Kabanata 37: Ang Muling Pagkikita
Nakita ko namang napaatras itong babaeng tinuunan kami ng espada. Pinasadahan niya naman kami ng tingin. Nang mabaling niya ang kaniyang atensyon sa akin ay nakita ko naman kung paano kumunot ang kaniyang noo.
Hindi na ako nagtataka pa dahil kakaiba naman talaga ako. Mukhang ako pa yata ang kauna-unahang anghel sa Metanoia na may ganitong hitsura.
"Kumalma ka. Hindi kami kalaban," wika ko.
At itinaas ang aking dalawang kamay upang ipakita sa kaniya na hindi kami narito upang manggulo sa lupain nila.
"Hindi kayo taga rito," matapang na wika niya.
Napansin ko namang nanginginig ang kaniyang kamay na nakahawak sa kaniyang espada. Walang takot naman na humadlang si ina upang protektahan ako laban sa babaeng 'to. Pero para sa akin, hindi naman siya masamang anghel.
"Minsan na akong taga-rito at hindi na bago sa akin ang ugali ng mga Cimmerian na kapag may bagong salta, ganiyan na ganiyan ang pag-atake nila," wika ni ina.
Nakita ko naman ang kinakabahan at gulat na gulat na mukha nitong babae nang marinig niya ang sinabi ni ina. Nahagilap din ng aking mata ang ekspresyon ni ina, tila ba'y parang natutuwa siyang makita ang babaeng ito.
Kilala niya ba itong babae?
"Sino ba kayo?!"
Sumilay naman ang ngiti ni ina na hindi ko alam kung ano ang dahilan.
"Kamukhang-kamukha mo ang iyong ama. At kasingtapang mo naman ang iyong ina. Mukhang napalaki ka nang maayos ng iyong mga magulang," komento naman ni ina.
Siya ba? Siya ba 'yong babaeng kinukuwento sa akin ni ina? Siya ba ang pinsan ko?
Nabalik ako sa reyalidad nang makita kong maluha-luhang tinignan niya ang ina ko. Isang tingin na hindi alam kung ano ang nangyayari. Sobrang naguguluhan siya sa mga pinagsasabi ni ina.
"Hindi kita kilala. Umalis na kayo bago pa malaman ni ina na may nakapasok na namang mga bandido," malamig na tugon ng babae at aakmang tatalikod.
Subalit, hindi na niya natuloy nang marinig niya ang sinabi ni ina.
"Mukha ba kaming mga bandido sa iyong paningin? Kami nga ang tinutugis nila kaya kami napadpad rito."
Sa pagkakataong 'to, ako na naman ang napayuko.
Napakagat ng ibabang labi.
Hindi ko rin kayang maipagkaila na nalulungkot at natatakot si ina sa posibleng mangyari sa akin. Natatakot sa mangyari sa aming dalawa. Wala na kaming ibang lugar na mapupuntahan, kun'di ang pangalawang tahanan na nanalaytay sa dugo ko.
"Hindi mo ba talaga ako nakikilala?" muling tanong ni ina sa babae.
Nang hindi sumagot ang babae ay ngumiti ng mapakla si ina. Isang ngiting nakita ko noong isang araw na kinuwento niya ang buhay niya sa Cimmeria, ang kaniyang kinalakihang nasyon.
"Naiintindihan kong napakalaki talaga ng galit sa akin ng iyong ina. Hindi ko alam na darating sa puntong hindi man lang niya ako ipapakilala sa 'yo." Ramdam na ramdam ko ang malungkot sa timbre ng boses ni ina matapos niya sabihin ang katagang 'yon.
"Sino ka ba?"
"Wala bang nabanggit ang iyong ina na mayroon siyang kapatid?"
Umiling naman ang babae sa naging tanong ni ina. Narinig ko namang nagpakawala ng malalim na buntonghininga si ina matapos marinig ang itunugon nito.
"Wala. Wala siyang naikuwento sa akin."
"Naiintindihan ko." Napayuko naman si ina at tiningnan ito na parang hindi naapektuhan.
Napansin ko na namang pinasadahan niya ng tingin si ina na parang kinikilatis. Nang masiguro niya ang pagdududa niya ay nabaling ulit ang kaniyang atensyon sa kausap niya.
"Ako nga pala ang kapatid ni Morrigan. Ang pangalan ko ay Aella." Matapos magpapakilala ni ina ay halos lumuwa na ang kaniyang mga mata sa gulat.
"Ano'ng . . ."
"Heto ang aking anak." Umalis naman ng bahagya si ina sa harapan ko upang makita ako nitong babae. "Siya si Serephain."
Matapos akong ipapakilala ni ina at nagtama naman ang aming mga mata. Pero hindi na ako nagsalita pa't pinili na lamang na manahimik.
"Ngunit ano'ng ginagawa ninyo rito nang hindi nalalaman ni ina? Hindi n'yo alam ang kaya niyang gawin kahit hindi na siya iyong dating makapangyarihan!" Nang masabi niya ang mga katagang 'yon ay napatingin ako sa likuran ni ina.
Hindi ko pa rin maiintindihan kung bakit mas pinili ni ina na rito kami sa Cimmeria maghanap ng pwedeng makakatulong sa amin. Lalo na't kinamumuhian siya ng sariling kapatid at mga mamamayan ng kaniyang kinalakihang lupain.
"Mahabang kwento ngunit kung mapapakiusapan kita, maaari ko bang makausap ang kapatid ko? Maaari ko bang makausap ang iyong ina? Kailangan ko ng tulong niya."
"Sumunod kayo sa akin."
Lumingon naman sa akin si ina at tinanguhan ako. Isang hudyat upang ihanda namin ang sarili sa posibleng reaksyon ng mga mamamayan ng Cimmeria.
Pinagaspas ko na ang aking apat na pakpak nang makita kong lumipad na rin si ina kasunod doon sa babae. Habang nakasunod ako kay ina, sobrang kakaiba ng kaniyang awra sa mga oras na 'to.
Tila ba'y parang binalutan ng matinding kaba ang buong pagkatao niya.
Hindi naman nagtagal ay nahagilap na ng aking mata ang kampo.
Napansin ko ring mukhang abala ang mga mamamayan at may isang anghel na nakatayo sa platform. Ayon sa hitsura niya, sobrang nakakatakot ang kaniyang awra at puno ng awtoridad.
Lumapag naman 'yong babae sa harapan ng tarangkahan ng kanilang kampo. At sa hindi kalayuan ay tanaw na tanaw ko ang nakakamatay na tingin mula roon sa babaeng kamukha naman nitong babaeng nakita namin doon sa libingan ng mga patay.
Siya ba ang kapatid ni ina? Siya ba si Morrigan? Nasabi ko kaagad 'yon ay dahil kamukhang-kamukha talaga silang dalawa.
"Ina! Oras na para magdesisyon kung papasukin mo sila!" Rinig kong sigaw nitong babae.
Hindi ko alam ang pangalan niya at nakukumpirma kong siya nga ang anak ng kapatid ni ina at pamangkin niya. Saka magpinsan naman kaming dalawa.
Bumaba naman iyong babaeng mukhang matanda pa kay ina ng dalawang taon sa tinatayuan niyang platform. Malalaki ang kaniyang mga hakbang at kitang-kita ko ang mga nakakalason niyang mga tingin sa aming dalawa.
Masasabi ko talagang galit na galit nga siya sa pagtataksil ni ina.
Napansin ko rin na nakasunod sa kaniya ang mga kawal. Ibig sabihin, siya ang pinuno ng kanilang kampo. Maging ang mga mata ng mamamayan ay puno ng hinanakit at panririnding makitang nandito kami sa harapan nila. Napatingin naman ako roon sa babaeng nagdala sa amin dito.
Kitang-kita ko sa ekspresyon ng kaniyang mukha na kinakabahan siya.
Hindi ko gusto ang ganitong pakiramdam. Mas lalong dumagdag ang tensyon na nararamdam ko nang tumunog ng malakas ang gong. Hindi ko man alam kung ano ang ibig sabihin nito, pero kakaiba ang hatid nito sa akin.
"I-ina," nauutal na sambit nitong babae sa ina niya.
"Masaya akong makita kang muli."
Hindi ko kayang maitatanggi na sobrang nakakatakot ang kapatid ni ina. Para lang siyang si Suprema Celestia. Siya ang ikalawang anghel na sobrang nakapagbigay sa akin ng matinding takot. Sobrang nakaka-intimida ang presensya.
Inutusan niya naman ang mga kawal niya upang kami ay hawakan dahilan para mapakuyom ako sa aking kamao. Wala man akong karapatan na makialam sa alitan nilang dalawa, pero pwede rin namang sasabihin niya ng diretsahan na hindi niya kami gustong makita.
Na hindi niya kami matatanggap sa kampo nila.
"Ako naman, hindi ako natutuwang makita ka." Maging boses ng kapatid ni ina ay bakas na bakas ang sobrang galit niya.
Napadaing ako nang maramdaman kong mahigpit na ang pagkakahawak sa akin ng dalawang kawal. Nasasaktan ako.
"Maniwala ka, wala kaming ginagawang masama sa lupain niyo!" Hindi ko na napigilan ang aking sariling sumigaw dahil sa sakit.
Subalit, natuptop ko ang aking ibabang labi nang sigawan ako ng malakas pabalik ni Morrigan.
"Manahimik ka!"
Nakita ko namang ipinagkumpas niya ang kaniyang dalawang kamay at lumitaw kaagad ang itim na mahika.
"Huwag na huwag mong sasaktan ang anak ko. Kung hindi ako ang makakalaban mo!" Nagpupumiglas si ina pero ngumisi lang ang kapatid niya.
"Alalahanin mong nasa teritoryo ka ng Cimmerian. At oras na makagawa ka ng kapangahasan, hindi lang ako ang makakalaban mo kun'di ang buong mamamayan." Sa timbre pa lang ng boses niya ay puno na ito ng pagbabanta.
Bigla ko na namang naalala ang mga kinuwento ni ina sa akin tungkol sa kapatid niya't kinalakihang lupain. Sobrang sariwa pa ng aking alaala ang umiiyak niyang mukha.
At sinisisi niya ang kaniyang sarili hanggang ngayon.
"Hindi namin gusto ng gulo. Nandito lang kami upang humingi ng tulong." Naiiyak kong sambit dahil sa sobrang awa na nararamdaman ko para kay ina.
Alam kong kasalanan niya ang lahat kung bakit nagkakaganyan ang kapatid niya. Pero nagmahal lang siya. Walang masama ang magmahal. Gusto ko ring makawala si ina sa paghihirap at problema niya sa kapatid niya.
"Kung ganoon, ang lakas naman ng loob n'yong sa amin pa magpunta. Hindi na ba kayo mahal ng lupain n'yo at pinalalayas na kayo?" Napaiwas na naman ako ng tingin nang makita kong umiyak si ina sa harapan ng kaniyang kapatid.
Sobrang sakit.
"Ayos lang naman sa akin kung hindi mo pa rin ako napatatawad sa nangyari noon, pero kahit ngayon man lang. Kahit para sa anak ko lang, kailangan namin ng tulong mo."
"Bakit ko tutulungan ang isang traydor?"
"Ina, may humahabol sa kanila at kailangan nila ng mapagtataguan―"
"Hindi ikaw ang kinakausap ko, Nemain." Maootoridad na putol na sabi ni Morrigan sa gustong sasabihin ng kaniyang anak.
Nagulat na lamang ako nang bigyan ako ng malakas na suntok ng isang kawal sa sentro ng tiyan, dahilan para manghina ang aking dalawang tuhod. Rinig na rinig ko rin ang sigaw ni ina sa sobrang pag-aalala sa akin.
Iniling ko ang aking ulo upang ibalik ang nanlabo kong paningin.
"Tama na! Kung ayaw n'yo, aalis na lang kami nang kusa!" Pagsuko ni ina habang naluluha pa rin.
Mas mabuti pa nga.
"Hindi naman ako masama tulad ng inaakala niyo." Nakita ko namang ikinumpas ni Morrigan ang kaniyang kamay. Dahilan para lumapit ang isang kawal sa tabi niya.
Nagkatinginan kaming dalawa ni ina nang abutan kaming dalawa ni Morrigan ng espada.
"I-ina, a-anong balak niyo?" Nauutal na wika ng pinsan ko sa ina niya.
"Makakapasok kayo at makakakuha ng proteksyon sa lupain ng Cimmeria kung matatalo n'yo ako sa dwelo. Ngunit kung hindi, kayo ay muling pababalikin sa inyong pinanggalingan at hindi na muling makakapasok pa rito nang walang pahintulot ko," malamig nitong saad.
Kinabahan ako bigla matapos marinig ang sinabi ni Morrigan. Isang diyosa ng digmaan hinahamon kami sa isang dwelo? Anong laban namin sa isang tulad niya?
"Tinatanggap ko ang iyong hamon." Gulat na gulat akong napatingin kay ina nang tanggapin niya ang alok ng kaniyang kapatid.
Lumapit naman si ina sa akin at kinilatis ang aking katawan. Habang ako ay nakatingin sa kaniya ng hindi makapaniwala. At hindi rin nakaligtas sa aking mata ang nakangising mga labi ni Morrigan.
"Kahit na anong gawin niyo, wala pa rin kayong binatbat laban sa akin."
Mas lalo akong nagulat at tinamaan ng matinding takot at kaba nang mabasa ko ang isipan ni Morrigan. Sa simula pa lang wala siyang balak na papasukin kami dahil mas gusto niyang makita kaming nahihirapan.
"Ina, 'wag na nating ituloy ito. Kusa na lang tayong aalis," tutol ko sa naging desisyon niya.
"Hindi tayo pwedeng bumalik sa Axphain ngayon. Tandaan mong hindi ka pwedeng malagay sa panganib," puno ng kumpiyansang wika ni ina.
May gusto pa sana akong isagot nang biglang sumabat si Morrigan.
"Tama na ang drama. Simulan na natin."
Nakita ko namang nagsiatrasan ang mga kawal at mga mamamayan nang marinig nila ang sinabi ng kanilang pinuno. Mukhang wala kaming kawala.
At hindi ko na rin mababago ang desisyon ni ina, kaya mas mabuting harapin na lamang namin si Morrigan.
• • ⧾ • •
P.S. You guys can read the fight scene of Morrigan versus Serephain and Aella sa Metanoia Series 5: Cimmeria Academy written by dustlesswriter.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top