Prologue
Prologue:
Isang malakas na pagsabog ang pumukaw sa tahimik na bayan ang Anure. Kasabay noon ay ang paglusob ng isang hindi kilalang hukbo ang nagpayanig sa mga tao.
Nagkaroon ng kaguluhan. Ang mga tao ay hindi magkamayaw sa pagtakbo palayo habang hinahabol ng mga espada mula sa mga hindi kilalang kalaban. Ang mga kabahayan ay nasusunog, kaliwa't kanan ang mga sigaw na maririnig. Kasabay nito ang sabay-sabay na pagpatay sa mga tao.
Sa isang iglap lang ay dumanak ng mga dugo ang lugar. Ang bayang masigla at maaliwalas ay napuno ng takot at pighati. Ang araw ay unti-unting natatakpan ng mga usok na siyang nagpapatunay na ang kadiliman ay dumarating.
Samantala, taliwas sa pighati't takot na nararamdaman ng mga tao ay ang kasiyahan at tagumpay na nararamdaman ng mga hindi kilalang kalabang nagsisigaw sa tagumpay.
"Humanda kayo dahil simula sa oras na ito mapapasa'kin na bayang iniingatan ninyo!" sigaw ng lalaki habang may nakakatakot na tawa sa labi. Ang kanyang hitsura at damit ay puro kulay itim mula ulo hanggang paa. May hawak na malaking espadang puno ng dugong tumutulo pa.
Muling napahiyaw ang kanyang mga kasamahan dahil doon habang itinataas ang mga armas na dala.
"Ito na ang simula ng lahat. Sabihin ninyo sa inyong pinakamamahal na hari na hindi magtatagal ay ako na ang mamumuno sa buong Oraya. Ako na ang susunod na magiging hari! Bwahahaha!"
Nang mga sandaling iyon ay biglang kumidlat sa langit, tanda ng peligro.
Mabilis namang dumating sa kaharian ang tungkol sa masamang balita na siyang nagpawindang sa lahat.
"Ipadala ang mga kawal ngayon din!" ma-awtoridad na anunsyo ng hari matapos malaman ang balita sa Anure.
"Masusunod po!" Yumuko ang kawal at agad na umalis.
Hindi na nag-aksaya ng oras ang mga tao. Dali-dali silang nagtungo papunta sa bayan ng Anure upang sugpuin ang mga kaguluhang nagaganap doon.
Samantala, mapapansin ang isang batang lalaki na nagmamasid isang sulok ng lugar, habang ang mga tao ay hindi magkamayaw sa pag-iisip ng paraan upang maresolba ang kaguluhan. Agaw-pansin ang kayumangging buhok nito na magulo. Ang inosenteng mukha ay nabahiran ng pagtataka.
"Prinsipe Aris! Anong ginagawa mo rito sa labas? At bakit gising ka pa?"
"Mama, ano pong nangyayari?" tanong bata sa kanyang ina na siya ring kasalukuyang reyna sa buong Oraya.
"Wala, anak. Nagkakaroon lamang ng munting kaguluhan. Halika na, pumasok ka na sa iyong kwarto."
Sa kabila ng kaguluhang nangyayari sa bayan ay masaya pa ring nangingisda sa sapa ang dalawang musmos na batang walang ibang iniintindi sa buhay kundi ang maglaro sa bukid.
Papatapos na sikat ng araw ng mga oras na iyon. Ang mga hangin ay nagsisilabasan na siyang dahilan upang magsiliparan ang mga dahon sa lupa na tila naghihimutok sa galit. Ang mga puno nama'y sumasayaw na tila nakikisabay sa direksyon ng hangin. Ang mga hamog ay unti-unti na ring nasisilayan. Ito'y tanda na sumasapit na ang kadiliman. Ngunit ang kakaibang usok na nanggagaling sa ulap ang siyang maka-agaw pansin.
Ang dalawang bata ay hindi nagpatinag sa babala ng kalikasan habang masayang nanghuhuli ng mga maliliit na isda sa sapa. Ang kanilang mahahabang saya na kulay puti ay basang-basa ng tubig.
Nang matapos mangisda ay sabay-sabay umuwi ang dalawang magkapatid. Madilim na nang maglakad sila papunta sa kanilang maliit na kubo ngunit kailanma'y hindi nakakaramdam ng anumang takot ang magkapatid.
Hindi na iniintindi ang malamig na simoy na hangin na siyang nagpapaginaw sa kanilang basang katawan.
"Mama, Papa, nandito na po kami!" masayang anunsyo ng batang si Avanah pagkarating sa kubo. Maliwanag sa loob ng kanilang bahay dahil sa malaking lampara na nakalagay sa maliit at kahoy na mesa.
Inilagay ng dalawa ang basket sa gilid ng pintuan at saka muling inilibot ang paningin sa paligid. Ngunit napakunot ang noo ng dalawa nang mapansing ang tahimik ng kubo. Walang mapapansing tao ni anino ng kanilang mga magulang.
"Mama? Papa?" muling tawag ni Avanah ngunit walang sumagot.
"Ate, baka umalis sila?" saad ni Ameya na may pagtataka sa mukha.
"Mm? Pero saan naman sila pupunta?" nakangusong tanong ni Avanah.
"Baka sa baboyan?"
"Pero gabi na." Napalingon si Avanah sa labas ng pintuan nang pumasok mula roon ang kakaiba at malamig na hangin na siyang nagbigay ginaw at kilabot sa kanila. "P-Puntahan kaya natin?"
Umupo bigla si Ameya saka ngumuso sa kapatid. "Pero gutom na ako."
Dahil sa sinabi ng kapatid ay nakaramdam na rin ng gutom si Avanah. "Sige. Hintayin na lang natin sina mama."
"Kumain na tayo, ate." Lalong ngumuso si Ameya at humawak pa sa laylayan ng damit ng kapatid.
"Sige." Lumapit si Avanah sa pintuan at saka ito isinara. Samantala, si Ameya naman ay kumuha ng ulam at kanin sa kaldero na agad inilapag sa mesa.
Nang gabing iyon ay tahimik na kumakain ang magkakapatid. Tanging tunog ng plato't kutsara ang maririnig sa harapan ng mesa. Ngunit ilang minuto na ang nakalilipas ay hindi pa rin dumarating ang kanilang mga magulang na siyang labis nang ikinabahala ng dalawang magkapatid.
"Ate, 'di pa rin umuuwi sina mama. Bumaba kaya sila sa bayan?" saad ni Ameya matapos kumain. Bakas sa kanyang inosenteng mukha ang pagkabahala.
"Uuwi rin sila. 'Wag ka na mag-alala." Nginitian ng nakatatandang kapatid ang bunso. Ngunit sa kaloob-looban ni Avanah ay mararamdaman ang 'di maipaliwanag na kaba sa kanyang munting puso.
Maya-maya lang ay nakarinig sila ng katok mula sa pinto. Agad napatayo ang dalawang magkakapatid sa sobrang tuwa.
"Ayan na sila!"
Dali-daling tinakbo ni Avanah ang pintuan na may malaking ngiti sa mukha. Agad niya itong binuksan sa pag-aakalang makikita ang mga magulang.
"Mama, Papa, saan po ka—"
Natigilan si Avanah nang makitang hindi mga magulang ang nakatayo sa labas kundi mga lalaking nakasuot ng itim na kutamaya at baluti at may hawak pang matutulis na espada na tila bagong hasa lamang. Lagpas sampu ang mga ito.
Bahagyang napaatras sa takot ang bata nang mapatingin sa mukha ng mga lalaking may malaki at nakakatakot na ngisi sa kanilang mga labi.
"S-Sino po kayo?" kabadong tanong ng bata.
Ngumisi ang isang lalaki. "Kami ang inyong bangungot na siyang tatapos sa inyo."
Walang anu-ano'y nilusob ng mga kalalakihan ang buong kubo at pinagsisira ang mga kagamitan. Ang mga bata naman ay kanilang dinakip at dinala sa labas.
"Aahh! Bitiwan niyo po kami!"
"Ateee!"
Hindi magkamayaw sa pagsigaw ang dalawang kapatid nang bigla silang itinali sa isang puno ng mangga sa gilid lang ng kanilang kubo. Sa mga oras na iyon ay bakas ang takot sa dalawang inosenteng bata. Nagsimula ring umatungal ng iyak ang dalawa habang pilit na nagpupumiglas para makawala sa makapal at matulis na tali.
"Pakawalan niyo po kami! Parang awa niyo na po!" umiiyak na sigaw ni Avanah.
Ngunit walang pumapansin sa kanilang mga hinaing. Ang mga 'di kilalang grupo ay bigla na lamang nagbuhos ng mga gasolina sa buong bahay. Maya-maya lang ay sinindihan nila ito at agad na nagtawanan nang mabilis kumalat ang apoy sa buong bahay.
Natuod ang dalawang bata sa nasaksihan. Tila hindi makapaniwala na ang kanilang munting tahanan ay unti-unti na ngayong tinutupok ng nagliliyab na apoy na siyang nagbigay ng liwanag sa buong lugar.
Nanghina si Avanah at Ameya sa nangyari. Habang tinutupok ng apoy ang kanilang bahay ay unti-unti ring nadudurog ang kanilang munting puso. Litong-lito ang dalawang bata sa mga nangyayari.
Maya-maya lang ay biglang sumigaw si Avanah nang matauhan.
"H-Hindi... A-Ang bahay namin. Ang bahay namin! Hindiiii!!!"
Muling nagpumiglas ang bata dahil sa nangyari. Pinilit niyang magwala upang makalaya sa pagkakatali ngunit walang nangyayari bagkus ay nagkasugat lamang siya.
Tinawanan lamang sila ng mga lalaki nang makita ang reaksyon.
"Paalam na sa munting bahay ninyo, mga bata," pang-aasar ng isang lalaking may malaking ngisi sa labi.
"A-Ano po bang kailangan ninyo? B-Bakit niyo po sinunog ang bahay namin?" umiiyak na sigaw ni Avanah.
"Kailangan nang mawala ang mga taong sagabal sa bayang aangkinin namin."
"Ang sama ninyo!" sigaw ni Ameya na umiiyak din kasama ang kapatid.
Muling nagtawanan ang mga lalaki saka hinawakan sila nang mahigpit sa panga.
"Huwag kayong mag-alala. Kayo naman ang susunod na susunugin namin." Nanlamig sa takot ang mga bata dahil sa narinig. "Pero para mas nakakatuwa ay pagpipirasuhin muna namin ang inyong mga katawan. Magandang ideya, hindi ba?"
Ngumisi ang mga ito sa dalawa. Agad namang nagkatinginan sa takot ang magkapatid.
"A-Ate..." Lalong umiyak si Ameya.
"Maawa po kayo sa amin. Pakawalan niyo na po kami! Wala po kaming kasalanan sa inyo!" sigaw ni Avanah sa mga ito na tinawanan lang siya.
"Alam naming wala kayong kasalanan, mga bata. Pero sige, bago kayo mamamatay ay aaminin namin ang nagaganap ngayon." Yumuko nang bahagya ang lalaki saka ginulo ang buhok ni Avanah. "Alam niyo kasi, may nagaganap na malaking gulo sa bayan ngayon. At narito kami upang puksain at patayin ang lahat ng mga taong nakatira dito, kasama na kayo. Kaya pasensyahan na lang."
Walang maintindihan ang bata sa sinabi ng lalaki kung kaya't napatitig siya rito at pinasadahan ng tingin ang buong katawan na siyang hilig niyang gawin. Agad napunta ang kanyang paningin sa isang tattoo sa kaliwang braso nito.
Pero agad ring iyong naagaw nang anu-ano'y tinanggal ng lalaki ang tali ni Ameya saka niya ito kinaladkad papunta sa mga kasamahan. Nanlaki ang mga mata ni Avanah sa nangyari saka nagwala.
"A-Ano pong gagawin ninyo sa kapatid ko? P-Pakawalan niyo siya!"
"A-Ate! T-Tulong!" sigaw si Ameya nang bigla siyang ihiga sa lupa. Kumuha naman ng isang espada ang lalaki at saka ito itinutok sa leeg ng bata.
"Magpaalam ka na sa iyong kapatid, bata. Siya ang mauuna sa inyong dalawa ngayon," nakangising saad nito.
Lalong lumakas ang kaba at takot ni Avanah nang mga sandaling iyon. Hindi niya alam ang gagawin. Gusto niyang iligtas ang kapatid ngunit hindi niya mailigtas ang sarili.
"P-Parang awa niyo na po. P-Pakawalan niyo po ang kapatid ko! Huwag niyo po siyang sasaktan!" umiiyak na sigaw nito. "Mama! Papa! Tulong!"
Ngunit muling nagtawanan ang mga lalaki saka nagawa pang magbiro.
"P-Parang awa niyo na po! Huwag niyo po akong patayin!" umiiyak na sigaw ni Ameya.
"Pakawalan niyo po kapatid ko!" sigaw ni Avanah at lalong nagwala nang makitang iniangat ng lalaki ang espada na tila handa nang putulin ang leeg ng kapatid.
Ngunit dahil makapal ang tali ay nagkasugat lamang siya.
"Patayin mo na!" sigaw ng isa pang lalaki na kasamahan ng grupo.
Nanlaki ang mga mata nang dalawang bata nang makitang bumwelo ng lakas ang lalaki.
"'Waaggg!"
Tila huminto ang oras para kay Avanah nang makitang unti-unting dumadapo sa leeg ng kapatid ang matulis at mahabang espada. Kasabay nito ang sigaw ng lalaking pumupwersa ng lakas.
Nang mga sandaling iyon ay nasagad ang kanyang emosyon. Naghalo ang matinding takot at galit sa kanyang puso. Nang dahil doon ay nakaramdam siya ng kakaibang init sa katawan na nagmumula kamay at paa papunta sa kanyang ulo. Ang kanina'y nanghihinang katawan ay mahikang biglang lumakas.
Mabilis ang sumunod na nangyari. Nagulat na lang ang lahat ng makitang biglang nasunog ng buong katawan ng lalaking papatay sana kay Ameya. Nabitawan nito ang espada at saka agad na nagwala at napahiyaw sa sobrang sakit.
Nanlaki ang mga mata ng mga nakakita saka agad na binalingan ng tingin ang may gawa. Pero ganun na lamang ang gulat na namutawi sa kanilang mukha nang makitang lumiliwanag sa asul ang mga mata ng batang si Avanah. Ang buong katawan nito'y umuusok na tila isang apoy na natupok.
Natanggal ang pagkakatali sa kanyang katawan dala nang pagkakatunaw dahil sa kanyang mainit na katawan.
Nagsiatrasan sa takot at gulat ang mga grupo ng lalaki. Nagkatinginan ang mga ito at maya-maya pa'y agad na kumaripas ng takbo palayo sa lugar.
"Aaahhh! Mangkukulam! May mangkukulam! Demonyooo! Halimaw!"
Nagkanya-kanya nang takbo ang mga lalaki.
Naiwan si Ameya na natulala at takot sa kapatid na ngayon ay tila wala sa sarili habang ang mga mata nito'y nanlilisik sa galit.
"A-Ate..."
Maya-maya lang ay biglang bumulagta sa lupa ang batang si Avanah kasabay ang kapatid na si Ameya na nahimatay sa nasaksihan.
"Anak!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top