Kabanata 35: Sakripisyo ng mga Kaibigan

"Serephain, ikaw ay pinapadakip ng mga Summa at hinahatulan ng kamatayan." Maootoridad na wika ni Kapitana Anil.

Nanlaki naman ang aking mga mata nang biglang pumunta si Rony sa harapan ko upang ako'y protektahan. Sumunod naman sina Borin, Collyn, Crystal at Ayleth.

"Kung gusto niyong kunin si Serephain, dadaanan niyo po muna kami." Seryosong-seryosong wika ni Rony dahilan para umasim bigla ang mukha ni Kapitana Anil.

"Ibig bang sabihin, ta-traydurin niyo ang Axphain? Ang kinalakihan niyong lupain? Iyan ba ang ibig mong sabihin, Rony?" Kalmadong tanong pa rin ni Kapitana Anil.

Habang si Kapitana Soliel naman ay tahimik na nagmamasid sa paligid.

Nakita ko namang napakuyom ng kamao si Rony. Masasabi ko kaagad na magkakakilala sina Rony at Kapitana Anil, ayon palang sa pagtitigan nila sa mata. Saka hindi rin nakakapagtaka kung ganoon nga dahil pareho silang dalawa na taga-Ventus.

Nahagilap din ng aking mata na pinagaspas ni Kapitana Soliel ang kaniyang mga pakpak papalapit kay Ayleth.

"Bitawan mo 'ko, Kapitana Soliel," maotoridad na utos ni Ayleth.

Subalit, hindi siya sinagot ng Kapitana at mahigpit siyang hinawakan sa braso. Sapilitan siyang inilabas sa kuwarto. Nakita ko pang hinawakan na ng dalawang kabalyero si Ayleth, habang siya ay nagpupumiglas pa rin.

"Huwag niyong saktan si Serephain. Siya lang ang tumanggap sa akin sa pagiging ganito ko!"

Hindi pinansin ng dalawang kapitana ang mga sigaw ni Ayleth, sa halip ay mas pinagtuunan kami ng pansin. Pero hindi ko na kaya. Hindi ko na kayang tignan lang ang kaibigan ko. Pinabilis ko ang aking sarili at diretso lang ang aking tingin sa kinaroroonan ni Ayleth.

Subalit, napahinto ako nang biglang may espadang nakatuon sa leeg ko.

"Huwag mong idamay ang prinsesa sa gulo mo, anghel na isinumpa." Napakuyom bigla ako ng aking kaliwang kamay nang tawagin niya akong anghel na isinumpa. "Isa kang bunga ng kasalanan!"

Dahil sa mga sinabi sa akin ni Kapitana Soliel, hindi ko maiwasang madismaya lalo na't isa siya sa mga kapitan ng kabalyero mahiko na hinahangaan ko. Puno rin pala ng panghuhusga sa kapwa.

Nakaramdam naman ako ng presensya sa aking likuran kaya aakma na sana akong umalis, pero bigla akong nahawakan ni Kapitana Anil sa braso't itinuon ang espada sa aking leeg. Inilabas ko ang aking mga pakpak upang mailayo siya sa akin na napagtagumpayan ko naman.

Tinago ko kasi ang aking mga pakpak nang dumating sila.

Pero ngayon, hindi ko na kailangan pang itago dahil dito na magtatapos ang pagtatago ko sa aking pagkatao. Mas gugustuhin ko na lamang na umalis sa nasyong 'to at mamuhay malayo sa mga mapanghusgang lipunan.

Mabilis na pinagaspas ko ang aking apat na pakpak, dahilan para dalhin ako sa ere. Napatanaw naman ako sa ibaba. Nasa labas na ang lahat ng estudyante sa gusali ng dormitoryo. Ang paghanga at pagsisisi sa kanilang mata na nakita ko kahapon ay biglang bumalik sa dati.

Gulat na gulat din sa kanilang mata nang makita nila ang hitsura ko. Hindi ko naman talaga inaasahan na matatanggap nila ako dahil sa pagiging konserbatibo ng mga Axphainian, lalo na sa mga paniniwala nila.

"Serephain!"

Napatingin ako kay Collyn nang sumigaw siya.

"Sa likod mo!" sigaw niya at mabilisan akong lumingon.

Laking gulat ko nang makitang may paparating na mga malalaking bolang apoy.

Nakita kong walang ka-ekspresyong patuloy na ipinagkumpas ni Kapitana Soliel ang kaniyang mga kamay upang makamanipula ng mga bolang apoy. At sa hitsura palang ng mga bolang apoy ay halatang-halata na sasabog ito kapag nahanap nito ang pinupuntirya.

Pinabilis ko ang aking sarili upang iwasan ang lahat ng 'yon, pero bigla na lamang sumulpot si Kapitana Anil sa harapan ko't nakipagsabayan sa bilis ko.

Mabilis akong nag-summon ng paborito kong sibat. Itinaas naman ni Kapitana Anil ang kaniyang espada, pinupuntirya niya ang ulo ko kaya nang mapagtagumpayan ko ang pag-summon ay sinangga ko kaagad ito.

Nakita ko namang ngumisi ng nakakaloko si Kapitana Anil.

At bigla siyang nawala sa paningin ko sa sobrang bilis niya. Muntik ko ng makalimutan na siya ay taga-Ventus. Ang mga Ventus ay isa sa kanilang divine powers ang speed.

Bigla namang sumulpot sa harapan ko sina Collyn at Crystal. Kaya pagkakataon ko ng gamitin ang illusion casting.

Alam ko kung gaano kadelikado sa akin ang gamitin ang kapangyarihan na namana ko kay ina. Pero kailangan ko itong gamitin. Subalit, nang dahan-dahan kong ipikit ang aking mata ay bigla ko na lamang naramdaman ang espada ni Kapitana Anil na nakabaon sa aking gilid.

"Serephain!" Rinig kong sigaw ni Ayleth at nagwawala upang makatakas sa kamay ng dalawang kabalyero na nakahawak sa kaniya.

Hindi kaagad siya nakawala dahil binigyan siya ng malakas na spell ng mga bumihag sa kaniya upang hindi kaagad siya makatakas. Napailag si Kapitana Anil nang makita niya ang paparating na atake ni Borin. Napunta sa pinakataas na ere silang dalawa.

Habang tanaw na tanaw ko ang palitan nila ng mga atake.

Nagtama naman ang aming mga mata ni Kapitana Soliel dahilan para ako'y hindi makagalaw. Dahan-dahang lumapit ang mga katawan ko papunta sa kaniya. Nag-isip ako kung paano ko sirain ang pag-kontrol niya sa aking isipan.

Tama! Pwede kong sirain ang ginawa niya sa akin gamit din ang aking kakayahan sa pag-kontrol ng isipan.

Ginamit ko ang aking natitirang malay upang mapasok ko ang sarili kong isipan. Nang mapagtagumpayan ko ay sumalubong sa akin ang kadiliman.

Naglakad ako, hanggang sa narating ko ang dulo ng kadiliman. At nandito na naman ako sa liwanag. Ginala ko ulit ang aking mata upang tignan ang paligid. Sa nakikita ko, nahati ang aking isipan sa dalawang uring emosyon.

Ang kadiliman ay sumisimbolo sa hinanakit at galit ko. Habang ang liwanag kung saan ako ngayon nakatayo, sumisimbolo sa mga natutunan ko at pagmamahal na nahanap ko sa mga kaibigan ko.

Sa liwanag na ito, nakikita ko ang kahalagahan sa sarili at sa sariling pamilya.

"Tulong!" Bigla akong napatayo ng maayos nang marinig ko ang aking boses. "Tulong!" Paulit-ulit ito dahilan para ako'y matataranta.

Tumakbo ako sa pinanggalingan ng boses, hanggang sa matunton ko siya.

Nakita ko siyang nasa loob ng kulungan at umiiyak. Tiningnan ko ang kaniyang mga pakpak. Siya ay may dalawang puting pakpak, at puting buhok. Nang magtama ang aming mga mata, lantad na lantad ang kulay ginto niyang mata.

"Serephain, tulungan mo ako," pagmamakaawa niya.

"Tulong!" Napalingon naman ako sa kaliwa ko kung saan ang kadiliman.

Unti-unti ko namang nakita ang isa ko pang kamukha. Kasalungat naman dito sa Serephain na may kulay puting buhok at pakpak at kulay gintong mga mata. Siya naman ay may itim na mga pakpak at buhok.

Maging ang kaniyang kulay sa mata, buhok at maging suot-suot niyang damit. Subalit, siya ay may matutulis na tenga't sungay.

Ibig sabihin, silang dalawa ay ako. Ako 'yong kaliwa kapag purong Cimmerian ako. Habang sa kanan ko naman ay ako 'yon kapag purong Axphainian naman ako.

"Serephain, pakawalan mo na ako rito sa kulungang 'to bago mahuli ang lahat!" Palipat-lipat ang tingin ko dahil sabay-sabay pa silang nagsalita.

"Serephain! Ako ang dapat mong tulungan. Huwag mo siyang tulungan dahil isa siya sa mga lahi na nilikha ni Gedeon. Ang mga ugali nila ay kasing sama sa Diyos na lumikha nila!" Puno ng panghuhusga na sabi nitong Serephain na nasa kanan ko.

"Hindi! Ako ang dapat na tulungan mo, Serephain. Huwag na huwag mong pakawalan ang isang tulad niyang mapanghusga at konserbatibong anghel! Pinagpala man ng kagandahan, karangyaan at kapangyarihan ang Axphain, pero hindi mo maipagkakaila na isa sila sa mga mapanghusgang nilalang."

"Nagsalita ang hindi rin konserbatibo! Walang pinagkaiba ang Cimmeria sa Axphain!"

"Malaki ang pinagkaiba. Huwag kang bulag! Sa aming lupain, kung magkasala puputulan o bawian ng kapangyarihan ang isang Cimmerian. Habang ang Axphain naman, kamatayan kaagad ang ipapataw! Saang banda ang walang pagkaiba ng ating lahing pinagmulan?!"

Hinawakan ko na ang aking sentido dahil sa sakit. Sa nakikita ko sa aking harap, tila ba'y parang dalawang Serephain ang nagtatalo.

Nagtatalo sa mga batas sa dalawang lahing nanalaytay sa dugo ko. Dahil sa inis ko, binuksan ko ang dalawang kulungan nang sabay sa isang pitik ko lang. Tiningnan naman nila ako ng nakangisi.

"Ako si Serephain, ako ay isang Cimmerian at isang Axphainian. Walang makakapagbago sa dalawang lahing nanalaytay sa dugo ko!"

Bigla akong nabalik sa reyalidad nang maimulat ko ang aking mga mata. Ibig sabihin, napagtagumpayan kong sirain ang kapangyarihan ni Kapitana Soliel dahilan para ma-kontrol niya ang aking isipan.

Nakita ko pang magsilakihan ang mga mata niya nang makita niya akong nakadilat na. Sina Borin at Rony naman ay pinagtutulungan si Kapitana Anil, at duguan na rin sila pareho. Habang si Kapitana Anil ay isang sugat lamang sa kaliwang braso.

Hindi ko rin maipagkaila na mas marami silang karanasan sa pakikipaglaban kaysa sa amin. Pero kahit na ganoon sinakripisyo pa rin ng mga kaibigan ko ang kanilang sarili upang ako'y protektahan.

Nakita ko namang biglang dumami si Kapitana Anil, mga anim na kamukha niya.

Sinugod si Borin ng tatlo, habang si Rony naman ay ganoon din. Napasigaw si Borin nang biglang umusok ang balat niya sa braso. Dahil taga-Ventus ang kapitanang kalaban nila, isa rin sa kakayahan niya ang heat vision.

Nakita ko namang napabagsak pareho sina Borin at Rony. Dahilan para gamitin ko ang kakayahan kong pabilisin ang sarili't inalalayan silang dalawa.

"Serephain . . ." rinig kong tawag sa akin ni Rony sa pangalan ko.

Mahina ang kaniyang pagkasabi pero sapat na para marinig ko. Mukhang pagod na pagod na sila't nanghihina na. Kitang-kita ko na rin ang kanilang mga sugat at mga dugo sa kanilang ulo.

"Serephain, tumakas ka na. K-kami na ang b-bahala rito." Sa pagkakataong 'to, kay Borin naman ako napatingin.

Mas lalong kumirot ang puso ko nang makita ko siyang ngumiti ng matamis. Tumulo kaagad ang aking mga luha at mas lalong napaiyak nang punasan ni Borin ang aking mga luha gamit ang kaniyang duguang kamay.

Kumawala naman silang dalawa sa pagkakahawak ko sa kanila't hinarap ulit si Kapitana Anil. Habang ako ay nakatingin lang sa kanilang likuran.

"Serephain, tumakas ka na." Si Rony na ang nagsabi sa akin.

Pero . . .

Pero maiiwan ko silang ganito ang kalagayan.

"Serephain, tumakas ka na!" Napatingin naman ako kay Collyn nang siya na ang sumigaw.

Napatingin ako sa gawi niya. Hawak-hawak silang dalawa ni Kapitana Soliel sa leeg. Habang ako ay nanatili pa rin sa aking kinaroroonan at walang tigil sa pag-iyak.

Nanginginig sa takot at matinding galit. Ayoko. Ayoko silang iwan na ganito ang kalagayan. Ayoko silang iwan na ganitong sitwasyon ang huling maalala ko sa kanila.

Sa hindi kalayuan, nahagilap naman ng aking mata si Caspian. Nakatanaw lang siya sa nangyayari na parang wala lang. Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kaniya ay umalis siya, hanggang sa hindi ko na siya mahagilap.

Hayop ka, Caspian!

Ipinagkumpas ko ang aking dalawang kamay at sa isang iglap ay lumitaw na sa harapan ko ang mga liwanag hugis espada. Nakita ko pang naglakihan ang mga mata ng dalawang kapitana.

Pero kaagad din namang sumeryoso si Kapitana Soliel, habang si Kapitana Anil naman ay napapangisi nang nakakaloko.

"Serephain, tumakas ka na! Huwag mo ng gawin ang binabalak mo! Umalis ka na! Kami na ang bahala rito! Pakiusap. Kasalanan man na kalabanin ang utos ni Suprema Celestia, alam kong tama ang ginawa ko. Huwag na huwag mong sisihin ang sarili mo, dahil kami ang pumili sa landas na 'to. Palagi mong pakatandaan, hindi mo na kailangang tanungin ang sarili mo kung saan ka nabibilang dahil dito . . ." Umiiyak na sigaw ni Crystal sa akin habang tinuturo ang kaniyang dibdib, ". . . dito ka nabibilang, Serephain. Nasa puso ka namin lagi."

Mas lalo akong napakapit sa aking suot-suot na itim na cloak sa sinabi ni Crystal. At hindi ko na naman napipigilan ang mga luha ko sa mata. Sa kabila ng pagiging malamig at prangka ko, hindi ko pa rin maipagkaila na mahina ako kapag ang mga magulang ko na at mga kaibigan ko ang pinag-uusapan.

Sila ang aking kahinaan.

Napatingin naman ako sa hindi kalayuan. May mga maraming kabalyero mahiko na ang paparating sa kinaroroonan namin.

"Serephain, kumilos ka na . . ." umiiyak na rin na pakiusap ni Ayleth, dahilan para ako'y mapalingon sa kaniya.

Ipinagkumpas ko ang aking kamay at pinagaspas ang aking mga pakpak.

Mabilisan akong lumipad pauwi sa aming mansyon upang hindi ako maabutan ng kahit na sinong kabalyero. Humahagulgol ako ng iyak nang sinunod ko na nga ang sinabi nila sa akin.

"Salamat sa sakripisyo niyo para sa akin. Hanggang sa muling pagkikita natin, Borin, Crystal, Rony, Collyn at . . . Ayleth. Mahal na mahal ko kayo." 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top