Chapter 4: Unang hakbang
Chapter 4:
Sabay-sabay naming tinahak ni Yupie ang daan papunta sa magiging pansamantalang kwarto ko.
Pagkatapos niya akong pilitin kanina ay talagang naidala niya ako rito sa bahay nila. Mabuti na lang at mababait ang kanyang mga magulang na mainit akong sinalubong kaya hindi na nagkaroon ng problema. Pumayag din silang manatili ako rito pansamantala at pinasalamatan pa ako nang ikwento ni Yupie ang tungkol sa pagtulong ko.
Pero may isang bagay akong hindi inaasahan. Hindi ko inakalang mayaman ang pamilya ni Yupie. Isang mansion ang kanilang tahanan at napakaganda at napakalawak nito sa labas pa lang. Mula sa mga bulaklak ng rosas na pinalilibutan ang kanilang buong bahay at iba pang mga kagamitan na yari sa matitibay at mamahaling materyales.
Hindi ko mapigilang mamangha sa buong paligid habang naglalakad kami paakyat sa ikalawang palapag. Kulay puti at berde ang tema ng bahay na mas lalong pinaganda ng isang malaki at kumikinang na aranya (chandelier) sa kisame.
Ito iyong tipong maiinggit ka sa ganda ng bahay nila.
"Anong masasabi mo sa bahay namin, Avanah?" maya-maya'y tanong ni Yupie habang naglalakad sa mahabang pasilyo.
"Maganda. Nakakamangha."
Napangiti naman siya. "Talaga?"
Tumango lang ako. "Hindi ko inakalang mayaman pala kayo. Ang simple kasi ng pananamit mo kaya akala ko simpleng tao ka lang."
Natawa lang siya. "Hindi naman kasi ako maarte tulad ng ibang babae. Isa pa, hindi ka naman nagtanong at hindi ko rin kailangan ipalandakan sa iyo na anak ako ng mayamang tao."
Huminto kami sa isang malaking pintuan saka humarap sa akin si Yupie.
"Narito na tayo sa magiging kwarto mo. Magpahinga ka na, alam kong pagod ka. Bukas na lang tayo mag-usap."
Ngumiti ako sa kanya saka tumango. "Maraming salamat."
"Walang anuman! Magkaroon ka nawa ng magandang panaginip!"
Tumalikod na siya habang dala ang isang magandang ngiti sa labi. Ako naman ay napabuntong-hininga habang sinusundan siya ng tingin. Nang mawala siya ay saka ko binuksan ang pintuan at pumasok.
Napangiti ako sa nakita. Kung gaano kaganda sa labas, ganun din dito. May isang malaking kama sa gitna at maliit na mesa sa gilid. May malaking aparador malapit sa isang malaking bintana na tinabunan ng kulay dilaw na kurtina. Simple lang naman siya pero ang ganda at ang aliwalas sa paningin.
Lumapit ako sa kama at dahan-dahang umupo. Lalo akong napangiti dahil ang lambot ng kama. Napapikit na lang ako at humilata. Nakaramdam ako ng antok. Ang sarap sa pakiramdam na mahiga sa malambot na kama. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako mananatili rito kaya lulubos-lubusin ko na ito.
Kinabukasan, maaga akong nagising kaya naman ay inayos ko ang mga gamit at dinama ang bagong atmospera ng buong kwarto. Nagbihis na rin ako at tiningnan ang sarili sa malaking salamin na nakadikit sa malaking aparador.
Nakasuot lang naman ulit ako ng kulay puting damit at saya. Pinusod ko ang aking buhok at inayos ang bangs na medyo magulo. Isa sa mga dahilan kung bakit ako may bangs ay upang itago ang isang peklat na hugis linya sa aking noo. Maliit lang naman ito at 'di gaano halata pero ito'y tanda ng isang malupit na nakaraang dapat ko na kalimutan.
"Avanah? Gising ka na ba?"
Napalingon ako sa pintuan nang may kumatok.
"Kung gising ka na bumaba ka na lang para sabay-sabay na tayong mag-umagahan, maliwanag?" muling sambit nito.
"Sige!"
Dali-dali kong inayos ang sarili saka lumabas ng kwarto. Pagdating sa kanilang sala ay sinalubong naman ako ng magandang ngiti ni Yupie. Nakasuot siya ng magarbong baro't saya na kulay dilaw. Bagay na bagay iyon para sa morena niyang katawan.
"Magandang umaga, Avanah!"
"Magandang umaga, Yupie."
"Nakatulog ka ba nang maayos?"
Tumango ako saka ngumiti. "Oo. Maraming salamat."
"Mabuti naman. Tara, kumain na tayo! Naghihintay na sila sa atin sa hapag-kainan."
Sabay-sabay na naming tinahak ang daan papunta sa kanilang hapag-kainan. Pagdating doon ay nadatnan namin ang kaniyang magulang na kumakain. Pero napakunot ang noo ko nang makitang may tatlo pa itong kasamang mga lalaki na tingin ko'y 'di nalalayo sa edad ko.
"Magandang umaga, mama, papa, at mga kuya!" bati ni Yupie sa mga ito dahilan para mapalingon silang lahat sa amin.
"O, nandiyan na pala kayo. Halina't sabay-sabay tayong mag-agahan," nakangiting saad ng mama ni Yupie na sa pagkakaalala ko ay Dera ang pangalan.
Hinila ako ni Yupie paupo sa kanyang tabi. Kaharap ko ngayon ang tatlong lalaki na nakatitig sa akin. Nakaramdam ako ng ilang dahil doon. Kaya naman ay ibinaling ko sa mga pagkaing nasa mesa ang aking paningin.
Hindi ko maiwasang mamangha at makaramdam ng gutom nang makitang ang daming putahe ang nakahanda. May iba't ibang klase ng manok, baboy at gulay ang naririto na sadyang nakakatakam talaga!
Napalunok na lang ako.
"Kain na, Avanah. Kumuha ka lang ng gusto mong kainin," nakangiting saad ni Yupie habang nilalagyan ng kanin ang kanyang pinggan.
"Sige na, hija. 'Wag kang mahihiya. Tikman mo ang luto ng aking asawa," dagdag naman ng papa ni Yupie na ngayon ay nakangiti rin sa akin.
Matanda na ito pero makisig at malusog pa rin ang pangangatawan. Agaw-pansin din ang makapal na balbas at kanyang salamin sa mata.
"Ito, hija. Tikman mo ito." Pinaglagyan ako ng pritong manok ni Tita Dera sa plato na siyang ikinahiya ko kaya naman ngumiti na lang ako.
"Maraming salamat po."
"Nawa'y magustuhan mo." Nginitian niya ako. Napatango na lang ako at tinikman ito.
"Ito pa, Avanah. Kumain ka nang marami." Muling nilagyan ni Yupie ng isang gulay ang plato ko kaya wala na akong nagawa kundi kainin lahat iyon.
Masarap naman ito lalo na iyong pritong manok kaya ginanahan akong kumain. Isa pa, gutom na rin ako kanina pa.
"Sino siya, Yupie?"
Napaangat kaming lahat ng tingin sa isang lalaking katabi ng papa ni Yupie. May hitsura ito at halatang matangkad. Nakaayos din ang buhok nito pero bakas ang pagiging seryoso at ma-awtoridad na awra. Nakasuot siya ng kulay itim na barong tagalog na tingin ko'y may lakad.
"Ay, nakalimutan ko palang ipakilala sa inyo ang kaibigan ko." Ngumiti si Yupie at sumulyap sa akin. "Mga kuya, siya si Avanah. Kaibigan ko. Avanah, sila ang mga kapatid ko. Si Kuya Koni, ang panganay namin, Kuya Han, ang pangalawa, at Kuya Turi."
"Ikinagagalak kong makilala ka, Binibining Avanah." Tumayo ang isang lalaking kaharap ko na Turi ang pangalan saka inilahad ang kamay. Napatayo rin ako at yumuko.
"Ako rin." Hindi ko inabot ang kanyang kamay kaya naman ay napapahiyang ibinaba niya ito at tumawa ng hilaw. Hindi ako sanay na makipagkamay sa ibang tao.
"Ang ganda naman ng kaibigan mo, Yupie. Napakagandang bungad para sa umaga," nakangising saad ng isa pang lalaki na kaharap ni Yupie. Kulay kayumanggi ang magulong buhok nito, samantalang itim naman kay Turi. Makakapal ang kilay at may biloy pa sa pisngi. Pareho silang tatlo na makisig at may hitsura pero ang kaibahan lang ay may pagkamaginoong awra si Turi, babaero naman ang awra ni Han. Medyo malalim din ang mata niya kumpara kay Turi.
"Tumigil ka sa pambobola, Kuya Han. Nanlalandi ka na naman." Inirapan ni Yupie ang kapatid dahilan para matawa ito.
"Nagsasabi lang ako ng totoo, kapatid," tugon nito at saka bumaling sa akin. "Ikinagagalak kong makilala ka, binibini. Ako nga pala si Han, ang pinakagwapo sa aming magkakapatid."
"Hindi ka gwapo, kuya," sabat ni Yupie.
"Tama na ang halusinasyon, Kuya Han. Masama sa utak iyan," natatawang dagdag ni Turi pero tinawanan lang ulit sila ng kapatid.
"Ano ba kayo. Bakit niyo ba kinokontra ang kagwapuhan ko? Dahil sa inggit? Hindi niyo ba alam na dahil sa mukhang ito ay maraming mga babae ang nagkakandarapa," maaksyong saad ni Han.
Napailing na lang ang mga kapatid niya sa kanya samantalang natawa naman ang ina.
"Hijo, tama na ang papuri sa sarili. Ang mas mabuti pa ay atupagin mo 'yong utos ko sa 'yo. Ang bagal mong kumilos," seryosong saad ng papa nila habang umiinom ng kape. Natahimik si Han dahil doon. Nagpatuloy naman kami sa kinakain.
"Ito pa lang yata ang unang beses na makikita kitang nagdala ng isang kaibigan sa ating bahay, Yupie. Wala naman sigurong nangyari, tama ba?"
Napalingon kaming lahat sa panganay na kapatid ni Yupie nang magsalita ito.
"Wala naman Kuya Koni. Bakit?" tanong ni Yupie. "Saka nga pala, dito muna titira pansamantala sa bahay si Avanah hangga't 'di pa siya nakakahanap ng bagong tirahan."
Awtomatikong nagulat ang mga lalaki. Naningkit naman ang mga mata ni Koni saka inilapag ang kubyertos at humalukipkip.
Ipinaliwanag ni Yupie ang dahilan na alam niya. Gumawa na rin siya ng ibang alibi para hindi na magtanong ang mga kuya niya. Nakumbinsi naman niya ang dalawang kapatid maliban lang kay Koni na kakaiba ang tinging ibinibigay. Tila hindi naniniwala sa sinabi ng kapatid. Mabuti na lang at 'di na siya nagtanong pa.
***
"Yupie, may iba akong gagawin. Sa ibang araw na lang tayo mamasyal."
"Ano ba kasi gagawin mo? Mahalaga ba iyan bukod sa gusto pa kita makilala?"
"Oo, mahalaga ito. Pasensya na." Tinalikuran ko siya at tinahak ang daan palabas ng kanilang bahay. Pagkatapos mag-agahan ay niyaya niya akong ipasyal sa labas pero hindi ako pumayag kasi uunahin ko munang hanapin si Ameya.
"Edi sama na lang ako sa 'yo!"
Napahinto ako saka muli siyang hinarap. "Hindi pwede."
"Bakit naman hindi pwede?"
"E kasi—"
"Ah basta! Sasama ako sa 'yo! Malay mo may maitulong ako, 'di ba?" Humalukipkip siya at ngumuso sabay iwas ng tingin.
Napabuntong-hininga ako at tumingin sa kanya. "Yupie, hindi mo pwedeng malaman ang gagawin ko."
"Bakit naman hindi pwede? Nakamamatay ba iyan?" Pinaningkitan niya ako ng mata.
"Hindi, pero kasi—"
"Sabihin mo sa akin ang gagawin mo, Avanah. Handa akong tumulong kahit ano pa 'yan. Isa pa, marami akong alam sa pamumuhay ng mga tao rito. Hindi mo rin kabisado ang lugar. Anong malay mo kung nasa akin ang kasagutan sa mga hinahanap mo?"
Napatitig ako sa kanya dahil doon. Tinaasan niya naman ako ng kilay.
Oo, tama siya. Hindi ko nga kabisado ang lugar dito at hindi ko alam kung paano tumakbo ang pamumuhay ng mga tao rito.
Pero hindi ko pa siya kilala kaya hindi ko siya dapat pagkatiwalaan sa mga bagay-bagay.
"Avanah." Nilapitan niya ako at hinawakan sa magkabilang balikat. "Alam kong hindi pa natin kilala ang isa't isa. Pero maniwala ka sa akin, mapagkakatiwalaan mo ako sa lahat ng bagay. Hindi ako masamang tao na ipapahamak ang iba. Kung may sekreto kang ayaw sabihin sa akin, ayos lang. Pero hayaan mong tulungan kita. Bayad ko na rin ito sa ginawa mong pagtulong sa akin."
"Yupie—"
"Pumayag ka na, Avanah. Pangako, hindi kita ipapahamak." Itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay saka ngumiti sa akin.
Napapikit na lang ako sabay buntong-hininga. Kahit ano yatang gawin ko ay kukulitin ako ng babaeng ito hangga't 'di ako pumapayag.
"Sige na nga."
Nanlaki ang mata niya sa tuwa. "Pumapayag ka na?"
Tumango lang ako sabay ngiti. "Basta tuparin mo pangako mo."
Lumapad naman ang ngiti niya sa tuwa. "Oo naman! Pangako! Tara na!"
Hindi na ako nakaangal nang bigla niya akong hilain palabas ng bahay. Hindi ko alam kung saan niya ako dinala pero naglalakad kami ngayon sa isang kalsada. May iilang mga karwahe ang dumadaan sakay ang ilang mga tao.
"Saan tayo pupunta ngayon, Avanah?"
Napalingon ako kay Yupie. "Ha?"
"Sabi ko saan tayo pupunta? 'Di ba may gagawin ka?"
Napahinto ako at tumingin sa kanya. Oo nga pala, hindi ko alam kung saan magsisimulang hanapin si Ameya.
Hindi ako nakasagot agad kaya tinaasan niya ako ng kilay habang naghihintay na magsalita ako.
"Ano na? Saan tayo pupunta?" muling tanong niya.
Napakagat-labi ako at napakamot ng batok. "H-Hindi ko rin alam, e."
"E?" Napaawang lang ang labi niya.
"Ibig kong sabihin, hindi ko alam kung saan magsisimula," paliwanag ko.
Naningkit ang mga mata niya at humalukipkip. "Ano ba kasing gagawin mo? Sabihin mo na sa 'kin para matulungan na kita."
Bumuntong-hininga ako at saka tumingin sa kanya.
"Ang totoo niyan... Ang totoong dahilan kung bakit ako nandito ay upang hanapin ang nawawalang kapatid ko," pag-aamin ko. "Pero hindi ko alam kung paano at saan ko siya hahanapin."
"N-Nawawala ang kapatid mo?" hindi makapaniwalang saad niya. Tumango ako. "Hala, bakit? Paano? Anong nangyari?"
"Mahabang kwento."
"Handa akong makinig kahit anong oras."
"Hindi ko rin alam kung anong tunay na nangyari, Yupie, kaya kailangan kong mahanap ang kapatid ko sa lalong madaling panahon upang malaman ang lahat."
Napatitig siya sa akin dahil doon. Bakas ang kuryusidad at awa sa kanyang mata. Umiwas na lang ako ng tingin at bumuntong-hininga.
"Basta kailangan kong malaman kung sino ang mga kumuha sa kanya na nagmumula rito sa Asoha. Ang mga kawal na nakasuot ng unipormeng pilak ang siyang tanging pag-asa ko para mahanap si Ameya. May kutob akong sila ang kumuha sa kanya," dagdag ko. Natahimik naman siya.
"Kaya mo ba ako tinanong noon tungkol sa pinagmulan ng mga kawal?" maya-maya'y tanong niya. Tumango lang ako.
"Oo. Sila rin kasi ang dahilan kung bakit namatay ang lolo't lola ko."
"A-Ano?!" Kumunot ang noo niya, naguguluhan.
"Pinatay ng mga kawal na iyon ang lolo't lola ko, Yupie. Pinatay nila nang walang dahilan," mariing sambit ko. Nakaramdam ako ng sakit at galit sa puso habang sinasabi ang mga salitang iyon kaya naman ay kinalma kong muli ang sarili para 'di magkulay asul ang mata.
"Sigurado ka ba sa sinasabi mo?" hindi makapaniwalang saad niya. Tumango lang ako. Napaatras naman siya. "I-Imposible! Hindi magagawang pumatay ng mga kawal nang walang dahilan. Labag iyon sa batas! Mapaparusahan ang sinumang pumatay nang hindi iniuutos mula sa mga opisyal o hari."
"Pero nagawa nila, Yupie. Nagawa nila kaya kailangan nilang maparusahan sa oras na mahanap ko sila at ang kapatid ko," mariing sambit ko at umiwas ng tingin sabay hinga nang malalim. Panandalian siyang napatitig sa akin.
"Avanah..." Hinawakan ni Yupie ang magkabilang balikat ko saka tumingin sa aking mga mata. "Hindi ko alam kung anong nangyari sa buhay mo at ayokong manghusga pero kung iyan ang tunay na nangyari ay tutulungan pa rin kita. Kung totoo ngang ang mga kawal ng Oraya Kingdom ang pumatay at dumakip sa magulang at kapatid mo, handa akong tumulong makamit mo lang ang hustisyang para sa inyo."
Napatitig ako sa kanya dahil doon. Hindi ko alam ang sasabihin ko.
"Yupie..."
Hinawakan niya ang kamay ko saka ngumiti sa akin.
"Tara na't simulan natin ang paghahanap sa iyong kapatid!"
Saka niya akong hinila sa lugar.
***
"Tara, dito tayo, Avanah!" Hinila ako ni Yupie papasok sa isang malaking bahay pero pinigilan ko siya.
"Sandali! Anong gagawin natin diyan?" tanong ko.
"Kakain tayo. Bakit, ayaw mo?"
"Kakain?" hindi makapaniwalang tanong ko saka tiningnan siya. "Kakain tayo rito sa bahay na ito?"
Tinuro ko ang harapan. Natawa lang siya.
"Sira! 'Di 'yan bahay. Kainan iyan. Restawran."
Kumunot lang ang noo ko. "Ano? Paano naging kainan—"
"Basta! Malalaman mo mamaya. Halika na!"
"Teka sandali lang—"
Wala na akong nagawa nang tuluyan niya na akong mahila papasok sa loob. Agad naman akong namangha nang bumungad ang mga magagandang ilaw na nakasabit sa kisame. Punong-puno rin ng mga mesa at upuan ang lugar na siyang inuukupa ng maraming tao habang kumakain.
Malawak din ang lugar at magaan sa loob ang atmospera. Nalalanghap ko rin ang mga masasarap na pagkain na nagmumula sa kung saan na siyang nagparamdam ng gutom sa akin. Ang pader ay gawa sa mga sementong hindi ko alam ang tawag. Puno rin ito ng mga pinta o kuwadro na iba't ibang disenyo at kulay na siyang tama lang sa klima ng lugar pero masarap sa mata.
"Dito tayo, Avanah!" Hinila ako ni Yupie papunta sa isang sulok ng lugar kung saan malayo-layo sa mga tao.
Pang-apatan na tao ang mesa at gawa ito sa matitibay na kahoy. May isang maliit na estante rin ang nakatayo malapit sa kinaroroonan namin na puno naman ng mga makakapal na libro.
Maya-maya pa'y may isang babae ang lumapit sa amin na may dalang maliit na papel at tinta. Kinausap siya ni Yupie bago ito muling umalis.
"Anong masasabi mo sa lugar, Avanah?" nakangiting tanong ni Yupie nang mapansin niyang inililibot ko ang paningin sa buong paligid.
"Maganda at magaan sa mata."
Lumapad ang ngiti niya. "Talaga?"
Tumango ako. "Hindi ko alam na may ganitong klaseng kainan pala. Ang alam ko lang ay carinderia."
"Tanging sa Asoha mo lang ito mapupuntahan. Mga mapeperang tao lang naman kasi ang nakakapasok sa mga ganitong lugar."
"Kung ganun, may iba pang ganitong kainan bukod rito?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Oo." Tumango siya saka ngumisi. Maya-maya pa'y itinukod niya ang kanyang siko sa mesa at lumapit sa akin. "Alam mo ba ang dahilan kung bakit tayo pumasok dito?"
Umiling lang ako. "Ano?"
"Bukod sa gusto kitang ipasyal, gusto ko rin malaman mo na karamihan sa mga kawal na naglilingkod sa kaharian ay dito kadalasang kumakain lalo na tuwing tanghalian. Masarap kasi ang mga pagkain dito. Isa pa, dito nila dinadala ang mga babaeng kanilang napupusuan."
"Napupusuan?"
"Mmm-mmm. Kaya talasan mo ang iyong paningin. Anumang oras ay darating na sila upang kumain," sabi niya habang tinitingnan ang relong suot na kulay ginto.
Agad akong napalibot ng tingin sa buong paligid lalo na sa pintuang pinasukan namin kanina. Umaasa akong may makikitang isang kawal na papasok at kakain.
Sakto namang muling bumalik ang isang babae dala ang mga pagkain. Inilapag niya ito lahat at muling umalis.
"Kumain na tayo, Avanah, upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin sa paghahanap ng iyong nawawalang kapatid."
Kumunot ang noo ko. "Hakbang?"
"Oo, hakbang. Kailangan nating magplano kung paano natin mahahanap ang iyong kapatid. 'Di ba nga, nangako ako sa iyong tutulungan kita sa abot ng makakaya ko? Ito na ang simula."
Binigyan niya ako ng banayad na ngiti. Napatitig na lang ako sa kanya. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng 'di maipaliwanag na tuwa at emosyon sa kanyang sinabi. Para akong maiiyak na ewan. Ito pa lang ang unang beses na may isang estranghero ang gustong tumulong sa akin.
Noong bata kasi ako walang tumulong sa aming pamilya nang nangangailangan kami ng tulong. Hinayaan kami ng mga tao na magdusa at mamatay sa gutom. Ang masaklap pa roon ay tinuring kaming pamilya ng mga halimaw dahil sa kondisyong mayroon ko.
"Maraming salamat, Yupie," sabi ko na lang.
"Saka mo na ako pasalamatan kapag nahanap na natin kapatid mo. Sa ngayon kumain ka muna, maliwanag?"
Tumango-tango ako at ngumiti. "Sige, pero salamat pa rin."
Napailing na lang siya at natawa sabay irap.
Nagsimula kaming kumain. Masarap ang mga pagkain na inihain sa amin na siyang ikinagutom ko lalo kaya naman ay ginanahan akong kumain.
Hindi ko alam kung anong klaseng putahe ito pero puro gulay siya na hinaluan ng manok.
"O, ayun may isang kawal na pumasok!"
Napatigil ako sa pagkain at agad na sinundan ng tingin ang itinuro ni Yupie. Bumungad naman sa akin ang isang kawal na lalaking umupo sa isang mesa malapit sa amin.
Nakaramdam ako bigla ng kakaibang kaba sa aking dibdib. Hindi ko alam pero muling nanumbalik ang isang pangyayari kung saan namatay ang lolo't lola ko dahil sa kanila.
Napakuyom na lang ako ng kamao upang pigilan ang emosyong unti-unting umuusbong. Delikado 'pag muling lumabas ang kapangyarihan ko.
Ayokong idamay at sisihin ang kawal na iyon sa ginawa ng mga kasamahan niya sa pamilya ko pero hindi ko mapigilang makaramdam ng galit kapag nakikita ko ang mga katulad nilang nakasuot ng uniporme. Ayokong isipin na masasama ang mga tulad nila pero iyon ang tumatak sa isip ko simula nang makita ko ang kasamahan niya sa bundok.
Ayoko silang lahatin pero anong magagawa ko kung kriminal na ang tingin ko sa kanila?
"Avanah, lagi mong isipin na hindi lahat ng mga kawal ay masasama. Hindi natin alam kung paano ang takbo ng mga hukbo sa loob ng kaharian kaya iwasan mong manghusga sa kanila."
Napatingin ako kay Yupie dahil doon. Seryoso ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Napalunok na lang ako.
"Hindi pumapatay nang basta-basta ang mga kawal, Avanah. Mayroon silang batas na sinusunod kaya nakakagulat talaga ang mga sinabi mo kanina." Muli siyang tumingin sa kinaroroonan ng kawal at naningkit ang mga mata na tila may iniiisip. "Pero sa tingin ko... Ang mga kawal na sinasabi mong pumatay sa lolo't lola mo ay hindi ordinaryo."
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Anong ibig mong sabihin?"
Tiningnan niya ako sa mata. "Ayokong manghusga at manguna sa sitwasyon pero... tingin ko may mali sa nangyari sa inyo."
"Ano?" Lalo lang akong naguluhan sa sinabi niya.
Muli siyang sumulyap sa kawal at napaisip bago ako balingan ng tingin. Pero sa pagkakataong ito, nakaporma na ang isang ngiting may ibig sabihin sa kanyang labi.
"Alam ko na unang hakbang na gagawin natin."
Napatabingi lang ang mukha ko at hinayaan siyang magpatuloy.
"Gusto mo bang malaman ang dahilan kung bakit dinakip at pinatay ang iyong lolo't lola pati na ang kapatid?" tanong niya.
"Paano?"
Ngumisi naman siya at napapitik ng daliri sa ere.
"Alamin natin kung paano gumalaw ang mga kawal sa loob at labas ng kaharian."
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top