Kabanata 1
[ VIANA ]
"Via iabot mo ang pamunas." Agad kong sinunod si ama at inabot rito ang pamunas na ibinabad sa maligamgam na tubig.
Naaawa man ay tumabi lang ako at natulala sa kalagayan ng pang-ibabang bahagi ng katawan nila ina at ate. Umiiyak na rin si ate at pilit siyang inaalo ni ina. Sa kama sila pareho at nakaunat lang ang mga paa na may magkaibang kalagayan. Nangingitim ang kay ate at may tinik naman ang kay ina.
"Sige na Via, ako na rito." Sambit ni ama kaya umalis na ako sa silid nila.
Sa halip na pumasok sa sariling silid ay dinala ako ng aking mga paa sa labas ng bahay. Lahat ng kabahayan ay maliwanag pa rin dahil tulad nila ate at ina ay ganun rin ang nararanasan nila.
Dumako ang tingin ko sa matayog na palasyo. Maliwanag pa rin ito at bukas pa ang mga ilaw sa mga silid na nasa itaas na bahagi. Hindi na kasi makita mula sa labas ang pang-una at ikalawang palapag dahil sa mataas na pader.
Tahimik kong binabagtas ang bawat daan. Wala ring katao-tao maliban sa akin. Tahimik ang daan pero maririnig sa mga kabahayan ang mga daing at mabibilis na kilos.
Palabas pa lang ako ng pagitan ng tahanan ng mga Lilium at pasyalan ay napalingon ako sa madilim na gubat dahil sa narinig kong mga yapak ng mga nagmamadali.
Dala ng kuryosidad ay lumapit ako ng dahan dahan sa malaking puno. Lumipat sa sumunod pang mga puno nang hindi matanaw ang naririnig. Nakailang puno na ako ng nilipatan nang lumakas ang mga yapak kaya napatago ako.
Pagsilip ko ay ganun na lamang ang gulat ko nang may nakasandal pala sa malaking punong napagtaguan ko. Nakaupo ito at hindi ko makilala ngunit nararamdaman ko sa kanya ang mabigat na presensya.
"Mahal na Prinsipe, bumalik na po kayo sa inyong silid. Kami na po muna ang maghahanap. Mapapagalitan po kami ng Mahal na Reyna kapag nalaman niyang tumakas kayo kahit na delikado ang kalagayan nyo sa araw at oras na ito."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig.
"Bumalik na kayo sa paghahanap. Kaya ko na ang sarili ko." Tugon ng Mahal na Prinsipe. Nawala sa harapan ang kanina lang kausap nito.
Hindi ko alam ang gagawin. Ramdam kaya ng Mahal na Prinsipe ang presensya ko? Alam niya kayang may tao sa kaparehong punong sinasandalan niya?
Kapag tumakbo ako hindi naman ako mahahabol ng Mahal na Prinsipe sa kalagayan ng mga paa niya. Pero- paano siya? Bakit hinayaan niyang iwan siya at hindi man lang tulungang makabalik ng Palasyo?
Anong gagawin ko?
Kinakabahan ako sa isiping tatakbuhan ko siya at ganun rin kung mananatili ako at hintayin na lang makaalis sa paraang hindi ko alam.
Bahala na. Kaya niya naman daw. Hindi naman siguro ako makukunsensya dahil sa marunong naman siyang gumamit ng kapangyarihan kaysa sa akin.
Ihahakbang ko na sana ang aking kanang paa nang mapansing may nakapalibot na baging sa mga paa ko at sumikip ito nang maramdamang gumalaw ako.
Sa tingin ko ay kagagawan ito ng Mahal na Prinsipe. Nagsisi na akong pumunta pa ako rito. Napadaing ako nang humigpit ito. Nadala ako nang hinila ako nito palabas sa pinagtataguan ko at dinala ako sa harap ng Mahal na Prinsipe.
Hindi ko kayang pantayan ang mga tingin nito kaya napayuko ako.
Napaangat ako ng tingin nang dumaing ito ng sunod sunod at parang namilipit sa sakit. Nawala rin ang nakapalibot na baging sa akin.
Nakapikit ito at halata ang sakit na nararamdaman. Dala ng pag-aalala ay lumapit ako rito. Nag-aalanganin akong hawakan siya. Natataranta ako pero wala talaga akong maisip.
"Anong gagawin ko?"
Madilim sa kinaroroonan namin kaya hindi ko siya gaanong maaninag. Kinapa ko ang kanyang mga pisnge at naramdaman kong naliligo siya sa pawis.
Kinapa ko ang sinasandalan niya na puno, masakit ito sa balat kaya inalis ko siya sa pagkakasandal doon at isinandal sa akin ang nanghihina niyang katawan. Aayusin ko pa lang sana nang bigla siyang maglaho.
Tinawag ko siya ng ilang beses pero walang sumagot.
Nang makaramdam ng matinding kaba ay mabilis akong umalis at bumalik sa bahay. Nasa silid pa rin sila ama kaya't dumiretso ako sa aking silid. Natulala sa nangyari kanina lang.
Napagtanto kong hindi rin ligtas ang makapangyarihang pamilya ng Rhoswen sa sumpa. Kung ganon ba...mas makapangyarihan ang pamilyang nagbigay ng sumpa na galing sa angkan ng Azalea?
Ano ba ang pinagmulan ng sumpang ito? Ano ba ang nangyari sampong taon na ang nakakaraan? Bakit wala akong maalala kahit na siyam na taong gulang ako nun?
Nakatulugan ko ang pag-iisip. Madaling araw ako nagising at mabilis na nag-ayos ng sarili.
Inilagay ang lahat ng ipong salapi sa isang supot at nilagyan ng sulat. Hindi gaanong kalaki ang naipon ko sa pagtulong sa mga tindahan sa pamilihan. Ngunit alam kong kaya nitong bayaran ang dobleng buwis sa apat na araw.
Kumuha ako ng sobrang salapi para sa kakailanganin ko ngayong araw. Iniwan ko ang supot sa mesang kainan at umalis na ng bahay.
Ngayon ang araw ng pilian na gaganapin sa harap ng Palasyo at susubukan ko kung papayagan akong sumali kapalit ni ate.
Pagdating sa pasyalan, malapit sa harap ng palasyo ay kaunti pa lamang ang naroroon na mga kababaihan. Pumwesto ako sa pinakagilid, sa mga puno malayo sa kinaroroonan nila. Naupo sa batong upuan at pinagmasdan ang paligid.
Habang tumatagal ay dumarami na ang mga kababaihan maging ang mga taong gustong panoorin ang gagawing pilian. Pinalibutan na rin ng mga tagapagbantay ng palasyo ang mga kababaihan.
Hindi na rin naman akong umaasang makakarating sila ate, ina at ama rito. Ngunit doon ako nagkakamali dahil sa nakita ko silang kausap ang isang tagapagbantay. Kahit sa malayo ay halata ang panghihina ni ate pero pinipilit niya upang makasali sa pilian. Si ina rin ay mukhang nagmamakaawa na upang payagan si ate ngunit mukhang hindi sila payagan nito. Ganun niya talaga kagusto makapag-aral si ate sa palasyo.
Gusto ko mang lumapit pero baka ako ang pagbuntungan ng galit ni ina. Sa paanong paraan ba ako makakatulong? Kung hindi sila pumunta rito maaring magsabi ako na ako ang ipinadala ng pamilya namin pero dahil sa nagpakita at pumunta sila, hindi ko na pweding gawin iyon.
Nanlaki ang mga mata ko nang makitang pinaalis sila ng tagapagbantay. Tatakbo na sana ako nang may humarang sa harapan ko.
"Saan ka pupunta? Tatakas ka? Pumunta ka na roon!"
"Po? Hindi po."
"Ano pang hinihintay mo? Pumunta na sa gitna!"
Kahit na kinakabahan dahil sa napagkamalan ako ay napahinga ako ng maluwag. Pabor sa akin. Gagawin ko ang makakaya ko upang makapasa para kina ama. Nahihinuha kong magagalit sa akin si ina at ate pero gagawin ko naman ito para hindi sila mahirapan sa pagbayad ng dobleng buwis. Kahit na hindi nila ako pasalamatan kung sakaling makapasa ako ay ayos lang.
Ang problema ko ay kung kaya ko ba ang pilian o matatanggal ako agad.
"Magandang araw sa inyong lahat! Ang lahat ng sumali at narito ngayon sa pilian ay makakaligtas sa parusa ngunit kung kayo ay hindi nasali sa mapipili ay kinakailangan nyong magbayad ng dobleng buwis sa tatlong araw."
Nakahinga ako ng maluwag. May pambayad kami sa tatlong araw na dobleng buwis. Hindi ko na kailangang maipasa ang piliang ito. Sapat na narito ako.
"Ang buwis na makokolekta ay gagamitin ng mga makakapasok sa pilian upang makapag-aral sa Palasyo. Kung sa labas ng palasyo ay nagkakaroon kayo ng iba't ibang antas ng katayuan ngunit pagpasok nyo sa palasyo ay ita-trato kayong lahat ng pantay. Lahat ay makakatanggap ng pare-parehong benepisyo bilang estudyante."
Kung naririnig ito ni ina at ate ay siguradong ipipilit nila mas malala kesa sa ginawa nila kanina. At hindi ko sila masisisi dahil maganda ang kahihinatnan kapag nasama sa napili.
Kapag napili ako ay bukal sa loob kong ibibigay kay ate ang pwesto ko. Baka sa ganung paraan ay hindi na malayo ang loob nila sa akin. Magkakaroon na ako ng silbi para kay ina.
"Sa unang pagsubok ng pilian ay bibigyan kayo ng tig-isang halaman ng rosas. Sa loob ng tatlopung minuto ay nanatili sa kulay pula ang rosas ay makakapasa kayo ngunit ang mga nangitim ang rosas ay tanggal na."
Binigyan kaming lahat na nasa gitna. Pinaayos rin ang aming pila para madaling makita ang gagawin namin sa hawak na rosas. Nagsimula na ring bumuhos ang buhanging orasan.
Pinagmasdan ko ang hawak na rosas. Mangingitim talaga ito kung hahawakan lang pero kung may gagawin rito ay mananatili ito sa kulay nito. Bawal kaming umalis sa pwesto kaya paano ko ito mababad sa tubig?
Napalingon ako sa kalapit kong napasinghap ng malakas. Napansin ko ang pagluha nito. Napatingin ako sa rosas na hawak niya at ganoon na lamang ang gulat ko nang makitang nangitim na ito kahit ilang minuto pa lang nang magsimula kami.
Anong ginawa niya?
"Paano na ito? Nasobrahan yata ang nagamit kong kapangyarihan!" aniya at nakita kong umilaw ang kanyang kamay at mas naiyak pa ito ng matanggal ang isang talulot ng rosas.
Napatingin ako sa hawak kong rosas. Titigan ko lang ba ito? Paano kung matunaw? Ayos lang sigurong matunaw basta hindi lang mangitim?
Hinawakan ko ito ng mahigpit at inilapit sa ilong ko. Napakabango nito.
Natigilan ako nang maalala ang amoy ng Mahal na Prinsipe nung malapit ako rito. Inamoy ko ulit ang rosas at napakabango talaga nito na hindi ko kayang ilayo sa ilong ko. Pero baka sa ginagawa ko ay mangitim ito kaya agad kong nilayo sa mukha ang rosas.
Muntik na akong matumba sa kinatatayuan nang makita ang Mahal na Prinsipe sa gitna kasama ang nag-organisa nitong pilian. Seryoso itong nakatingin sa harapan niya at ganun na lamang ang ang panlalaki ng mga mata ko nang tumama ang paningin niya sa akin. Napaiwas ako ng tingin.
Nilingon ko ang sa kabila kong may hawak na rosas. Natataranta ito dahil nagsimulang mangitim ang hawak niyang rosas.
Ano bang gagawin rito sa rosas? Kung gagamitan ng kapangyarihan ay mangingitim. Kung hindi naman ay mangingitim rin sa katagalan. Para saan ba ang unang antas na ito? Nag-iinit na ang kamay ko sa kakahawak.
"Sampong minuto. Umalis na ang mga umitim ang hawak na rosas."
Lumakas ang kabog ng dibdib ko nang mawala ang mga nakapalibot sa akin kaninang mga babae. Luminga ako at sa tantya ko ay hindi kami bababa sa limampu.
Bumalik ang tingin ko sa rosas na hawak at ganun na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang nangingitim na ang puno ng dalawang talulot. Umaakyat ang itim hanggang sa dulo ng talulot. Humigpit ang hawak ko nang matanggal ang nangitim na talulot at nagsimulang mangitim rin ang kasunod nitong talulot.
Nang may maramdaman ay napalingon ako sa kaliwang bahagi ko at napalitan ng seryosong mukha nang mapansing may ginagawa ang babaeng kapantay ko sa rosas na hawak ko. Ginagamitan niya ng kapangyarihan.
Tumalikod ako sa gawi niya at mas humigpit pa ang hawak sa tangkay ng rosas. Kumalat na ang itim at tatlong talulot na lamang ang natirang pula pa ang kulay.
Tumingin ako sa buhanging orasan. May natitira pang minuto. Pinagmasdan ko ang rosas. Nangunot ang noo ko nang unti-unting nawala ang pagka-itim ng isang talulot. Sumunod ang iba pang itim na talaga ang ang talulot, bumabalik sa pagkapula ang mga ito.
Nang bumalik na ang lahat sa kulay nito ay nilingon ko ang babaeng may ginawa sa rosas na hawak ko at nang makitang nakatingin ito sa akin ay ngumisi ito ng nakakaloko.
"Tapos na ang oras. Umalis na ang nangitim ang hawak na rosas."
Sinenyasan ako nitong umalis na pero ipinakita ko sa kanya ang hawak na rosas at kumindat saka ngumisi. Nanlaki ang mga mata nito at akmang may gagamitin na namang kapangyarihan ay nginuso ko ang rosas niyang hawak. Kulay itim na ito at nalalagas.
*****
- btgkoorin
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top