Kabanata 11: Kunseho Ng Mag-aaral

"Caspian . . ."

Napatingin naman ako sa lalaking tinatawag nilang Caspian. Masasabi kong maotoridad siyang nilalang dahil lahat ng estudyanteng narito ay bigla na lamang natameme na parang nakakita ng halimaw.

Ang kaninang nagsikipang chismosa't chismoso sa pagdating ko ay bigla na lamang lumuwag nang dumating ang lalaking 'to.

Tiningnan ko naman siya. Hindi rin naman maipagkaila na meron siyang hitsura. Gwapo siya't matipuno ang kaniyang mga braso. Seryoso ang ekspresyon sa mukha, at kitang-kita ko sa mismong mata ko ang pagiging maotoridad niya. Masasabi ko rin naman dahil sinusunod siya at natatakot sa kaniya ang mga estudyante.

"Bakit mo ba pinagtatanggol ang babaeng 'yan?" matapang na tanong ng babaeng may gustong sampalin ako kanina.

Tiningnan nitong lalaking nagngangalang Caspian ang babae.

"Kinukwestyon mo ba ang mga desisyon ko, Asiha?" mapanghamong tanong pabalik niya.

Napapangiti naman ako nang patago dahil supalpal kaagad itong babaeng gustong manakit sa akin. Hindi ko man gustong aminin, pero gusto ko ang pag-uugali ng lalaking 'to para sa mga nilalang na kagaya ni Asiha.

"Kung ganoon, bakit pa kayo nandito? Alis!" Isang sigaw mula kay Caspian ay nagsi-alisan na silang lahat.

Habang ang tatlong babaeng humarang sa akin kanina ay walang tigil sa paglingon sa aming dalawa. Gusto ko man silang pagtawanan, pero hindi pwede dahil magmukhang baliw pa ako sa harap ni Caspian.

"Pasensya ka na sa kanila. Ang hilig kasi ng mga 'yon gumawa ng gulo," komento pa niya. Kasunod niya namang iniling-iling ang ulo. "Ako nga pala si Caspian. Pinapadala ako ng punong guro para ihatid kita sa opisina niya." Inilahad niya naman ang kaniyang isang kamay upang makipag-kamay.

Tinanggap ko naman iyon at hindi nagpakita sa kaniya ng kahit na anumang emosyon.

"Serephain," maikling kong sagot sa pangalan ko para ipakilala na rin ang sarili.

Nakita ko namang sumilay ang kaniyang matamis na ngiti.

Pero kaagad din namang nawala 'yon at sumeryoso ang kaniyang mukha. Napataas ang aking isang kilay. Hindi niya naman napansin ang pagtaas ng kilay ko dahil halos matatabunan na ang aking mukha sa suot-suot kong talukbong ng cloak.

Kung siya ay aking ilalarawan. Si Caspian ay matuwid na nakatayo sa harapan ko. Sobrang pormal niya. Mukha rin siyang strikto, ngunit palangiti? Ewan ko. Nasabi ko kasi 'yon dahil ngumiti siya sa akin matapos akong kamayan.

Siya ay matipunong lalaking nilalang. Mataas ang kaniyang ilong, mapupula ang mga labi at itim din ang kaniyang mga mapupungay na mata. Matulis din ang tenga niya. Mayroon siyang puting buhok at kulay gintong mga malalaking pakpak.

Nakasuot siya ng kulay gintong kasuotan na gawa sa sutla.

Saka mukha rin siyang malakas sa larangan ng pakikipaglaban. Kung huhulaan ko ang isa sa mga kapangyarihan niya ay siguro may kakayahan siya ng hipnotismo. Wala lang. Nasabi ko lang kasi lahat na ata ng kababaihan sa akademyang 'to ay hakot na hakot niya.

Sa mga oras na 'to ay naglalakad lang ako kasunod niya. Nagulat pa nga ako nang sabihin niyang sabayan niya ako sa paglalakad patungo sa opisina upang hindi na ako balikan ng mga estudyanteng walang ibang gawin kun'di ang maminsala ng kapwa nilalang.

Napakapit naman ako lalo sa aking talukbong nang pagtinginan ako ng mga estudyanteng nadadaanan namin ni Caspian. Lahat sila ay sobrang sama kung makatingin, lalo na't kasama ko ang kinahuhumalingan nilang lahat.

"Bakit sila magkasama?"

"Ang kapal ng mukha niyang sumama kay Caspian. Alam niya ba kung sino ang kasama niya?"

"Ke bago-bago lumandi na agad sa Caspian namin."

"Kapal."

Ilan lamang 'yan sa mga naririnig ko mula sa mga etudyante. Itinago ko ang aking mukha pa lalo, at mukhang gusto ko na atang mawalan ng mukha. Grabi ang unang araw ko rito, pinagkakaguluhan agad ng mga estudyanteng . . . inggitera.

"Huwag mo na lang silang pansinin," rinig kong wika ni Caspian dahilan para mapatingin ako sa likod niya.

Ngumiti na lamang ako at ginawa nga ang sinabi niya.

Napatingin naman ako sa mga gusaling aming nadadaanan. May dalawang gusali rito na mayroong limang palapag at sa gitna naman nito ay para sa kainan. Pinapagitnaan ata ng dalawang malaking gusali na 'to ang kainan ng akademya.

Sobrang gusto ko ng maglibot sa buong kampus, ngunit hindi pa pwede dahil kailangan ko raw munang pumunta sa opisina ni Tita Noelle. Naglalakad na kaming dalawa ni Caspian sa tahimik na pasilyo papunta sa kung saan.

Nasa likuran pa rin niya ako nakasunod dahil nahihiya akong sumabay sa kaniya.

"Merong mga ilang mga patakaran lamang ang akademya. Mga alas otso ng gabi ay dapat nasa loob ka na ng kwarto mo sa dormitoryo. Lahat ng gusto mong bilhin, kailangan mong mabili lahat bago pumatak ang alas otso. Bawal ding pumunta sa dormitoryo ng mga lalaki nang walang pahintulot mula sa punong guro."

Huminto muna sa pagsasalita si Caspian at inilagay ang dalawa niyang kamay malapit sa kaniyang pwetan habang naglalakad.

"Sa pagsapit ng alas otso ng umaga ay magsisimula na ang iyong klase. Malalaman mo ang iyong mga asignatura kapag nakausap mo na ang punong guro. Kung ikaw ay mahuhuli ng isa sa mga miyembro ng kunseho ng mag-aaral na ikaw ay palakad-lakad pa patungo sa iyong silid-aralan sa oras ng klase, ikaw ay mabibigyan ng unang babala. Kapag naging tatlo ang pagiging huli mo sa klase, ikaw ay mapapatawan ng parusa. At kung ikaw ay nahuling naminsala ng iyong kamag-aral, ikaw ay mapaparusahan din. Iyon lamang ang mga simpleng patakaran na kailangang sundin ng bawat mag-aaral ng akademyang 'to."

Mataas niyang paalala sa akin at tumahimik. Wala rin naman akong masabi kaya pinili ko ring manahimik. Sa mga oras na ito ay umaakyat na kami ng hagdan patungo siguro sa opisina ni Tita Noelle.

"Serephain, bakit ka naglalakad lang at hindi mo ginagamit ang iyong mga pakpak?" Nagulat naman ako sa naging tanong niya bigla.

Kinabahan ako at pinagpawisan dahil hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Kailangan kong makahanap ng palusot para rito.

Ano ba ang isasagot ni ama sa mga ganitong klaseng tanong? Namuhay na ako sa sikreto mahigit dalawang dekada, at hindi ko pa rin kayang pag-usapan ang bagay na 'yan.

"Ipagpaumanhin mo ang aking kalapastanganan. Hindi dapat ako nagtanong ng ganoong klaseng tanong. Pasensya ka na, Serephain," biglang panghihingi ng paumanhin ni Caspian.

Nanatili pa rin akong tahimik. Ganoon din naman si Caspian. Ako tuloy naawa sa kaniya dahil hindi naman kalapastanganan ang ginawa niya. Siya lang naman ay naguguluhan kung bakit hindi ko ginagamit ang aking mga pakpak. Siya lang naman ay gusto ng kasagutan.

Ngunit ang sagot na 'yon ay hindi ko kayang ibigay. Hindi ko kayang ibigay nang gano'n-gano'n lang, dahil sikreto ko ang pinanghahawakan ko. Dito nakasalalay ang kaligtasan ko at ni ina . . . maging kay ama.

"Bago tayo dumiretso sa opisina ng punong guro ay kailangan mong makilala ang miyembro ng kunseho ng mag-aaral. Upang kung makakasalamuha mo sila ay hindi ka na magugulat." Tiningnan niya naman ako at ngumiti na lamang bigla.

Hindi ko alam pero bigla naman akong kinabahan. Hindi dahil sa takot. Hindi ko kayang maipaliwanag. Nasa harapan na kami ng isang pintuan at pinihit naman kaagad iyon ni Caspian nang walang pag-alinlangan.

Tumambad sa harapan ko ang dalawang mukha. Dalawang babae at isang lalaki. Ngumiti ang isang lalaki at babae sa akin saka kinawayan ako. Habang ang isa naman ay nakasimangot na parang hindi ako gustong makita.

"Siya si Serephain, isang baguhan. Dinala ko siya rito dahil kailangan niyang makilala ang mga kunseho ng mag-aaral upang hindi na siya magugulat sakaling makasalamuha man niya ang isa sa atin," diretsahang wika ni Caspian.

Lumapit naman sa akin ang lalaking nakangiti pa rin. Siya ay may kulay gintong buhok at puting mga pakpak. Mapayat siya ngunit gwapo rin naman.

"Ako nga pala si Israel. Ang posisyon ko ay tagapag-ayos ng kaganapan." Inilahad niya ang kaniyang kamay na kaagad ko rin namang tinaggap.

Kasunod naman ay iyong babaeng nginitian ako kapapasok ko pa lang ng opisina nila. Mayroon siyang kulay puting buhok at pakpak. Ngunit kulay ginto naman ang kaniyang mga pilik-mata.

"Ako si Cheke. Ang posisyon ko ay sekretarya sa kunseho ng mag-aaral." Nakangiti niyang wika at inilahad ang kamay para ako'y kamayan.

Napatingin naman ako roon sa isa pang babae.

Nakita ko namang tiningnan siya ni Caspian at padabog na lumapit sa akin. Inilahad kaagad niya ang kaniyang kamay at tiningnan ako ng masama. Siya ay may kulay puting buhok at kulay gintong mga pakpak. Kulay ginto rin ang kaniyang mga pilik-mata.

Lahat naman sila ay may kulay itim na mga mata. Palatandaan na taga-Luxa lang sila.

"Ako si Aki. Ang ikalawang pangulo," maikli niyang pakilala.

Kumunot naman ang aking noo. Kung merong ikalawang pangulo, dapat nandito rin ang pangulo mismo.

"Nasaan ang pangulo niyo? Ang presidente?" naguguluhan kong tanong.

Narinig ko naman ang mahinang tawa ni Caspian, dahilan para mapatingin ang iba sa kaniya na parang nanibago.

"Ako ang presidente."   

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top