Gusto mo Via, ihatid kita sa tutuluyan mo." Nagdadalawang isip kong tiningnan si Darem.

"Pero hindi kita kilala." Nangunot ang noo nito at napanganga. Nakarinig ako ng tawa mula sa dalawa nilang kasamahan na hindi ko pa rin kilala.

"Ang ibig kong sabihin ay hindi tayo magkaano-ano. Hindi tayo magkaibigan para tawagin ka sa iyong pangalan-"

"Via ako ng Via tapos hindi mo pala ako kilala at tinuturing na kaibigan?" May hinanakit ito sa tono ng kanyang boses. Muling tumawa ang dalawang lalaki.

"Nirerespeto ko lang ang pagkakaiba ng ating katayuan sa-"

"Huwag ka nang magpaliwanag. Halika. Ibabalik kita sa labas ng Palasyo." Akmang hahawakan niya ako ulit sa braso nang lumayo ako.

"Pinahintulutan ako ng Mahal na Prinsipe na manarili rito at iyon ang susundin ko kaya bakit papaalisin mo ako?" Sambit ko na nagpanganga sa kanya.

"Wala ka pala, Darem. Talo ka pala eh."

Nakanganga pa rin siya at hindi makapaniwala sa akin. Nakonsensya naman ako sa binitawan kong salita kaya yumuko ako sa kanya at humingi ng paumanhin.

"Patawad, hindi ko sinasadya." Hindi na lang siya ang napanganga sa akin pati yung dalawang hindi ko kilala pa.

"Miss Amerson! Miss Amerson!"

Napalingon kami sa sumigaw na babae. Tumigil ito sa pagtakbo sa harap ko at yumuko habang hinahabol ang hininga.

"Kanina pa po kita hinihintay, kailangan mo na pong ayusan para sa pagsalubong sa inyong mga nakapasa sa pagsubok." Umangat ito ng tingin sa akin at natulala.

"Ang ganda..." aniya.

"Halika na, miss Amerson. Mabuti lang ay hindi ko pa naayusan ang nagpanggap na ikaw kung hindi lang dumating si Lord Rohan. Maraming salamat po, Lord Rohan."

Matapos yumuko kay Rohan ay hinahawakan niya ako sa kamay.

"Aalis na po kami, Mahal na Prinsipe." Aniya. Tumingin ako sa Mahal na Prinsipe at sumabay sa pagyuko rito.

Hawak-hawak niya ako sa braso habang papunta kami sa linya-linyang silid. Hindi ko rin maiwasan ang hindi mamangha sa ganda ng Palasyo. Bago sa akin itong nakikita ko kaya hindi mapigilan ang sarili.

Dito ako mamamalagi. Sa Palasyo.

"Dito ang iyong silid, miss Amerson. Maliit lang iyan at sakto lang sa isang taong mamamalagi. Katulad rin ng ibang silid ng iba pang nakapasa." Tinuro niya ang kulay kalimbahing pintuan na may disenyong Lilium na bulaklak.

Lumampas kami roon at lumiko sa isang daanan. Isang silid ang tumambad sa amin at doon na kami pumasok. Pagkabukas niya ng pinto ay bumungad sa akin ang iba ring nakapasa habang nakaupo at nakaharap sa kanya-kanyang salamin habang may nag-aayos sa bawat-isa.

Iginaya ako sa dulong pwesto. Pero habang papunta roon ay pinapadaanan ako ng tingin ng bawat babaeng nakapasa rin. Lahat ay nakasuot na ng pare parehong bestidang kasuotan, kulay maroon ito.

"Maupo ka na miss Amerson. Ako pala si Hirah." Ngumiti ako sa kanya.

Napatingin ako sa sariling repleksyon. Mas maayos ang pananamit ko kesa kahapon kaya presentable akong tingnan.

"May ginagamit ka bang pampaganda, miss Amerson?" Nagulat ako at napalingon sa babaeng nag-aayos ng buhok ko.

"Ang ganda ng hugis ng mukha mo pati ang mga kilay mo, at ang mga mata mo rin. Mahaba ang pilik-mata. Matangos ang ilong, ang labi ay ang ganda ng pagkakahulma. Nakakadagdag sa ganda mo rin ang mga nunal mo sa itaas na bahagi ng iyong pisnge."

"Talaga bang galing ka sa mababang antas ng pamilya?"

Ngumiti ako sa kanya.

"Oo. Hindi naman kilala ang pamilya namin."

Tumango na lang siya at tinapos ang pag-aayos sa akin. Halata ang saya sa mukha niya habang ginagawa iyon.

"Suotin mo na ang iyong uniporme, miss Amerson."

Iniaabot niya sa akin at iginaya niya ako sa isang silid kung saan ako magpapalit. Uniporme pala namin ito. Nang matapos isuot ay agad akong lumabas at sinalubong niya naman akong namamangha.

"Nakalimutan ko ang ipit mo sa buhok. Halika umupo ka ulit."

Lumingon ako sa iba at napansin ang ipit nila sa buhok sa magkabilang gilid. Kaya umupo na rin ako. Kulay puti ang ipit at mga bulaklak ang disenyo nito.

"Maliban sa uniporme ay isa rin itong palatandaan sa mga babae sila ay estudyante sa palasyo kung kaya't pareho ang disenyo sa lahat. Ang mas magarbo na disenyo naman ay para sa mga kababaihan ng maharlikang pamilya, kulay ginto naman ang sa pamilya ng Mahal na Reyna."

Napalingon kaming lahat sa bukana ng silid nang makitang may isang tagasilbi ang naroon.

"Pinapapunta na raw po kayo sa bulwagan." Ani nito at umalis.

Nagsitayuan kami at lumabas na ng silid. Nagpasalamat ako kay Hirah bago silang mga nag-aayos ay humiwalay sa amin. May isang natira sa unahan namin at iyon ang gumagabay sa amin.

Nasa pinakalikod ako nang magkaroon ng pila. Wala rin akong nakakausap dahil mas sarili silang mga mundo. Palagay ko rin ay ilag sila sa akin sa paraan ng pagtingin nila sa akin at hindi ko iyon maintindihan kung anong dahilan.

Tinahak namin ang isang pasilyo ng palasyo at bumungad sa amin ang malaking pinto. Binuksan ito ng mga tagapagbantay at agad na pumasok ang mga nasa unahan.

Nagsimula akong kabahan. Hindi ko pa nakikita ng buo ang bulwagan pero sa paningin ko ay para itong kumikinang sa ganda. Tumutunog rin ang malamyos na musika sa paligid.

Nang makapasok ay hindi nawala ang pagkamangha ko habang umiikot ang paningin. Sobrang ganda. Natigil ang pagtingin ko nang papunta na sa pwesto namin.

Isang mahabang mesa na kasya ang tatlumpong tao ang pwesto namin. Nakapwesto ito sa pinakagitna at sa magkabilang gilid nito ay mga bilogang mesa na may mga nakaupo na rin.

Ako ang huling umupo kaya't ang pwesto ko ay sa harap, katapat ko ang una sa amin sa pila. Si Miss Remiro. Nakikita ko ang pagkadisgusto niya habang nakatingin sa akin. Iniwas ko na lamang ang tingin sa kanya.

Sa harap namin ay ang hindi gaanong kataasang entablado kung saan naroroon ang trono na kinauupuan ng Mahal na Hari at Mahal na Reyna. Sa tabi ng Mahal na Reyna ang upuan ng Mahal na Prinsipe.

Sa magkabilang gilid ng entablado ay ang engrandeng hagdan na nagtagpo malapit sa dulo, sa ikalawang palapag na bahagi ng palasyo.

"Magandang umaga sa inyong lahat. Pagpupugay sa Mahal na Hari, Mahal na Reyna at Mahal na Prinsipe."

Tumayo kaming lahat at yumuko upang magbigay galang. Nang sumenyas ang Mahal na Hari na umupo kami ay amin itong sinunod.

"Bilang tagapagsalita sa inyong harap, nais kong pormal na ipakilala ang sarili sa mga bagong parte ng paaralan ng palasyo. Ako si Leriah Veronn, ang punong guro at tagapamahala sa paaralan ng palasyo."

Namangha ako, mataas pala ang kanyang katayuan.

"Ang pagdiriwang na ito ay para sa pagsalubong sa tatlumpong estudyanteng nakapasa sa pagsubok kahapon. Kayo ay muli kong binabati sa inyong pagkapasa. Tulad nang mga benepisyong natanggap ng mga naunang estudyante sa inyo ay kayo rin ay pagkakalooban ng parehong benepisyo. Magiging daan ito upang matulungan kayong mapatunayan ang inyong potensyal. Na nararapat kayong makapasok sa Palasyo bilang estudyante."

"Ngayon ay gagawaran kayo ng tansong brotse bilang simbolo ng inyong antas sa paaralan, o ang unang antas. Tatawagin ko isa-isa ang inyong pangalan at pumunta kayo sa gitna upang tanggapin ang brotse."

May isang babae ang pumunta sa tabi ni Lady Veronn. May dala-dala itong kahon na naglalaman ng mga brotse.

"Thalia Remiro."

Tumayo ang nasa harapan ko at pumunta sya sa harap ni Lady Veronn. Yumuko at pagkatapos ay inilahad ang dalawang kamay upang tanggapin ang brotse. Yumuko rin siya sa kamahalan at isnuot na. Humarap siya sa amin at yumuko rin. Napuno ng palakpak ang bulwagan at bumalik na rin siya sa pag-upo.

Nakatingin ako sa brotse na nasa kanang dibdib niya nakakabit. Bulaklak ang disenyo nito at napakaganda ng pagkakaukit sa tanso.

Tuloy-tuloy ang pagtawag ng mga pangalan at nakangiti ako habang pumapalakpak sa kanila.

"Viana Amerson." Napatingin sa akin si Lady Veronn. Ako ang huling tinawag niya.

Nagsimula akong kabahan habang papunta sa harap niya. Ngumiti ako pagkatanggap ko.

"Salamat po."

Humarap ako sa kamahalan na nakangiti at yumuko. Namamangha akong nakatitig dito habang ikinakabit ito. Humarap ako sa lahat at yumuko. Pag-angat ko ay nakangiti ko silang tiningnan bago ako bumalik sa aking upuan.

Nakaramdam ako ng tensyon sa mga kasama ko sa mesa. Pumalakpak sila pero parang iba yung kahulugan ng pagtingin nila sa akin. Itinuon ko na lamang ang paningin sa harap.

"Binabati ko kayong mga bagong estudyante. Opisyal na kayong bahagi ng palasyo. Maliban sa edukasyon ay responsibilidad din namin ang inyong kaligtasan. Makakaasa kayo na ibibigay namin ang inyong pangangailangan bilang estudyante." Pumalakpak kami.

Natahimik nang tumayo ang Mahal na Hari. Nakangiti ito sa amin. Yumuko naman kami sa kanya.

"Binabati ko ang tatlumpong estudyante na nakapasa at mga bagong bahagi ng palasyo. Ikinagagalak kong makita kayo."

Tumayo kaming mga lahat na nasa mesa at nagsambit ng pasasalamat saka yumuko. Umupo rin pagkatapos.

"Kaakibat ng pagsalabong sa inyo sa araw na ito ang pagdiriwang ng pagsisimula ng klase sa taong ito. Binabati ko kayong lahat. Humayo kayo at magsaya sa pagtitipong ito."

Napuno ng palakpakan ang bulwagan. Ngayon ko lang nakita sa malapitan ang Mahal na Hari kaya't tumataas ang mga balahibo ko sa presensya at pagsalita niya.

Dumako ang tingin ko sa Mahal na Reyna. Nagulat ako nang magkasalubong kami ng tingin. Kinabahan ako ng sobra pero ngumiti ako sa kanya at yumuko. Napakaganda ng Mahal na Reyna.

Nagtataka ako na nakatingin pa rin siya sa akin. Seryoso siya kaya nakakaramdam na ako ng hiya. Ayaw ko ring unang umiwas ng tingin kasi bastos iyon.

Nakahinga ako ng maluwag nang bumaling ang tingin niya sa Mahal na prinsipe.

*****
-btgkoorin

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top