Kabanata 44: Priscilla, Ang Bayani

"Priscilla?"

Nakakunot ang noo kong paulit-ulit na tanong sa sarili. Hinawakan ko ang aking panga at nag-isip ng malalim kung ano ba talaga ang ibig sabihin sa nakasulat sa gintong papel na 'to.

Sino naglagay nito sa lamesa? Sa pagkakaalam ko ay kami pa lang ang nakapasok ulit dito maliban kay Tita Ailia. Dali-dali akong tumakbo papunta sa pintuan.

"Saan ka pupunta, Serephain?" Napahinto ako sa pagtakbo papunta sa pintuan nang marinig ko ang tanong ni ina.

Humarap naman ako sa kaniya at nagkamot ng ulo.

"Pupunta lang po saglit sa opisina ni Tita Ailia," sagot ko sa kaniya.

Kumunot naman ang kaniyang noo at tiningnan ako nang naguguluhan. Dumating naman si ama sa tabi niya. Palipat-lipat ang kaniyang mga tingin sa aming dalawa.

"Bakit, anong nangyayari rito?" naguguluhan niyang tanong.

"Pupunta lang po ako saglit sa opisina ni Tita Noelle."

"Bakit?" Sa pagkakataong 'to si ina na naman ang nagtanong sa akin.

Nilabas ko naman ang gintong papel na nakita sa lamesa. Nagkatinginan naman sina ina at ama saka tinanggap ang inabot kong papel. Tiningnan nila akong dalawa na tila parang naghihintay sa sabihin.

"Magtatanong po sana ako sa kaniya kung ano ang ibig sabihin ng nakasulat sa loob ng papel na 'yan. Baka kasi naiwan niya ang papel na 'yan dito lalo na't siya lang naman ang may hawak ng susi sa kwartong 'to."

Pagkatapos nilang marinig ang sinabi ko ay napatingin si ama sa papel. Dahan-dahan niyang binuksan ito't nagsilakihan ang kaniyang mga mata. Maging si ina ay napansin ko ring nagsilakihan ang mga mata.

Tila ba'y parang nagulat sila sa nakasulat sa loob ng nakatuping kulay gintong papel.

"P-priscilla?" Uta-utal na basa ni ama sa nakasulat sa papel.

Sa pagkakataong 'to, ang aking noo na naman ang kumunot dahil sa pagkakalito.

"Bakit po, may alam po kayo sa nakasulat?"

Hindi sumagot si ama sa tinanong ko, sa halip ay umupo siya sa upuan na parang kinakabahan. Umupo na rin si ina at senenyasan akong maupo na rin. Ayon sa ekspresyon ni ama, tila parang alam niya ang ibig sabihin ng nakasulat. Kaya hindi na lamang ako nangulit pang pumunta sa opisina ni Tita Ailia.

"Hindi ka makakahanap ng sagot sa Tita Ailia mo, Serephain."

Tiningnan niya ako sa mata at nagulat na lamang ako nang makita kong nagtubig ang kaniyang mga mata.

Tila ba'y parang iiyak na siya mayamaya.

"Bakit po? Ano pong ibig sabihin sa nakasulat?" magalang kong tanong sa kaniya. "Pangalan po ng lugar, bagay o anghel ang Priscilla?" pahabol kong tanong ulit sa kaniya.

"Ang pangalang Priscilla ay pangalan ng isang anghel." Nagulat ako sa sinagot ni ama.

Bumuntonghininga siya nang malalim at ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Si ina naman ay hinahaplos ang kaniyang kanang balikat.

"Si Priscilla ay ang matalik kong kaibigan simula mga bata pa kami. Magkaibigan din ang aming mga magulang. Inaasar pa nga kaming dalawa na baka raw kami ang magkakatuluyan. Ako bilang bata, palagi ko rin siyang inaasar na papakasalan ko siya kapag darating ang araw na nasa tamang edad kaming dalawa. Siya 'yong tipong kaibigan na kapag kailangan ko siya, nandiyan siya palagi sa aking tabi." Napapansin ko sa boses ni ama na unti-unting nanginig at pilit na ayaw niyang maiyak sa harapan naming dalawa ni ina.

Ayon sa kwento palang ni ama, masasabi ko talagang marami na silang pinagdaan. At kung gaano niya kamahal ang kaibigan niya. Kung gaano nila tinutulungan ang isa't-isa palayo sa kapahamakan.

"Ama, ayos lang naman po kung hindi niyo kayang ikuwento sa akin si Priscilla. Naiintidihan ko naman po," mahina kong wika, sapat para marinig nila ako.

Iniling naman ni ama ang kaniyang ulo at nagpatuloy sa pagkukuwento.

"Si Priscilla, ang daming nagkakagustong mga anghel sa kaniya noong mga panahong nagdadalaga na siya. Kasi, masasabi mo talagang pinagpala siya ng sobrang nakakasilaw na kagandahan. Noong mga panahong pareho kaming pumasok sa akademya, lahat ng mga estudyante ay kuha niya ang atensyon. At hindi pa rin siya nauubusan ng mga manliligaw." Nakangiting kuwento ni ama sa akin.

At sa naging kuwento ni ama tungkol kay Priscilla ay katulad silang dalawa ni Caspian. Si Caspian sobrang sikat din niya. Halos lahat ng babaeng anghel sa akademya ay tila parang hinihipnotismo ng kaniyang kagawapuhan.

"Sa kabila ng kagandahan ni Priscilla, sobrang bayolente rin niya at sobrang lamig niya sa lahat maliban na lamang sa akin." Natatawang wika ni ama habang iniiling ang kaniyang ulo dahil sa mga masasayang alaala. "Kaya nga halos lahat ng manliligaw sa kaniya at mga humahanga sa kaniya talagang pinag-iinitan ako noon."

Napatingin ako kay ama. Pinag-iinitan din siya ng mga estudyante sa akademya? Parang . . . parang katulad ko rin.

Ang kaso lang ay pinag-iinitan ako dahil sa pagiging kakaiba ko. Habang si ama ay pinag-iinitan dahil palagi silang magkasama at napapansin ng mga estudyante na malapit sa kaniya si Priscilla.

"Pero palaging sinasabi sa akin ni Priscilla na huwag ko na lamang daw papansin ang mga anghel na walang ibang gawin kun'di ang maminsala ng kapwa. Ginawa ko naman."

Parang . . . parang si Caspian lang din.

"Si Priscilla 'yong masasabi mong ang ganda na nga, pinagpala rin ng maraming kapangyarihan at sobrang sikat niya. Pero pinagpala pa rin ng katalinuhan. Sa totoo lang naging karibal ko siya sa katalinuhan, maging sa larangan ng pakikipaglaban. Naging kalaban ko siya sa pagtakbo ng pagiging pangulo sa kunseho ng mag-aaral noon."

"Siyempre, siya ang nanalo at ako naman ang natalo. Kalaunan naman ay kinuha niya ako bilang kanang kamay niya. Nakuha ko ang posisyon ng ikalawang pangulo sa kunseho mahiko dahil sa kaniya. At palagi kong inihahambing aking aking sarili sa kaniya."

Huminto muna si ama sa pagsasalita saka tumingin sa akin sa mata. Nakikita ko sa mata niya na tila ba'y parang sinasabi niyang hindi siya perpekto gaya ng inakala ko. At mga sinusumbat ko sa kaniya noon.

Biglang kumirot ang aking puso at biglang nagtubig ang aking mga mata.

Sana . . . sana mas kinilala ko pa si ama. Saka ko napagtanto na, hindi natin kailangang humusga ng iba ayon sa nakikita natin sa pisikal na kaanyuhan ng bawat isa. Kasi baka may malalim na dahilan ang nilalang na 'yon kung bakit siya ganoon.

"Sa lahat ng bagay palagi akong pumapangalawa sa kaniya at hindi nabigyan ng pagkakataong maging numero uno. Kahit isang beses lang, ayos na sa akin pero hindi nangyari. Nagpatuloy ang pagiging pagkakaibigan namin ni Priscilla at ganoon pa rin ako. Palaging pumapangalawa sa lahat ng bagay. Nagtapos kami sa pag-aaral at pareho naming napagdesisyunan na pumasok sa kabalyero mahiko. Ang buhay ko ay ganoon pa rin, at halos sumuko na dahil sa inggit ko kay Priscilla."

Sa boses ni ama, kapansin-pansin na sobrang pinagsisihan niya ang nararamdaman niya kay Priscilla. 'Yong parang pinagsisihan niyang maiinggit at hindi na lamang naging kuntento kung ano'ng meron siya.

"Dumaan ang apat na taon, naging kauna-unahang kapitana siya sa kabalyero mahiko at hawak niya ang lahat ng miyembro sa ating lupain. Naging kapitana siya sa edad na dalawang pu't tatlo. Dumaan ulit ang apat na taon, ako naman ang sumunod na naging kapitan. At pumapangalawa na naman ako. Hinati ang mga tauhan ni Priscilla at ibinigay sa akin."

Bumuntonghininga si ama ng malalim saka pinagpatuloy ang pagkuwento tungkol kay Priscilla.

"Patuloy pa rin ang buhay namin ni Priscilla bilang magkaibigan. Minsan, magkasama kami sa iisang misyon. Pero minsanan na lamang kami nagkikita dahil pareho kaming abala sa pangangalaga ng aming parehong grupo. Hanggang sa dumating ang araw na magkakaroon ng anim na itinakda mula sa pitong na nasyon upang talunin si Gedeon. At siya ang napiling itinakda ng ating lupain."

Napasapo ako sa aking noo dahil sa katangahan. Priscilla. Tama!

Siya 'yong unang itinakda ng aming lupain at tinaguriang isa sa pitong bayani ng Metanoia. Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga.

Ang lakas ng loob kong kalimutan ang bagay na 'yon. Iniling ko ang aking ulo. Marahil ay nawala sa aking isipan dahil sa mga nangyari sa akin kanina at nitong mga nakaraang araw. Pero, isa pang bagay na napansin ko ay hindi bukambibig ng mamamayan ang aming bayani.

Siya ang bayani ng Axphain. Siyempre, talagang ipagmamalaki ito ng aming nasyon. Ang pinagtataka ko lang ay kung bakit tila parang kinalimutan nila si Priscilla.

"Matapos ang digmaan, naging payapa na ang lahat. Pero sa kabila ng sakripisyo ni Priscilla, may iilan pa ring Axphainian na sinisisi siya. Napagdesisyon niya namang magpahinga sa trabaho niya bilang isang kapitana ng kabalyero mahiko at umalis sa Axphain upang maglakbay. Upang mas maiintidihan at mas makilala pa niya ang sarili niya."

Nalungkot kaagad si ama matapos niyang i-kuwento 'yon.

Habang ako ay hindi ko maiwasang maawa kay Priscilla. May gusto sana akong itanong kay ama pero mas pinili ko na lamang na mamaya ko na lamang ito gawin.

"Dumaan ang tatlong taon, bumalik si Priscilla na may kasamang lalaking anghel. At ito pang anghel na ito ay hindi isang Axphainian, ito ay isang Cazador. Ipinakilala ni Priscilla ang lalaking 'yon bilang asawa niya. Pero dahil may paniniwala ang ating lupain tungkol sa pagpapakasal sa ibang lahi ay isang kasalanan laban sa banal na kautusan."

"Hindi tinanggap ng mga magulang niya ang lalaking pinakasalan niya. Sinabihan pa siya na iwan ang lalaking ito. Pero dahil mahal na mahal ni Priscilla ay hindi niya ginawa ang gustong mangyari ng kaniyang mga magulang. Kahit na masakit para kay Priscilla na hindi kilalanin ng sariling pamilya, umalis siya ng Axphain kasama ang asawa niya. At magpahanggang ngayon ay hindi ko alam kung nasaan siya."

Sarkastikong napagulong ang aking mga mata.

Ano pa ba aasahan ko sa maging reaksyon ng mga Axphainian? Katulad lamang ang mga reaksyon nila nang malamang may asawa rin si ama ng isang Cimmerian at sinabihan pa akong bunga ng kasalanan.

"Sinubukan niyo po bang hanapin si Priscilla sa Cazadorian?" tanong ko kay ama.

"Sinubukan ko noon pa, pero kahit ni isang impormasyon tungkol sa kaniya wala akong nakalap. Siguro . . ." Dahan-dahang nabasag ang boses niya, ". . . siguro wala na siya. Hindi ko na makikita ulit ang matalik kong kaibigan." At tuluyan ngang bumagsak ang luha ni ama mula sa kaniyang kaliwang mata.

Napabutonghininga naman ako ng malalim matapos marinig ang kuwento ni Priscilla at ang relasyon nilang dalawa ni ama.

"Pero, kung mabibigo ako sa tungkulin bilang isang itinakda. Maging ganoon din kaya ang kapalaran ko katulad ng kay Priscilla? Siguro mas uusbong ang galit nila sa isang tulad ko." Bumagsak ang aking balikat matapos bigkasin ang mga katagang 'yon.

Nilapitan naman ako nina ina at ama. Binigyan nila ako ng isang mahigpit na yakap. Yakap ng isang magulang na puno ng pagmamahal para sa anak.

"Sabay nating harapin ang galit nila, anak."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top