Kabanata 02: Unang Beses

Sa nakagisnan ko ay bumangon na ako sa kama na walang gana at dumiretso sa banyo upang maghilamos. Oo, may ganito rito sa Axphain dahil isa sa pinakamayamang nasyon ang aming lupain.

Pagkatapos kong maghilamos ay lumabas na ako sa aking silid. Sa paglabas ko ay nadatnan ko si Dana na kakatok na sana siya sa pintuan para gisingin ako.

"Gising na pala kayo, Binibining Serephain. Magandang umaga po sa inyo," magalang niyang bati sa akin.

"Magandang umaga, Dana."

Tinalikuran ko na siya at hindi na hinintay pa ang isasagot niya. Pero naramdaman ko naman ang presensya niya na nakasunod sa akin habang ang mga pagaspas ng kaniyang pakpak ay rinig na rinig ko.

Sa aking nakagisnan sa tuwing lumalabas ako ng silid ay umuupo ako sa isang gintong upuan dito sa loob ng sala ng aming tahanan. Sa isang pitik ng aking mga kamay ay hawak-hawak ko na ang librong palagi kong binabasa sa tuwing umaga at bago matulog.

Ang kasaysayan ng aming mundo.

Kahit kailan hindi ako magsasawang basahin ito.

"Binibining Serephain, nandito na po ang inyong Haoma," rinig kong wika ni Dana.

"Pakilagay sa lamesa," malamig kong sagot sa kanya.

Pagkatapos niyang mailagay ang isang tasa ng Haoma ay tumalikod na siya. Ang Haoma ay isang tsaa na kinuha galing sa talulot ng bulaklak na tinatawag na haoma.

Ito ay inumin para sa mga Axphainians na makapagbigay sa amin ng karagdagang lakas, bilis, at sabi-sabi ay mas lalong hahaba ang buhay ng isang nilalang. At higit sa lahat ay nagbibigay ito ng paggana ng kaisipan.

Ito palagi ang iniinom ng mga Summa at maging kay ama lalo na't siya ang punong mahistrado sa kunseho mahiko. Gamit na gamit din ito sa mga hukom. Maging sa mga kapitan ng kabalyero mahiko. Pero hindi ko alam kung lahat ba ng kapitan ay umiinom ng haoma.

Habang nasa kalagitnaan ng pagbabasa ay bigla namang nakaramdam ako ng presensya sa likod ko na hindi na ako nag-atubili pang lingunin siya. Dahil basi sa presenya niya ay kilalang-kilala ko na.

"May dala akong bagong libro, Serephain," rinig kong wika ni ama.

Dahilan para mapantig ang tenga ko.

Kaagad ko namang binitawan ang kanina ko pang hawak-hawak na baso at hinayaan itong nakalutang. Nang masilayan ko ang nasa kamay ni ama ay mas lalong tumindi ang pananabik kong mabasa ang librong 'yon.

"Anong libro po 'yan, ama?" nananabik kong tanong.

Nasilayan ko pa ang matamis niyang ngiti saka hinagod ang aking ulo na parang maliit na bata.

"Ito ang libro tungkol sa mga naging kapitan ng kabalyero mahiko at maging mga naging miyembro. Dito mo malaman lahat, maging kauna-unahang kapitan," wika ni ama dahilan para mas maging interesado ako.

Inabot niya naman sa akin ang librong 'yon at masayang tinanggap ito. Subalit, binawi naman ito ni ama para tignan ko siya nang naguguluhan.

"Lalabas ka na mamayang hapon kasama ako. Dadalhin kita sa bulwagan kung saan gagaganapin ang pagsusulit para sa mga taga Ignis, Ventus, Aqua at Terra," pahabol na sabi ni ama sa akin.

Matapos sabihin 'yon ni ama ay tila ba'y parang bumabalik ito sa aking isipan nang ilang beses, dahilan para hindi kaagad ako makasagot. Sumikdo nang mabilis ang aking puso, nanginginig ang aking mga tuhod dahil sa sobrang kaba. At mas lalong tumindi ang pananabik ko.

Napabuntonghininga pa ako ng malalim at halos magsituluan na ang aking mga luha sa mata. Halong-halong emosyon ang nararamdaman ko sa mga oras na 'to.

Inabot na sa akin ni ama ang libro nang tuluyan at nasa kamay ko na ito.

"Sa wakas at masilayan mo na ang labas, Serephain," biglang sabat sa usapan ni ina.

Nakita ko pa siyang pumapanaog ng hagdan. Kahit na meron naman kaming mga pakpak ay gumagamit kami ng hagdan sa bahay, ito ay dahil kung palagi naming ginagamit ang aming mga pakpak ay nakakabawas 'yon ng lakas.

Ginagamit lamang namin ang aming mga pakpak kung kinakailangan.

Pero kabaliktaran naman dito sa Axphain.

Ang mga divine angels ay puno ng pagmamalaki, namuhay sa sobrang biyaya dahil mayroon ang iilan sa mga lahi namin ang may kakayahang magmanipula ng salapi at maging mga ganito. Isa sa dahilan kung bakit tinagurian ang Axphain bilang pinakamayamang lupain sa mundo ng Metanoia.

At saka, sinasanay naming lahat na 'wag masyadong gamitin ang mga pakpak kung hindi naman kailangan dahil ayon pa sa mga paalala ni ama ay magagamit namin ito 'pag dumating na ang araw na 'yon.

"Nasasabik ka na ba, Serephain?" tanong sa akin ni ina at nilapitan ako't niyakap.

"Sobrang pananabik po, ina." Mahina kong sagot at niyakap siya pabalik, sapat na para marinig niya.

Narinig ko naman ang malakas na pagbunton-hininga ni ama dahilan para mapakagat ako ng ibabang labi. Alam kong may kasunod na mga paalala at mga dapat sundin ko. Alam kong masisira na naman ang kaninang pagkasabik ko.

May inabot naman sa akin si ama na isang kulay itim na balabal dahilan para magsikunutan ang aking noo. Tinanggap ko naman ito kahit na wala akong kaalam-alam kung para saan 'to.

"'Yan ay invisibility cloak na pagmamay-ari ng ina mo. Susuotin mo 'yan para hindi ka makikita ng iba. Kailangan mo munang itago ang sarili mo hangga't hindi pa nagbubukas ang Axphain Academy. At ang huli, 'wag kang lalayo sa akin. Sundan mo lang ako. May mga ibang anghel na merong kakayahan katulad ng sa akin," seryosong-seryoso na wika ni ama saka tinalikuran kami't dumiretso sa kuwarto.

Napayuko naman ako sa narinig.

Kailan ba 'to matatapos ang pagtatago ko?

Habang buhay na lang ba akong ganito? Kung habang buhay akong ganito, wala akong mapapala sa labas. Wala akong mapapala kung ipagpapatuloy ko pa ang mga pangarap kong magkaroon ng mga kaibigan at higit sa lahat, makamit ang kalayaang matagal ko ng inaasam.

Pero . . .

"Anak . . ." tawag sa akin ni ina.

Dahilan para mapakagat ako sa aking ibabang labi para pigilan ang nagbabadyang mga luha.

"'Wag po kayong mag-aalala, sasama po ako ni ama mamaya." Pilit kong tiningnan si ina sa mata at ngumiti para ipakita sa kaniya na kaya ko.

Na ipakita sa kaniya na tutuparin ko ang mga pangarap ko kahit sumusuko na ako.

"Alam kong sasama ka, Serephain. Alam kong makakaya mo. Palagi mong tatandaan, ginagawa namin ang lahat para hindi ka mapahamak, maging ang buong pamilya. Sobrang laki ng pangarap namin ng ama mo para sa 'yo. Alam kong nahihirapan ka pero sana sundin mo ang puso kahit na ilang ulit ka pang masaktan, masugatan at madapa. Hanapin mo ang isang bagay na mapaghuhugutan mo ng lakas na ipagpapatuloy mo ang pangarap mong masilayan ang mundo at magkaroon ng kaibigan. Nandito lang ako gagabay at susuporta sa 'yo, naiintindihan mo ba?"

Mataas na wika ni ina dahilan para tumulo ang isang butil ng luha mula sa kanang mata ko.

Nang mapansin 'yon ni ina ay kaagad niya itong pinunasan gamit ang kaniyang hinlalaki. Napapikit naman ako nang maramdaman ang pagdampi ng mga labi ni ina sa noo ko.

Isa lang siguro ang dapat kong gawin, ang masilayan ang mundo na aming ginagalawan nang unang beses. Dahil hindi lang pangarap ko ang dala-dala ko, maging ang pangarap din ni ina.

* * *

Suot na suot ko na ang binigay ni ama na invisibility cloak habang hindi ko pa suot ang talukbong. Napagtanto kong tanging ang ulo ko na lang ang nasisilayan ni ina habang ang buong katawan ko ay hindi na makikita.

Niyakap naman ako ni ina nang buksan ni ama ang pintuan ng aming bahay dahilan para kabahan ako lalo dahil sa sobrang pagkasabik.

Sumalubong sa akin ang nakasisilaw na liwanag galing sa sinag ng araw. Nang mahagilap ng aking mata ang mga iilang babaeng anghel na purong Axphainian ay sumikdo ng mabilis ang puso ko. At napapangiti ako dahil sa tuwa.

Sumipol naman si ama ng ikalawang beses at sa hindi kalayuan ay tanaw ko ang kabayong may pakpak. Nagsilakihan naman ang aking mata sa nasaksihan.

"Alam kong alam mo na kung ano ang tawag sa kanila, Serephain," mahinang banggit ni ama.

"Opo," mahina kong sagot.

Nang makalapit na nang tuluyan ang pegasus ay tila ba'y parang gusto ko itong dambahin ng mahigpit na yakap. Pero pinigilan ko na lamang ang aking sarili dahil baka ikapahamak ko pa.

Nakita ko namang sumakay si ama sa pegasus at sa isang senyales lang niya ay napapasunod ako. Sumakay na rin ako't humawak ng mahigpit sa bewang niya. Mas lalo akong napakapit nang dahan-dahang ipagaspas ng pegasus ang kaniyang mga pakpak pataas.

Marunong naman akong lumipad pero dahil unang beses kong sumakay sa ganito ay parang nanibago lang ako. Itinago ko rin ang aking mga pakpak para iwas gulo, ayon sa sabi ni ama. Wala naman akong ibang magagawa kun'di ang sundin siya.

Nang makataas na ang pegasus ay saka na lamang ako napanatag, dahil medyo kalmado na ang kaniyang paglipad. At sa pagbukas ng aking mga mata ay napahawak ako sa aking bibig sa sobrang pagkamangha.

Pero napakapit ulit ako sa bewang ni ama nang magsimula ng ipagaspas ng pegasus ang mga pakpak niya para kami'y makaalis na.

Subalit, nagsilakihan naman ang aking mata nang biglang may sumulpot na isang babaeng anghel. Napatitig ako sa kaanyuan niya.

Mayroon siyang maputing mga pakpak, mahaba ang mga tainga, maputlang balat, matangos ang ilong, hugis puso ang kanyang mga labi at ang kaniyang kulay gintong buhok. Nakasuot siya ng mahabang bestidang kulay ginto. Sobrang ganda niya.

"Punong mahistrado, bakit ka pala nakasakay ng pegasus? Eh, hindi mo naman palaging dala-dala 'tong si Amael," rinig kong wika nitong babae.

Tumawa naman ng malakas si ama dahilan para bumusangot ito.

"Masyado kang pormal, Ailia," natatawa pa ring wika ni ama.

Gumulong naman ang mata nitong babaeng anghel na tinawag ni ama sa pangalang Ailia. Kahit sa pagkakaroon ng pangalan, sobrang ganda.

"Kahit kailan talaga hindi ka pa rin nagbabago. Pagtatawan mo pa rin ako. Humph!" naiinis na sagot ni Ailia. "Kung hindi lang kita pinsan, naku, tagal ka ng abo!" pahabol pa nitong sabi.

Nanlaki naman ang aking mga mata nang banggitin niya ang salitang pinsan. Kung magpinsan silang dalawa, bakit wala man lang kinuwento sa akin si ama? At bakit hindi ko man lang siya nakilala at bumibisita sa bahay sa mahigit na labing siyam na taon ang nakalilipas?

"Syempre, biro lang naman sa 'kin 'yon. Alam ko naman kung ano ang rason kung bakit dala-dala mo ang pegasus mo." Mas lalo akong nagulat matapos marinig ang sinabi niya.

Ibig sabihin, alam niya?

"Pwede ko bang kunin ang talukbong ng balabal niya, Percival?" Kinabahan bigla ako sa tinanong niya kay ama.

Seryoso?

Tiningnan naman ni ama nang nakakamatay na titig si Ailia. Dahil magpinsan silang dalawa, ibig sabihin pamangkin niya ako't tiyahin ko naman siya?

"Biro lang naman, ito naman parang tanga lang. Hindi ka na nasanay sa akin," medyo may pagtatampong sabi ni Tita Ailia.

Kahit na nababaguhan akong may tawaging Tita ay kailangan ko pa ring magbigay respeto sa mga nakakatanda sa akin. Sa kabila ng pagiging matipid ko sa pananalita, malamig sa iba at pagiging prangka ay meron naman akong respeto sa iba.

Maging sa mga matataas na uri ng anghel. Katulad na lamang ng mga Summa, mga Kapitan ng kabalyero mahiko, mga miyembro ng kunseho mahiko at sa mga mas kilalang nilalang sa buong lupain ng Axphain.

Bagaman, hindi ko sila kilala lahat. Pero naniniwala akong makikilala ko sila sa tamang pagkakataon.

"Magandang hapon sa 'yo, Serephain. Alam kong ngayon mo lang ako nakilala at pagpapasensyahan mo na dahil hindi man lang ako nakabisita sa bahay niyo at masilayan kang lumaki. Eh, sobrang abala ko sa trabaho bilang isang punong-guro sa Axphain Academy at kailangan kong magbigay ng mga ulat sa kunseho tungkol sa mga nagyayari sa loob ng paaralan araw-araw. Ipagpapaumanhin mo sana," depensa pa niya sa sarili niya.

Saka naiilang din ako at walang alam kung ano ang isasagot.

"Okay lang po," maikli kong wika.

Tumango naman siya at napangiti. Nagpaalam naman ito sa amin na mauna na raw siya kaya sa isang iglap ay medyo malayo-layo na ang nilipad niya mula sa kinaroonan namin. Hindi na lamang ako nagreklamo at ginala ang aking paningin.

Saka sumilay sa aking mga matatamis na ngiti sa labi. Ang mga naggagandahang mga nakatayong gusali na ang iba ay kulay ginto. Lahat ng sumasalubong sa mata ko ay puro mga kulay pilak, mga kakulay ng langit na mga gusali at hindi papahuli ang mga gusaling kulay ginto.

Lahat ay kumikinang sa paligid na talaga nga namang nagpapangiti sa akin.

Ayon sa nababasa kong libro, ang lupain ng Axphain ay nakalutang ito sa himpapawid. May sabi-sabi rin na ang aming nasyon ay medyo malapit sa mismong palasyo ng kataas-taasang Diyos na si Akwan, kasama ang iba pang mga Diyos at Diyosa.

Kaya masasabi ko talagang nakalutang ang buong lupain ng Axphain dahil kitang-kita ko ang mga nagsilakihang mga ulap. Pero kahit na meron, hindi naman siya sagabal. Mas lalo pa ngang nakapagdadag ganda sa buong paligid.

May mga iilan ding mga anghel na lumipad, mga anghel na nakasuot ng baluti, mga ibang nilalang katulad na lamang na mga fairies, pegasus, may nahagilap din akong isang hippogriff at dalawang griffin.

Sa kabila ng pagtatago ko sa pamamagitan ng pagsuot ng invisibility cloak para masilayan ang hitsura ng mundo na aking ginagawalan sa unang beses.

Alam ko sa sarili ko na nag-uumapaw sa sobrang saya ang puso ko at lahat ng inaalala ko sa buhay ay biglang naglaho.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top