Kabanata 04: Ang Mga Summa
Nasa isang madilim-dilim na pasilyo kaming dalawa ni ama sa mga oras na 'to. Kung saan hindi palaging pinupuntahan ng mga nilalang. Dahil nandito nakatambak lahat ng basurahan. Nakayuko lang ako at tahimik na pinakiramdaman si ama na sunod-sunod ang mga mabibigat na pagbuntonghininga.
Hinihintay ko lang na sigawan niya ako't ipapaalala na naman niya ang mga habilin niya sa akin. Subalit, ilang segundo na ang nakalipas wala pa rin akong naririnig na mga sermon mula kay ama.
"Tayo na." Napaangat ako sa aking ulo nang marinig siyang magsalita.
Nasa harapan na siya ng portal habang tinignan ako nang naguguluhan.
"Sasama ka ba sa akin o gusto mong magpaiwan diyan?" Tanong niya sa akin dahilan para mataranta akong lumapit sa kaniya.
Pero bago paman ako pumasok sa portal kasama niya ay tiningnan ko siya sa mata.
"Hindi ka po ba galit, ama?" Napaiwas siya ng tingin sa akin dahilan para mapayuko ako.
"Bakit ako magagalit? Kasalanan ko naman." Umangat uli ang aking ulo para tignan si ama. Nakita ko siyang napakagat sa ibabang labi at hindi rin nakaligtas sa mata ko ang nakakuyom niyang kamao sa kaliwang kamay. "Tara na, baka mahuhuli pa tayo sa pagsusulit."
Humarap kaagad siya sa akin matapos niyang bitawan ang mga katagang 'yon at nginitian ako ng matamis.
Sabay kaming pumasok sa portal na ginawa niya saka ipinasuot niya sa ulo ko ang talukbong sa suot-suot kong balabal. Sa isang iglap ay nandito na kami sa bulwagan. Rinig na rinig ko ang mga sigawan ng mga nilalang na gustong manood sa maging kalabasan ng pagsusulit na 'to.
"Maghanap ka ng lugar kung saan walang halos nilalang, pero kita pa rin ang buong bulwagan. Para makikita mo pa rin ang mga magaganap." Mahinang sabi ni ama dahilan para mapatango ako kahit na hindi niya ako nakikita.
Magpaalam na sana ako kay ama nang biglang may sumulpot na matandang lalaking anghel at binata ito.
"Nandito ka lang pala, punong mahistrado. Akala ko ay hindi ka dadalo dahil ilang segundo na lamang magsisimula na ang pagsusulit." Pakamot-kamot pa ito sa buhok na parang nahihiya kay ama.
Idinantay naman ni ama ang kaniyang kamay sa balikat nito at ngumiti.
"Hindi dadalo, pwede ba 'yon? Isang kalapastanganang kilos kung hindi ako dadalo sa pagsusulit at mawawalan ng saysay ang pagiging punong mahistrado ko sa kunseho mahiko." Umiiling na wika ni ama.
"Ipagpaumanhin niyo po ang aking pinakitang kilos." Yumuko ito sa harapan ni ama pero kaagad naman siyang pinatayo ng tuwid, saka tumalikod na silang dalawa sa akin.
Umalis na lamang ako sa aking kinaroroonan at naghanap ng lugar na malayo sa maraming nilalang. Sa aking paglalakad ay nakita ko naman ang isang hagdan pataas. Lumiko ako't sinundan ang mga baitang hanggang sa dinala ako sa ikalawang palapag ng bulwagan.
Mabuti naman at ako lang mag-isa rito.
Ang buong bulwagan ay bukas na bukas, walang bubong at pabilog ito. Habang may mga upuan naman na nakalutang, isa sa rason para makita ng malawakan ang buong kaganapan ng pagsusulit sa mga gustong manood.
Nakita naman ng aking mata ang anim na upuang kulay ginto sa ikatlong palapag ng bulwagan.
Habang sa ikalawang palapag naman ay makikita rin ang limang kulay gintong upuan at ilang pulgada ang layo ay makikita rin ang mga pitong upuan. Hula ko ay ang limang upuan sa ikalawang palapag ay para sa mga kapitan ng kabalyero mahiko.
Habang ang pitong upuan ilang pulgada lang ang layo mula sa lima ay upuan 'yon para sa mga hukom ng kunseho mahiko. At sa harapan ng pitong upuan ay makikita rin ang isang malaking upuan na hula ko ay para kay ama bilang punong mahistrado.
Natahimik naman ang lahat nang makita nila ang isang lalaking anghel na bigla-biglang sumulpot sa gitna ng bulwagan. May nakalutang na orb malapit sa kanyang bibig. At ito'y nagsimulang magsalita. Ang orb na 'yon ay nagsisilbi bilang mikropono niya para marinig siya nang lahat ng nanonood.
"Mga kapwa ko Axphainian, magbigay galang sa mga Summa!" Napatayo ang lahat nang marinig ang sinabi ng taga-anunsyo.
At sabay-sabay na niyuko ng bahagya ang ulo habang ang mga kamay ay nakakuyom at nilagay sa dibdib.
"Siya ay orihinal na nanggaling sa syudad ng Ignis, kung saan matatagpuan sa hilagang bahagi ng Axphain. Marami na rin ang naging kontribusyon niya para sa ating nasyon at maging sa digmaan. Dahil sa kaniya, lahat ng kabalyero mahiko ay may sapat na kakayahan at kaalaman tungkol sa pakikipaglaban. Masigarbong palakpakan para sa ika-anim sa pwesto ng Summa na si Suprema Astra!" Matapos sabihin iyon ng tagapag-anunsyo ay nakita naming lahat na naglakad papalapit si Suprema Astra sa gitna ng bulwagan.
Sa pisikal na kaniyang kaanyuhan ay mayroon siyang kulay puting buhok, pero kapansin-pansin naman na nahahaluan ito ng kulay pula sa mga iilang hibla nito.
Mayroon din siyang kulay puting mga pakpak, dahil sa sobrang laki nito ay halos matatamaan na ang tagapag-anunsyo.
Ang mga mata naman niya ay kulay pula na talaga nga namang nagbibigay ng kakaibang pakiramdam sa buong sistema ko. Maging ang kulay ng kaniyang mahabang damit ay katulad ng kulay ng kaniyang mga mata.
Matangos din ang kanyang ilong, kulay pula ang kanyang mga pilik-mata at matutulis ang kaniyang tenga.
Nararamdam ko talaga ang maaotoridad niyang awra. Walang ka-ekspresyon ang mukha at sobrang nakakatakot. Siya 'yong tipong Summa na hindi dapat kalabanin.
Siya 'yong tipong pinuno na walang awa sa mga may sala. Natahimik ang lahat matapos tignan ni Suprema Astra ang lahat gamit ang nagbabaga niyang mga mata.
Pinagaspas naman ni Suprema Astra ang kaniyang mga pakpak at pumunta na sa kanyang upuan na nasa ikatlong palapag ng bulwagan. Nabalik ang atensyon ng lahat nang magsalita ulit ang tagapag-anunsyo.
"Siya ay orihinal na nanggaling sa syudad ng Ventus, kung saan matatagpuan sa timog ng Axphain. Siya ang nangunguna sa pagbibigay kaalaman sa mga tagalikha ng mga sasakyang panghimpapawid. Masigarbong palakpakan para sa ikalimang puwesto ng Summa na si Supremo Plomyde!" Nakangiting wika ng tagapag-anunsyo, maging sa mga nanunuod.
Ilang segundo ay naglakad ang isang lalaking anghel suot-suot nito ang matamis niyang ngiti.
Kanina naman ay medyo nakakatakot, habang si Supremo Plomyde ay parang nagbibigay liwanag sa buong paligid gamit ang kaniyang mga ngiti. Kumakaway pa ito sa mga ibang nilalang.
Napadako naman ako sa pisikal niyang kaanyuan. Mayroon siyang kulay puting mga pakpak, buhok, mata at maging sa pilik-mata. Nakasuot din siya ng puting damit na gawa sa sutla.
Matapos makaupo si Supremo Plomyde sa upuan na katabi ni Suprema Astra ay nagsalita ulit ang tagapag-anunsyo upang ipapakilala sa madla ang ika-apat sa pwesto ng Summa.
"Siya ay orihinal na nanggaling sa syudad ng Aqua, kung saan matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Axphain. Siya rin ay ang pangunahing dahilan kung bakit binibiyayaan ng walang katapusang tubig ang buong lupain ng Axphain. At siya rin ay ang pinakabatang Summa sa kasaysayan ng Axphain sa edad na dalawang pu't isa. Masigarbong palakpakan sa ika-apat sa puwesto ng Summa na si Suprema Drishti!" masiglang-masiglang sabi ng taga-anunsyo.
Nagsilakihan ang aking mga mata sa narinig. Siya ang pinakabatang Summa sa kasaysayan ng Axphain? Siguro sobrang lakas niya dahil nakaabot na siya sa ganyang posisyon sa edad na dalawang pu't isa.
Ang laki ng plano ng kapalaran sa kaniya. Hindi na rin masama.
Halos malaglag ang aking panga nang bigla siyang tumatakbo papunta sa gitna ng bulwagan. Napasapo ako sa aking noo nang bigla siyang lumukso na parang bata. Magpalit na kaya kami ng edad? Pero kahit na ganoon ang ugali niya, sobrang nakakatuwa siya tignan.
At siguro'y hinahangaan siya ng mga kabataang nilalang dahil sa mga nakamit niya sa buhay.
"Pagbutihin niyo ang ginagawa niyo. Hanggang sa makamit niyo ang inaasam niyo sa buhay!" Napangiti ako sa sinabi niya dahilan para sunod-sunod kong marinig ang mga hiyawan at palakpakan ng mga nanonood.
Napatingin naman ako sa tindig niya. Mayroon siyang kulay gintong buhok at mga pakpak, katulad ng kay Suprema Astra ay sobrang laki rin ng kaniyang mga pakpak. Mukha naman sigurong malalaki ang mga pakpak ng mga Summa dahil napapansin ko pareho lang sila ng sukat.
Nakasuot siya ng kulay asul na damit na gawa sa sutla. Ang mga mata niya ay kulay asul, maging ang kaniyang pilik-mata at hindi rin magpapahuli ang matutulis niyang mga tenga.
Pinagaspas niya ang kaniyang pakpak at lumapit sa mga Summa na nakaupo na sa mga trono nila. Nakita ko pang nakipag-apiran silang dalawa ni Supremo Plomyde.
"Mahal na mahal kita, Suprema Drishti!" rinig kong sigaw ng binatang anghel na isa sa mga manonood.
"Suprema Drishti, ang ganda-ganda niyo!"
Sunod-sunod na ang mga sigawan hanggang sa nagpeke ng ubo ang taga-anunsyo upang kunin ang kanilang atensyon dahilan para manahimik silang lahat.
"Siya ay orihinal na nanggaling sa syudad ng Terra, kung saan matatagpuan sa silangang bahagi ng Axphain. Malaki na rin ang kaniyang naging kontribusyon sa ating nasyon. Lahat ng makikita niyong malalaking pader na nakapalibot sa palasyo at sa buong lupain ng Axphain ay siya ang may gawa. Siya rin ay nasa sa ikatlong pwesto ng Summa. Masigarbong palakpakan kay Supremo Esma!" Lahat ay pumalakpak lamang matapos marinig ang sinabi ng tagapag-anunsyo dahilan para magsikunutan ang noo ko.
Lumabas ang isang lalaking anghel na parang walang gana at parang walang pakialam. Tahimik lang siya at mukhang hindi rin palasalita. Kaya pala wala ring gana ang ibang manunuod matapos i-anunsyo ang kaniyang pangalan.
Pero ayon sa pisikal niyang kaanyuan ay mayroon siyang kulay puting buhok at gintong mga pakpak. Nakasuot siya ng kulay berdeng kasuotan na gawa sa sutla.
Sa mga ilang hibla ng kaniyang buhok ay kapansin-pansin din na nahaluan ito ng kulay berde. Ang mga mata niya ay kulay berde rin, maging ang pilik-mata at mayroon din siyang matutulis na mga tenga.
Walang gana niyang pinagaspas ang mga pakpak at humikab pa habang lumilipad papunta sa mga kasamahan niyang mga Summa.
Nag-peke ng ubo ang tagapag-anunsyo para kunin ulit ang atensyon ng mga nanood na parang nahawa sa sobrang katahimikan ni Supremo Esma.
"Siya ay nanggaling mismo rito sa Luxa, kung saan binansagang sentrong syudad ng buong lupain ng Axphain. Marami ang naging kontribusyon niya sa buong lupain ng Axphain. Siya ay nasa ikalawang pwesto ng Summa. Masigarbong palakpakan para kay Supremo Alabama!" Halos mabasag ang aking tenga dahil sa sobrang lakas ng mga hiyawan at palakpakan nang lumabas si Supremo Alabama.
Halos malaglag ang panga ko sa nakita. Sobrang brusko niya at kapansin-pansin ang napaka-maotoridad niyang pinuno. Mayroong siyang kulay gintong mga pakpak, buhok at maging sa suot-suot niyang kasuotan na gawa pa rin sa sutla.
Itim ang kaniyang mga mata at halos magkasalubong na ang kaniyang mga kilay.
Mukhang siya 'yong tipong mas kinatatakutan ng iba maliban kay Suprema Astra. Pinagaspas niya ang kaniyang malagintong mga pakpak at pumunta sa upuan niya. Binati pa siya ng kapwa niya Summa habang si Sepremo Alabama naman ay isang tango lamang ang itinugon.
"Siya ay nanggaling din mismo rito sa Luxa at ang kataas-taasang Summa. Siya ay madami na ang nagawa sa ating nasyon at para sa kaniya, ang lahat ng nagawa niya ay hindi pa sapat sa pagiging una sa pwesto. Masigarbong palapakan para kay Suprema Celestia!"
Ang kaninang malakas na hiyawan at palakpakan na aking narinig nang lumabas si Supremo Alabama ay mas lalong lumakas nang lumabas si Suprema Celestia.
Habang ako ay matapos marinig ang pangalan ni Suprema Celestia ay namutawi kaagad ang matamis na ngiti sa aking labi. Sa pangalawang pagkakataon ay nasilayan ko na naman ang nakakasilaw niyang kagandahan at kadakilaan.
Suot-suot nito ang matatamis niyang ngiti, habang kumakaway sa mga manonood. Sa sinabi pa lang ng tagapag-anunsyo, siya ay talagang karapat-dapat sa posisyon niya.
Sa presensya pa lang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top