IKASIYAM NA KABANATA
Gerome
Mabigat pa rin ang katawan kong pinilit na bumangon mula sa higaan. Napapangiwi akong napahawak sa tagiliran, tiyan at ulo. Medyo masakit ang mga parteng ito. Ang huli kong natatandaan ay nasa kalsada ako at may mga paang sumisipa sa iba't ibang parte ng katawan ko. At paanong nakauwi na ako ngayon sa amin?
"Ahh!" napangiwi ako sa sakit nang pisilin ko ang bahagi ng tiyan ko. Tiningnan ko iyon, puro pasa.
Hinawakan ko rin ang ulo ko. Medyo mahapdi at nararamdaman kong may sugat ito. Ang inaasahan ko pagkagising ay nasa loob na ako ng kulungan pero mukhang masuwerte pa rin ako at buhay pa akong nandito sa bahay, nakauwi nang humihinga pa.
"Kuya! May nagtatawag sa'yo dito! Labas ka na diyan!" tawag ni Patrick sa akin kahit masakit ang katawan ay pinilit kong tumayo at maglakad palabas ng kuwarto kong napapaligiran na ng mga alikabok. Nabubulok na nga talaga ang tahanan namin pero ayaw kong ipagbili dahil marami akong maiiwan sa bahay na ito.
Pagkabukas ko ng pinto at pagkalapit sa kusina ay nakita ko sina Patrick at nanay na kumakain sa mesa at ang katabi nila ay si Josefina. Siya iyong niligawan ko noon pero pinakiusapan ako ng mga magulang niyang layuan ko siya matapos ang nangyari sa pamilya ko. Nagkataon pang binugbog din ako ng kuya niya dahil baka ano raw ang gawin ko sa kapatid niya.
Napapangiwi at hirap pa rin akong maglakad na lumapit sa kanila.
"Pasensya na naisturbo ko ang pagpapahinga mo, Gerome. Dinalhan ko na kayo ng pagkain dito. Kumain ka na," alok niya at nakangiti pang itinuro ang dala niyang pagkain.
Gutom na gutom na kumakain si Patrick habang sinusubuan si mama. Mabuti naman at nakakain din sila sa wakas. Akala ko ay ilang araw pa bago sila makakakain ulit.
"Salamat, Josefina. Nag-abala ka pa." Umupo ako sa tabi niya.
"Wala yon. Para saan pa at naging kaibigan mo ako di ba? Kain ka na rin."
Malayo ang bahay niya sa amin kaya minsan hindi nakakarating sa kanya ang balita ng aming kalagayan dito. Pinagbabawalan na rin siya ng magulang niyang pumunta rito sa amin kaya naging madalang ang papunta niya. Iyon nga lang ay makulit siya at mapilit. Tumatakas s'ya sa kanila para pumunta sa amin at minsan pa ay nagdadala ng pagkain.
"Nabalitaan ko ang nangyari kahapon. Hindi ko aakalaing magagawa mo yon, Gerome. Isa kang mabuting tao."
Maging ako ay nagsisisi sa nagawa ko. Hindi na ako nakapag-isip nang maayos nang mga oras na iyon. Sana mapatawad ako ng taong ginawan ko ng masama. Mabuti nga at hindi niya ako ipinakulong.
"Pero 'yong ninakawan mo, ipinabugbog ka kaya ayan ang sinapit mo. Tingin ko mabuti na 'yan kaysa nasa kulungan ka, 'di ba?"
Tiningnan ko sina nanay at Patrick. Mas mabuti nang mabugbog kaysa makulong. Ang bugbog at mga pasa sa katawan ay mabilis lang maghihilom pero sa kulungan baka habambuhay kong pagsisihan na nandoon ako.
"Salamat nga sa taong iyon at hindi niya ako ipinakulong. Teka, kilala mo ba 'yong lalaki? Hihingi ako ng tawad sa nagawa ko at babayaran ko na lang siya kahit 'di ko naman naiuwi ang pera niya."
Nakangiting hinihintay ko ang sagot ni Josefina pero parang may hindi tama sa isasagot niya.
"Bakit Josefina? Masyado bang nakakaasiwa ang mga pasa ko sa mukha?" tanong ko dahil nakatitig lang siya sa mukha ko. Hindi siya nagsasalita.
Tiningnan niya sina nanay at Patrick bago tumingin ulit sa akin.
"Gerome, patay na siya."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig na sagot mula sa kanya. Bakit ang bilis naman? Bakit ganoon? Anong nangyari? Sino ang pumatay sa kanya?
"Sabi nga nila, baka ikaw raw ang pumatay sa kanya. Hindi puwedeng mangyari 'yon dahil hindi pa alam kung ano ang ikinamatay niya. Sabi ko imposible kase nandito ka na sa bahay noong mamatay siya. Pinagbibintangan ka nila kasi ikaw 'yong huling nakaalitan niya."
Naguguluhan ako ngayon kung ano ang nangyayari.
Balisa ang mga mata kong bumaling sa kanya. "Anong ikinamatay niya?"
"Hindi nga malinaw kung ano. Basta nakita na lang siya sa kalsada, hindi na humihinga. Walang galos, walang tama ng baril, walang pasa, wala lahat maliban sa nakadilat ang mga mata niya."
Nahihintakutan akong napayuko at kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ko ngayon. Napatingin din ako kaagad sa kanya dahil may biglang sumagi sa isip ko.
Tumayo ako kahit nananakit ang mga katawan ko at nagtungo sa kuwarto ko. Hinalughog ko ang mga drawer, aparador, kabinet at maging sa ilalim ng tinutulugan naming kahoy na higaan. Hindi ko makita. Nasaan kaya iyon?
Hanggang sa mapatingin ako sa malaking kahong gawa rin sa kahoy na nakalagay sa tabi ng maliit na mesa namin. Dahan-dahan ko itong nilapitan at hinawakan. Pati ito ay inaalikabok na rin. Pinilit kong buksan pero nakakandado ang kahong ito. Naalala ko, naiwala nga pala ang susi para dito.
Bumalik ako sa sala kung nasaan sina mama, Patrick at Josefina. Nagtataka na sila sa mga ikinikilos ko lalo na nang nagmamadali kong tiningnan ang kalendaryo.
"Josefina", tawag ko sa kanya.
"Bakit?"
"Anong petsa ngayon?"
"Hunyo 15."
Agad kong tiningnan sa kalendaryo ang Hunyo 15. At ngayon na ako tuluyang binalot ng kaba. Hindi ito maaari. Hindi! Hindi ito totoo. Nagkataon lamang.
~~~~
Dave
Papasok na amo sa trabaho nang mapadaan ako sa tinambayan ko noong isang araw. The maze-like place. Nakita kong maraming tao ang nagkukumpulan sa nadaanan ko rin noong tinahak ko iyon.
Bumaba ako sa kotse at nakiusyoso na rin sa kung anong meron. Habang naglalakad ako palapit sa mga taong nagkukumpulan, hindi ko maiwasang magtaka kung ano ang nangyari at nangyayari. Is this another crime? I don't know.
Nang malapit na ako pagkatapos na ipagsiksikan ang sarili ko, hindi pa rin ako tuluyang makalapit.
Police line. Do not cross.
Buti na lang at eksaktong pagdating ko ay saka pa lang tatakpan ang mukha ng biktima. I have seen that his eyes are wide open. Nangingitim na rin ang gilid ng kanyang mga mata at sinabayan pa ng pamumutla ng kanyang labi. Wala akong nakikitang galos o sugat sa mukha niya maliban sa dilat ang kanyang mga mata.
Nagtataka akong umatras hanggang sa makarating sa kotse ko, hindi pa rin ako makapaniwala sa nakita ko. I was there before. I was there at the crime scene but I didn't know that would be the crime scene. . .
~~~~~
"Mag-enjoy lang kayo diyan."
Nakakabinging tugtugan, nakakahilong iba't ibang ilaw, at magulong ingay mula sa mga tao, ito ang nasa paligid ni Hana ngayon kaya hindi siya komportable sa nararamdaman kahit pa kasama niya ang mga katrabaho niya.
"Hana, cheers! Huwag kang kj dyan. Magsaya tayo. Minsan lang ito," tuwang-tuwang pinipilit siyang makipag-tose ng kanyang workmates. Halos isuka na niya ang pakla at sama ng lasa ng alak. Ni pangalan ng alak na 'yon hindi niya alam basta napilitan lang siyang sumama dahil libre. Wala silang gagastusin.
Nabaling ang tingin niya sa boss niya. Mag-isa lang itong nakaupo malayo sa kanila at parang may hinihintay habang hawak-hawak ang isang baso ng alak. Hindi niya alam na malakas pala s'ya uminom at parang hindi nalalasing.
Kanina niya pa ito tinitingnan at kanina pa nga siya umiinom na para bang tubig lang ang iniinom niya. Tiningnan niya rin ang mga katrabaho niyang nagsasaya at nagkakantahan pa gamit ang mga bote at baso. Samantalang siya, naaasiwa sa uri ng paligid niya.
"Excuse me. Magsi-cr lang ako ah," paalam niya sa mga ito. Tumayo na siya at nagpunta sa CR para basain ang mukha niya dahil nahihilo na siya. Pakiramdam niya'y may lason iyong alak na ininom niya at ang lakas na ng tama niya. Halos limang minuto ang itinagal niya sa loob ng banyo. Paglabas niya, nakita na lang niyang may kasayaw na lalaki ang boss niya. Hindi niya mahitsurahan ang binata pero iisa lang ang alam niya. Hindi niya ito empleyado.
Ihinakbang niya ang mga paa at nilapitan sila para manmanan. Nasa likod lang ng mga ito si Hana. Hindi na rin niya alam ang pumasok sa utak niya kung bakit niya ito ginagawa.
Nagulat na lang siya nang biglang matumba ang binata sa sahig pero tinitingnan lang siya ng boss niya. Umikot pa siya at parang tinatawanan pa ang lalaking iyon. Tuwang-tuwang nginingisian pa siyang nakikitang nakahiga sa sahig ang binata. Ngayon, nagtataka na talaga siya sa ikinikilos niya.
Lumapit pa siya nang konti at nanlaki ang mga mata nang bigla na lang buhusan ng boss niya ng alak ang binatang nasa sahig na nakapikit na.
Humahalakhak pa ito ngayong tila isang demonyo. "Magpakasaya ka lang hangga't kaya mo." Humalakhak ito pagtapos iyon sabihin.
Hindi na siya nakatiis. Kusa nang naglakad ang mga paa niyang nilapitan si Andrea.
"Ma'am Andrea?" tanong niya't tiningnan ang lalaking nakapikit na nakahiga sa sahig. Mukhang namumukhaan niya ang binata!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top