Kabanata 50: Ang Pagsanay sa Itinakda

Tatlong araw ang nakalipas matapos bumalik si Ginang Priscilla sa Axphain. Alam na rin ng lahat na siya ang magsasanay sa akin. Ang hahasa para mas maging handa ako sa posibleng pagdating na digmaan. Hindi namin alam kung kailan aatake ang madilim na puwersa, kaya ang lahat ay abala sa pagsasanay.

At siyempre, binalot na naman ng samu't saring opinyon ang mga Axphainian. Wala rin naman silang magagawa dahil utos ito ni Suprema Celestia. Dito na rin sa loob ng paaralan si Ginang Priscilla pansamantalang tumira.

Sa mga oras na ito ay kalalabas ko lamang sa aking kuwarto sa dormitory. Papunta ako ngayon sa bulwagan dahil panibagong araw na naman para sa pagsasanay ko kasama si Ginang Priscilla. Pagdating ko roon ay laking gulat ko na lamang nang makita ko ang mga kaibigan ko.

"Serephain!" Napatingin ako sa babaeng anghel na lumilipad papalapit sa akin.

Nagsilakihan naman ang mata ko nang makilala ko siya. Dinamba ako ng yakap ni Ayleth dahilan para pareho kaming bumagsak sa sementadong sahig ng bulwagan. Pareho kaming tumawa ng malakas at bumangon nang sabay.

Pagkatayo naming dalawa ang nakita ko naman kung paano nagulat si Ayleth. Tiningnan niya naman ako mula ulo hanggang paa.

"Serephain, n-nag iba ang h-hitsura mo. Mas lalo kang gumanda." Nakangiti niyang wika. "Ang pakpak mo mas lumaki. Nagkaroon ka na rin ng isang sungay sa kaliwang bahagi ng noo mo. Naging kulay ginto na rin ang buhok mo pero siyempre, hinaluan ng kaunting kulay itim," humahangang dugtong niya.

Napaiwas ako ng tingin dahil sa mga sinabi niya.

"S-salamat."

Nahinto lamang ang aming pag-uusap ni Ayleth nang biglang nagsisulputan naman sina Borin, Rony, Crystal at Collyn. Niyakap nila ako isa-isa dahilan para matuwa lalo ang puso ko. Kahit ilang araw lang kaming hindi nagkita, mukhang nanabik kaming lahat na magkasama.

"Ang gara talaga ni Serephain, 'no? Tinuturuan siya mismo ng dating itinakda kung paano mas lalong lumakas," biglang sabi ni Crystal.

Sinundan naman ito ng pag-krus ng dalawa niyang braso.

"Nainggit ka naman?" mapang-asar na tanong ni Rony.

Bigla akong nakaramdam ng kakaiba sa pagitan nitong dalawa. Mukhang may bago na namang nabuong pag-ibig. Nahinto naman kaming anim sa pag-uusap nang biglang sumulpot si Ginang Priscilla. Tiningnan niya ako nang makahulugan dahilan para kabahan ako.

Ibig sabihin nito . . .

"Sa araw na ito Serephain ay makakalaban mo ang lima mong kaibigan sa pagsasanay na ito," anunsyo ni Ginang Priscilla.

Natuwa naman silang lima lalo na si Borin.

Tiningnan naman ako nila ng masama.

Tila ba'y sinasabi nilang ipakita ko ang lahat ng lakas ko laban sa kanila. Hinati naman sa dalawang grupo ang mga kaibigan ko. Sina Borin at Rony naman ang unang kakalaban sa akin, habang sina Ayleth, Crystal at Collyn ang susunod.

Mas lalo akong kinabahan nang mahagilap ng aking mata si Suprema Celestia.

Hindi man lang ako binalaan na sila ang makakalaban ko ngayon at manonood pala ang Suprema. Napapanood ko lamang ang apat na 'to noong mga panahong nagbukas muli ang taunang pagsusulit para sa mga Aqua, Terra, Ignis at Ventus.

Pero ngayon, makakaharap ko sila sa totoong labanan.

Alam ko kung gaano kalakas sina Collyn, Borin, Rony at Crystal. Pero, alam ko rin na may ibibuga itong si Ayleth lalo na't anak siya ng isang Suprema. Siyempre, namana niya ang kapangyarihan ng isang magiting na mandirigma.

Napatayo ako nang maayos at napakuyom ng kamao upang ihanda ang aking sarili sa unang atake nina Rony at Borin. Sa pagkakaalala ko, si Rony ay may kakayahan ng air mimicry at sharp air attacks gamit ang elementong meron siya.

Saka may tatlong klaseng divine powers na meron siya. Ito ay ang speed, heat vision at ang duplication. Habang si Borin naman ay may kakayahan ng sharp ice attacks at ice trap gamit ang elementong meron siya.

Sa divine powers naman na meron siya ay ang hypnokenesis. Ito 'yong kakayahang manipulahin ang panaginip ng isang nilalang, beauty o voice at ang super senses.

Napagaspas ako sa aking dalawang pakpak sa wala sa oras nang makita kong papalapit na sa akin ang mga matutulis na hangin ni Rony. Sa sobrang bilis nito ay pinabilis ko na rin ang aking sarili. Ngunit, kahit na pinabilis ko ang aking sarili ay nakasunod pa rin ito sa akin.

Mag-isip ka ng paraan paano mo labanan ang mga atake niya, Serephain! Dahil sa kaba at pagtatalo ng aking isipan ay hindi ko na magawang mag-isip nang maayos.

Mas lalong nagsilakihan ang aking mga mata nang atakehin na rin ako ni Borin gamit ang matutulis niyang mga yelo. Sabay pa talaga sila?! Kung gagamitin ko ang aking kakayahan na invulnerability, mapupuruhan pa rin ako dahil sa bilis at dami ng mga atake nila. Kung ang controlling mind naman ay kailangan ko ng konsentrasyon 'pag gamitin ko 'yon.

Lalo na sa mind reading at heat vision ko. Kung ang healing ability naman, hindi 'yon para sa labanan. At kung levitation naman ay walang silbi pa rin iyon laban sa bilis ng matutulis na hangin at yelo.

Mabilisan kong ipinagkumpas ang aking kamay upang magmanipula ng matutulis na liwanag dahil 'yon ang alam kong pwedeng ipanlaban sa mga atake nila. Pwede rin naman akong magmanipula ng ilusyon, pero hanggang ngayon hindi ko pa rin kontrolado ang itim kong mahika.

Kaya hangga't maari, iiwasan ko munang gamitin ang itim na mahika upang hindi ako mawala sa sarili at masaktan ko pa ang mga anghel na malapit sa akin. Ayokong maulit ang nagawa ko kay inay noon. Walang pag-alinlangang binitawan ko ang mga iyon dahilan para matigil silang dalawa sa pag-atake sa akin para depensahan ang mga sarili nila.

Si Rony naman ay mabilisan siyang nagmanipula ng ipo-ipo. Habang nasa loob siya upang maiwasan siyang matamaan ng mga matutulis na liwanag na aking minapula. Maging si Borin naman ay nasa loob ng malaking ice cube.

Sa hindi kalayuan ay nahagilap ng aking mata ang nakangiting mga labi ni Suprema Celestia, pero si Ginang Priscilla naman ay seryoso pa rin ang ekspresyon niya sa mukha. Sina Ayleth, Collyn at Crystal naman ay tila parang namamangha sa nasaksihan nila.

Bigla akong nag-aalala kina Rony at Borin nang makita ko silang natatamaan na ng mga matutulis kong liwanag. Ang minapula nilang hangin at yelo ay biglang naglaho. Mabilisan akong lumipad papalapit sa kanilang dalawa.

At pinitik ko ang aking daliri gamit ang hinlalaki at hintuturo ng aking kamay.

Bago paman sila bumagsak nang tuluyan sa sahig ng bulwagan ay sinalo ko sila at dahan-dahang inihiga sa aking magkabilang hita. Nakita ko namang tumawa nang mahina si Rony, habang si Borin naman ay nakangiti nang matamis.

"Pasensya na hindi ko sinasadya," malungkot akong humingi ng paumanhin.

"Sobrang lakas mo nga, Serephain. Pinagpala ka ng malakas na kapangyarihan. Masaya akong ikaw ang napili ng diyos bilang itinakda." Sa halip na pansinin ni Borin ang sinabi ko ay nagsalita siya na wala sa topikong aking binuksan.

"Hindi pa siya malakas sa inaakala niyo mga Ginoo." Rinig kong diing wika ni Ginang Priscilla nang makalapag siya sa sahig ng bulwagang 'to.

Napaangat ako ng ulo sa sinabi niya. Sina Rony at Borin naman ay tiningnan siya nang naguguluhan.

"Maraming mga bagay pa siyang dapat na matutunan. Ayon sa na-obserbahan ko kay Serephain, masyadong malambot ang puso niya. Inaasa niya lahat sa kapangyarihan na namana niya sa ama. Wala siyang tiwala sa kapangyarihan na namana niya sa kaniyang ina," wika ni Ginang Priscilla.

Napayuko ako matapos marinig ang sinabi niya. Pero, napalingon ako sa aking likuran nang maramdaman ko ang isang kamay na dumantay sa kaliwang balikat ko.

Sumalubong sa akin ang nakangiting labi ni Ayleth at tiningnan ako sa mata. Sa pamamaraan ng pagtitig niya, tila ba'y parang sinasabi niyang ginawa ko naman ang lahat sa duwelo namin nina Borin at Rony.

"Minsan . . ."

Napatingin kami kay Ginang Priscilla. Tila ba'y alam ko na saan ito patungo. Maririnig namin ang mga salita ng karunungan tungkol sa pakikipaglaban.

"Hindi sa lahat ng oras inaasa natin sa kapangyarihan natin. Alam ko na tayong mga Axphainian ay pinagpala ng maraming kakayahan at dapat natin itong ipagmalaki. Pero tandaan, hindi lahat umiikot sa kapangyarihan ang pakikipaglaban. Matatawag ang isang anghel na mandirigma kung ito ay may angking pisikal na lakas. Hindi rin palaging malayo ang ating pagitan sa kalaban, dahil may iilan sa kanila na sugod nang sugod papalapit sa atin. At higit sa lahat, ang ating kapangyarihan ay may limitasyon. Ito ay pwede tayong mawalan ng lakas sa gitna ng labanan dahil sa kakagamit mo sa 'yong kapangyarihan," mataas na paliwanag ni Ginang Priscilla.

Dahilan para mapatango-tango ang mga kaibigan ko.

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay pinagaspas niya ang kaniyang mga pakpak. Sina Collyn at Crystal naman ay inalalayan ang dalawa. Pagkatapos nilang alalayan sina Rony at Borin ay tinawag sila ni Ginang Priscilla at pinapapunta sa gitna ng bulwagan.

Sinabihan niya naman kami na maglaban kami gamit ang aming pisikal na lakas. Saka na lamang daw namin gagamitin ang aming kapangyarihan kung kinakailangan. At sa mga oras na ito ay sinugod namin ang isa't isa. Tatlo laban sa isa.

Mukhang hindi magiging madali ito. Unang umatake sa akin si Collyn gamit ang kaniyang kaliwang kamao. Kaya sinipa ko siya sa sentro ng tiyan niya dahilan para mapabagsak siya nang nakadapa sa sahig.

Ipinagaspas ko ng kaunti ang aking mga pakpak nang maramdaman ko ang paparating na atake ni Crystal sa likuran ko gamit naman ang kaliwa niyang paa. Mabilisan kong sinangga ang sipa niya gamit naman ng aking kanang paa. Dahilan para mapaatras siya.

Pero kaagad naman siyang nakabawi upang hindi tuluyang mapabagsak sa sahig.

Subalit, isang malakas na sipa ang dumapo sa aking mukha dahilan para mapatilapon ako pababa ng sahig dito sa bulwagan. Bumangon ako at iniluwa ang dugo sa aking bibig. Sumilay ang aking ngiti sa labi nang makita kong si Ayleth pala ang may gawa no'n.

Mabilisan kong pinagaspas ang aking apat na pakpak habang nakatingin kay Ayleth nang may pananabik. Pero napatigil ako sa paglipad nang biglang may humawak sa aking dalawang paa at doon ko nakita na sina Crystal at Collyn pala ang may gawa.

Ipinagkumpas ko ang aking dalawang kamay at inatake sila gamit ang aking mga matutulis na liwanag. Napabitaw sila at umaatras para iwasan ang mga iyon. Habang ako ay nagmanipula ng aking paboritong sandata at binalutan ito ng liwanag.

Malapit ko na sanang mapuruhan si Ayleth ngunit sinangga niya naman ito gamit sa minapula niyang espada na gawa sa yelo. Kumunot ang aking noo dahil sa nakita.

Yelo? May kakayahang magmanipula ng yelo si Ayleth? Ibig bang sabihin nito may dugong Aqua siya? Ang ama niya ba ay isang Aquanio?

Napalipad ako papalayo kay Ayleth nang makita kong lumabas ang mga tila parang halaman sa kamay niya. Subalit, ang dulo naman nito ay matutulis. Mas lalo akong na-intriga sa pinakita niyang kakayahan.

Hindi ko alam kung anong klaseng kapangyarihan iyon pero, isang bagay lamang ang nasa isipan ko na pwede kong ihalintulad sa pinakita niya.

Kung hindi lang siya may dugong Aqua, may dugo rin siyang Terra dahil sa kakayahang magmanipula ng halaman. Pero may isa pang posibleng dahilan . . .

"Pareho lamang tayo, Serephain."

Pareho? Ibig bang sabihin niya, hindi siya purong Axphainian?

Ayon sa nababasa ko sa libro noon, ang mga royal blooded ng Gwenore ay binibiyayaan ng kapangyarihan katulad ng kalikasan. Napaalerto ako nang makita kong biglang umatake ang mga halaman na matutulis ang dulo papunta sa akin.

Pinuputol ko ang mga ito upang maiwasan, ngunit mukhang malabo dahil unti-unti itong dumami. Sina Collyn at Crystal naman ay nahagilap ng aking mata na gulat na gulat sa nangyayari. Marahil ay naguguluhan din sila sa pinakitang kakayahan ni Ayleth.

Biglang naglaho ang mga matutulis na halaman ni Ayleth at sunod-sunod na umalingawngaw ang maganda niyang boses. Dahilan para mapabagsak ako sa sahig habang sumasakit ang ulo ko. Siren voice.

Halos mabibiyak na aking ulo sa sobrang sakit at unti-unting rumagasa ang aking mga luha.

Akala ko matatapos na si Ayleth ngunit nakita ko siyang kinumpas ang kaniyang mga kamay at nagsilitawan ang mga hugis bilog na liwanag. Itinaas niya ang kaniyang kamay at itinutok sa akin dahilan para kabahan ako nang todo. Light magic.

Sa sobrang kaba na aking nadarama ay hindi ko na napansin na biglang kumilos na lamang ang aking mga kamay at nakaramdam ng mabigat na enerhiya sa aking katawan. Napatingin ako sa aking katawan nang bigla akong lumutang.

Tumingin ako sa aking katawan at laking gulat ko na lamang nang mapansin kong binalutan ako ng maitim na mahika. Subalit hindi ko na naituloy ang pagtingin ng aking katawan nang makita kong papalapit na sa akin ang hugis bilog na liwanag ni Ayleth na handa na akong puruhan.

Dahil sa takot ay naitaas ko ang aking kamay dahilan para magbago ang hitsura ng paligid. Napatingin ako sa paligid. Nasaan ako?! Kulay pula ang kalangitan at sa paligid naman ay nakikita ko ang mga halo-halong buto ng mga nilalang.

Kinilabutan ako sa nangyayari. Ayoko na rito. Hinawakan ko ang aking ulo at umiyak nang todo. Napahawak ako sa aking mukha nang bigla kong maramdaman ang isang malakas na sampal mula sa hindi ko kilalang kamay.

Napaangat ako sa aking ulo nang biglang bumalik sa rati ang hitsura ng paligid. Tumambad sa aking harapan ang nag-aalalang mukha ng mga kaibigan ko, ganoon din sina Suprema Celestia at Ginang Priscilla.

Sa nababasa ko sa mukha ni Suprema Celestia ay mukha siyang kinakabahan.

"Mukhang bumalik ka na rito sa Axphain, Serephain." Napatingin ako kay Ginang Priscilla nang magsalita siya.

"Bumalik sa Axphain? Ano pong ibig niyong sabihin, Ginang Priscilla?" nagtatakang tanong ni Ayleth.

Umiwas ng tingin si Ginang Priscilla.

"Kinain ng sariling kapangyarihan si Serephain. Subalit, ang kapangyarihang ito ay ang itim na mahika na namana niya sa ina niyang Cimmerian. Kapag tinamaan ka ng ilusyon ay mapupunta ang kaluluwa mo sa ibang dimensyon." Nagsilakihan ang mga mata ng mga kaibigan ko habang ako ay napatingin sa aking mga kamay.

Tama si Ginang Priscilla. Napaangat ulit ako ng tingin nang magtanong siya sa akin.

"Anong hitsura ng paligid na nakita mo sa loob ng ilusyon, Serephain?"

Napayuko ako at nanginig. Hindi ko gusto ang hitsura ng lugar na iyon. Sobrang bigat at tila ba'y parang hinila ang puso ko't nagkapira-piraso.

"P-pula ang kalangitan. May mga nag-iiyakan, humihingi ng tulong at ang paligid ay puno ng pagsisisi. Subalit, ang makikita lamang doon ay mga buto ng mga namatay na nilalang," utal-utal na sagot ko.

Napahawak sina Ayleth at Crystal sa mga katawan nila at natakot. Narinig kong bumuntonghininga si Suprema Celestia, dahilan para mapatingin kami sa kaniya.

"Napunta ka sa Field of Darkness, Serephain. Nakita mo ang hitsura ng ikatlong paraiso sa ikaapat na tarangkahan," rinig kong sabi niya.

Napatingin ulit sa akin ang mga kaibigan ko at takot na takot. Field of Darkness. Pinapakita ba ito ng mga Diyos sa akin na roon ang bagsak ko? Ayoko. Ayokong mapunta roon.

Nakakatakot ang lugar na iyon. Puno ng mga pighati at mga pagsisisi. Dahil masyado ng okupado ang utak ko ay hindi ko maiwasang mapaiyak nang tahimik.

Niyakap naman ako ng mga kaibigan ko na nagpagaan ng aking nararamdaman.

"Pinapakita ba ng mga diyos na roon ang bagsak k―" Hindi natapos ang aking gustong sabihin nang biglang sumabat si Ginang Priscilla.

"Hindi," mariin niyang wika. "Huwag kang maniwala sa nakikita mo. Ilusyon lamang iyon, Serephain. Nakakatakot man, pero dapat mo ng sanayin ang sarili mo na parte sa buhay mo ang itim na Mahika. Kung patuloy kang takot sa kapangyarihang meron ka, hinding-hindi mo ito mako-kontrol."

Dumiretso ang mata ko sa sahig. Totoo ang mga sinabi ni Ginang Priscilla. Tunay ngang natatakot ako sa itim na kapangyarihang meron ako. At baka ito nga ang rason kung bakit hanggang ngayon hindi ko pa rin ito gamay.

Napatingin ako kay Ayleth nang hawakan niya ang aking kamay. Nginitian niya ako at tinugunan ko siya ng isang mapait din na ngiti.

"Bumalik na kayo sa dormitoryo ninyo at magpahinga," rinig kong utos sa amin ni Suprema Celestia at tumalikod. "Ayleth, tayo na."

Hinagkan naman ako ni Ayleth sa aking noo at sumunod sa ina niya. Habang sina Crystal at Collyn naman ay inalalayan akong tumayo.

Umalis kami sa bulwagan.

Habang ako ay wala pa rin sa sarili at nanlulumo pa rin sa nakita ko kanina. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top