Kabanata 39: Ang Hamon ni Nemain

Napagising na lamang ako nang maramdaman ko ang sinag ng araw sa balat ko. Hindi na ako nag-aksaya ng oras kaya ay bumangon na ako sa pagkakahiga.

Nag-inat naman ako bago lumabas. Nang makalabas ay abala na sa kaniya-kaniyang ginagawa ang mga mamamayan ng Cimmeria.

Nagulat pa nga ako nang may bumati sa akin at may iilan din namang masasama ang titig sa akin. Naiintindihan ko naman kung bakit ganoon ang pamamaraan ng kanilang mga titig.

Nabigla naman ako nang mahagilap ko si ina na nakaupo sa isang pahabang upuan na gawa sa kahoy, pinagmamasdan ang ginagawa ng mga Cimmerians.

Nilapitan ko naman siya at niyakap. Nabigla naman siya sa ginawa ko't niyakap din ako pabalik. Habang nakayakap ako sa kaniya, hinahaplos niya naman ang buhok ko.

"Serephain, alam mo ba noong bata pa lang ako, sobrang nananabik akong gumising araw-araw kasi gustong-gusto kong masilayan ang kagandahan ng aming lupain. At makasama ang kapatid ko sa isang dwelo." Nakinig lang ako sa mga sinasabi ni ina, dahil ramdam na ramdam ko ang lungkot sa timbre ng kaniyang boses. "Pero nagbago na ang lahat nang traydurin ko ang sarili kong kapatid at sarili kong lupain."

Bumagsak kaagad ang magkabilang balikat ni ina matapos niyang sabihin ang mga katagang 'yon.

"Naniwala akong magkakaayos din kayo, ina." Nakangiti kong wika sa kaniya dahilan para mapangiti rin siya sa akin.

Hindi na siya sumagot pa sa sinabi ko, sa halip ay mas nagpokus na lamang sa tanawin. Kahit na gusto man naming tumulong sa mga pinagkaka-abalahan ng mga Cimmerians, ayaw nila kaming pahintulutan.

Habang nagmuni-muni kaming dalawa ni ina sa paligid, bigla na lamang sumulpot sa aming harapan si Nemain.

Tiningnan ko siya nang naguguluhan. Habang ang ekspresyon naman ng kaniyang mukha ay tila ba'y parang determinadong-determinado. Napansin ko ring palipat-lipat ang tingin ni ina sa aming dalawa, pilit na intindihin kung anong nangyayari.

May kinalaman ba ito sa nangyaring dwelo namin kahapon?

"Serephain, hinahamon kita sa isang dwelo," isang determinadong boses ang sumalubong sa aking pandinig.

May mga iilang Cimmerian namang nakarinig sa sinabi ni Nemain, dahilan para ikalat ang sinabi niya. Dumaan ang ilang segundo ay pinag-iikutan na kami ng mga Cimmerian at nagsimula na namang tumunog ang gong.

Sumulpot din sa likuran ni Nemain si Morrigan at nagtitigan kami.

Isang pananabik na ngiti ang sumilay sa aking mga labi, maging ganoon din si Morrigan. Tumayo ako't hinarap si Nemain. Tiningnan din siya ng mapanghamong mga titig.

"Tinatanggap ko ang iyong hamon, Nemain. Kaya mo ba ako hinamon ay dahil natalo kita kahapon sa unang dwelo natin?" mapang-asar kong tanong sa pinsan ko.

Humakbang si Nemain papalapit sa akin at binulungan.

"Huwag kang masyadong mayabang, pinsan. Ipapakita ko sa lahat na karapatdapat akong pasanin ang responsibilidad na ipinagkaloob sa akin ng diyos. At babaguhin ang kanilang mga isipan na ligtas sila sa kamay ko, ligtas sila sa kamay ng isang itinakda."

Sumilay ulit ang aking nakakalokong ngiti matapos marinig ang ibinulong niya sa akin. Tinanguhan ko naman si Morrigan na kapansin-pansin sa ekspresyon ng kaniyang mukha ang pagkasabik.

Sa mga oras na ito ay nandito na kami sa malawak na sentro ng kanilang kampo. Habang pinag-iikutan kami ng mga mamamayan upang panoorin kami. Sa mga mukha naman ng iilan ay tila ba'y parang nanabik silang saksihan ang maging resulta ng dwelong 'to.

Kami naman ni Nemain ay nagkatinginan ng seryoso.

Nakita ko pa siyang nag-summon ng espada. Walang pag-alinlangan niya akong sinugod. Habang ako naman ay ilag lang nang ilag sa mga atake niya. Nahinto lamang si Nemain nang mapagod siya at maging ako rin naman.

Napaluhod ang kaniyang kaliwang tuhod, habang ang espada niya ay ginawa niyang tungkod upang hindi siya tuluyang matumba. Pero, ilang segundo ng kaniyang mga pagbuga ng hangin ay tumayo siya't itinuon sa harapan ang hawak-hawak niyang espada.

Halos lumuwa na lamang ang aking mga mata nang bigla siyang sumulpot. Mabilis ang mga kilos niya dahilan para hindi ko makita ang mga paparating niyang mga atake. Napadaing ako nang maramdaman ang hapdi ng aking kanang braso.

Nakita ko namang bumagsak ang aking kulay gintong dugo saka hinawakan ito upang mapigilang maubusan ako nito. Dahil baka ito pa ang dahilan na manghina ako sa gitna ng aming dwelo.

Tatayo na sana ako ng maayos nang bigla akong tumilapon. Napadapa ako sa lupa dahilan para mapadaing ako sa sakit na idinulot nito. Naghiyawan naman ang mga Cimmerians nang makita akong napuruhan ng kanilang itinakda.

Nanlaki naman ang mga mata ni Nemain nang makita niyang unti-unting naghilom ang sugat na idinulot ng kaniyang espada. Pero ang gulat na gulat niyang mukha ay napalitan ng nakakalokong ngiti.

"Ibigay mo lahat kung anong meron ka, Serephain. Takot ka ba?" Mapanghamong tanong niya sa akin, dahilan para ako naman ang mapangiti.

"Hindi naman ako takot. At sigurado ka ba sa sinasabi mo, Nemain? Dahil kung hahayaan mo akong gamitin lahat ng kapangyarihan ko laban sa 'yo, baka pagsisisihan mo." Mapanghamong sagot ko pabalik sa kaniya, dahilan para mas maghiyawan ang mga nanonood sa amin.

Isang mapanghamong ngiti ang iginawad sa akin ni Nemain.

"Walang problema," maikli niyang sagot. At pinagaspas ang kaniyang mga pakpak papunta sa ere.

At sa isang iglap ay sumulpot siya sa aking harapan. Nanlaki kaagad ang aking dalawang mga mata nang maramdaman ang espada niyang nakatusok sa gilid ng aking tiyan.

"Serephain!" Napatingin naman ako kay ina at aakma na sana niya akong lapitan pero tiningnan ko siya't binigyan ng tingin na huwag gawin ang binabalak niya.

"Ayos lang ako ina. Wala kang dapat na ipag-aalala." Sabi ko kay ina gamit ang aking kakayahang makipag-usap sa isipan.

Nakita ko naman na tinanguhan ako't walang pag-alinlangang binigyan ng suntok si Nemain sa sentro ng tiyan.

Napatilapon siya palayo sa akin, habang ang espada niya ay naiwang nakatusok sa akin. Hinawakan ko ang hawakan ng espada at hinila ito. Nagsipatakan kaagad ang kulay ginto kong dugo, pero kaagad din namang naghilom ang aking mga sugat.

Itinapon ko ang espada kay Nemain at tiningnan siya ng seryoso. Matapos ng aming pagtitigan ay dinampot niya ang kaniyang espada.

At sa isang iglap ulit ay sumulpot siya sa aking harapan. Bago pa man niya ako mapuruhan ay pinabilis ko ang aking sarili at sa isang iglap ay nasa ere na ako. Tumingala si Nemain sa ere dahilan para ako'y magulat. Paano niya ako nakita kung saan papunta sa ganoon kabilis?

Aakma ko sanang i-summon ang aking paboritong sibat, pero hindi ko natuloy nang sumulpot ulit sa harapan ko si Nemain.

Pinabilis ko ang aking sarili upang makalayo sa kaniya at makakuha ng pagkakataong makapag-summon ng aking sibat. Pero binigla ulit ako ni Nemain nang makita ko siyang nakisabay sa bilis ko.

Ibig sabihin, si Nemain ay may kakayahan ding pabilisin ang sarili niya. Hindi ko akalaing ganito na siya kalakas matapos ang unang dwelo namin. Napangiti ako dahil sa naisip. Siyempre, malakas siya, siya kaya ang itinakda ng Cimmeria.

Siya ang isa sa mga itinakdang po-protekta sa nasyon na kinalakihan niya palayo sa madilim na puwersa.

Nabalik ako sa katinuan nang makitang paparating sa akin ang napakaraming espada na nakalutang malapit sa kanya. Napahinto ako sa pagpapabilis sa aking sarili at ipinagkumpas ang aking dalawang kamay.

Nagawa ko naman agad ang plano ko, kaya nagsilutangan na ang mga liwanag hugis espada rin. Nakita ko namang ngumisi si Nemain at walang pag-alinlangang binitawan niya ang mga espada niya para atakehin ako.

Binitawan ko rin ang mga liwanag na aking minapula upang banggain ang mga espada ni Nemain. Pinagaspas ko ang aking mga pakpak palayo nang biglang sumabog ng malakas nang magtama ang aming kapangyarihan. Napasigaw ang nanonood, pero kumalma naman sila pagkatapos.

Gaya ng ginawa ni Nemain kanina, bigla na naman siyang sumulpot sa harapan ko't handa akong puruhan gamit ang espada niya.

Mas lalong nanlaki ang aking mga mata nang makitang binalutan niya ang espada ng itim na mahika. Inilagan ko ito, pero hindi ito sapat dahil nagawa pa rin niyang daplisan ang aking braso.

Napadaing ako sa sobrang sakit at hapdi na idinulot nito.

Hindi ko kaagad na kontrol ang nararamdaman ko nang matamaan ako sa itim na mahika ng isang itinakda. Napasigaw ako sa sobrang sakit at halos hindi na ako makahinga. Malakas ang pagkakabagsak ko sa lupa, pero mas masakit ang ibinigay na sugat sa akin ni Nemain.

Narinig ko pa ang mga hiyawan ng mga Cimmerians nang makita nila akong natalo laban sa itinakda nila. Bigla akong napasigaw nang biglang humapdi ito, at tila ba'y parang naapektuhan din ang buo kong katawan.

Anong nangyayari sa akin? Natahimik ang lahat nang marinig nila ang sigaw ko. At unti-unti kong naramdaman ang mainit na likido sa mata ko.

Mas lalo akong napasigaw nang biglang humapdi ang kaliwang bahagi ng leeg ko. Iyong hapdi na parang napapaso ang balat ko. Bigla ko namang naramdam ang kapangyarihan ko na kumakalat sa paligid.

Nararamdaman ko. Ang kapangyarihan na namana ko mula sa dalawang magkaibang mga magulang ay biglang napukaw nang mapuruhan ako ng kapangyarihan ni Nemain.

Anong nangyayari sa akin?!

Ang ganitong pakiramdam, tila ba'y parang bumalik noong unang beses akong magwala nang hindi ko na ma-kontrol ang kapangyarihan ko. At unti-unti akong nilamon ng kadiliman. 'Yong parang ang kapangyarihan ko pa mismo ang ko-kontrol sa katawan ko.

Umalingawngaw ang malakas kong sigaw nang sobrang humapdi ang aking kaliwang bahagi ng leeg. Bakit sa leeg ko lang nararamdaman ang sakit? Anong nangyayari?

"Serephain!" Bigla akong inalalayan ni ina nang makalapit na siya sa akin.

Lumingon ako sa kaniya at nakita ko ang sobrang pag-aalala niya.

"I-ina . . . hindi ako makahinga." Tumulo ang aking mga luha at pilit na makalanghap ng hangin upang maibalik ang normal kong paghinga.

"Magsi-alisan kayong lahat! Bigyan ng daan ang hangin para malanghap ni Serephain! Tulungan niyo siya at gamutin!" Narinig ko namang sigaw ni Morrigan.

Kaagad din namang sumunod ang lahat at aakmang lumapit sa akin ang mga Cimmerian na gumamot sa akin noong nakaraang araw. Pero pinigilan sila ni ina dahilan para magulat silang lahat.

"Walang ibang hahawak sa anak ko . . ."

"Pero, Tita Aella. Kailangan niya ng tulong." Sa mga oras na ito ay si Nemain naman ang nagsalita.

"Kapag ganito si Serephain, walang ibang makakatulong sa kaniya. Ayokong masaktan niya kayo. Hindi pangkaraniwan ang nararamdaman niya ngayon dahil mamaya ay unti-unti siyang lamunin ng kaniyang sariling kapangyarihan at magwala. Ako lamang ang nakakaalam kung paano siya papakalmahin."

Natahimik silang lahat sa sinabi ni ina pero habang ako ay hindi na makahinga.

Napahawak ako sa aking leeg nang humapdi na naman ito. Lilingon na sana ako nang unti-unting lumabo ang paningin ko.

"Serephain . . ." ang tanging pagtawag ni Nemain sa pangalan ko.

Hanggang sa nagdilim na ang paningin ko.  

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top