Kabanata 22: Ang Kasaysayan ng Axphain
Kasama namin si Ayleth pabalik ng silid-aralan. Hindi naman siya mahirap pakisamahan dahil napalapit kaagad ang loob niya sa mga kaibigan ko. Kagagaling lang namin sa cafeteria at pabalik na kami sa silid-aralan dahil baka dadating na si Ginang Sena.
Kanina kasi hindi siya dumating dahil marami raw itong inaasikaso.
Si Ayleth ay isang babaeng sobrang mahiyain at sobrang mahinhin. Nakikinig lang ako sa pinag-uusapan nila at nakasunod lang. Pinagmasdan ko ang kagandahan ni Ayleth, mukha siyang anak ng reyna. Mula sa panonoot at pananalita niya, katulad ng mga katangian bilang isang prinsesa.
Nagulat nga ako kanina na sinabayan niya kaming naglalakad lang. Wala naman siyang mga tanong kung bakit kami naglalakad, kun'di ay parang wala siyang pakialam. Sobrang simple niyang anghel at walang masyadong kaartehan.
'Yon ang nagustuhan ko sa kaniya.
"Magkasama kami ni Serephain sa kuwarto namin sa dormitory." Nananabik na rinig kong kwento ni Ayleth sa apat kong kaibigan.
Napalingon sila sa akin at tiningnan ako nang naguguluhan.
"Magkasama kayo?" hindi makapaniwalang tanong ni Collyn sa kaniya.
Tumango naman si Ayleth bilang pagtugon habang namumula ang kaniyang mga pisngi. Tinaasan ko sina Borin, Rony, Collyn at Crystal ng isang kilay, dahilan para mapaiwas sila ng tingin.
"May problema ba?" Napansin naman silang apat ni Ayleth sa tinuran nila dahilan para mataranta sila.
"W-wala." Nauutal na sagot ni Borin.
Alam kasi nilang hindi ko gustong may kasama sa loob ng kuwarto dahil gusto ko ng katahimikan. Naiintindihan ko naman sila kung bakit ganoon ang tingin nila sa akin dahil nagmamakaawa sila sa akin na dalhin ko sila sa loob ng kuwarto ko.
Siyempre, hindi ako pumayag.
Nauna namang naglakad sina Borin, Crystal, Rony at Ayleth, habang si Collyn naman ay sinabayan akong maglakad.
"Hindi ko aakalaing mas paborito mo pala si Ayleth kaysa sa amin," nagtatampo niyang bulong sa akin.
Napatingin naman ako sa kaniya nang seryoso.
"Ano bang pinagsasabi mo diyan?"
"Noong nakaraan gusto naming makita ang kuwarto mo pero si Ayleth, pinapasok mo. At makakasama mo pa siya sa iisang kwarto," patuloy niya pa.
Gusto kong matawa sa inakto niya pero pinigilan ko.
"Manahimik ka nga diyan, Collyn. Hindi bagay sa 'yo. Tsaka ano bang pagpipilian ko? Ang punong guro mismo naglagay sa kaniya sa kwarto ko kahit ayaw ko ng kasama," pagpapaliwanag ko naman.
Hindi na naman ako nakarinig ng reklamo sa kaniya kaya pinili ko na lamang na manahimik. Ilang segundo ay narating na namin ang silid-aralan at dumiretso sa kaniya-kaniyang upuan. Sakto namang kakaupo namin ay ang pagdating ni Ginang Sena.
"Magandang umaga sa inyong lahat." Nakangiti niyang bati nang malagay na niya ang dala-dala niyang gamit sa lamesa.
Binati rin namin siya pabalik.
"Pasensya na kayo kung bakit hindi ako pumasok kanina ay dahil may mga papeles pa akong dapat tapusin. Dahil natapos ko na siya kaagad, uumpisahan na naman natin ang panibagong paksa." Lahat ay nakinig sa sasabihin niya at napapansin ko ring tutok na tutok sa pakikinig si Ayleth. "Pero bago ang lahat, may isang estudyante tayong kabilang sa klaseng 'to. Pakiusap, pakilala ka sa amin, Binibini."
Nang tumayo si Ayleth ay napapansin ko namang kakaiba rin ang mga tingin ni Ginang Sena sa kaniya. 'Yon bang parang puno ng pagrespeto para kay Ayleth. May kutob akong hindi lang isang ordinaryong anghel si Ayleth. Pero posible rin namang mali ang kutob ko.
"Magandang umaga sa lahat. Ako nga po pala si Ayleth. Nagagalak akong makilala ko kayong lahat." Nahihiya niyang pakilala.
Habang ang ibang kalalakihan ay nagniningning kaagad ang mga mata matapos makita ang kagandahan niya.
"Kami rin ay nagagalak na makilala ka, Ayleth. Sana ay maganda ang maging karanasan mo sa akademyang 'to. Maari ka ng makaupo." Maging sa timbre ng boses ni Ginang Sena, punong-puno ng senseridad.
Matapos maupo ni Ayleth ay nahuli niya naman akong nakatingin sa kaniya, dahilan para mapaiwas ako ng tingin.
"Ang maging paksa natin sa umagang ito ay ang kasaysayan ng Axphain. Ang kasaysayan ng ating lupain." Huminto muna sa pagsasalita si Ginang Sena at pabalik-balik na naglalakad sa harapan.
Mukhang paborito na nga niya ang ganiyang gawain kapag nagtuturo siya.
"Ang lupaing Axphain ay hindi pa nagkaroon ng limang siyudad noong araw. Ang mga mamamayan ay namuhay ng payapa, hanggang sa dumating nga ang araw na siyang maging pulo't dulo ng alitan."
"Nagkaroon ng diskriminasyon tungkol sa mga divine angels na binibiyayaan ng kapangyarihang makamanipula ng mga iba't ibang klaseng elemento. Ito 'yong mga divine angels na nabibilang sa kasalukuyang apat na siyudad: Ignis, Ventus, Aqua at Terra. At sila rin ang mga divine angels na binibiyayaan lamang ng tatlong divine powers."
Huminto siya sa pagsasalita at ginala na naman ang kaniyang paningin si buong klase. Nang makumpirma niyang nakikinig ang lahat ay pinagpapatuloy niya ang kaniyang tinuturo.
"Ang mga divine angels na binibiyayaan ng kakayahang makamanipula ng elemento ay hindi sila binigyan ng pagkakataong makapasok sa akademya at maging sa kabalyero mahiko. Hindi rin sila binigyan ng pribilihiyong makapasok sa mga tindahan at gusali, gaya ng napapasukan ng ibang mga divine angels na walang kapangyarihang makamanipula ng elemento."
"Ang mga Summa sa panahong 'yon ay tinatawag nilang 'isinumpang Axphainian' ang mga nagkaroon ng kapangyarihang makamanipula ng elemento, dahil hindi nahanapan ng rason kung bakit sila nagkaroon. Tinatawag namang 'purong Axphainian' ang mga divine angels na mayroong kapangyarihan na sumisimbolo bilang isang mamamayan ng ating lupain."
Ang iilan sa mga kaklase ko ay nalungkot sa narinig, pero meron din namang iilan na parang natutuwa pa. Mga siraulo at ang sarap balatan ng buhay. Hindi ko na napigilan ang aking inis at napakuyom ang aking mga kamao.
"Mga walang respeto," bulong ko sa sarili.
"Tama ka," nagulat naman ako nang sumagot si Ayleth sa ibinulong ko.
Narinig niya pala ako?
"Matapos ng mga panlalait sa kanila, nagsama-sama ang mga divine angels na may kakayahang makamanipula ng apoy, tubig, hangin, at mga bato, buhangin at mga halaman upang maghasik ng digmaan laban sa mga divine angels na walang ibang ginawa kun'di ang maliitin ang kanilang pagkatao. Digmaan para sa kanilang kalayaan."
"Ang digmaan ay nagtagal ng tatlong linggo. Nahinto lamang ito nang dumating si Rasith, isang kapitan ng kabalyero mahiko. Isang kapitan na walang ibang hinangad kun'di ang kapayapaan. Inilathala sa libro ng kasaysayan na si Rasith ang kauna-unahang divine angel na binibiyayaan ng kapangyarihan ng isang Diyos. Isang kapangyarihan ng karunungan tungkol sa pagiging patas at hustisya."
Nakita ko namang napawi ang mga ngiti ni Ginang Sena. Hindi ko alam kung naapektuhan din ba siya sa itinuturo niya o may mas malalim na dahilan pa.
Sobrang totoo nga naman ang mararamdaman ng isang nilalang kapag nangyari ito sa nakaraan ng mismong lupain na kinabibilangan niya. Maging ako nga, noong unang mabasa ko ito, hindi ko maiwasang malungkot at magalit dahil sa napakapangit na pamamaraan ng pamamahala ng mga Summa noon.
Pero nakaraan na 'yon, nagkaroon na rin ng payapa na pamumuhay ang mga Axphainian. Hindi ko rin naman maipagkaila na may iilan pa rin sa mga taga-Luxa na hinuhusgaan ang antas ng mga taga Ignis, Ventus, Terra at Aqua.
Ang mas importanti ay mabibilang lang naman ang mga taga-Luxa na mapanghusga tungkol sa antas ng pamumuhay ng mga Axphainian, hindi katulad noon na halos lahat na.
At nagkakaroon na rin ng pribilihiyo ang ibang mga Axphainian na hindi taga-Luxa na makakapasok sa siyudad namin.
May mga Ventusians, Ignisians, Terrans, at Aquans na nakakapasok na rin sa kabalyero mahiko, kunseho mahiko at nakakaupo sa upuan ng pagiging Summa. Binigyan din naman sila ng sarili nilang lupain at mamuhay ng payapa na may sarili ring pinuno sa mismong siyudad.
"Matapos dumating si Rasith para pigilin ang walang katapusang digmaan ay nagpakita rin mismo sa kanila ang tagapagbantay at kinikilalang Diyosa ng ating lahi na si Divine. Ang kauna-unahang divine angel na nilikha ng kataas-taasang Diyos na si Akwan."
"Sinabi naman ng Diyosang si Divine na nadismaya siya sa lahat ng kaniyang mga kalahi dahilan para mahiya at mapayuko ang mga Axphainian. Bilang parusa ay pinaluhod niya ang mga ito sa harapan niya at nakaramdam ng kaniyang matinding galit."
Maging ako ay kinabahan at kinilabutan sa narinig ko kay Ginang Sena. Kahit na pabalik-balik kong binabasa ang libro ng kasaysayan ay kinikilabutan pa rin ako sa parteng ito.
Ano kaya ang pakiramdam na nandoon ako at naramdaman ko ang matinding galit ng Diyosang si Divine?
"Habang nakaluhod, pinaliwanag ni Divine ang tungkulin ng mga nasasakupan niya sa lupain. At ipinaliwanag ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng kakayahan ang iilan sa mga kalahi niya. Ang dahilan ay siya mismo ang nag-utos sa apat na Diyos ng elemento upang basbasan sila ng kapangyarihan."
"Pagkatapos marinig ng mga Axphainian ang sinabi ni Divine ay humingi sila ng paumanhin at humingi ng ikalawang pagkakataon. Pinatawad naman ni Divine ang ating lahi at inaasahan niyang sama-sama nating aayusin ang mga problema."
Napayuko naman ang iilang mga kaklase ko matapos marinig ang huling sinabi ni Ginang Sena.
"Pinarusahan naman ni Divine ang mga naunang Summa at pumili ng bagong uupo sa posisyong 'yon. Pagkatapos ng pangyayaring 'yon ay nagplano ang mga napiling Summa ng Diyosang si Divine at dito na nga ang simula ng pagkabuhay ng limang siyudad. At magpahanggang ngayon ay napapanatili pa rin ang kapayapaan sa ating nasyon."
Nagpalakpakan ang lahat matapos marinig ang buong kwento ng aming kasaysayan dahil sa sobrang paghanga. Nahinto lamang ang palakpakan nang magsimula na namang magsalita si Ginang Sena.
"Kailangan nating pakatandaan na ayos lang na tayo ay magkakamali, subalit kailangan din nating may matutunan sa pagkakamaling 'yon upang maiwasan natin na maulit ang nangyari sa nakaraan." Isang malapad na ngiti ang iginawad ni Ginang Sena bago niya damputin ang kanyang gamit sa lamesa. "Iyan lamang ang leksiyon natin sa araw na ito. Paalam."
Kahit kailan talaga, sobrang galing ni Ginang Sena na magturo ng mga panibagong aral na posibleng magamit namin sa sarili namin.
Matapos makalabas ni Ginang Sena ay nagsilabasan na rin kami.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top