Kabanata 15: Ang Kasaysayan ng Metanoia
Nanahimik na kaming lima nang sunod-sunod na nagsipasukan ang aming kaklase. Napatingin ako sa labas ng bintana. Kitang-kita ko ang sinag ng araw.
Ngunit, nabaling ang aking atensyon nang makitang pumasok si Ginang Sena, ang aming guro sa asignaturang kasaysayan. Bago siya magsimula sa aming klase ay binati niya muna kami at ganoon din naman kaming lahat.
"Ang iilan sa inyo ay alam na ang tungkol sa kasaysayan ng ating mundo. Ngunit, kailangan ko pa ring ituro ito lalo na't nasa loob tayo ng paaralan. Ito ay kailangang malaman lahat ng lahi ang tungkol sa kasaysayan ng Metanoia," panimula ng guro.
Tumikhim muna ito bago simulan ang ituturo niya.
"Sa pinakasimula ng mundo na tinatawag na Metanoia, mayroong Langit at Kaguluhan. Ang Kaguluhan ay palaging binihag sa kumikinang na kagandahan ni Langit. Nang pareho silang umibig, ipinanganak ang kataas-taasang banal na Diyos na nagngangalang Zyreus. Habang lumalaki si Zyreus bawat araw, naging malikhain siyang uri ng nilalang. Nagsimula siyang magmungkahi ng iba't ibang ideya kung paano maging masigla ang mundo." Huminto sa pagsasalita si Ginang Sena at tiningnan kami isa-isa.
Tila ba'y parang naghahanap ng estudyante na pwedeng sasagot sa tanong niya.
"Ano ang sumunod na nangyari?" tanong ni Ginang Sena sa buong klase. Walang naglakas loob ni isa sa amin na nagtaas ng kamay para sumagot. Biglang kinabahan ang iba nang marinig ang malalim na buntong-hininga ng guro at tumingin sa kaniyang talaan. "Binibining Ava, sagutin mo ang aking katanungan."
Tumayo naman ang isang babaeng anghel na tila parang mahiyain.
"Ang sumunod na mga nangyari ay nagmungkahi ang mga magulang ni Zyreus na gumawa siya ng dalawa pang kauri niya. Masayang tinanggap ni Zyreus ang mungkahi ng mga ito. Dahil sa kanyang pagkasabik, lumikha siya ng dalawang banal na nilalang sa pamamagitan ng mga kapangyarihang kaniyang minana. Pinangalanan niya ang dalawa niyang anak na sina Akwan at Gedeon. Si Akwan ay nagtataglay ng kapangyarihan ng paglikha, habang si Gedeon naman ay nagtataglay ng kapangyarihan ng pagkasira. Ang kanilang kapangyarihan ay sumasagisag sa balanse ng mundo upang ito ay hindi mawalan ng lakas." Mahinhing ngumiti si Ava sa guro dahilan para mahawa niya si Ginang Sena.
Pinaupo kaagad ni Ginang Sena si Ava at tinanguhan ito.
"Lahat ng sinagot ni Ava ay tugmang-tugma. At ngayon Ginoong Oli, kanina pa kita napapansing hindi nakikinig. Sagutin mo ito, ano ang sunod na nangyari makalipas ang milenyo?"
Napatingin ang lahat nang tawagin ni Ginang Sena si Oli. Nag-alangang tumayo ang binate, habang pakamot-kamot ito sa kaniyang ulo.
"Pagpasensyahan niyo na po, Ginang Sena. Hindi ko po talaga alam," nahihiyang sabi ni Oli.
Dahilan para mapailing-iling ang guro sa pagkadismaya.
"Bilang parusa, mananatili kang nakatayo hanggang sa matapos ang klase ko," galit na saad ni Ginang Sena. "Pagkaraan ng isang milenyo, nakita ng Langit ang kapalaran ng kaniyang anak. Maari itong mamatay kapag hindi isusuko ni Zyreus ang kanyang trono sa isa sa dalawa niyang anak. Bilang isang kataas-taasang unang banal na Diyos, sinunod ni Zyreus ang propesiya. Samakatuwid, inutusan niya sina Akwan at Gedeon na lumikha ng mga nilalang na magpapanatili sa kanilang pag-iral at ang pag-iral ng mundo mismo bago ipahayag ang pangunahing punto ng kaniyang mga utos."
Naglakad-lakad si Ginang Sena sa loob ng silid-aralan. Habang ang kaniyang mga mata ay tinitignan kami isa-isa gaya ng kaniyang ginawa kanina.
"Ano at sino-sino ang nilikha nina Akwan at Gedeon?" bigla niyang tanong sa klase.
Naunang nagtaas si Borin ng kaniyang kanang kamay para sumagot.
"Pareho silang lumikha ng mga nilalang na may mga pakpak, na may mga natatanging katangian na kahawig ng kanilang kapangyarihan. Pinangalanan ni Akwan ang kaniyang mga nilikha bilang sina Vernon, Delmira, at Divine. Ngunit, ang kapangyarihan ni Akwan ay sobrang lawak dahilan kung bakit ipinanganak si Celesti, ang subtype ni Divine. Ang bawat nilalang na nilikha ni Akwan ay kumakatawan sa kanilang lahi, kakayahan, ugali, at kapangyarihan." Huminto muna sa pagsasalita si Borin at napatingin sa paligid niya.
Lahat ay nakatuon lang sa kaniya at nakikinig sa magiging sagot niya.
"Sa kabilang banda, nilikha ni Gedeon ang parehong nilalang na sumasalamin sa kaniyang uri bilang isang maninira. Pinangalanan niya itong Orion, Agnar, at Enyo. Sina Akwan at Gedeon, kasama ng kanilang mga nilikha ay namuhay nang may pagkakaisa. Hanggang sa nagpasya ang Diyos na si Zyreus na sabihin sa kaniyang dalawang anak kung ano ang nakitang kapalaran ng kaniyang inang si Langit."
Pagkatapos sumagot ni Borin ay umupo siya at pumalakpak naman ang ibang kaklase namin.
"Tama ang iyong sagot, Ginoong Borin." Ngumiti si Ginang Sena. "Sinabi ni Zyreus na ang kaniyang paghahari ay matatapos na at sinabi sa kaniyang anak na magkakaroon sa isa sa kanila na hahalili sa trono at maghahari sa mundo. Inasahan ni Gedeon ang kaniyang walang kabuluhang pagnanasa dahil siya ang panganay na anak na lalaki. Habang si Akwan naman ay hindi niya ninais na maluklok sa trono, dahil ang mga bagay na may malaking posisyon ay may kaakibat na mabigat na responsibilidad."
Huminto muna sa pagsasalita si Ginang Sena at tiningnan ulit kami isa-isa.
Naglakad-lakad siya sa loob ng silid-aralan habang itinituro niya ang tungkol sa kasaysayan ng aming mundo, ang Metanoia.
"Nang malaman ng kanilang ama ang tungkol sa mga iniisip nila, nagtulak ito para magpasyang ipaglaban para sa trono. Ang mananalo ay siyang hihiranging bagong hari ng Metanoia, ngunit ang matatalo ay ipapatapon sa isang lugar na tinatawag na Gloom, isang napakadilim na unang lugar na nilikha ng kanilang ama. Parehong hindi sumang-ayon sina Akwan at Gedeon sa kondisyon ng kanilang ama, ngunit alam nilang walang makakapagpigil sa desisyon nito." Huminto naman si Ginang Sena sa hilerang upuan na kinabibilangan ko't tiningnan ako. "Serephain, ano ang sunod na nangyari?"
Napabuntong hininga naman ako nang tanungin niya ako.
Napansin niya bang wala akong ganang makinig sa itinuturo niya? Kasalanan ko bang alam ko na ang kasaysayan ng aming mundo?
Sobrang gusto ko ang kasaysayan ng Metanoia pero gustuhin ko na lamang na basahin ito, kaysa sa makinig na ituturo ito ng iba. Tumayo akong walang gana at nakipagtitigan sa mga mata ni Ginang Sena.
"Naiwan na walang anuman kun'di ang kalooban na sundin ang kondisyon ng kanilang ama. Walang nagawa ang dalawa at naglaban. Sa rason na pareho silang hindi tumatanggap ng pagkatalo, si Akwan, na walang interes na tumanggap ng trono, ay nagawang manalo laban sa kaniyang kapatid. Sa kabilang banda, si Gedeon ay itinapon sa Gloom na may kabaliwan at poot sa kaniyang puso. Hindi niya matanggap ang kaniyang kabiguan at ang tagumpay ng kaniyang kapatid laban sa kaniya. Gusto man niyang maluklok sa trono at maghari, ngunit hindi iyon nangyari."
Huminto muna ako sa pagsasalita at tiningnan si Ginang Sena.
Nakangiti ito sa akin at tinanguhan ako.
Napabuntong-hininga naman ako dahil gusto niya akong magpatuloy.
"Dumating ang araw sa koronasyon ni Akwan at nasaksihan ito ng kaniyang tatlong nilikhang nilalang at tatlo pang nilikhang nilalang ng kaniyang kapatid, sina Langit at Kaguluhan, at ang kaniyang amang si Zyreus mismo. Nang makita ni Zyreus ang kaniyang nakababatang anak na talagang handa na itong pangalagaan ang Metanoia ay masaya siya at kuntento sa naging resulta ng kaniyang kondisyon."
Huminto ulit ako sa pagsasalita at ginala ang aking mga mata.
May iilang kaklase akong nakikinig at may iilan din namang walang gana.
"Sa panahon ng paghahari ni Akwan, lumikha pa siya ng iba't ibang klaseng nilalang upang mas balansehin ang mundo at ang pito pang mga nasyon na naghahati sa Metanoia. Pinangalanan niya ito bilang Gwenore, Auradon, Axphain, Mastromia, Cimmeria, at ang lupain ng Cazadorian. Ang Gwenore ay ang territoryo ng mga nature angels. Ang Auradon ay ang teritoryo ng mga protection angels. Ang Mastromia ay ang teritoryo para sa mga celestials. Ang Adalea ay ang bansa para sa mga warrior angels. Ang Cimmeria naman ay ang teritoryo sa mga destruction angels. Ang Cazadorian ay bansa para sa mga hunter angels. Habang ang ating lupain ay para sa mga divine angels."
Pagkatapos ng aking pagsagot sa naging tanong ni Ginang Sena ay umupo na ako sa aking upuan kahit na hindi pa niya ako pinapaupo. Nagpalakpakan naman sina Borin, Rony, Crystal at Collyn habang nakangiti sa akin.
Hindi ko rin naman maiwasang mapangiti rin nang patago.
"Ang galing mo, Serephain," rinig kong puri ni Rony sa akin.
"Salamat," mahina kong wika.
Tumayo na sa pagkakaupo si Ginang Sena at tiningnan muna niya ako bago tignan ang mga kaklase ko. Ano bang meron sa akin palagi na lang niya ako tinatawag?
"Pagkaraan ng isa pang dekada, ang Metanoia ay kailangang harapin ang isang malaking pinsala mula sa Diyos ng Pagkasira mismo. Desperado si Gedeon na maghari sa ating mundo at ang poot at ang kabaliwan ng kaniyang puso ay lumaki pa nang husto, na naging dahilan upang siya ay magsimula ng kalituhan. Gayunpaman, nakita ng Langit ang hinaharap na mayroong pitong bayani bawat isa sa pitong lahi ng mga anghel." Tumingin ulit sa akin si Ginang Sena. "Maari mo bang sabihin sa amin kung sino-sino ito, Binibining Serephain?"
Nagpakawala ulit ako ng malalim na buntong-hininga at tumayo.
"Ito ay sina Rufus ng Gwenore, Morgana ng Auradon, Priscilla ng Axphain, Cyfrin ng Mastromia, Matias ng Adalea, Truce ng Cimmeria, at Amos ng Cazadorian."
Pumalakpak naman si Ginang Sena at nginitian ulit ako.
"Napakahusay!" Masayang-masaya niyang saad dahilan para ako'y mahiya. "Sila ang mga pinili na nakatakdang magligtas ang mundo natin mula sa masasamang hangarin ni Gedeon. Nakipaglaban si Gedeon laban sa pitong bayani, maging ang kaniyang tatlong nilikhang lahi ay piniling tumayo laban sa kaniya. Matapos ang napakaraming pinsala na idinulot ni Gedeon, muli siyang nabigo. Nang ideklara ang pagkatalo ng masamang Diyos, siya ay itinapon ng kaniyang kapatid sa impyerno at ikinulong ng walang hanggan bilang parusa. Ipinagdiwang ng buong mundo ang ating tagumpay at hanggang sa kasalukuyan, ang pitong bansang ito ay umiiral pa rin nang maayos sa mundong tinatawag na Metanoia," dagdag pa ni Ginang Sena.
Nagbitaw ng magandang aral si Ginang Sena bago niya tapusin ang klase namin.
"Kaya kayo, dapat pahalagahan ang kasaysayan upang maiintindihan natin ang mundo na ating ginagalawan. Upang magkakaroon tayo ng kaalaman at pang-unawa sa mga nangyari at para na rin may kaalaman tayo kung paano natin itama ang mga kamalian natin noon."
Tiningnan ulit kami isa-isa ni Ginang Sena matapos sabihin iyon at bumuntong hininga.
"May tanong pa ba kayo?"
Bigla namang nagtaas ng kamay si Crystal dahilan para mapatingin sa kaniya lahat ng aming kaklase.
"Ano 'yon, Binibining Crystal?" mahinahong tanong ni Ginang Sena.
"Saan po matatagpuan ang unang lupain na nilikha ng unang pinunong Diyos na si Zyreus na tinatawag niyang Gloom?"
Napahawak naman ako sa aking ibabang labi sa naging tanong ni Crystal. Oo nga, ano? Hindi inilathala sa libro kung saang bahagi matatagpuan ng Gloom sa mundo ng Metanoia.
Hindi ko rin napapansin na binabanggit ito ni Ginang Sena.
At higit sa lahat, ito lamang ang isa sa mga hindi ko alam.
"Hindi ito nabanggit sa mga libro ay dahil hindi namin alam kung saan ito matatagpuan. Hindi pa napapatunayan ng lahat ng nasyon na ito ay matatagpuan sa mundo natin. Ngunit, maari ring nandito lang ito sa Metanoia pero hindi natin alam kung nasaaan," sagot naman ni Ginang Sena. Dahilan para mabalutan ng bulong-bulungan ang apat na sulok ng silid-aralan.
Tumikhim naman siya para makuha niya ang atensyon ng lahat. Nagawa naman niya kaya nagsimula na siyang magsalita. Habang si Crystal naman ay nakaupo na sa kaniyang upuan.
"Iyan lamang ang leksyon natin sa mga oras na ito. Pagkatapos ng inyong oras para kumain ng meryenda niyo ay ituturo ko sa inyo ang apat na tarangkahan papunta sa kabilang buhay. Ito ay ang paniniwala ng ating nasyon." Bago paman siya makalabas ay lumingon muna siya sa amin at nginitian.
"Paalam at magkikita tayo maya-maya."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top