Kabanata 03: Suprema Celestia

Magpasahanggang ngayon ay namutawi pa rin ang matamis na ngiti sa aking labi. Ang matagal kong pinapangarap na masilayan ang hitsura ng mundong ginagalawan namin ay sa wakas natupad ko na.

Natupad ko na ang pangarap naming dalawa ni ina kahit na tinatago ko pa rin ang sarili ko sa iba. Pero, sa araw na 'to sobrang saya ko na. Sobrang dami kong ikukuwento pag-uwi kay ina.

Malayo na kami sa aming bahay at sa mga oras na 'to ay tanaw ko na ang palasyo. Ayon sa nababasa ko sa mga libro, mayroong palasyo ang lupain ng Axphain at nakatirik ito mismo sa syudad ng Luxa, kung saan kami nakatira.

Inilathala rin sa libro na ang palasyo ay ang tahanan ng anim na Summa. Napatingin ako sa istraktura, sobrang laki niya at mayroon ding malalaking gate na talaga nga namang hinding-hindi mapapasok ng kung sino man na walang pahintulot.

"Kapit ka ng mahigpit lalapag na tayo, Serephain," rinig ko namang wika ni ama. "At sa paglapag natin, huwag kang lalayo sa akin. Sundan mo lang ako hanggang saan ako magpunta dahil kung hindi, maari kang malagay sa alanganin," pahabol na paalala niya sa akin.

Bumuntonghininga muna ako bago sumagot.

"Masusunod po," mahina kong sagot.

Nang makalapag na kami sa lupa ay mahinang hinagod ni ama ang ulo ng pegasus at saka ito lumipad palayo. Hindi ko alam kung saan siya pupunta pero babalik naman siguro siya sa tuwing marinig niya ang sipol ni ama.

Bigla akong kinabahan nang makita kong maraming mga anghel dito na naglalakad. May iba namang kalalabas ng isang tindahan at meron ding ibang mga lasing.

Sa lugar na 'to, wala akong masyadong mga nakikitang anghel na palipad-lipad. May nakikita naman akong iilan, pero hindi naman gaano karami. Halo-halo ang mga nakikita kong nilalang, may mga miyembro ng kabalyero mahiko, may mga mukhang kilala ng buong syudad. Pero ang karamihan ay ang mga ordinaryong mamamayan.

Ginala ko ang aking paningin, karamihang mga istrakturang mga nakikita ko ay pagawaan ng mga sandata at mga tindahang nagbebenta ng mga iba't ibang inuming nakakalasing.

Subalit, meron namang ibang nagtitinda ng iba maliban sa mga alak. Sa paligid ay makikita rin ang mga lumilipad na malilit na mga nilalang.

Napaalerto ako nang marinig ko ang pagaspas ng mga pakpak ni ama. Tumingin naman siya sa akin at sa isang titig niya lang ay kaagad kong nakuha ang ibig niyang sabihin. Hindi naman gaano kataas ang nilipad ni ama para sa rason na makita at masundan ko siya kung saan man siya pupunta.

Malaki ang mga hakbang ko para hindi mawala sa paningin ko si ama. At nag-iingat din ako sa dinadaanan ko para wala akong mababanggaang ibang nilalang. Dahil 'pag nagkataon, malalagot ako.

Napatingin naman ako kay ama, nakita ko siyang may kausap at kasabay sa paglipad. Hula ko, isang hukom ito sa kunseho mahiko. At ayon sa kilos niya ay tila ba'y parang ang laki ng respeto niya sa ama ko.

Bigla namang nanlaki ang aking mata sa nakita sa hindi kalayuan.

Maraming mga anghel pero, mga bata ang mas marami sa lugar na 'yon. Nang makalapit ako sa lugar na 'yon ay may nakikita akong mga iba't-ibang klaseng laruan para sa mga bata pero tila ba'y parang gusto kong magkaroon nang ganoon.

Nagpakawala ako ng isang mapait na ngiti.

Mukha yatang mas nahuli ako sa pagiging bata. Ngumiti na lamang ako nang mapait saka ginala-gala ang aking mga mata sa paligid. Pero napawi lahat ng mga naramdaman kong lungkot nang masilayan ko ang mga pagkaing binenta rito.

Halos lahat ng mga kagamitan nila sa pagtitinda ay kulay ginto pero meron namang ibang kulay katulad na lamang ng pilak at kulay-langit.

"Bumili na kayo! Mayroong inihaw na baboy ramo kaming bininta. Ang karneng 'to ay galing pa sa Themios, isa sa mga lupain ng Cazadorian, kilala sa pangangaso sa mundo ng Metanoia! O, bili na kayo!" Napatingin naman ako roon sa lalaking sumisigaw.

Ilang segundo ay nagdagsaan ang mga nilalang na nakarinig at kaniya-kaniyang nagsibilihan ang mga ito. Mayroon pang iba na nag-manipula ng salapi mismo sa harapan ng tindahan at ibinigay ito sa mga anak niya.

Hindi ko alam pero nakaramdam na naman ako ng inggit. Iniwas ko naman ang aking paningin. Napalapit naman ako sa isang nagkukumpulang mga tao.

Laking gulat ko nang makita ko ang dalawang anghel, isang babae at isang lalaki. May nakalutang na sampung orb malapit sa kanila na kaagad din naman nilang kinuha ang mga ito. Lumipad sila pataas subalit huminto sila at ngumiti sa mga nanonood.

Ang babae naman ay may hawak na limang orb, maging ganoon din naman sa lalaki at isa-isa nila itong pinapasa sa isa't isa.

Para silang nasa isang sirko. Nang lumiwanag ang mga orb ay hindi ko maiwasang humanga, at unti-unti na namang namutawi ang matatamis kong mga ngiti sa labi. Hinintay ko itong matapos kaya nasa isang sulok lamang ako habang nakamasid sa palabas.

Napaalerto naman ako mula sa aking kinatatayuan nang bigla akong nakarinig ng boses mula sa likuran. Lumingon ako't doon ko nakita ang dalawa pang nilalang na nakasuot ng kasuotang yari sa sutla.

Napatingin ako roon sa lalaking anghel na mayroong kulay gintong buhok. Pero mayroong kulay asul naman ang iilan sa mga hibla.

Maputi ang kaniyang balat at kapansin-pansin ang kulay asul niyang mga mata. Ang kulay naman ng kanyang mga pakpak ay puti habang kulay asul ulit ang kulay ng kanyang damit. Malalaki rin ang kaniyang braso, halatang-halatang brusko siya sa tindig niya.

Habang sa kasama naman niyang babae ay mayroong kulay puting buhok, pero sa iilang hibla ay pansin na pansin ang kulay pula.

Sa tindig palang nitong babaeng anghel ay sobrang seksi niya, pero sobrang astig naman niyang maglakad.

Mayroon siyang kulay na gintong pakpak at kapansin-pansin ang kaniyang pulang mata. Tumabi naman ako sa kinaroroonan ko para sila'y makadaan at para na rin maiwasang mabunggo dahil baka mapahamak pa ako.

"Borin, kailan ba kita makalaban?" rinig kong tanong nitong babaeng anghel.

Halos malaglag ang panga ko nang tumakbo ito palayo sa babae habang humihingi ng tulong dahilan para pagtinginan siya't pagtawanan ng iba. Habang ang babae naman ay nakangiting aso't iniiling-iling ang ulo. Nakahinga naman ako ng maluwag nang makaalis na sila ng tuluyan mula sa kinaroroonan ko't napagtanto.

Nawala ko na sa paningin ko si ama!

Dahil sa pagkataranta ko'y todo lingon ako, nagbabaka-sakaling makita ko pa si ama. Lagot! Maglalakad na sana ako subalit napahinto naman ako nang makitang nakaipit pala ang aking cloak sa dalawang bariles.

Kung minamalas ka nga naman, oo!

Naglakad ako papalapit sa dalawang bariles para kunin sana ang naipit kong cloak, pero napatumba ako nang biglang may bumunggo sa akin. Napagulong pa ako sa lupa. Dahan-dahan naman akong tumayo subalit napadaing ako dahil sa sakit.

"Suprema Celestia, okay lang po ba kayo?"

Suprema Celestia?!

Kinabahan ako bigla at na estatuwa sa kinatatayuan. Dahan-dahan akong lumingon at doon ko na nga nakita ang isang babaeng nag-uumapaw sa ganda. Tama ba ang aking narinig? Siya ba si Suprema Celestia na matagal ko ng gustong makita o makilala man lang?

"Okay lang ako, Ephran." Inayos niya ang kanyang damit at inabot naman ng lalaking tagapaglingkod niya ang kaniyang mahiwagang tungkod.

Siya nga si Suprema Celestia!

Mula sa suot-suot niyang mahabang damit na gawa sa sutla, maging ang kulay gintong buhok at pakpak, at ang suot-suot niyang korona. Nakumpirma kong siya nga si Suprema Celestia, kataas-taasang pinuno ng buong lupain ng Axphain.

Ang mga mata niya ay kulay itim, pero alam kung 'yon ay normal lang dahil may iba pang kulay ito maliban sa itim.

Ang hawak-hawak niyang mahiwagang tungkod ay kulay ginto at ang disenyo naman nito ay kurba, kitang-kita rin ang isang mahika na palutang-lutang sa ibabaw ng tungkod habang binabalutan ito. Para nga itong orb kung titignan.

"Ano po bang nangyari?" rinig kong tanong ng tagapaglingkod niya dahilan para kabahan ako bigla.

Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa kaba. At baka mayroong kakayahang makiramdam si Suprema Celestia at baka pa ako'y mahuli. Hindi ko pa gustong mahuli sa ganito kaaga.

"May parang nabungguan ako na isang nilalang." Halos lumuwa ang aking mata nang dahan-dahang inihakbang ni Suprema Celestia ang kaniyang mga paa papalapit sa kinaroroonan ko.

Ito na yata ang katapusan ko.

Nakahinga naman ako ng maluwag nang biglang tumunog ang tambuli dahilan para makuha ang atensyon ni Suprema Celestia.

"Mukha yatang magsisimula na ang pagsusulit, mahal kong Suprema. Kailangan na nating makapunta dahil kailangan nila kayo."

"Mabuti pa nga," sang-ayon naman ni Suprema Celestia dahilan para ako'y mapabuntonghininga ng malalim.

Nang maglakad na palayo si Suprema Celestia, kasama ang tagapaglingkod niya. Subalit, huminto siya at lumingon sa kinaroroonan ko, saka sumunod naman ang kaniyang matamis at may pinapahiwatig na ngiti sa labi.

Nang makaalis na sila nang tuluyan ay napabuntonghininga ako ng malalim sa ilang ulit at tumigil na ang panginginig ng mga tuhod ko. Muntikan na ako ro'n, ah.

Mabuti na lang at tumunog ang tambuli para makuha niya ang atensyon ni Suprema Celestia. Maglalakad na sana ako, pero napatigil naman ako nang bigla akong nakaramdam ng mabigat na presenya dahilan para mapalunok ako ng laway.

"Serephain."

Patay. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top