Kabanata 14: Mga Unang Kaibigan
Hapon na sa mga oras na ito, habang ako ay nakaupo sa isang upuan at inayos ang aking mga gamit. Dalawang asignatura lang naman ang nasa papel na ibinigay ni Tita Noelle sa akin kahapon.
Ito ay ang asignaturang kasaysayan, dito namin pag-aralan ang kasaysayan ng aming mundo at ang aming nasyon.
Habang ang asignaturang pagsasanay ay rito namin ihahasa ang aming kakayahan.
Kahit na pagsasanay ito ay binibigyan kami ng puntos para sa magiging marka namin. Sinabi rin sa aming guro kanina na magkakaroon din kami ng pagsusulit katulad ng taunang pagsusulit sa aming lugar.
Sa mga marka namin sa dalawang asignatura, ito raw ang magsisilbing daan para makapunta kami sa susunod na antas bilang estudyante. Hindi ko ito naiintindihan kung anong meron sa antas ng mga estudyante at hanggang ngayon ay binagabag pa rin ako.
Nang matapos na ako sa aking pagliligpit ng gamit ay kaagad na akong tumayo't uuwi na sa aking kuwarto sa dormitoryo. Malapit nang magdilim ang paligid kaya kailangan kong bilisan ang aking paglalakad.
Sinuot ko ang aking talukbong para itago ang aking mukha sa mga mapanghusgang estudyante. Habang naglalakad sa pasilyo ay hindi ko maiwasang kabahan. Ito ay dahil nararamdaman kong may nakasunod sa akin.
Ano bang kailangan nila sa akin?
Lalaitin na naman ba nila ako at pagsalitaan ng mga masasakit na salita harap-harapan?
Binilisan ko ang aking paglalakad para makalayo sa kanila. Walang lingon-lingon ako't nakatuon lamang ang atensyon sa sementadong pasilyo. Mas lalo akong kinabahan nang maramdaman ko na malapit na sila sa akin dahil sa mga tunog ng pagaspas ng kanilang mga pakpak.
"Serephain!"
Hindi ako sumagot sa halip ay mas binilisan ko pa ang aking paglalakad.
"Serephain, sandali!" Boses lalaki ang tumawag sa akin, pero hindi pa rin ako lumingon.
Ngunit, nabigla na lamang ako nang sumulpot si Borin sa harapan ko. Tumingala ako ng kaunti para makita ko ang mukha niya. Nakangiti siya ng malapad habang ako ay nakatingin lamang sa kaniya nang seryoso.
"Anong kailangan mo sa akin?" diretso kong tanong sa kaniya habang ako ay hindi nagpapakita ng kahit na anumang emosyon.
Bigla naman siyang nataranta nang tignan ko siya ng nakakamatay na titig. Nandiyan na naman siya sa pagiging bata niya. Hindi naman ako nairita sa ugali niya, pero sobrang nakakawalang gana lang kung ihalintulad ang edad niya sa ugali niya.
"Huwag kang mag-aalala. Hindi kami nandito para laitin ka at pagsalitaan ng mga masasakit na salita." Napalingon naman ako nang marinig ko ang boses ni Collyn.
Paglingon ko ay bumungad sa akin ang mga mukha nina Rony at Crystal. Napabuntong-hininga naman ako nang malalim nang makita ko ang babaeng hindi ko gustong makasama. Ewan ko, mukhang hindi kami magkakasundo ayon pa lang sa pinapakita niyang awra.
Maglalakad na sana ako nang biglang hinarangan ni Borin ang daraanan ko.
"Umalis ka sa daraanan ko," malamig at madiin kong pakiusap dahilan para mapaalis ko si Borin.
Nakita ko naman ang isang butil ng pawis sa mukha niya. Natakot ko ba talaga siya? Maglalakad na sana ulit ako nang marinig ko ang sinabi ni Rony.
"Wala kaming masamang balak sa 'yo, Serephain. Gusto lang namin makipag-kaibigan sa 'yo. Mali ba 'yon?" rinig kong wika ni Rony. Dahilan para hindi ko tuluyang maihakbang ang aking mga paa para iwan sila.
Kinabahan ako bigla. Hindi dahil takot ako kun'di ay dahil sa sobrang pananabik. Sila na ba ang mga hinahanap kong kaibigan? Sila na kaya?
"Huwag niyo na kasing pilitin kung ayaw. Nagsasayang lang kayo ng oras." Napangiwi naman ako sa naging komento ni Crystal.
Sa pananalita pa lang niya at maging sa timbre ng boses niya, hindi ko na nagugustuhan. Sobrang yabang lang at basta! Pakiramdam ko lang naman na sobrang kakaiba ang awra niya. O baka, mapanghusga lang siguro ang unang impresyon ko tungkol sa kaniya?
Wala naman sigurong mawawala kung kilalanin ko sila isa-isa at gawing kaibigan. Napahawak ako ng mahigpit sa aking suot na cloak at nanginginig ang aking mga kamay.
"Bakit niyo gustong makipagkaibigan sa akin? Isa lang akong hamak na kinaririndihan ng mga estudyante rito. Ayon sa kanila, isa lang akong walang saysay na nilalang." Ito na ata ang pinakamataas na salita na aking binigkas sa ibang nilalang.
Rinig ko namang napabuntong-hininga silang lahat sa sinabi ko. May mali ba akong nasabi? Kung meron man, wala na akong pakialam.
"Gusto naming makipagkaibagan hindi dahil wala kang saysay sa mundong 'to, kun'di ay dahil gusto namin at pakiramdam namin na isa kang magiging mabuting kaibigan. At higit sa lahat, may kaniya-kaniya tayong kahalagahan kaya 'wag mong sabihing wala kang saysay. Kung tutuusin nga, pareho lang tayo ng sitwasyon. Nilalait din kami ng ibang taga-Luxa kung bakit kami narito sa akademya at pilit daw naming isiniksik ang aming sarili sa siyudad niyo," seryosong wika ni Collyn dahilan para mapakagat ako sa aking ibabang labi.
Matigas at malamig man ako sa labas, ngunit hindi ko pa rin maipagkaila na kapag nasasaktan ang kalooban ko o pukawin ang emosyon ko, wala akong dahilan para itanggi ang katotohanang iyon.
"Pasensya na . . ." rinig kong mahinang paghingi ng paumanhin ni Collyn nang makita niya akong napayuko at itinago ang aking mukha sa kanila.
"Ayos lang. 'Wag niyo lang akong intindihin." Depensa ko sa aking sarili at ipakita na okay lang ako, na hindi ako nasaktan sa sinabi niya.
Naglakad na ako palayo sa kanila habang kinakagat pa rin ang aking ibabang labi. Unang beses kong maranasang alukin ng pakikipagkaibigan. Pero bago paman ako tuluyang makalayo sa kanila ay huminto ako't nagsalita nang hindi sila nilingon.
"Tinatanggap ko ang alok niyo," maikli kong wika dahilan para akbayan ako bigla ni Borin.
Nagulat naman ako sa ginawa niya at napapangiti nang patago. Ang mas ikinagulat ko ay nakatungtong na sila sa sementadong sahig ng pasilyong 'to, kasama ako.
"Maraming salamat, Serephain," rinig kong wika ni Rony dahilan para ako'y kiligin.
Ganito pala ang pakiramdam nang may kaibigan. Iyong pakiramdam na hindi matutumbasan nang kahit na kanino man. Hindi ako sumagot sa sinabi ni Rony, sa halip ay tumango ako bilang pagtugon.
"Tara na, sabay na tayong magsiuwian sa ating mga dormitoryo." Alok naman ni Crystal at nauna nang maglakad sa amin.
Nagulat din ako sa inasal niya. Mukhang hindi naman pala siya gaano kasama. Gaya ng napapansin ko kay Borin ay sobrang palasalita niya't umaakto na parang bata.
Wala naman akong problema roon, mas mabuti ngang napapaligiran ako ng mga maiingay, para naman kahit papaano ay baka mahawaan ako sa pagiging maingay nila.
Kahit na ngayon ko lang sila naging kaibigan ay masasabi ko na sobrang komportable silang maging kasama. Masaya ako at may masasabi na akong kaibigan ko 'yan.
* * *
Kinaumagahan ay masaya akong gumising at bumangon kanina. At ngayon ay nakangiti pa rin ako't hindi pinansin ang mga nakakarinding mga titig ng ibang estudyante. Sobrang nananabik akong makausap sila ulit. Nasa harapan na ako ng pintuan at laking gulat ko nang makita ko silang nandoon na sa kani-kanilang upuan.
Maaga pa naman, kaya kami pa lang estudyante ang nandito.
"Serephain!" Umalingawngaw na kaagad ang boses ni Borin sa loob ng silid-aralan.
"Punyeta, Borin. Pwede hinaan mo naman 'yang tambuli mong bibig?!" Pagmumura naman ni Collyn kay Borin dahilan para itago niya ang kaniyang sarili sa likod ko.
Tahimik akong naglakad sa aking upuan habang si Borin naman ay nakasunod lang sa aking likuran. Napatakbo naman siya palabas ng silid-aralan nang habulin siya ni Collyn. Napatawa naman ako ng mahina dahil sa dalawa.
"Magandang umaga, Serephain." Nakangiting bati sa akin ni Rony.
"Magandang umaga," maikli kong bati pabalik.
Nakita ko naman ang paggulong ng mga mata ni Crystal.
"Buti pa nga si Rony, binati. Estatuwa ba ako rito?" rinig ko sa isipan ni Crystal dahilan para mapatingin ako sa kanya't napangiti naman nang patago.
"Magandang umaga, Crystal." Napatingin naman sa akin si Crystal nang batiin ko siya.
Bigla naman siyang umiwas ng tingin at binati rin ako pabalik. Sa unang araw pa lang ng pagiging kaibigan sa kanila. Dami ko ng napapansin.
Si Borin na may ugaling bata. Si Collyn na palamura at astig, ngunit mabait naman sa kaibigan. Si Rony na palangiti at mabait.
At si Crystal na bruha, inggitera at matampuhin, ngunit mabait din naman sa kaibigan. Sobrang saya lang na inalok nila ako na maging kaibigan nila at hindi ako nagsisising tinaggap iyon. Silang apat ang aking naging unang kaibigan dito sa loob ng akademya.
At sa tingin ko'y sapat na sila.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top