E P I L O G O
Mag-iisang taon na ang nakalipas matapos sumugod ang mga elves sa nasyong aking kinalakihan. Nakahilata ako sa kama nang walang buhay sa loob ng limang araw. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwalang naranasan kong makapasok sa apat na tarangkahan patungo sa kabilang buhay.
Makilala ang apat na miyembro ng taga-husga sa Tarangkahan ng Panghuhusga. Walang iba kundi sina Ignis, Ventus, Aqua, at Terra. Hiniram ang pangalan nila para ipangalan sa apat na malalaking siyudad ng Axphain. Nakilala ko rin ang ibang mga Summa na napunta sa Elysian Fields.
Muli kong makita sa pangalawang pagkakataon ang diyosang si Divine. At higit sa lahat, nagkaroon ng pagkakataong marinig ang boses ng katas-taasang diyos na si Akwan bago ako magising.
Nandito ako sa loob ng aking kuwarto sa aming mansyon, naghahanda. Naghahanda para mayamaya. Patapos na rin naman ako kaya nagpakawala muna ako ng malalim na buntonghininga upang iwala ang kabang kanina ko pa naramdaman.
"Ay aba, ang ganda ng anak ko ah." Napalingon ako sa labas ng pintuan nang marinig ko ang boses ni ina. Nakabukas kasi ito kaya nakita niya ang aking ayos.
"Hindi naman, ina," nahihiya kong sagot sa kaniya.
Tinignan niya ako ng nangunguryusong tingin. Pumasok siya sa aking kuwarto. At naglabasan naman ang mga pixies, at ang fairy namin sa bahay na si Dana. Naiwan kaming dalawang ni ina sa kuwarto ko. Habang ako naman ay nakaupo pa rin sa upuan, kaharap ng malaking salamin. Nagkakalat pa rin ang mga ginamit na kagamitan para sa aking mukha.
"Aysus, nahulog nga ang pinakaguwapo at sikat na binata sa 'yo, anak. Hindi pa ba 'yan maganda?" nang-aasar na sabi niya sa akin. Sinusundot pa niya ang aking tagiliran.
Nagpakawala ako ng isang nakikiliting tawa. "Si ina talaga. Ilang ulit mo pa ba akong aasarin kay Caspian?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
"Hangga't hindi ka pa niya inaalok ng kasal." Nagsilakihan naman ang aking mga mata dahil sa sinagot niya sa akin.
"Ina." Saway ko sa kaniya.
Nagpakawala siya ng nadidismayang buntonghininga. "Oo na, titigil na. Kasi nga hindi pa siya handa, 'di ba?" Natawa naman ako nang igulong niya ang kaniyang mata.
Nang tumayo ako sa aking pagkakaupo ay napaikot-ikot ako sa harap ng salamin. Nakasuot lamang ako ng magarang kasuotan. Hinati naman sa dalawang kulay ito: itim at puti. Hanggang talampakan ang aking suot na mala-prinsesang damit.
Nagpakawala ako ng isang matamis na ngiti sa labi bago lumabas ng aking silid. Pagkalabas ko'y handa na rin si ama. At ang aming lumilipad na karwahe. Si ina ay nakasuot ng mabalahibong damit na hanggang talampakan din.
Si ama naman ay nakasuot ng itim na pang-ibaba, maging ang suot-suot niyang sapatos. Ang dulo ng kaniyang harapan sa pang-itaas ay nakaipit sa kaniyang pang-ibaba. Habang ang dulo naman sa likuran niya ay hindi. Tila naging kapa niya ito dahil ginupitan ang dulo na hugis pabaliktad na letrang V.
Ang suot niyang pang-ibaba at pang-itaas ay pinaresan niya ng mabalahibong coat. Sa hitsura palang nito ay sobrang bigat. Dahil gawa ito sa balat ng lobo. Hula ko'y galing pa ito sa Cazadorian.
Napangiti ako kay ama nang pumagitna siya sa amin ni ina. Inilahad niya sa aming dalawa ang kaniyang magkabilang braso. Sabay na ipinulupot namin ang aming braso sa braso ni ama. At masaya kaming tatlong pumasok sa naghihintay naming karwahe.
Nang masiguro ng mga pegasus na nasa loob na ang kaniyang mga amo ay dahan-dahan nilang pinagaspas ang kanilang mga pakpak pataas.
"Ganda ng anak natin ngayon, ah." Nakangiting malapad na saad ni ama, dahilan para tumawa ako ng mahina.
Pero kaagad na sinapak siya ni ina sa braso. "Ano'ng sinasabi mong ngayon? Eh, noon pa man maganda na anak natin!" naiinis na saad ni ina.
Tumawa naman ako nang makitang napakamot si ama sa kaniyang ulo. Humingi siya ng paumanhin kay ina na kaagad naman nitong binaliwala. Kaya sa mga oras na ito, sinusuyo na ni ama si ina makuha muli ang loob nito.
Sumilay ang malapad na ngiti sa aking labi nang bumigay naman si ina makaraan ang ilang segundo. Napailing-iling ako habang hindi pa rin nawawala ang ngiti sa aking labi. Nahinto lamang sila sa paghaharutan nang lumapag ang aming lumilipad na karwahe.
Binuksan ni ama ang pintuan at sumalubong sa akin ang napakaraming anghel. Naghihintay sa mangyayari ngayong araw. Naghiyawan sila nang lumabas ako ng karwahe kasama ang mga magulang ko.
Iniyuko ko ang aking ulo bilang paggalang. Tumugon naman sila ng pagyuko din ng kanilang ulo. Lumapit sa amin ang dalawang bagong kapitan ng kabalyero mahiko. Sa kasamaang palad ay isa sa mga nasawi sa digmaan sina kapitan Tellus at Kapitan Kiran.
Nginitian nila kaming tatlo na kaagad din naman naming tinugunan ng matamis na ngiti.
"Sumunod po kayo sa amin, naghihintay na po sa inyo si Suprema Celestia," magalang niyang sabi.
Nang magsimula na silang lumipad ay sumunod naman kami sa kanilang dalawa. Sina ama at ina naman ay nakasunod lang sa aking likuran. Pero dahil gusto kong sumabay na lumipad sa kanila, lumapit ako.
Pinagbuksan naman nila kami ng pintuan ng palasyo. At sumalubong sa akin ang napakalawak na loob nito. Pagkatapos ng araw na ito, dito na ako titira kasama ang mga kaibigan ko't mga magulang ko. Nang makita namin sa hindi kalayuan ang mga inaasahan kong mga anghel ay lumipad ako papalapit sa kanila't niyakap nang mahigpit.
"Ang ganda mo, Serephain." Sabay-sabay na puri nina Borin, Rony, Crystal, at Collyn sa akin. Sumilay ang nahihiyang ngiti sa aking labi.
Nagkatinginan naman kami ng lalaking nakasuot ng magarang kasuotan. Ayos na ayos pa ang kaniyang buhok dahilan para mapangiti ako. Lumapit naman siya sa akin na kaagad din naman akong iniwan ng mga kaibigan ko't binati ang aking mga magulang.
"Gwapo natin, ah." Pang-aasar ko pa sa kaniya dahilan para mahina siyang natawa.
Niyakap niya ako dahilan para mapayakap ako sa kaniya pabalik. "At ang ganda mo rin naman, mahal." Nahihiya ko siyang sinapak sa kaniyang kaliwang braso.
Nakita ko naman siyang sumimangot nang biglang sumulpot sa aking tabi si Ayleth. Sa kabilang dako ng aking mata, nakita kong napasapo sa noo si Suprema Celestia. Tila hindi makapaniwala sa ginawa ng anak.
"Serephain, ang ganda natin!" Tili pa niya dahilan para napatango ako sa kaniya bilang pagsang-ayon.
Nakasuot si Ayleth ng kulay berdeng mala-prinsesang kasuotan. Nabaling ang aking atensyon sa lalaking anghel na tumabi ni Suprema Celestia. Nang mapansin ni Ayleth kung saan ako nakatingin ay hinila niya ako dahilan para nagpatangay na lamang ako sa kaniya.
"Serephain, ang ama ko. Ama, si Serephain, kaibigan ko." Pagpapakilala naman ni Ayleth dahilan para napayuko ako ng aking ulo bilang paggalang.
"Magandang araw po, Ginoong . . ." Napakamot ako sa ulo dahil hindi ko alam ang pangalan niya.
Narinig ko siyang natawa ng mahina. "Pangalan ko'y Raymonthie, Binibining Serephain."
"Magandang araw po, Ginoong Raymonthie." Pag-ulit ko sa gusto kong sasabihin. Napatingin naman ako sa kakaiba niyang mga pakpak. Kulay berde ang pakpak niya sa kanan, habang kulay puti naman ang sa kaliwa niya. "Kayo po ba ay . . ."
"Ako ay isang kalahating Gwenorian at kalahating Axphainian, Binibini." Ngumiti siya sa akin pagkatapos na tinugunan ko rin ng naiilang na ngiti. "Tama nga ang iyong mga kuwento, Cel," sabi niya kay Suprema Celestia.
Tumango si Suprema Celestia suot-suot ang kaniyang matamis na ngiti sa labi. Naistorbo ang aming pagkukuwentuhan nang biglang dumating si kapitana Soliel. Panandalian pa siyang sumilyap sa akin at iniyuko ang kaniyang ulo sa akin.
Pagkatayo ni Suprema Celestia ay siyang pagbukas ng pintuan ng palasyo. Iniluwa roon ang pinsan kong si Nemain kasama ang ina niya. Nakasuot sila ng itim na magarang kasuotan para sa espesyal na araw ko. Maging sa mga kaibigan ko't sa lalaking nag-iisa sa puso ko.
Nagkabatian naman sina ina at Tita Morrigan. Niyakap din ni ama si Tita Morrigan bilang pagbati. Lumapit ako sa kanila. At isang mahigpit na yakap naman ang ibinati sa akin ni Nemain at ni Tita.
"Pinagmamalaki ko kayong dalawa ni Nemain sa buong Cimmeria, Serephain. Kaming lahat ay masaya sa inyong naabot," puno ng senseridad na sabi ni Tita Morrigan.
"Salamat po, Tita." Nagkangitian kami ni Nemain at muling nagyakapan.
Lumabas naman ng palasyo si Suprema Celestia kasama sina Ginoong Raymonthie, mga magulang ko at sina Nemain at Tita Morrigan. Naiwan kami nina Rony, Borin, Crystal, Collyn, Ayleth, at Caspian na hawak-hawak ang aking kamay.
"Magandang araw, Axphain!" rinig kong bati ni Suprema Celestia.
Umalingawngaw pa ang kaniyang boses sa buong siyudad. Marahil ay gamit niya ang bola na gawa sa kaniyang kapangyarihan bilang mikropono.
"Mag-iisang taon na ang nakalipas matapos maghasik ng lagim ang mga madilim na puwersa. At mag-a-apat na pu't pitong na rin ako sa pagsisilbi sa aking bayan bilang kataas-taasang Summa." Narinig ko ang hiyawan ng mga Axphainians matapos marinig ang sinabi ni Suprema Celestia. "At oras na rin para ipasa ko ang responsibilidad sa mga magiging bagong Summa."
Huminto sa pagsasalita si Suprema Celestia at sunod-sunod naming narinig ang malulungkot niyang pagbuntonghininga.
"Sa kasamaang palad, wala rito sina Supremo Alabama, Supremo Esma, Suprema Plomyde, at Suprema Astra na isa sa mga nasawi sa digmaan upang masaksihan ang mga anghel na ito kung ano ang kanilang naabot sa buhay." Namayani ang katahimikan nang bitawan iyon ni Suprema Celestia. "Pero alam kong pinagmamalaki nila ang mga anghel na ito. Nakita ko mismo sa aking mga mata kung paano nila ibinuwis ang kanilang mga buhay para sa kapayapaang noon pa man natin inaasam."
Ang kaninang malungkot na atmospera ay muling nanumbalik ang mga hiyawan ng mga Axphainians. Lahat ay nagsigawan kung paano sila nagpapasalamat sa akin, at sa mga ibang mga anghel na tumulong para puksain ang mga kalaban.
"Kami ni Suprema Drishti, masayang bumaba sa aming posisyon upang ibigay sa mga anghel na karapatdapat. At ngayon ay i-aanunsyo ko na kung sino-sino sila. Handa na ba kayo?" Masiglang tanong ni Suprema Celestia sa mga mamamayan.
Sumagot ang mga Axphainians ng isang malakas na "oo". Napangiti ako at nagkangitian kami ng mga kaibigan ko.
"Ang bagong Suprema ng Terra ay si Suprema Crystal!" Nagpalakpakan ang mga Axphainians nang mabanggit ang pangalan ni Crystal.
Bumukas ang pintuan ng palasyo. Naglakad papalabas si Crystal. Kumakaway kaagad siya nang makita siya ng mga mamamayan mula sa nakabukas na pintuan.
"Ang susunod na aking tatawagin ay ang bagong Supremo ng Ventus. Walang iba kundi si Supremo Rony!"
Rinig na rinig namin hanggang dito ang malakas na palakpakan muli ng mga mamamayan. Gaya ng ginawa ni Crystal ay naglakad papalabas si Rony nang bumukas ang malaking pintuan ng palasyo. Nang makalabas siya ay muling isinara ng dalawang bagong kapitan ng kabalyero mahiko.
Makaraan ang ilang segundo ay biglang tumahimik sa labas. "Ang bagong Suprema ng Ignis ay si Suprema Collyn at ang bagong Supremo naman ng mga taga Aqua ay walang iba kundi ang nag-iisang Supremo Borin!"
Umalingawngaw muli ang malakas na palakpakan at hiyawan ng mga mamamayan. Kaya dahil maingay ngayon ay nagtipon-tipon ang lahat ng mga Axphainians. Mula sa mga malalaking siyudad at sa mga probinsya.
Bumukas ang malaking pintuan ng palasyo. At nagsuot sila pareho ng matamis na ngiti at kumakaway sa mga mamamayan nang lumabas sila.
"Sa pagkakataong ito, mayroon tayong tatlong taga Luxa na magiging Summa. Ang aking susunod na tatawagin ay ang anghel na malapit sa aking puso. Walang kundi ang aking anak na si Ayleth!" Tumili naman si Ayleth sa aking tabi nang marinig niya ang kaniyang pangalan.
Dahil dito mas lalong dumoble ang lakas ng hiyawan at palakpakan ng mamamayan. Nanahimik ang lahat nang dumaan ang ilang segundo mula sa pagkakalabas ni Ayleth.
"Ang aking susunod na tatawagin ay ang lalaking anghel na hinahabol ng karamihang babae. Subalit, isa lamang daw ang babae sa kaniyang puso. Malakas na palakpakan para kay Supremo Caspian!"
Nagkatinginan kami ni Caspian at nginitian ang isa't isa. Bumukas ang malaking pintuan. Umalingawngaw ang napakalakas na palakpakan at hiyawan ng mga mamamayan. Lalo na sa mga kababaihan.
Hinampas ko siya ng mahina sa kaniyang braso nang mapansing nandito pa rin siya sa aking tabi. Tinignan niya ako ng masinsinan. Tila ba'y may hinihintay. Napagulong ang aking mata nang tinuro niya ang kaniyang pisngi.
Nagsiliparan kaagad ang mga paru-paro sa aking tiyan. At napakagat ng ibabang labi. Para umalis na siya sa aking tabi ay mabilisan ko siyang hinagkan sa kaniyang pisngi. Dahilan para sumilay ang matamis niyang ngiti sa labi.
Pagkatapos niyon ay ibinulsa niya ang kaniyang kamay sa magkabilang bulsa niya't naglakad papalabas ng pintuan. Napailing pa ako nang makitang sinuot niya ang kaniyang seryosong ekspresyon sa mukha. Paglabas niya'y naghiyawan muli ang kababaihan.
Nahinto lamang sila sa paghihiyawan nang muling magsalita si Suprema Celestia. "Itong aking susunod na i-aanunsyon ay nakatanggap ng biyaya mula sa mga yumaong mga Summa at maging sa diyosang si Divine. Siya ay pinili ng Diyosa na maging susunod na katas-taasang pinuno ng Axphain!"
Napangiti ako nang marinig ang hiyawan sa labas kahit hindi pa binanggit ang aking pangalan.
"Malakas na palakpakan para sa itinakdang ibinigay lahat ng kaniyang makakaya at binuwis ang buhay para lamang sa ating bayan!" Palakpakan lamang ang aking narinig nang matapos bitawan ni Suprema Celestia ang mga katagang 'yon. "Serephain!"
Nang banggitin ang aking pangalan ay inayos ko ang aking suot-suot na damit. Taas-noong naglakad papalabas ng palasyo. Pagkalabas ko'y laking gulat ko nang nakaluhod na silang lahat para bigyan ako ng paggalang. Maging ang aking mga magulang, sina Tita Morrigan at Nemain, at ang aking kapuwa mga Summa.
"Maari na kayong tumayo." At tumayo sila. Lahat sila ay nagulat dahil kusa silang tumayo sa pamamagitan lamang ng aking mga salita. "Hindi man maganda ang ating unang pagkakakilala, subalit hindi 'yon naging hadlang sa akin para patunayan ang aking sarili. Nandito ako sa inyong harapan hindi bilang isang estudyante at itinakda, subalit nandito ako bilang inyong bagong katas-taasang pinuno ng Axphain!"
Huminto muna ako sa pagsasalita at tinignan silang lahat sa mata. Naghiyawan ang lahat. Nagpalakpakan. At may iilang humihingi ng paumanhin sa isipan nila sa kanilang panghuhusga sa akin. May iilan ding luhaang nakangiti para sa akin.
"Kahit hindi ko pa man nasilayan ang mundo sa labas, hinahangaan ko na si Suprema Celestia. Nakilala ko lamang siya sa pamamagitan ng libro. At minsan, dumadalaw siya sa aming mansiyon nang hindi napapansin ang aming presensya ni ina." Nilingon ko si Suprema Celestia. Nagkangitian kami sa isa't isa.
Maging ang aking pamilya ay kitang-kita ko sa mata na pinagmamalaki nila ako. "Noon, hinihiling ko na lamang na mamatay dahil sa sistema ng aming pamumuhay. Subalit, pinagpasalamat ko pa rin hanggang ngayon na dinala ako ng aking mga magulang sa mundong ito. Dahil kung hindi, walang Serephain na nakatayo ngayon sa inyong harapan."
Muli akong lumingon kina ina at ama. Nakita kong luhaan na si ina. Si ama naman ay pinapatahan siya at hinahagod ang kaniyang likuran.
"At sa kapatid ni ina na si Tita Morrigan, sa kabila ng alitan nila ng ina ko ay tinanggap niya pa rin kami ng buo. Sa pinsan ko namang si Nemain na talagang nagbigay sa akin ng inspirasyon. Sa Tita Ailia ko na sobrang ginagampanan niya ang pagiging tiyahin. Sa guro kong si Ginang Priscilla na tinutulungan ako sa lahat ng dapat kong matutunan bilang isang itinakda. At sa mga kaibigan kong nagbigay sa akin ng aral." Napahinto ako sa lalaking nakatingin sa akin nang malambot. "Higit sa lahat, sa lalaking tinanggap ako kahit sino pa man ako. Sa sobrang ganda ko, ako lang ang nakikita ng kaniyang mga mata kahit na maraming babaeng handa siyang pakasalan."
Napuno ng asaran ang paligid. Habang kami naman ni Caspian ay nagkatitigan. Sa huli, naghawakan na lamang kami ng aming mga kamay. At ibinaling muli ang aking atensyon sa madla.
"Ang tanging mapapangako ko lamang ay ang kapayapaan, at kalayaan. Huwag maging sarado sa mga bagong mga bagay." Tinignan ko ang aking mga kasama. "Handa kaming ibuwis muli ang aming mga buhay para sa ating inang bayan!" Inilagay ko sa aking dibdib ang nakakuyom kong mga palad.
Nanunumpang aking susundin ang mga pinapangako ko. Napansin ko ring ganoon din ang ginawa ng aking kapwa bagong mga Summa. Naghiyawan ang mga mamamayan matapos marinig ang aking mga sinabi.
Nakita ko namang pinitik ni Suprema Celestia ang kaniyang mga daliri. Dahilan para maramdaman naming may nakaputong na korona sa aming ulo. Muling lumuhod ang lahat bilang paggalang sa amin. Makaraan ang ilang segundo ay tumayo muli ang lahat.
Subalit ako naman ang nagulat nang biglang lumuhod sa aking tagiliran si Caspian. Naghiyawan sa kilig ang lahat sa nakakita. Narinig ko naman ang mga mahihinang tili ng aking mga kaibigan nang ilabas ni Caspian ang nakatagong singsing sa kaniyang bulsa.
Hindi ko alam pero biglang nagtuluan ang aking mga luha sa mata. Napansin ko ring ganoon din si Caspian. Ang kabog ng aking puso ay tila umabot sa dulo ng mundo dahil sa sobrang lakas.
"Serephain, aking reyna, ikaw lamang ang bukod tanging babaeng gusto kong makasama habang buhay. Mamahalin kita nang buong-buo. Ikaw lamang ang babaeng gusto kong maging ina ng aking mga anak," panimula niya. Ang buong Axphain ay tila tumahimik. Naghihintay sa tanong ni Caspian at ng aking magiging sagot. "Kaya, Serephain, tatanungin kita. Papakasalan mo ba ako?"
Lalong lumakas ang aking iyak sa itinanong niya. Ang kaninang pinag-uusapan namin ni ina ay tila ba'y bigla na lamang naging totoo.
"Isang matamis na oo, Caspian. Oo, papakasalan kita!" Naghiyawan ang lahat nang marinig nila ang aking sagot.
Sa sobrang tuwa niya ay niyakap ako nang mahigpit nang isuot niya sa aking palasingsingan ang singsing na dala-dala niya. Hinalikan niya ako sa harap ng maraming nilalang.
Ako naman ay ang bukod-tanging babaeng pinakamasaya sa mundong Metanoia.
W A K A S
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top