Chapter 5: Ang Unang Pagtutuos

Chapter 5:

Kinabukasan, maaga akong nagbihis at nag-ayos. Aalis kaming dalawa ni Yupie ngayong araw upang magpunta sa Oraya Kingdom. Ngayon magaganap ang unang hakbang na sinasabi niya.

Kinuha ko ang aking maliit na punyal at isinilid sa loob ng aking damit. Malayo-layo raw ang Oraya Kingdom at aabutan ng isang oras bago makarating doon kaya kailangan naming magmadali.

"Avanah, tara bilis!"

Dali-daling hinila ni Yupie ang kamay ko palabas ng bahay nang makababa ako sa sala.

"Hindi tayo pwede makita ni papa dahil malalagot tayo," muling saad niya habang hila-hila ako at mukhang tangang sumilip sa labas ng tarangkahan mula sa kanan at kaliwa.

Nang masiguro niyang walang tao ay muli niya akong hinila palayo sa bahay nila. Alas singko pa lang naman ng umaga kaya kalat ang hamog sa paligid. Mabuti na lang at makapal ang damit na suot ko kaya hindi ako nilalamigan. Iilan lang din ang mga tao sa paligid na tingin ko'y puro may mga lakad.

Maya-maya pa ay may isang karwahe ang huminto sa harapan namin. Agad namang sumakay roon si Yupie kaya sumunod ako.

Pinagmasdan ko ang lugar na dinadaanan namin.

Kailangan kong tandaan ang mga lugar dito para sa hinaharap. Madali lang naman tandaan ang lugar. Puro malalaking gusali kasi ang naririto.

Maya-maya lang ay puro mga puno na ang nadadaanan namin. Hindi naman ako inantok dahil nasisiyahan akong pagmasdan ang mga magaganda at makukulay na puno't halaman.

"Nga pala, Avanah. Hindi tayo makakapasok sa loob ng kaharian kaya hanggang labas lang tayo," maya-maya'y saad ni Yupie.

Tumango na lang ako at ngumiti. "Ayos lang."

"Basta ang plano, ah? Obserbahan muna natin ang mga tao. Maliwanag?"

"Mmm."

"O, nandito na pala tayo!"

Agad akong napalingon sa paligid nang huminto ang karwahe. Unang bumaba si Yupie bago ako. Pinagmasdan ko ang buong lugar.

Halos mapanganga ako sa nakita. Walang ibang tindahan o gusali ang naririto maliban lang sa mga punong nakapalibot sa buong lugar. Ngunit ang ganda ng lugar. Dito pa lang sa kinaroroonan namin ay punong-puno na ng mga nagagandahang bulaklak na maganda sa mata. Amoy na amoy ko rin ang mabangong halimuyak nito. Ang mga damo ay halatang alagang-alaga. May iilan ding mga upuan at duyan ang nakalagay sa iba't ibang lugar. Ang lawak ng lugar. Sa madaling salita, para kaming nasa isang magandang parke pero walang mga tao.

Tila nasa isang gubat kami kung hindi lang dahil sa isang malaking tarangkahang nakatayo sa aking harapan ngayon. Gawa ito sa malalaking bato na may mga damo pang nakapaligid.

Ang dami ring mga bantay ang nakatayo sa labas nito habang nagmamasid-masid sa lugar. Lahat sila ay nakauniporme na kulay pilak at may hawak pang espada.

Nang makita kami ng ilang kawal ay agad silang lumapit sa amin kaya naman ay agad akong hinila ni Yupie papalapit sa kanila. Nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam sa kawal. Naiilang ako lalo na't kasamahan nila ang pumatay sa lola't lolo ko.

"Anong kailangan ninyong dalawang naggagandahang binibini rito? Bawal pa kayo rito," saad ng isang kawal.

"Ah, wala lang. Gusto lang sana naming mamasyal dito kung ayos lang po?" mahinhing sagot ni Yupie na ngumiti pa sa kanila nang pagkatamis-tamis.

"Sa susunod na linggo pa pinapayagang mamasyal ang mga tao rito, binibini. Kasalukuyang pinapasarado ng hari ang lugar," seryosong sagot nito.

Napatingin bigla sa akin si Yupie bago muling balingan ng tingin ang kawal na may pagtataka sa mukha. "E? Bakit daw po? Anong dahilan?"

"Hindi namin maaaring sabihin sa inyo ang tungkol sa dahilan ng hari. Pasensya na ngunit kailangan niyo nang umalis." Yumuko ang kawal at akmang aalis na nang muling nagsalita si Yupie.

"Sandali lang po! Kahit saglit lang pagbigyan niyo na po kami. Pangako, hindi kami gagawa ng bagay na makakagulo sa inyo. Gusto lang namin langhapin ang sariwang hangin dito pati na ang magandang tanawin. Pumayag na po kayo," pagmamakaawa ni Yupie habang pinagkiskis ang dalawang palad sa harapan.

"Pasensya na talaga pero hindi maaari. Kung gusto ninyo, bumalik na lang kayo sa susunod na linggo."

"Pero-"

"Huwag niyo na kaming piliting paalisin kayo, binibini. Iniiwasan naming mangaladkad ng babae kaya hanggat maaari rumespeto kayo sa utos ng ating hari."

Wala na kaming nagawa nang talikuran kami ng kawal. Napapadyak naman si Yupie habang nanggagalaiti sa inis na pinagmamasdan ang mga kawal.

"Ang sama ng ugali ng mga kawal na ito. Mamamasyal lang, e. Akala naman nila manggugulo tayo. Kairita, ah?" Napairap si Yupie saka tumingin sa akin. "Tara na nga, Avanah. Sinisira nila ang araw ko. Iniiwasang mangaladkad, mukha nila! Sipain ko sila diyan, e."

Pinagpagan ni Yupie ang kanyang saya saka nagmartsa paalis ng lugar. Napailing na lang ako at saka sinulyapan ang lugar bago sumunod.

"Marami bang namamasyal dito?" tanong ko kay Yupie nang mahabol ko siya.

"Oo. Halos araw-araw maraming pumupunta rito. Karamihan ay puro mga dalaga tuwing hapon," sagot niya na nasa harapan ang atensyon.

"Bakit?"

"Wala pa kasing asawa ang prinsipe kaya nagbabakasakali silang mabihag ang puso nito." Huminto siya at hinarap ako. "Pero lagi silang bigo dahil hindi naman nagpapakita ang prinsipe, lumabas pa kaya tuwing hapon? Iilan nga lang ang nakakakita sa mukha nun, e."

Napakunot lang ang noo ko. "Ha?"

"Wala. Kalimutan mo na. Tara na nga!" Tinalikuran niya ako at nagpamaunang maglakad. Napakibit-balikat na lang ako at saka sumunod.

Mukhang sa susunod na linggo pa kami makakabalik dito. Ganito pala kahigpit ang kaharian. Sa mga kwento nina lola ko lang kasi naririnig ang tungkol dito. At ngayon ay narating ko na nga ito nang tuluyan at nakita. Sadyang malawak at malaki nga ang lugar sa labas pa lang. Nakakamangha ang lugar pero nakakatakot din.

"Hindi tayo nagtagumpay na magmanman ngayong araw, Avanah. Sa susunod na linggo pa tayo makakabalik. Pasensya na," paumanhin ni Yupie nang makasakay kami ng karwahe pabalik sa lungsod ng Asoha.

"Ayos lang. Naiintindihan ko. May ibang paraan pa naman." Binigyan ko na lang siya ng ngiti.

"Tama ka. Mag-isip na lang tayo ng ibang paraan hangga't 'di pa tayo makakabalik doon." Tumango-tango siya at nag-isip. "Mmm... Paano kaya kung libutin muna natin ang buong Asoha? Maraming mga kawal ang nakakalat sa buong lugar. Tiyak makakakuha tayo ng maliit na detalye mula sa kanila."

"Mmm." Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.

Bumalik kami sa kanilang bahay para kumain. Parehas kaming gutom ni Yupie dahil hindi pa kami nag-agahan mula kanina.

Saktong pagdating namin ay naabutan namin sa loob ang papa ni Yupie na kausap ang kanilang panganay na si Koni. Parehas silang nakasuot ng unipormeng damit na tila papasok sa trabaho. Napansin ko pang may hawak na bagahe ang papa ni Yupie.

"Papa! Kuya!" Lumapit si Yupie roon para bumati.

"O, saan ka galing at bakit hindi ka sumabay ng agahan sa amin?" tanong ng papa ni Yupie.

"Ah, may pinuntahan lang po kami ni Avanah."

"Pinuntahan?" Napakunot ang noo ng dalawang lalaki at sabay-sabay na napatingin sa gawi ko.

Umiwas na lang ako ng tingin.

"Saan kayo pumunta?" seryosong tanong ni Koni sa kapatid.

"Diyan lang sa labas. Huwag po kayo mag-alala, hindi naman po kami lumayo." Sinulyapan ako ng kindat ni Yupie.

"Siguraduhin niyo lang, Yupie. Sa susunod na aalis kayo ay magpaalam kayo. Huwag kayong umaalis na hindi namin alam. Tandaan ninyo, delikadong maglakad-lakad sa labas ngayon na walang kasamang lalaki. Baka mapahamak kayo," paninermon ni Koni.

"Tama ang iyong kuya, Yupie," dagdag ng papa ni Yupie saka napabuntong-hininga. "Huwag kayong umaalis ng bahay. Ayokong mapahamak ka, anak. Maraming balitang nakarating sa akin na maraming mga kababaihan ang nawawala at naglalaho sa bayan ng Almasin. Ayokong mangyari iyon dito sa Asoha lalo na sa iyo kaya laging mag-iingat. Maliwanag?"

Tumango lang si Yupie sabay yuko. "Naiintindihan ko po."

"Dapat lang," sagot ni Koni at tumingin sa orasan. "Kailangan ko na umalis. Papa, tara na."

"O, siya, aalis na kami ng kuya mo. Mag-iingat kayo lagi, anak, lalo na't tatlong araw akong mawawala rito," dagdag ng papa ni Yupie.

Napakunot ang noo ni Yupie saka takang nilingon ang ama. "Saan ka pupunta, papa?"

"Pupunta ako sa Abeya upang personal na iimbestigahan ang tungkol sa isang bangkay ng mga kawal na natagpuan sa isang bundok."

"Bangkay ng mga kawal?" Lalong kumunot ang noo ni Yupie.

"Oo. Natagpuan silang naliligo sa sariling dugo at puno ng mga saksak sa buong katawan. May iilan pang sunog na bangkay ang nakita pati na ang ilang mga damo kaya kailangan kong pumunta. Sige na, aalis na kami. Mag-iingat kayo rito."

Tinapik nila ang balikat ni Yupie at saka hinawakan ang ulo nito bago tuluyang umalis ng bahay. Naiwan naman kami ritong tulala at hindi makapaniwala sa narinig.

Kumabog nang husto ang dibdib ko. Hindi ko alam kung tama ba ang narinig ko o baka mali lang ang pagkakaintindi ko.

Mga bangkay ng mga kawal sa bundok ng Abeya. Hindi ako sigurado pero tingin ko iisa lang ang mga kawal na nasa isip ko at ang tinutukoy nila. Nako po! Paano nila natagpuan ang mga bangkay kung nasa liblib ito ng kagubatan at kabundukan? May naligaw ba roon at nakita ang mga katawan?

Bigla akong kinabahan. Ang daming pumapasok sa isip ko. Hindi ko alam ang gagawin sa oras na malaman nilang ako ang pumatay sa mga kawal.

Napakuyom na lang ako ng kamao.

"Avanah, ayos ka lang?" Napalingon ako kay Yupie na ngayon ay may pagtataka sa mukha habang nakatingin sa akin.

"H-Ha?"

"Sabi ko ayos ka lang ba? Pinagpapawisan ka kasi."

Napakapa ako bigla sa noo. Doon ko napagtantong pinagpapawisan nga ako.

"Ah, ayos lang ako. Naiinitan lang siguro ako." Tumawa ako para itago ang totoong nararamdaman.

Tinitigan niya ako saglit bago nagkibit-balikat at ngumiti. "Sige, sabi mo, e. Tara, kumain na tayo."

"Mmm." Sabay naming tinahak ang daan papuntang hapag-kainan nila.

"Nakakapagtaka ang mga sinabi ni papa kanina. Bakit naman may namatay na kawal sa bundok ng Abeya? May nangyari kayang gulo roon? Noong huli kong punta roon wala namang kakaiba. Namasyal pa nga kami ng pinsan ko sa isang lawa pero wala namang balita na kumalat tungkol sa mga gulo o bangkay." Napakunot ang noo ni Yupie na tila may iniisip pero agad ring napailing. "Hay... Hindi na talaga natatapos ang mga gulo sa mundo. Sana naman ay ligtas na makakarating si papa."

Napatingin ako sa kanya nang bumuntong-hininga siya.

"Yupie."

"Mmm?" Sumulyap siya sa akin.

Napakagat-labi ako bago muling magsalita. "Anong trabaho ng papa mo?"

"Papa ko?" Tumango lang ako habang naglalakad. "Isang heneral ang papa ko. Bakit?"

"Heneral?"

Tumango naman siya. "Oo, heneral. Siya ang naghahawak sa mga kawal na nakadestino sa labas ng kaharian. Pero hindi siya ang pinakamataas. Siya rin ang kasalukuyang namumuno at nagtuturo sa mga bagong lalaki na gusto maging kawal at mandirigma ng Oraya Kingdom."

Napahinto ako sa kanyang sinabi. Gulat at pagtataka ang namayani sa buong mukha ko. Namumuno at nagtuturo sa mga kawal.

"Kung ganun, maaaring konektado siya sa mga kawal na kumuha sa kapatid ko!" bulalas ko.

Tumango naman siya. "Tama. Pero sa ngayon hindi natin maaasahan si papa lalo na't mabilis siyang maghinala sa mga maliliit na galaw natin. Pero huwag kang mag-alala, pagbalik niya magtatanong ako. Aalamin din natin ang mga kilos at mga lakad niya."

"Tabi! Tabi!"

Halos matumba kaming dalawa ni Yupie sa gulat nang biglang sumulpot ang isa pa niyang kuya na si Turi at itulak kami. Pero imbis na huminto at humingi ng tawad ay dumiretso lang siya at nagmamadaling tumakbo palabas ng bahay na siyang ipinagtaka ko.

"Teka sandali, kuya! Anong nangyayari-"

"Yupie!"

Napalingon kami sa isa pa niyang kapatid na si Han na nagmamadaling bumaba sa isang hagdan at nilapitan kami. Nakasuot siya ng itim na barong pero wala sa ayos dahil sa pagmamadali na tila may hinahabol.

"Kuya Han, anong nangyayari? Bakit tumatakbo si Kuya Turi?" takang tanong ni Yupie rito.

"Makinig kayo." Hinawakan ni Han si Yupie sa magkabilang balikat at saka ito tinitigan sa mata. "Huwag kayong lalabas ng bahay. Maliwanag?"

"Ha? Bakit?" Nalilitong tiningnan ng babae ang kanyang kuya.

"Nagkakagulo ngayon sa labas kaya huwag kayong lalabas ng bahay dahil delikado. Maliwanag? Dito lang kayo."

"Ano? Hindi kita maintindi-"

"Kailangan ko na umalis."

"Sandali lang kuya-"

Wala nang nagawa si Yupie nang tuluyang umalis at tumakbo palabas ng bahay ang kanyang kuya.

Naiwan naman kami ritong nagtataka at nalilito. Sinundan ko ng tingin si Han. Hindi ko alam pero masama ang pakiramdam ko sa sinabi niya. Kumabog nang mabilis ang puso ko.

Maya-maya pa ay nagkatinginan kami ni Yupie. At sa pagkakataong iyon, pareho lang kami ng pinapahiwatig.

"Tara!"

Hindi na kami nag-aksaya ng oras. Dali-dali kaming lumabas ng bahay at saka sumunod sa kanyang mga kuya.

Pero napatigil kami nang makitang nagkakagulo ang mga tao sa labas. Kaliwa't kanang takbuhan ang mga kababaihan dala-dala ang ibang mga bata at gamit. Ang dami ring nagsisigawan at nagtitilian. Halos lahat sila ay sa iisang daan lang tumatakbo. Samantala, ang mga kalalakihan naman ay sinasalungat sila. Ang ilan pa ay nagbabanggaan.

Maya-maya lang ay nakarinig kami ng isang malakas na pagsabog sa kung saan. Agad namin itong sinundan ng tingin. Pero nanlaki ang mga mata ko nang makitang kumakalat ang isang usok sa ulap mula sa isang lugar na pinupuntahan ng mga lalaki.

"Avanah, doon!" Naunang tumakbo sa akin si Yupie papunta sa pinanggalingan ng usok. Agad akong sumunod sa kanya.

Pero napahinto ako nang makita ang isang ale na nadapa. Kasabay noon ay nagsikalat ang kanyang mga gamit na dala.

Agad ko siyang nilapitan at tinulungang makatayo. Pinulot ko rin ang kanyang mga gamit bago ito ibalik sa kanya. Nagpasalamat naman siya bago tumakbo palayo.

Akmang susunod na sana ako papunta sa pinangyarihan ng gulo pero muli akong napahinto nang makita ang isang batang babae na umaatungal ng iyak habang sumisigaw ng 'mama'.

Natumba pa siya nang may bumangga sa kanyang tao pero hindi siya nito tinulungan. Bagkus ay nagpatuloy lang ito sa pagtakbo.

Dali-dali kong nilapitan ang bata at tinulungang makatayo.

"Halika." Kinarga ko siya at naghanap ng ligtas na lugar.

May nakita akong isang puno sa 'di kalayuan kaya naman ay agad ko iyong tinakbo at ibinaba ang bata.

Umiiyak pa rin siya habang nakatingin sa akin. Yumuko ako at hinawakan ang kanyang magkabilang pisngi.

"Huwag ka na umiyak. Mahahanap ka rin ng mama mo. Dito ka lang, ah? Huwag kang aalis. Maliwanag ba?"

"Saan ka po pupunta? Huwag niyo po akong iwan. Natatakot po ako." Hinawakan niya ang aking kamay na tila takot na takot sa sobrang higpit.

"Huwag kang matakot. Walang mangyayaring masama sa iyo."

"Pero may mga halimaw po akong nakita. Natatakot po ako sa kanila."

"Halimaw?" Napakunot ang noo ko sa kanyang sinabi.

"N-Nakita ko po silang sinusunog ang isang gusali roon. Halimaw po sila. Nakakatakot po sila." Lalo siyang umiyak.

Napatingin ako bigla sa pinanggalingan ng usok. Lalo itong kumakapal na tinatakpan na ang araw. Dumarami rin ang sigaw na naririnig ko. Kinabahan ako bigla.

"Dito ka lang." Pinaupo ko ang bata sa ugat ng puno saka dali-daling tinakbo ang lugar.

Pero nagulat ako sa bumungad sa akin. Nagliliyab sa apoy ang isang malaking gusali kung saan pilit inaapula ng ibang tao. Puno rin ng usok dito kaya napatakip ako ng ilong.

Samantala, lalong nagkakagulo rito. Kaliwa't kanan ang sagupaan ng mga tao laban sa kalaban. Ang mga kawal ay labas-masok sa loob ng gusali na tila may sinasagip na mga tao. Ang iba ay ginagamot ang mga taong sugatan at hinihila ito palayo sa lugar.

"May naiwang bata sa tuktok ng gusali!" Napalingon ako sa isang kawal na 'di malaman ang gagawin. Kausap niya ang isa pang kawal na buhat-buhat ang isang ginang na nanghihina at madungis.

"Sagipin mo!" sigaw nito sa kanya.

"Hindi ko kaya! Masyado nang mainit sa loob. Nagkalat na ang apoy! Pati mga pintuan ay nagliliyab!"

"Humingi ka ng tulong sa iba!"

Napatingin ako bigla sa tuktok ng gusali. Totoo ang sinabi ng kawal. Sa hitsura pa lang nito ay mahirap na ngang makapasok lalo na sa mga ordinaryong tulad nila. Dito pa lang sa kinatatayuan ko ay tanaw ko na ang nagngangalit na apoy.

Naglibot ako ng tingin sa buong paligid. Naghanap ako ng pwedeng gawin. Wala namang nakakapansin sa akin dahil abala ang lahat sa ibang tao kaya naman ay pumulot ako ng isang tela na nakita at pumunta sa likod ng isang sirang kahoy at doon ay binalot ang mukha ng tela.

Paglabas ko ay dali-daling pinasok ang loob ng gusali. Doon ako dumaan sa isang pintuan kung saan walang makakapansin sa akin. Pagdating sa loob ay ramdam ko ang mainit na atmospera. Punong-puno ng usok at apoy ang paligid.

Hindi na ako nag-aksaya ng oras. Agad kong hinanap ang isang daan paakyat sa taas. Maraming sira-sira at nagliliyab na mga kahoy ang nakaharang pero dahil apoy nga ang mayroon sa katawan ko ay mabilis ko lang ito naitabi na hindi nasasaktan.

Bawat palapag na nadadaanan ko ay punong-puno ng apoy. Binilisan ko ang pagtakbo papunta sa pinakatuktok ng gusali. Kailangan kong mailigtas ang isang bata roon.

Saktong pagdating sa pinakatuktok ay nakarinig ako ng atungal ng iyak ng isang bata. Nakasarado ang pintuan kaya naman ay buong pwersa ko itong sinipa. Pero hindi ko inaasahan ang bumungad sa akin. Nakatayo sa aking harapan ang isang tao na nababalot ng itim na damit mula ulo hanggang paa.

Nang makita niya ako ay agad niya akong sinugod ng isang espada pero naiwasan ko ito. Agad kong inilabas ang aking punyal. Narinig ko pa siyang tumawa nang makita ang hawak ko.

Naningkit ang mga mata ko at pinaglaruan ang punyal na hawak. Nang makita niya ang ginawa ko ay muli siyang sumugod. Nagpalitan kami ng atake sa isa't isa. Ordinaryong tao lang siya kaya mabilis siyang nasaktan nang itulak ko siya sa isang kahoy na nagliliyab ng apoy.

Dali-dali kong hinanap ang bata sa buong paligid. Pero nagtaka ako nang mapansing hindi masiyadong umuusok at umaapoy sa bahaging palapag na ito.

"Tulong po! Tulong!"

Dali-dali kong hinanap ang pinanggalingan ng boses. Maraming mga pintuan dito kaya nahirapan akong hagilapin ang bata. Ang dami ring mga papel at nasusunog na kahoy ang nakakalat sa paligid.

"Tulong! Tulong!" Lalong umatungal ng iyak ang bata kaya naman ay lalo kong binilisan ang paghahanap sa kanya.

Pero may isa na namang tao na nakabalot ng itim na damit ang bumungad sa akin sa ibang pintuan. Pero sa pagkakataong ito ay hindi siya nag-iisa. May kasama siyang isang lalaki kung saan nakikipagpalitan ng atake sa kanya.

Panandalian akong natulala sa kanila. Nakamaskara ang isang lalaki kaya hindi ko makita ang mukha niya. Maliliksi at mabibilis din ang mga kilos at galaw niya na halos ikatalo ng lalaking kalaban. Ang bilis ng bawat atake nila sa isa't isa na halos hindi ko na masundan ang mga galaw. Rinig na rinig din sa buong paligid ang kiskisan ng kanilang mga espada.

Tila hindi nila napapansin ang presensya ko dahil sa sobrang pokus sa mga atake ng bawat isa.

"Aaahhh!" Naagaw ng atensyon ko ang sigaw ng bata. Dali-dali kong tinakbo at pinasok ang isa pang pintuan ng kwarto.

Pero hindi ko inaasahan ang bumungad sa akin. May isang babae ang siyang nakatayo sa harapan ng dalawang batang babae kung saan parehong nakagapos ang buong katawan. Nakasuot ito ng itim na balabal, ganoon din sa suot nitong kulay itim na sumbrero sa ulo na pabulaklak ang disenyo.

Mayroon siyang itim na awra at nakakatakot na mga ngiti sa labi. Ang mga kuko ay mahahaba at halatang matutulis. Nakaluhod naman sa kanyang harapan ang dalawang batang babae na halatang takot na takot sa kanya.

Akmang sasakalin niya sana ang isang bata pero hindi niya na naituloy nang makita ako. Bahagya pa siyang nagulat kaya naman ay agad ko siyang hinagisan ng punyal at sinugod.

Pero laking gulat ko nang makitang sinalo niya lang ang punyal nang walang kahirap-hirap. Ni hindi man lang siya nabigla o ano. Napahinto ako dahil doon.

Paanong—?

Pinagmasdan niya ang punyal saka ito inamoy at dahan-dahang tumingin sa akin sabay ngisi.

"Ito ang unang beses na makakita ako ng isang babaeng kayang makipagsabayan sa mga lalaki pagdating sa labanan. Kahanga-hanga. Hindi ba't ipinagbabawal ito sa inyong lipunan?"

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Oo nga pala! Nakalimutan kong baro't saya ang suot ko! Lagot na! Kinabahan ako bigla.

Naglakad naman siya papalapit sa akin dala ang isang ngiting hindi mo mawari.

"Ikinagagalak kong makilala ang tulad mong matapang na babae. Ngayon ay hindi na ako nag-iisa dahil may kasama na akong isang tulad mo."

Napaatras lang ako nang iabot niya sa akin ang aking punyal. Kinuha niya ang aking kamay at doon dahan-dahang inilagay ang punyal. Napahigpit tuloy ang hawak ko rito.

"S-Sino ka?" kinakabahang tanong ko.

"Ako?" Napangisi siya at naglakad palibot sa akin. "Ako lang naman ang babaeng pinagkaitan ng tadhana. Ang babaeng inabandona ng sariling bayan ngunit muling nagbabalik upang bawiin ang nararapat sa kanya."

"A-Anong ibig mong sabihin?" nalilitong tanong ko.

"Sabihin na lang nating minsan na akong namatay ngunit muling binuhay ng pagkakataon upang maging malakas at matapang." Huminto siya sa aking harapan at tinitigan ako sa mata. "Ngunit hindi gaya mo, ako ay higit pa sa iyong inaasahan."

"Lumayo ka sa kanya!"

Napaatras ako sa gulat nang may biglang espada ang lumipad sa gawi namin. At dahil nakailag nga kami ng babae ay bumulusok ito at tumama sa isang pader.

Agad kong sinundan ng tingin ang may gawa. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang lalaking nakamaskara na siyang nakita kong nakikipagpalitan ng atake sa isang kalaban kanina.

Habol-hininga siyang nakatitig nang masama sa babaeng kasama ko. Maya-maya pa ay bigla siyang sumugod sa babae na agad namang umilag.

Mabilis ang sumunod na nangyari. Sa isang iglap lang ay naglalaban at nagpapalitan na ng atake ang bawat isa sa kanila. Ako naman ay tila natuod sa nasaksihan. Hindi dahil sa pagkamangha dahil sa bilis ng kanilang mga galaw kundi dahil sa babaeng hindi ko inaasahan na malakas at magaling makipaglaban.

Kakaiba ang lakas na mayroon siya. Parang sisiw lang sa kanya ang makipagpalitan ng atake sa kalaban. Naguluhan ako bigla sa mga nangyayari.

Natauhan lang ako nang marinig ang iyak ng dalawang bata na nasa sulok. Dali-dali ko silang nilapitan at kinalasan ng tali sa katawan. Bakas ang takot sa kanilang mga inosenteng mukha habang walang tigil sa pag-iyak.

"Tahan na. Ililigtas ko kayo," sabi ko sa kanila at agad na hinila palabas ng kwarto.

Pero hindi pa man kami tuluyang nakakalabas ay may biglang espada ang bumulusok sa harapan namin. Tumama ito sa pintong nababalutan ng apoy.

Napahinto ako at agad na nilingon ang may gawa.

"Hindi mo maaaring dalhin ang isa sa mga batang iyan!" sigaw ng babae habang walang tigil sa pagdepensa laban sa lalaki.

Napatingin ako sa mga bata na ngayon ay sobrang higpit ng pagkakahawak sa akin na tila takot na takot. Hindi pa rin sila tumitigil sa pag-iyak kaya naman ay itinago ko sila sa aking likuran.

"H-Hindi mo sila maaaring kunin!" sigaw ko.

"Tumakas na kayo! Iligtas mo na ang mga bata ngayon na!" sigaw ng lalaki sa akin habang pilit na hinaharangan ang babaeng gustong lumapit sa akin.

Hindi na ako nag-aksaya ng oras. Agad kong kinarga ang dalawang bata saka dali-daling lumabas ng kwarto pero natumba lang kaming tatlo nang may biglang tipak ng kahoy ang lumipad sa gawi namin. Mabuti na lang at naiwasan ko iyon kaya naprotektahan ko ang dalawang bata pero tinamaan pa rin ako sa kaliwang balikat. Mabuti na lang at hindi ako tinatablan ng apoy kaya sugat lang ang natamo ko.

Lalong lumalakas ang apoy dito sa paligid. Napaubo na rin dahil sa init at usok ang mga bata kaya naman ay muli ko silang kinarga at tumakbo pero napahinto akong muli sa gulat nang makita ang hindi kapani-paniwalang mga bagay na nasa harapan.

Ang mga kahoy at iba pang kagamitan ay nakalutang sa ere! Nakalutang sa ere!

Nanlaki ang mga mata ko.

"A-Anong—"

"Sinabi nang hindi mo pwedeng kunin sa akin ang mga bata! Isa kang lapastangang babae!"

Hindi ko inasahan ang sumunod na nangyari. Basta nagulat na lang ako nang bigla akong lumipad at tumilapon sa sahig. Tumama ang likuran ko sa isang pader kaya naman ay napahiyaw ako sa sobrang sakit.

Nang idilat ko ang mga mata ay laking gulat ko nang makitang kinokontrol na ng babae ang mga kagamitang lumilipad sa ere.

"A-Anong—"

"Ngayon, alam niyo nang dalawa ang sekreto tungkol sa akin," nakangising saad niya habang nagpalipat-lipat ng tingin sa akin at sa lalaking ngayon ay nakadikit sa pader habang nagpupumiglas at pilit makawala sa kapangyarihang tingin ko'y nanggagaling din sa babae. Sinasakal siya at kinokontrol ng kapangyarihan nito.

"B-Bitiwan mo ako!" sigaw niya habang nilalabanan ang pagkakakontrol sa katawan niya.

Tumayo ako at sinubukang sugurin ang babae pero muli lang lumipad at tumilapon sa pader nang ikumpas niya ang kanyang mga kamay.

"Hindi ninyo ako kayang talunin kahit ano pang gawin ninyo. Bakit? Dahil ang tinatawag ninyong bruha ay may kapangyarihang kayang wasakin ang buhay ninyo!" Tumawa lang siya na tila nababaliw na saka ako nilingon.

"Ikaw, totoong pinapahanga mo ako sa tapang na mayroon ka, kapwa ko binibini. Biruin mo, sinubukan mo pang iligtas ang mga bata mula sa akin. Alam mo bang hindi ko inaasahan ang iyong ginawa? Kung gusto mo, pwede kang sumanib sa pwersa ko tutal hindi ka rin naman tatanggapin sa lipunang ito na puno ng pang-aapi at pagmamaliit sa mga babae," dagdag niya.

"H-Hindi ako sasama sa iyo!" sigaw ko.

"At bakit naman hindi? Alam mo bang sa oras na malaman ng ibang tao ang tungkol sa ginawa mong ito ay mapaparusahan ka?" Bumaling siya sa lalaki at saka natawa. "Ay! May nakaalam na pala. Swerte mo na lang na natatakpan ang iyong mukha kaya hindi ka niya nakikilala. Tama ba ako, ginoo?"

"Tumahimik ka!" sigaw nito na nagpupumiglas makawala pero tinawanan lang siya ng babae.

"Nakakatawang isipin na nagsasama tayong tatlo sa iisang lugar na parehas may itinatago sa isa't isa. Isang babaeng nagtatago sa loob ng telang nakabalot sa mukha, isang lalaking nakasuot ng itim na maskara. Ang kaibahan nga lang, alam niyo na ang sekreto ko. Nakakatawa, hindi ba?"

"S-Sinabi nang manahimik ka, e! Pakawalan mo akong bruha ka!"

"Sige. Sabi mo, e."

Natumba ang lalaki sa sahig nang makawala sa kapangyarihan ng babaeng tinawanan lang siya.

"O, siya, paano ba iyan? Kailangan ko nang umalis. Magkita na lang tayo sa susunod. Paalam!"

Wala na akong nagawa nang kinuha niya ang isang batang babaeng nawalan na ng malay dahil sa takot.

"W-Wag!" Sinubukan kong makalapit sa kanila pero muli akong hinagis ng babae sa pader.

Inikot niya ang balabal na suot at sa isang iglap lang ay naglaho sila kasama ang batang babae na parang bula. Kasabay noon ay biglang nahulog ang mga kahoy at kagamitan sa sahig na nakalutang sa ere.

**/**/***/**/***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top