Kabanata 41: Ang Muling Pagtatagpo

Magkatabi kami ni ina habang nakasandal ang ulo ko sa kaliwang balikat niya. Nakasakay kami sa lumilipad na barko. Katulad no'ng sinakyan naming papuntang siyudad ng Terra. Nakagapos ang aming kamay ni ina gamit ang mahiwagang tanikala.

Nakabanatay naman sa amin ang dalawang kapitana, at maging sa apat pang kabalyero.

"Nandito na tayo," rinig kong wika ni Suprema Celestia.

Tumayo naman kaming dalawa ni ina. At sa hindi kalayuan ay tanaw na namin ang malaking lagusan papasok sa siyudad ng Luxa. Ilang segundo ay nakapasok na kami't sumalubong kaagad sa aking mata ang gubat ng Luxa.

Dahil sa sobrang taas ng mga kahoy dito ay lumapag ang aming sinasakyan sa isang patag na pabilog. At saka, walang ibang lugar din naman kaming mapaglapagan kapag dumiretso kaagad kami sa palasyo.

Nang makalapag na kami ay kinaladkad naman kami ni ina pababa ng sasakyan. Wala kaming nakuhang salita mula sa Suprema. Bagkus ay pinagaspas niya ang kaniyang mga pakpak papunta sa ere.

Sumunod naman kaming lahat sa kaniya. Nang makalabas na kami sa gubat ay lahat ng atensyon ng mga Luxians ay nakuha namin sa pagdating namin. Niyuko ko kaagad ang aking ulo nang tignan nila kaming dalawa ni ina nang masama.

Ayon sa mata nila, sinasabi nilang masaya sila na tuluyan na nga kaming nadakip. Saka nag-umpisa na namang nagbulong-bulungan ang mga mamamayan sa nasaksihan nila.

"Sa wakas at nadakip na rin nila ang salot sa lupain natin."

"Dapat sa katulad nila, pinaparusahan ng kamatayan. Wala silang lugar sa Axphain."

"Alam mo ba, asawa at anak 'yan ni Ginoong Percival."

"Ano? Ginoong Percival ba kamo? 'Yong punong mahistrado?"

"Tama ka."

Narinig ko namang napatawa ng mahina si Kapitana Anil. Nasaktan man, pero hindi ko na lamang pinansin pa ang kaniyang mapang-insultong tawa. Sa halip ay diretso lang ang aking tingin.

"Siraulong punong mahistrado, ah. Siya pa ang nag-umpisa sa gulong 'to. Ngayon sobrang nadismaya ako sa kaniya, hinahangaan ko pa naman siya."

"Maging anak ko nga."

"Sana hindi na lang naging punong mahistrado 'yang si Percival. Dapat sa kanila, pinapatay. At sobrang nakakaawa sa asawa at anak, dahil kahit na alam ni Percival ang ating batas, pinagpatuloy pa niya ang walang kwentang pagmamahal niya sa babaeng 'yan."

Napakuyom ako sa aking mga kamao dahil sa mga narinig. At aakmang susugurin sila pero pinigilan ako ni ina. Bumuntong-hininga na lamang ako't sinunod siya.

"Saka, isang Cimmerian pa. Mga anghel na sobrang bayolente. Hindi na rin nakakapagtaka kung bakit mayroon silang mga sungay kasi manang-mana sa lumikha sa kanila."

"Hindi na rin ako magtataka kung isa sa tatlong lahi na nilikha ni Gedeon, ta-traydor sa mundo natin. At papanig sa lumikha sa kanila."

Nagtagis ang aking bagang dahil sa narinig. Kahit na gusto ko man silang bugbugin hanggang sa hindi na sila makatayo pa. Pero hindi ko pwedeng gawin dahil hindi naman ako ganoong klaseng anghel. Hindi ako mapanghusga.

Hindi ako nananakit ng damdamin ng iba. Hindi ako nabuhay para manakit, dahil ang tanging gusto ko lang ang mamuhay ng payapa.

Malabo mang mangyari iyon, pero hindi ako nawawalan ng pag-asa hangga't nabubuhay ako. Hindi magtatapos ang mga inaasam ko hangga't nandito pa ako humihinga sa mundong 'to.

Dumating kami sa palasyo at diniretso kaagad kami ni ina sa kulungan. Pagkarating namin ay laking gulat ko nang makitang nandoon din ang mga kaibigan ko't maging si ama. Ang naghatid sa amin ay sina Kapitana Anil at Kapitana Soliel.

Napansin ko kaagad ang kakaibang kulungan dito sa palasyo.

Inaasahan kong ipapasok kami sa isang kulungan na may rehas. Subalit sa nakikita ko ngayon ay isang malaking barrier lamang ito. Nasa kaliwa naman sina ama, Borin at Rony habang sa kanan naman ay nandito sina Crystal at Collyn.

Ramdam na ramdam ko ang dalawang kulungang barriers na ito ay gawa pa ito mismo sa kapangyarihan ni Suprema Celestia. Ang kaibahan nga lang ng kulungang inaasahan kong hitsura ay may rehas at may sementadong dingding. Pero ito namang nakikita ko ngayon ay kitang-kita namin sa kabila sina ama, Borin, at Rony.

Tinulak naman kami ni Kapitana Anil papasok. At sa isang iglap ay natanggal na ang tali sa aming kamay. Sa halip ay napalitan ito ng kadenang marka.

"Subukan niyong lumabas sa barrier na ito, matatagpuan namin kayo ng wala ng buhay bukas." Pagbabanta ni Kapitana Anil sa amin at saka umalis na sila.

Kaya naman pala nagkaroon kami ng marka pagkapasok namin sa kulungang 'to. Nakita ko namang nagtakbuhan papalapit sa akin sina Collyn at Crystal saka niyakap ako nang mahigpit. Nakita ko ring napatayo ang mga lalaki sa kabilang kulungan.

"Serephain . . ." Rinig kong pagtawag ni ama sa pangalan ko. "Aella . . ." Maging sa pangalan din ni ina.

"Ama . . ." Hindi ko alam pero bigla na lamang tumulo ang aking mga luha.

Naramdaman ko naman ang paghaplos ni ina sa likuran ko.

"Percival, pasensya na kung bakit kami nadakip. Pero ginawa namin ng anak mo ang nararapat. Natagpuan nila kami sa Cimmeria at pinagbantaan ang kapatid ko. Na kapag hindi nila kami ibibigay, mapipilitang idadamay sila sa gulo natin, idadamay ang kinalakihan kong lupain na trinaydor ko. At hindi ikakaganda ng aking konsensya kapag dahil na naman sa akin magkakagulo ulit ang Cimmeria," panghihingi ng paumanhin ni ina.

Nakita ko na ring naglakbay ang mga luha ni ama sa pisngi.

"Naiintindihan ko," maikli niyang sagot. "Pasensya na kayo kung bakit tayo umabot sa ganito."

Dahil sa sinabi ni ama, hindi ko rin maiwasang kumunot ang aking noo.

"Wala kang dapat ipagpaumanhin, ama. Kasalanan bang magmahal? Hindi. Wala kayong kasalanan. At masaya na ako ngayon na ako ang bunga ng pagmamahalan niyo. Ang dapat itigil ay ang mga nakakasakal na pinaniniwalaang tradisyon ng Axphain. Sila ang dapat matuto! Sila ang dapat matuto na ang mundo hindi palaging ganito na lang."

"Ang mundo natin araw-araw nagbabago at sana rin magbabago ang mga nilalang na naninirahan dito. Dapat magkaroon ng pangkalahatang kalayaang magdesisyon, dahil hindi sa lahat ng bagay hawak nila tayo sa leeg. Natuto na ako, natuto na ako dahil sa kanila . . ."

Itinuro ko naman ang mga kaibigan ko dahilan para makita kong maluha si Collyn.

"Dahil sa kanila, natuto rin ako kung paano pahalagahan ang isang bagay. Na hindi lamang galit at hinanakit ang dapat nating ipairal."

Dahil sa sinabi ko, ang mga magulang ko ay napahagulgol ng iyak. Gustong-gusto naming magyakapang tatlo pero hindi pwede dahil nasa kabila si ama. Kapag tatawid siya sa kinaroroonan namin, baka katapusan na niya.

Nang huminto kami sa iyakan namin ay tiningnan ko ang mga kaibigan ko. Nilapitan ko sina Collyn at Crystal saka pumagitna sa kanila. Inakbayan ko ang dalawa at palipat-lipat ang aking tingin, habang walang katapusang ngiti ang sumilay sa aking labi.

"Ina, Ama, sila ang mga naging kaibigan ko sa loob ng akademya," pagpapakilala ko sa kanila.

"Ako po si Crystal," pagpapakilala niya sa ina ko't inilahad ang kaniyang kamay.

Lumapit si ina sa kaniya at hindi tinanggap ang kamay niya, sa halip ay niyakap pa siya. Nagpapakilala rin si Collyn at ganoon din ang natanggap niya kay ina katulad ng kay Crystal. Nagpakilala na rin ang dalawang lalaki at kitang-kita ko ang naluluhang mata ni ina. Nilapitan ko naman siya't kaaagad na niyakap.

"Maraming salamat sa pagtupad ng pangarap ng anak ko na magkaroon ng kaibigan, dahil matagal na niya itong inaasam-asam. Pero sana hin―" Hindi na natuloy ang gustong sasabihin sana ni ina nang biglang sumabat si Crystal.

"Wala pong kinalaman si Serephain dito. Pinili po namin ang landas na ito nang kami lang kaya nandirito kami kasama kayo. Ginawa lang po namin kung ano sa tingin namin ang nararapat," magalang na wika ni Crystal.

Sumang-ayon naman ang tatlo pa.

"Ngunit kahit ganoon. Gusto ko pa ring magpasalamat. Kaya, maraming salamat sa pagtanggol sa anak ko." Nakangiting wika ni ina. "Ako pala si Aella. Pangalan ko ay Aella," pahabol na pakilala ni ina sa mga kaibigan ko.

Kinilala naman ni ina ang mga kaibigan ko at nagkaroon pa nga ng kwentuhan tungkol sa kaniya-kaniyang pinagdaanan sa buhay. Maging ang mga kaibigan ko, kinuwento nila kung ano ang pinagdaanan nila para makapasok lang sa Axphain Academy.

Subalit, nahinto kami sa aming kwentuhan at tawanan nang biglang makarinig ng isang tikhim. Napalingon kaming lahat sa pinanggalingan nito.

"Mabuti naman at nagkatuwaan kayo bago ang araw ng inyong kamatayan. Bukas na bukas ay ang huling araw niyo na."

At nakita namin si Suprema Celestia na suot-suot ang napaka-seryosong ekspresyon sa mukha.

"Ihanda niyo na ang inyong mga sarili."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top