Kabanata 34: Ang Totoong Pagkatao

Dumating ako sa kuwarto na wala sa sarili. Sinalubong naman ako ni Ayleth na puno ng pag-aalala. Tiningnan ko siya, mamaya't maya ay uutusan ng kaniyang ina ang mga kabalyero mahiko upang ako'y dakpin.

"Ayleth, humingi ka ng permiso ni Tita Ailia na papasukin sina Borin at Rony sa ating kuwarto. May kailangan kayong malaman."

Sumalubong sa akin ang nakakunot niyang noo. Alam kong nagtataka siya kung bakit tinawag kong 'Tita' ang punong guro ng akademya. Iniwan ko siya sa sala't pumasok sa silid-tulugan upang ihanda ang aking mga gamit.

Nagpalit na rin ako ng damit.

Narinig ko naman ang pagbukas ng pintuan ng aming kuwarto sa dormitoryo.

Palatandaan na umalis na nga siya para humingi ng permiso. Ilang segundo ang nagdaan narinig ko na ang mga boses ng mga kaibigan ko. Bumagsak kaagad ang aking balikat nang marinig ang sinabi ni Collyn.

"Magkakaroon ba tayo ng pagdiriwang? Nanabik akong magkasama tayong lahat. At para na rin masilayan ang hitsura ng kuwarto niyo ni Serephain."

Sana marinig ko pa ang mga boses nila sa mga darating pa na araw, pero mukhang malabo na. Sana masilayan ko pa rin ang kanilang mga ngiti sa labi. Sana maging kaibigan pa rin nila ako pagkatapos ng gabing ito.

Nang marinig ko ang pagpasok nilang lahat ay napakagat ako ng aking ibabang labi. Nagbabadya na naman ang aking mga luha. Subalit pinigilan ko ito sa pamamagitan ng pagbuntonghininga.

Narinig ko pa ang mga puri nila sa ganda ng aming kuwarto.

"Nasaan si Serephain?"

"Mukhang nasa silid-tulugan namin," rinig kong sagot ni Ayleth.

Pagkarinig ko ay pinihit ko ang seraduhan at bumuntong-hininga. Pagkalabas ko ay nginitian naman nila ako pero napawi kaagad nang mapansin nilang namumugto kong mata. Nilapitan naman ako ni Collyn at hinawakan ako sa mukha.

"Serephain, may problema ka ba?" tanong niya sa akin.

Sa halip na sasagutin ko ang tanong niya ay tahimik akong umupo kaharap sila.

"May kailangan kayong malaman," walang gana kong sabi.

Napaupo na rin si Collyn pabalik sa inuupuan niya kanina. Tiningnan niya ako nang naguguluhan at parang kinakabahan. Naghihintay sila sa sasabihin ko habang ako ay nanginginig sa takot.

"Serephain, ano ba 'yang sasabihin mo? Bakit parang ang bigat?"

"Alam ko gustong-gusto niyong malaman kung sino ba talaga si Serephain, kung sino ba talaga ako." Pinigilan kong ayaw maiyak kaya kinurot ko ang aking hita. "Alam ko na darating ang araw na ito. At sigurado akong kapag narinig niyo ang katotohanan tungkol sa pagkatao ko, lalayo kayo sa akin at pandirihan. Pero alam niyo . . ."

Naiyak na ako sa mga pinagsasabi ko kaya napakagat na rin ng ibabang labi si Ayleth.

"Pero alam niyo masaya akong nakilala ko kayo. Hindi ko nga akalaing magkakaroon ako ng mga unang kaibigan na tulad niyo. Sobrang saya ko at komportable akong kasama ko kayo araw-araw. Maging si Ayleth, hindi ko akalaing magugustuhan ko ang isang mahiyain at tatanga-tangang babae kahit na hindi ko gusto 'yong mga maiingay."

Nabaling naman ang tingin ko kay Borin.

"Kahit na sobrang ingay ni Borin at ni Ayleth, hindi ko sila kinamuhian o nagalit dahil kahit na ganoon, hinding-hindi ako nakaramdam ng pagkairita. Si Crystal naman, una ko pa lang kita ko sa 'yo sinabi ko na sa sarili ko na ayokong makipagkaibigan sa 'yo. Pero heto naging kaibigan pa nga kita. Si Collyn naman, ewan ko kahit na palamura ka't palaging inaalok si Borin ng isang dwelo, nagugustuhan pa rin kita. Nagugustuhan ko pa rin kayong lahat kasi kayo lang ang mga kaibigan ko, kasi ang gaan-gaan ng pakiramdam ko kapag kasama ko kayo."

Napatigil ako sa pagsasalita nang makita ko silang humahagulgol na ng iyak.

Pero kailangan ko itong ipagpapatuloy.

Dahil karapatan din naman nilang malaman ang katotohanan.

"Simula noong ipinanganak ako hindi ko na nasilayan ang hitsura sa mundo. Kinukulong ako sa aming mansyon halos dalawang dekada. Ang maranasang makalabas at magkaroon ng mga kaibigan ay talagang pinapangarap ko. Habang ako ay kinukulong ng aking ama. Hindi dahil inaabuso ako ng sarili kong ama, kun'di ay dahil sa isang sikretong ayaw ipaalam sa lahat ng mga Axphainian."

"At sa labing-walong taon ang pagkakakulong ko sa aming bahay, hindi ko mapigilang magtanim ng galit sa mga magulang ko, lalo na sa ama ko. Pinagkaitan ako ng kalayaang mabuhay ng simple, pinagkaitan akong ipakilala ang tunay kong pagkatao sa iba, at pinagkaitan ako ng kalayaang makalipad. Pinagkaitan ako sa lahat ng bagay."

Sa pagkakataong 'to, ako na naman ang napahagulgol ng iyak. Ang sakit lang. Ang sakit isipin na posibleng ito na ang huling araw ng aming pagkikita.

"Dahil sa pakpak na 'to." Ipinakita ko ang aking apat na pakpak sa mismong harapan nila.

Lahat sila ay nagulat at nanlaki ang mga mata. Hindi sila makapagsalita sa nakita't tiningnan lamang ako sa mata. Napaluhod ako't napayuko habang patuloy pa rin sa pagragasa ang aking mga luha.

"Dahil sa pakpak na 'to, pinagkaitan ako sa lahat ng bagay. Pinagkaitan akong sumaya. Pinagkaitan akong mabuhay na katulad niyo. At hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung saan ako nararapat. Kung saan ako nabibilang."

"Subalit noong dumating kayo sa buhay ko, bigla na lamang nabigyan ng kulay ang madilim kong daan. Dahil sa inyo marami akong natutunan. Ang pagpapahalaga sa sarili, pagpapahalaga ng sariling pamilya at ang sensiradad na pagkakaibigan. Ilan lamang 'yan sa mga bagay na natutunan ko mula sa inyo. Sinabi ko sa inyo 'to, dahil karapatan niyo ring malaman ang tunay kong pagkatao. Pasensya sa la―"

Hindi na natuloy ang gusto kong sabihin nang bigla akong niyakap ni Collyn. Napahagulgol ako ng iyak dahil hindi ko inaasahan na ganito ang mangyayari.

"Serephain, alam ko na."

Napatingin kaming lahat nang magsalita si Crystal.

"Alam ko na ang totoo mong pagkatao noong nakaraang araw. Napadaan ako sa opisina ng punong guro at aksidente kong narinig ang pinag-usapan niyo. Hindi ko akalaing mas nag-aalala ka pa sa kalagayan ko't naisipan mo pa ngang buhayin ang buong pamilya ko. At masaya naman akong hindi mo ginawa kasi mas lalo lang madagdagan ang lungkot at paghihirap ko. Gusto kong magpasalamat sa 'yo, sa inyo na pinagkatiwalaan niyo ko mula pa sa simula. Serephain, tanggap kita. Tanggap kita kung sino ka."

"Tanggap ka namin, Serephain. Bali-baliktarin man ang mundo, ikaw pa rin ang kaibigang prangka, at matipid kung magsalita." Wika naman ni Rony habang sina Ayleth at Borin naman ay tumatango.

Niyakap nila ako nang mahigpit dahilan para ako'y mapahagulgol ng iyak dahil sa tuwa. Hindi ko inaasahan na ganito ang mangyayari. Inaasahan kong pandirihan nila ako't lubayan. Pero, hindi.

Saka ko na lamang napagtanto, sila ang aking mga tunay na kaibigan.

Napahinto kami sa pagyayakapan nang biglang sumabog ang pintuan ng kuwarto namin ni Ayleth. Napalingon kami't kinabahan ako bigla. Nandito na sila. Nandito na sila para kunin ako. Dalawang kapitan pa ang pumunta rito upang dakpin ako.

"Kapitana Soliel at Kapitana Anil . . ." 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top