Kabanata 53: Ang Mga Traydor
Nakangiti akong nakalipad papunta sa aking silid-aralan. Labing isang araw na ang nakalipas matapos kong makilala ang iba pang itinakda. At mabigyan ng pribilihiyong makalaban sila isa't isa. Halos sa kanila ay nakasundo ko naman. Maliban na lamang doon sa mandirigmang babaeng anghel na si Hagael.
Ang init ng tingin niya sa akin. Pero lahat ay binabaliwala ko lang. Dahil ayokong sirain ang araw at magkaroon ng init sa pagitan ng Axphain at Adalea. Ayokong madawit ang aking pangalan sa gulo lalo na't marami pa ring nakamasid sa lahat ng kilos ko.
Isa pa, hindi naman mahirap sa akin na magpapakumbaba. Lahat kaming mga itinakda ay may gustong patunayan sa kalahi namin. Lahat ay may kaniya-kaniyang istorya. Iniling ko ang aking ulo dahil sa mga iniisip ko. Siyempre, lahat ay may kaniya-kaniyang problemang pinapasan kahit sino pa man.
Lahat ay may kaniya-kaniyang pinagdaanan.
Kahit na malaki man ito o maliit, problema pa rin iyon. Gaya nga ng sabi ni Suprema Celestia, lahat ng meron kami ay hindi sa amin. Ito ay ipinagkaloob ng aming maykapal sa limitadong mga oras. Ito ay hiram lang namin sa diyos na si Akwan.
Ang mundo na kaniyang binuo ay hindi kailanman magiging patas.
Kung ito ay patas, mananaig ang kasamaan at lahat ng bagay na aming aasamin ay walang kahirap-hirap lamang namin itong makuha. Gusto ng diyos na kung may kailangan kaming makamit, ito ay dapat naming paghihirapan.
Kailangan naming tumindig para sa aming mga sarili. Kailangan naming protektahan ang aming mga sarili laban sa mga mapang-abuso. At mga madilim na puwersang gustong manakit ng aming tahanan. Kailangan naming matuto sa buhay na hindi kailan maging libre ang lahat ng bagay.
Pagkarating sa gusali ng aking silid-aralan ay napansin kong tila parang nagkakagulo ang mga estudyante. Ipinagkumpas ko ang aking mga kamay upang gumawa ng lagusan gawa sa aking kakayahang magmanipula ng liwanag.
Makaraan ng ilang segundo ay nasa harapan na ako ng pintuan ng aming silid-aralan.
Pagkapasok ko'y may nakita akong anim na mga kaklase kong nakahilatay sa sahig nang nakahilera. Lumapit kaaagad ako sa kanila. Nagsilakihan na lamang ang aking mga mata nang mapansin ko ang itim na mga linya sa kanilang mga balat.
"Ano'ng nangyari sa kanila?" tanong ko sa mga kaibigan ko nang maramdaman ko ang kanilang presensya sa aking likuran.
"Hindi namin alam, Serephain. Nandito lang kaming lahat abala sa kaniya-kaniyang mundo. Habang naghihintay kay Ginang Sena. Lahat kami ay nagulat nang biglang nanginginig silang bumagsak sa sahig. At habang nangingisay sila sa sahig ay nagsilabasan naman ang mga itim na linya sa kanilang balat. Nangitim din lahat ang kanilang mga mata," pagkuwento sa akin ni Borin.
Naglakad ako papalapit sa mga katawan ng mga anghel na wala ng buhay. Sinuri ko ang mga linyang itim sa kanilang mga balat. Lahat ng linyang 'yon ay hindi matuwid. Tila ba'y mga ugat sa kanilang katawan.
Hinawakan ko ang mga iyon. Nang mahawakan ko 'yon ay tila parang hinigop ako. Biglang bumigat ang talukap ng aking mga mata at dinala ako sa iba't ibang lugar. Una dinala ako sa ikatlong paraiso na makikita sa ikaapat na tarangkahan.
Ang Field of Darkness.
Pero kaagad naman nag-iba ang paligid. Laking gulat ko na lamang nang mapagtanto kong nandirito ako sa dating Axphain. Sinaunang panahon ng Axphain. Ang palasyo ay nakatayo pa rin kung saan ito nakatayo sa panahon kung saan ako nabibilang.
Lahat ay tila parang ang saya-saya. May mga nagsasayawan sa labas, mga nagtatawan at mga nag-iinuman. Ito ay isa sa mga bagay na gusto ko muling makita sa Axphain. Pero nakakalungkot lamang na hindi ko naabutan ang panahong 'to.
Laking gulat ko na lamang nang may mahagilap akong kakaibang nilalang. Sila ay mayroong maputlang mga balat, matutulis ang kanilang mga tenga at ang kulay dilaw-berde nilang mga mata. Hindi ko alam kung ano ang tawag sa kanila.
At siguradong-sigurado akong hindi sila mga anghel. May iilan pa akong nakitang mga lalaking matataas ang mga kulay puti nilang buhok. Halos mawalan ako ng balanse nang bigla na namang nagbago ang paligid.
Sa mga pagkakataong 'to, nandirito ako sa loob ng palasyo. May selebrasyong nangyayari. Lahat ay nakasuot ng magagarang mga damit, at may nagsasayawan sa gitna. Nahagilap pa rin ng aking mata ang mga nilalang na aking nakita kanina.
Pero sila ay nakasuot ng ibang kasuotan. Lahat sila ay abala sa pagliligpit at inuutusan ng mga Axphainians. Bigla akong na-intriga kung sino sila. Ang nakakapagtaka lamang ay kung bakit hindi ko man lang alam ang tungkol sa kanila.
Kung ang mga nilalang na ito ay naging parte ng buhay namin noon, bakit hindi man lang sila inilathala sa libro ng kasaysayan? Pero nakita ko naman sa kanilang mga mukha na masaya sila. Masaya silang pinagsisilbihan ang aming mga lahi.
Napalingon ako nang magtawanan ang nagkukumpulang mga Axphainians sa aking likuran. Laking gulat ko na lamang nang makita ko ang aking hitsura sa salamin. Salamin kung saan nasa likuran ng mga nagkukumpulang mga anghel.
Tinablan kaagad ako ng takot.
Nasa loob ako ng kakaibang nilalang. Nilalang na halos kamukha lamang ng mga nilalang na aking nakikita sa mga oras na ito. Napahawak ako sa aking mukha. Nasa loob ako ng isang nilalang na may maputlang balat, may dalawang sungay katulad ng kambing, itim lahat ang mga mata, at may itim na linya sa balat.
Bigla akong naawa nang biglang makita kong rumagasa ang aking mga mata.
Kitang-kita ko pa ito sa repleksyon ng salamin. Pero kalaunan ng pag-iyak ko ay napalitan ito ng matinding galit. Napanganga ang aking bibig ng makita kong ngumiti ito sa akin ng malademonyo.
"Magbabayad kayo sa lahat ng inyong kalapastanganang ginawa sa aming lahi, Serephain!" galit itong sumigaw sa akin.
Tinablan ako nang matinding takot. Magtatanong na sana ako sa kaniya nang biglang nag-iba ang paligid. Nang mapagtanto kong nakabalik na ako sa reyalidad, sumalubong sa aking mga mata ang nag-aalalang mukha ng aking mga kaibigan.
Ang ibang kaklase ko naman ay nagtataka kung ano ang nangyayari sa akin. Takot akong napabitaw sa kamay ng walang buhay kong kaklase. Pinagpawisan kaagad ang aking noo at nanginig.
"Serephain, ayos ka lang?" Napatingin ako kay Crystal nang marinig ko siyang magtanong. Hinahagod-hagod pa niya ang aking likuran.
"Alam ko kung sino ang may gawa nito." Nagulat sila sa aking sinabi. Tumayo ako nang matuwid at pinunasan ang luhang kanina pa walang tigil sa pagragasa.
Ikinuwento ko naman sa kanilang lahat ang tungkol sa nakita ko. Inilarawan ko rin ang mga nilalang na aking nakita. Hanggang sa nilalang na aking nakita sa repleksyon ko. Rumihestro kaagad ang takot sa kanila. Nagsimula na naman silang lahat na magbulong-bulungan.
May iilang nagsabi na marahil ay ito na ang madilim na puwersang gustong sirain ang aming lupain. Ang mga kalabang gustong manggulo. Pero gusto kong malaman kung sino sila. Gusto kong malaman ang kuwento nila. At alam kong may alam si Suprema Celestia tungkol dito.
Tumayo ako sa pagkakaupo dahilan mapatingin sa akin ang mga kaibigan ko. Tiningnan nila ako ng nagtatanong na mga tingin. Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga.
"Kailangan kong makausap si Suprema Celestia," diretsahan kong saad. "Alam kong may alam siya tungkol dito. Siya ang Suprema, imposibleng wala siyang alam."
Pagkatapos kong bitawan ang mga katagang 'yon ay hindi ko na hinintay ang kanilang isasagot. Pinagaspas ko ang aking mga pakpak papalabas ng gusaling 'to. Napadaan ako sa kainan ng akademya. Subalit, napahinto ako sa paglipad nang makarinig ako ng mga pamilyar na mga boses.
Nanggaling ito sa silid-aralan na pinaglalagyan ng mga gamit ng akademya. Maliit na silid-aralan lamang ito na malapit sa cafeteria.
"Kahit kailan talaga hindi pa rin magbabago ang Axphain matapos ang lahat ng nangyari. At hanggang ngayon ay kinalimutan nila ang ginawa ng kanilang mga ninuno laban sa mga nilalang na walang kalaban-laban," puno ng galit na sabi nito.
"Kaya kailangan na nating gawin ang plano. Sa ilalim ng kabilugan ng buwan, at sa yakap ng kadiliman, makakamit na natin ang hustisya at paghihiganti na matagal na nating inaasam. Hindi ko na rin kayang magpanggap dahil nasusuka ako sa mga presensya ng mga nilalang na walang ginawa kundi ang maminsala ng iba." Sa pagkakataong 'to, ramdam na ramdam ko ang galit ng anghel na sobrang pamilyar ang boses.
Sumilip ako nang dahan-dahan. Napaawang ang aking bibig nang makita at makumpirma ang mga anghel na kanina ko pa hinihinalaan. Hindi ako makapaniwalang ta-traydurin nila ang aming sariling lupain. Gusto ko man silang atakehin at patayin, pero ayokong magpadalos-dalos.
Kailangan 'tong malaman ni Suprema Celestia.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top