Kabanata 09: Ang Mga Nagwagi
Nang makaalis na si Borin sa gitna ng bulwagan ay tinawag na rin ang huling maglalaban na sina Crystal at Kisha matapos ayusin ni Suprema Celestia ang mga nasirang parte. Nang makita na ang hudyat ng taga-awat ay sumilay na naman ang isang nakakainis na ngiti sa mga labi ni Crystal.
Ewan ko ba pero hindi ko talaga siya gusto.
Unang kita ko pa lang kasama 'yong halimaw na Catoblepas. Nakita ko namang nagmanipula ng tubig si Kisha at nagpalit ito't naging kadena na may mataba at mahabang hugis tatsulok sa dulo. Nakalutang ang mga iyon at kontrolado ng kaniyang mga kamay.
Inatake naman si Crystal ng kalaban gamit nito ang kadena.
Gumagawa naman siya ng mga malilit na trap sa iba't ibang parte sa gilid ng katawan niya. Nagsilakihan ang kaniyang mga mata nang sumugod ang matulis na bagay papunta sa mata niya, ngunit nagawa niyang ibitag gamit ang mga bato.
Sa isang iglap ng pagkuyom ni Crystal ay naging buhangin ang matulis na bagay na 'yon sa kadena. Mabilisang niluhod ni Crystal ang isang tuhod niya sa sahig at hinawakan ito.
Bigla namang yumanig ang bulwagan nang makita kong lumalabas ang isang malaking bato sa ilalim ng lupa. Nang tuluyan na nga itong makuha ni Crystal ay hawak na niya sa dalawang kamay ang bato. At walang pag-alinlangang ibinato ito kay Kisha.
Natatarantang nagmanipula ng tubig si Kisha at binalutan ang malaking bato upang mapigilan niya't ma-kontrol ito. At nagawa nga naman niya subalit biglang sumugod si Crystal habang kinontrol niya ito.
Mayroong hawak na espadang kulay ginto si Crystal, katulad doon sa naging kalaban na babae ni Rony. Taga-Terra pala itong si Crystal muntik ko ng makalimutan.
Bigla namang kumanta si Kisha dahilan para mapatigil sa pagsugod si Crystal at napatakip kaagad ng tenga. Sobrang swerte niya dahil kaagad na natakpan niya ang tenga, dahil kung hindi wala siyang kawala.
Lumapit naman si Kisha kay Crystal habang kumakanta pa rin. Habang si Crystal ay tinitigan nang matindi ang kalaban pero hindi gumana ang petrification niya.
Pumipiglas din si Crystal, dahil tila ba'y ang mga serene voices ng mga Aqua ay mayroong kakayahang magpatigil sa mga nilalang na makakarinig sa mga boses nila.
Nang makalapit si Kisha mula kay Crystal, namutawi ang ngiting tagumpay nito. Ngunit nakikita kong dahan-dahang itinaas ni Crystal ang kaniyang mga paa nang hindi napapansin sa kalaban. Nang ibalik niya ang kaniyang paa sa sahig ay nahinto ang pagkanta ni Kisha dahil napasok siya sa mga bitag ni Crystal.
Napangiti si Crystal na parang may masamang binabalak sa kalaban. Dahan-dahan niyang ikiniyom ang kaniyang mga kamao, ngunit hindi natuloy nang awatin bigla ng taga-awat ang labanan sa pagitan nina Crystal at Kisha.
Natapos na rin sa wakas. Biniyak ni Crystal ang malaking boulder na pinagkulungan ni Kisha at iniwan ito. Habang si Kisha naman ay nakuha na niya ang ibig sabihin. Umalis siya sa gitna ng bulwagan habang nakabagsak ang mga balikat.
Dumaan ang ilang minuto ay nakita na ulit namin ang taga-anunsyo na may ngiti sa labi. Bumuntong-hininga muna siya bago nagsalita.
"Sa wakas ay natapos na ang pagsusulit para sa taong ito. At hawak ko na ang listahan ng apat na kalahok na nagwagi. Pero bago ko i-anunsyo kung sino ang mga nanalo ay pakinggan muna natin ang maikling mensahe ng ating Supremo Alabama." Naghiyawan ang mga tao matapos marinig ang pangalang 'yon.
Lumipad papalapit si Supremo Alabama sa mismong lugar kung saan nakalutang sa ere ang taga-anunsyo. Rinig naming lahat ang pagtikhim ni Supremo Alabama dahilan para tumigil sa hiyawan ang mga nanonood.
"Nais ko lang sabihin sa lahat, maraming salamat sa pagpunta ngayong taong pagsusulit. Ang inyong presensya ay sobrang importanti para sa araw na 'to. Sinabayan niyo ang mga miyembro ng kunseho mahiko, mga kapitan ng kabalyero mahiko at maging sa aming mga Summa na masilayan ang mga bagong kabataan kung paano sila lumalaban para sa pangarap. Kayo ang naging hukom sa pagsusulit na ito."
Huminto muna sa pagsasalita si Supremo Alabama nang marinig niya ang mga palakpakan, sipol at mga hiyawan ng mga nanonood na nakarinig sa kanyang sinabi.
"Siyempre ang isang pagsusulit mayroong mananalo at mayroong matatalo. Ang apat na nanalo ay siyang mabigyan ng pribilihiyong makapasok sa akademya at malayang makakagalaw sa loob ng syudad. Binabati ko na kayo, mga nagwagi! Nawa'y ibigay niyo ang lahat upang mailigtas sa kapahamakan ang ating buong lupain!" Pagkatapos magsalita ni Supremo Alabama ay lumipad siya pabalik sa kanyang upuan nang nakangiti.
Habang ang mga tao naman ay walang tigil sa hiyawan, pagsipol at sa pagpalakpak. Kitang-kita sa mga mukha nila ang sobrang katuwaan at kagalakan na malaman na kung sino ang mga nagwagi.
Nakita ko ring nakangiti ang taga-anunsyo na lumapit sa nakalutang na orb. At tiningnan ang nakalutang na kulay gintong papel. Tumingin muna siya sa baba ng gitna ng bulwagan kung nasaan naroroon sina Borin, Collyn, Crystal, Rony at Kisha.
Habang sina Cedric, Rosey at Lenli ay dinala sa pagamutan kasama ang mga healers.
"Inanyayahan ko ang mga natitirang kalahok sa bulwagan na ito na lumapit sa akin." Nang marinig nila ang sinabi nito ay sabay-sabay nilang ipinagaspas ang mga pakpak.
Nang makalapit ang mga ito ay saka na lamang binasa ng taga-anunsyo ang nasa loob ng gintong papel.
"Ito na, sasabihin ko na kung sino ang mga nagwagi." Naghiyawan ulit ang mga nanonood. "Ito ay sina . . ." Pabitin na wika ng taga-anunsyo upang bigyan ng tensyon ang buong bulwagan at bigyan kami ng sobrang pananabik.
"Ang mga nagwagi ay sina Collyn, Rony, Crystal at Borin!" Hindi na ako nagulat sa mga nagwagi.
Ito ay dahil sobrang galing ng kanilang ipinakita. Kahit na hindi pa sila estudyante ng akademya, sobrang lakas na nila't maalam sa labanan.
Habang ako ay hindi ko man lang ma-kontrol ang aking itim na mahika na namana ko sa aking ina. Sobrang lakas nito dahilan para pigilan akong kontrolin ito. Pero sa mga kakayahan naman na namana sa aking ama ay lahat sila gamay ko na.
Alam ko na sila kung paano gamitin. Pero kahit papaano ay marunong naman ako sa mga espada dahil tinuturuan ako ni ina.
Pagkatapos ng anunsyo ay lumapit naman sa kanilang apat si Suprema Celestia para bigyan ng parangal. May inabot itong nakatiklop na kumikinang na papel. Hula ko ay 'yon 'yong ibibigay sa punong guro na si Tita Ailia.
Binigyan din sila ng tropiya bilang alaala ng kanilang pagkapanalo sa pagsusulit na 'to.
Sa mukha naman ni Borin ay bumalik na naman ang ugaling parang bata. Tuwang-tuwa pa siya nang mahawakan niya ang tropiya galing mismo kay Suprema Celestia.
Niyakap-yakap pa niya ito. Meron ding sinabi sa kanila si Suprema Celestia dahilan para sumeryoso ang kanilang mga mukha at patango-tango ang mga ito.
"Mga kababaihan at kalalakihan, muli, silang apat ang ating mga nagwagi para sa taong 'to!" Binigyan pa sila ng engrandeng palakpakan mula sa mga nanonood at humahanga sa kanila.
Napansin ko na rin na wala na roon si Kisha. Mukhang umalis na siya. Hindi ko man alam kung ano ang pakiramdam ng pagiging talo, pero naiintindihan ko ang mga nararamdaman nila. Ito siguro 'yong paraan upang ipakita at gawing inspirasyon para galingan pa nila sa susunod na pagsusulit.
May nakita naman akong lumapit na lalaki kay Suprema Celestia. Sumunod naman ang mga nagwagi sa lalaking lumapit kanina at mukhang lalabas na sila sa bulwagan. Napapansin ko rin na unti-unti ng nagsi-alisan ang mga nanood, hanggang sa wala ng natira.
"Serephain . . . puntahan mo ako kung saan mo 'ko nakitang may kausap na lalaki kanina." Nagulat na lamang ako nang bigla-biglang pumasok si ama sa isip ko.
"Masusunod po. Hintayin niyo lamang po ako ilang sandali dahil nandito ako sa ikatlong palapag ng bulwagan," sagot ko kay ama at naglakad na pababa.
Hindi na ako nakatanggap ng sagot mula kay ama kaya binilisan ko na ang aking paglalakad. Nakahinga naman ako ng maluwag dahil wala ng tao sa ikalawang palapag, hindi katulad nang kanina. Nang tuluyan na nga akong makababa ay nakita ko naman ang likod ni ama habang kausap niya si Suprema Celestia.
"May kasama ka ba, Percival?" rinig kong tanong ni Suprema Celestia kay ama dahilan para magulat siya.
"Wala naman po akong kasama, Suprema Celestia. Bakit niyo naman po 'yan nasabi?" tanong pabalik ni ama.
Tumawa na lamang si Suprema Celestia at napailing-iling.
"Akala ko kasi may kasama ka," sabi ni Suprema Celestia. "O siya, mauna na ako sa 'yo. Ang aking anak ay naghihintay na sa palasyo. At mukhang nakauwi na rin sa palasyo ang ibang mga Summa," paalam nito.
"Mag-iingat po kayo," magalang na wika ni ama at yumuko.
Nakita ko na lamang na ngumiti si Suprema Celestia at tumalikod. Senyales ko na 'yon upang lapitan si ama. Nang makalapit na ako ay kinalabit ko ang kaniyang suot-suot na sulta dahilan para makuha ko ang kaniyang atensyon.
"Sa susunod doble ingat na tayo, Serephain. Si Suprema Celestia ay may kakayahan ng super senses. Hindi tayo dapat makitang magkasama at maramdaman man lang," seryosong wika ni ama dahilan para mapayuko ako sa lungkot.
Nandito na naman. Kakapagod na maging ganito. Gusto ko ng makawala sa lunggang 'to.
"Tayo na, umuwi na tayo. Malapit na rin ang paglubog ng araw." Pag-iiba niya ng usapan habang ako naman ay nanatiling tahimik.
Naglakad na kami papalabas ng bulwagan. Nang tuluyan na nga kaming makalabas ay tinawag na ni ama ang kaniyang pegasus. Dumating naman ito kaagad nang marinig nito ang sipol ng amo. Tahimik akong sumakay at hanggang sa dumating na rin kami sa bahay.
Nang makapasok kami ay tinanggal ko na ang aking suot-suot na invisibility cloak at sinalubong naman ako ni ina ng mahigpit na yakap. Dahilan para lumiwanag ang aking mukha. Dahil sa sobrang pananabik ay kinaladkad ko si ina palayo kay ama at umupo kami sa upuan.
"Ina, ang dami ko pong i-kwento sa inyo." Nakangiti kong wika.
"Bilis, gusto ko ring marinig," puno rin ng pananabik na sagot ni ina.
Kinuwento ko na nga sa kaniya ang lahat. Ang hitsura ng labas, ang kulay ng mga gusali at sinabi ko rin na nakilala ko si Tita Ailia, dahilan para siya ay matuwa. Kinuwento ko rin sa kaniya ang buong nangyari sa pagsusulit.
Para kaming mga bata sa katitili ni ina dahil sa sobrang tuwa. Sa pagkakakulong ba naman sa loob ng malaking mansyon na 'to sa mahigit dalawang dekada, sino ba namang hindi mananabik na masilayan muli ang hitsura ng labas?
Hindi na namin namalayan naabutan na kami ng dilim sa pag-uusap. At nakita ko rin na kakanaog lang ni ama galing sa pagkakatulog. Nakabihis na rin siya ng damit. Umupo siya sa kaniyang upuan at nag-utos kay Dana ng isang tsaa.
Nagulat na lamang ako nang magtama ang aming mga mata ni ama.
"Serephain." Napipitlag naman ako nang tawagin niya ako sa pangalan.
Napatingin na rin sa kaniya si ina at hinihintay ang sasabihin niya.
"Bukas na ang unang araw mo sa akademya," maikling wika ni ama. Dahilan para ako'y magulat at kabahan ng husto. "Sana naman ay hindi mo makakalimutan ang mga paalala ko sa 'yo."
Napayuko ulit ako at bumagsak ang mga balikat ko. Hindi ko nakakalimutan ama.
Kailangan kong itago ang aking kinaririndihang sikreto.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top