Kabanata 10: Ang Unang Araw

Kakababa ko lang ng ikalawang palapag ng aming bahay, suot-suot sa balikat ko ang maliit na magic bag. Nakapasok lahat doon 'yong mga damit ko para sa eskwela. Dahil sabi kasi sa akin ni ama ay magdo-dormitoryo ang lahat ng mga estudyante sa Axphain Academy.

Hindi ko alam kung bakit kailangan ko pang pumasok sa akademya kung kailangan kong itago pa rin ang sarili ko. Pero naiintindihan ko naman na para lamang iyon sa kaligtasan ko at sa kaligtasan ni ina. Hindi dapat malaman nila ang aking sikreto.

'Yon ang habilin ni ama. Kailangan ko raw piliin ang mga nilalang na mapagkatiwalaan ko.

Malabong magkakaroon pa ako ng mga kaibigan doon sa akademya dahil sa suot kong 'to. Suot-suot ko ang aking maitim na cloak at hindi ko pwedeng ilabas ang aking mga pakpak dahil delikado.

Kahit na makakalabas na ako at makikita ako ng ibang nilalang, pero hindi buo. Kahit na makakalabas ako, kailangan ko pa ring itago ang tunay kong pagkatao.

Nang tuluyan na akong makalapit kina ina at ama ay nakita ko silang nakangiti. Tumayo si ina at niyakap ako. Pagkatapos ay kinuha niya ang upuan malapit sa kaniya at doon ako pinapaupo. Inabutan niya rin ako ng makakain at nginitian ako pagkatapos.

"Nadala mo na ba lahat ng kakailanganin mo roon, Serephain?" tanong sa akin ni ina.

Tumango na lamang ako bilang sagot at nagsimula ng kumain. Tahimik lang din si ama at walang binibitawang salita. Abala rin naman ito sa pagtingin sa mga nakalutang na gintong papel sa harapan niya.

"Mukhang makilala mo at makikita mo sa loob ang mga nagwagi kahapon sa pagsusulit sa loob ng akademya, Serephain," bigla kong rinig na saad ni ama.

"Siguro nga po. Tutal nasa iisang akademya lang naman kami pumapasok," mahina kong sagot, sapat na para marinig din nila.

Nang matapos na akong kumain ay tahimik lamang ako sa tabi ni ina.

Hinihintay ko ang sasabihin ni ama. Ilang minuto sa paghihintay ay hindi pa rin ako umaalis ng bahay dahil hinihintay ko lang si ama. May balak ba siyang ihatid ako papuntang akademya o wala? Dahil kung wala, babalik ulit ako sa aking kwarto.

Ilang segundo ulit ang lumipas ay biglang may pumasok na babae. Naalala ko naman siya nang magtama ang aming mga mata. Lumapit si Tita Ailia kay ina upang makipag-beso.

"Serephain, tayo na," nagmamadali niyang wika. "Hindi ako ang tunay mong Tita Ailia. Nasa opisina siya naghihintay sa 'yo," pahabol niyang sabi.

Hindi naman ako boba para hindi maiintindihan ang sinabi niya. Ang Tita Ailia na nandito ngayon para sunduin ako ay isang clone lamang. Ang totoo talaga ay nasa opisina nito sa Axphain Academy, naghihintay sa akin.

Nang magsimula ng maglakad itong clone ay sinundan ko naman siya. Habang si ina naman ay sinundan ako hanggang sa pintuan. Niyakap pa nga niya ako ng mahigpit. Hindi ko naman maiwasang malungkot dahil maiiwan si ina rito mag-isa sa sobrang tahimik na mansyon namin.

Ayaw ko mang magpakita ng kahit na emosyon pero hindi ko mapigilan.

Kapag kasi sa pamilya na ang pag-uusapan, sobrang hina ko. Sila ang kahinaan ko. Lahat ng emosyon ko mararamdaman ko sa kanila. Ewan ko na lang kung mawawalay ako sa kanila ng ilang buwan at mga araw.

Ang mga estudyante kasi ng akademya ay kinailangan manatili sa loob ng eskwelahan. Ibig sabihin, mananatili ako sa dormitoryo ng akademya. Tiningnan ko naman si ama na prenteng naka-upo sa kaniyang upuan at tila ba'y parang abalang-abala sa binabasa niya.

"Ama, hindi niyo naman pabayaan si ina rito mag-isa, hindi ba?" malamig kong tanong sa kaniya.

Nagulat naman si ina sa naging tanong ko kaya tiningnan niya ako sa mata.

"Magiging okay lang ako rito, Serephain. 'Wag ka ng masyadong mag-aalala sa akin." Malambing na sabi sa akin ni ina at itinulak na ako para makaalis.

"Kailangan ko ng sagot, ama."

"Pinapabayaan ko ba ina mo, Serephain? Pinapabayaan ko ba kayo?" Tanong pabalik sa akin ni ama dahilan para mapakuyom ang aking mga kamao.

"Ngayong papasok na ako sa akademya, alam kong mag-iisa na naman si ina rito sa sobrang tahimik na mansyon. Malulungkot na naman siya. Habang ikaw ay nandoon sa upuan mo sa kunseho mahiko at nagpapanggap na parang walang pamilya! Kung pwede lang isam―"

"Serephain!"

Hindi na natuloy ang gusto ko sanang idagdag na mga sumbat kay ama nang sumigaw si ina. Galit na galit. Kaagad kong napansin ang itim na mahikang bumabalot sa katawan niya.

"Mukhang handa kayong saktan ako ina para lang patigilin ako sa gusto kong sasabihin," prangka kong wika dahilan para matigilan siya.

Tiningnan niya naman ako sa mata na parang sinasabi sa akin na hindi ganoon ang ibig niyang iparating. Umiwas ako sa mga matang 'yon at tinalikuran siya.

"Serephain . . . hindi ganoon 'yon . . ." rinig kong wika ni ina bago pa man ako tuluyang makalabas ng pintuan.

Hindi na ako sumagot pa dahil alam ko na ang sagot.

Kahit na anumang sumbat ko kay ama, nandoon pa rin si ina para ipagtanggol siya. Kasi hindi ko raw alam kung ano ang mga sakripisyo ni ama. Hindi ko talaga malalaman kung ayaw niyang sabihin. Hindi ko rin naman siya mapipilit na sabihin sa akin dahil mukhang gawain na nga niyang magsinungaling.

Nang makalabas na ako ay laking gulat ko na lamang na makitang mayroong naghihintay sa akin na masasakyan papunta sa akademya. Tatlong pegasus na nakasuot ng metal na konektado sa kulay gintong karwahe. Nag-aalangan pa akong pumasok, pero sa huli, pumasok na ako't tumabi sa clone ni Tita Ailia.

Nang makapasok na ako ay lumipad na ang tatlong Pegasus. Sakay ang karwahe namin palayo sa aming mansyon.

Mabilis naman ang paglipad ng mga pegasus ay narating na namin kaagad ang akademya. Lumabas na ako ng karwahe kasama ko pa rin ang clone ni Tita Ailia. Subalit, bigla rin naman siyang naglaho at naiwan ako rito sa harapan ng malaking gate mag-isa.

Hindi ko mawari kung ano ang dapat kong maramdaman ngunit kinabahan ako.

'Yong tipong kabang halos lulukso na palabas ang puso ko dahil sa sobrang takot. Unang araw ko ngayon sa akademya at hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ng ibang anghel kapag makita nila akong naglalakad lang.

Bumuntonghininga na lamang ako't inihakbang na ang aking mga paa. Nang tuluyan na nga akong makapasok ay hindi ko maiwasang humanga sa hitsura nito. Sa pagkapasok ko pa lang ng tarangkahan ay sa kaliwa't kanan ay mayroong mga nagtayuang mga kahoy.

Inihakbang ko ang aking mga paa at ginagala ang aking mga mata upang damhin ang napakagandang tanawin dito. Sa kaliwa ko naman makikita roon ang isang maliit na ilog. Tanaw na tanaw ko rin ang mga nagsilakihang mga gusali na kulay ginto't pilak.

Napaiwas naman ako ng tingin nang pagtinginan ako ng mga estudyanteng lumilipad sa ere. Hindi ko alam, pero hindi ko nagugustuhan ang pamamaraan ng kanilang pagtitig.

"Sino 'yan? Bakit naglalakad lang siya?"

"Bago ba siya rito sa Axphain Academy?"

"Bakit ba siya naglalakad?"

"Hindi siguro niya pinagmamalaki na isa siyang Axphainian."

"Kinakahiya niya siguro mga lahi natin."

"Mukha siyang pulubi sa suot niya."

"Anghel ba siya? Ba't parang hindi naman?"

"Mukhang may bago na namang alipustahin sina Asiha, Merlia at Kira."

"Ngayon pa lang, binabati ko na siya."

Sa dami ng mga pinagsasabi nila hindi ko na masasabing nagbubulungan ba sila o talagang pinaparinggan ako ng mga 'to? Hindi ko na lamang sila pinansin pa't diretso lang ang aking lakad.

Bakit ba kasi bigla na lang naglaho 'yong clone ni Tita Ailia para maihatid man lang ako sa opisina niya? Hindi ko pa naman kabisado ang lugar na 'to. Patuloy lang akong nakakarinig ng mga bulung-bulongan ng mga ibang estudyante.

Lahat ng mga salitang binitawan nila ay puro mga masasakit na salita.

Ganito pala ang eskwelahan? Ang mga estudyante walang ibang gawin kun'di pagchismisan ang isa't isa? Palagi ba nila itong ginagawa sa mga baguhang tulad ko? Kahit nasasaktan man sa mga pinagsasabi nila, hindi ako maapektuhan dahil sanay na rin naman ako sa ganitong pakiramdam.

Hahayaan ko na lamang sila dahil mapapagod lang ako kapag pumatol pa ako sa mga katulad nila. At higit sa lahat, paganda at pagwapo lang naman siguro ang alam.

Napahinto na lamang ako nang biglang may tatlong babaeng anghel na humarang sa aking dinaraanan dahilan para makakuha ito ng atensyon ng ibang estudyante.

"Padaanin niyo ko," malamig kong pakiusap.

Ngunit hindi sila nakinig sa halip ay kinuha nila ang talukbong ng suot-suot kong cloak. Napasinghap naman ang iba nang makita nila ang hitsura ko.

"Itim ang buhok mo, itim ang mga mata mo at higit sa lahat, mukha kang mahina." Tumawa naman itong babaeng bigla-bigla na lamang hinaharangan ang daanan ko.

Nakangisi pa ang mga ito. Dahil sa sobrang dami ng nanonood ay isinuot ko ang aking talukbong sa ulo at sinubukang umalis. Ngunit kahit ilang ulit ko pang subuking umalis sa lugar na 'yon ay hindi ko magawa.

"Kung gusto mo talagang makaalis, pwes, pakitaan mo kami ng kakayahan mo." Nagulat naman ako sa sinabi niya.

"Hindi mo kayang gawin?"

"Mahina ka nga."

Napakuyom naman ako sa sinasabi ng tatlong babaeng anghel na 'to, pero pinigilan ko ang aking sarili na gumawa ng eksena.

At higit sa lahat, kung gagawin ko man ang gusto nila, unang araw ko pa lang sa akademya alam na agad nila ang sikreto ko. Hindi ako papayag. Narinig ko namang nagtawanan silang lahat dahilan para uminit ang aking ulo.

Tatalikuran ko na sana silang lahat nang bigla akong hinarap ng isang babae nang sapilitan. Nakita ko namang umangat ang kaniyang mga kamay at handa na akong sampalin.

"Saktan mo siya ako makakalaban mo!" Bigla namang may sumigaw na boses lalaking anghel dahilan para matakot itong bruhildang anghel na may balak pa akong sampalin.

Ang kaninang mga anghel na naki-usyoso ay nagsi-alisan nang makita nila ang isang lalaking matipuno. Gwapo siya, seryoso ang kaniyang mukha, at halata sa boses niya ang pagiging maotoridad.

"Caspian . . ."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top