Chapter 3: Ang paghahanap ng tirahan
Chapter 3:
Inabot ng ilang oras bago ko marating ang estasyon ng tren. Nagtanong-tanong pa ako sa mga tao kung saan ito makikita dahil hindi naman ako pamilyar sa lugar.
Kailangan kong pumunta ng Orayo Kingdom ngayon dahil may kutob akong doon dinala si Ameya. Doon daw kasi naka-destino ang mga kawal na pumatay sa lolo't lola ko ayun kay Yupie kanina. Hindi ako sigurado kung doon ba dinala si Ameya pero iyon na lang ang huling pag-asa ko na makita siya kaya pupunta ako anuman ang mangyari.
Pero ang nakakapagtaka lang ay kung bakit naman dinakip ang kapatid ko ng walang dahilan? Saka bakit tinangkang patayin ng mga kawal si Lola Yeda sa gitna ng kagubatan?
Mukhang iyon ang isa sa mga kailangan kong alamin kaya kailangan kong mahanap agad si Ameya bago pa man mahuli ang lahat.
Hapon na nang makasakay ako ng tren. Ayon sa nalaman ko, dalawang araw daw ang biyahe bago makarating doon. Kaya heto ako ngayon at nagtitiis sa tubig na dala maibsan lang ang gutom.
Naubos sa pamasahe ng tren ang kakarampot na perang nakuha ko sa kubo kaya wala akong pambili ng pagkain. Pero ayos lang, ang importante ay makarating ako sa lugar na iyon bago pa mahuli ang lahat.
Sa pinakadulong bahagi ng tren ako pumwesto dahil mas tahimik doon. Ang dami kasing tao at medyo maingay.
Tumingin ako sa labas. Umaandar na ang tren kaya naman ay nakaramdam ako ng tuwa lalo na't ito ang unang beses na makasakay ako ng transportasyon. Nang makalayo kami sa lugar ay napanganga na lang ako sa mga magagandang tanawin na nakikita ko. Ang daming puno at mga bundok ang aming nadadaanan na preskong-presko pa.
Tunay ngang kay ganda ng mundo. Sadyang puno lang ito ng kalupitan na gawa ng mga tao na siyang nagpapagulo.
Napabuntong-hininga na lang ako saka inilibot ang paningin sa buong paligid. Karamihan sa mga nakikita kong nakasakay rito ay puro babae at mga bata. Iilan lang ang mga lalaki. Pero halata naman sa iba ang pagiging angat sa buhay. Sa uri pa lang ng pananamit at postura ay malalaman mo na kaagad na mayaman ang tao. May iilan ding mahihirap na tulad ko. Mabuti na lang at may kalayaan ang bawat isa na umupo kahit saan.
Dumako naman ang paningin ko sa kabilang upuan kung saan kaharap ko ngayon ang isang lalaking nakaupo roon. Nakatingin siya sa labas ng tren at mukhang malalim ang iniisip.
Hindi ko mapigilang titigan at pagmasdan siya. May suot siyang itim na balabal at sumbrero. Kalahati lang ng mukha ang nakikita ko sa kanya pero litaw na litaw ang maputi at makinis nitong kutis pati na ang matangos na ilong. Makakapal din ang mga pilik-mata nito pati na ang kilay na ngayo'y bahagyang nakakunot. Naka-dekuwatro ang upo niya habang nakahalukipkip.
Parang ang sarap niya tuloy titigan. Ang ganda ng dating ng tindig niya. Pati ang likod ay tuwid na tuwid habang nakasandal sa upuan. Mukha rin siyang anak ng maperang pamilya.
Napabuntong-hininga na lang ako. Ano kayang pakiramdam na anak ka ng isang mayamang pamilya, ano?
"Kanina ka pa nakatitig sa akin. May kailangan ka ba?"
Halos mapalundag ako sa gulat nang bigla siyang lumingon sa gawi ko. Doon ay klarong-klaro ko na ang buong hitsura niya.
Napatulala ako ng ilang segundo. Ang gwapo niya. May hitsura nga siya! Mapupungay ang kanyang mga mata!
Parang ang ganda niya tuloy titigan.
"Tinatanong kita, babae."
Natauhan ako bigla kaya naman ay agad akong napakurap at napalunok sabay ngiti ng hilaw.
"M-Magandang hapon... Ginoo...?"
Tinaasan niya lang ako ng kilay. Napakagat-labi naman ako saka agad na umiwas ng tingin.
Ano bang pumasok sa isip ko at bigla ko siyang binati? Hindi ko naman siya kilala. Parang gusto ko tuloy tuktukan ang sarili. May sariling desisyon ang bunganga ko.
"Tinatanong ko kung may kailangan ka, hindi ko kailangan ang pagbati mo. Masamang tumitig sa ibang tao lalo na 'pag sa lalaki, alam mo ba iyon?" muling sambit nito.
Muli akong napalingon sa kanya saka pinaningkitan siya ng mata sabay kumunot ang noo ko. Grabe naman ang utak at paniniwala nito.
"Hindi masamang tumitig sa mga tao kung wala namang ibig ipakahulugan iyon. Ang masama ay kung may binabalak kang masama sa tao," seryosong sagot ko.
Kumunot naman ang noo niya at muli akong tinaasan ng kilay. "Kung ganun, may binabalak kang masama sa akin?"
"Hindi ako masamang tao para pag-isipan ka ng masama lalo na't 'di naman kita kilala. Isa pa, hindi magandang rason na lalaki ka para pagbawalan mo akong tumingin sa iyo. Pasensya ka na kung tumitig man ako. Hindi na mauulit," sabi ko sabay tinalikuran siya. May sinabi pa siya ulit sa akin pero 'di ko na pinansin.
Kinuha ko ang bagaheng dala at saka ito inilagay sa aking hita para ipatong ang aking ulo. Sa labas ng tren ako nakaharap. Sinisira ng isang lalaki ang araw ko.
Ano naman kung titigan ko siya, 'di ba? Kailangan ba may dahilan agad? May kailangan agad? Hindi ba pwedeng hinahangaan ko lang ang hitsura niya? Ang arte naman. Sayang sana ang gwapo niya. Ang pangit naman ng ugali.
Masyado talagang maliit at masama ang tingin ng mga lalaki sa babae. Ang taas ng tingin nila sa sarili. Akala yata nila sila ang nagpapatakbo ng mundo. Nagpapatunay lang ito na hindi pantay-pantay ang trato ng mga lalaki sa mga babae.
Nakakasama ng loob ang isiping iyon.
***
Dalawang araw ang lumipas bago ako tuluyang makarating ng Asoha, isang lungsod kung saan ito ang pinaka-sentro ng buong Oraya. Ito ang pinakamaunlad na lugar sa buong Oraya. Dito rin daw matatagpuan ang Oraya Kingdom kung saan naghahari ang mga maharlikang tao kabilang na ang hari't reyna.
Halos hindi ako makalakad nang maayos palabas ng tren dala ng panghihina sa gutom. Dalawang araw akong hindi kumakain. Tanging tubig lang ang mayro'n ako sa mga oras na iyon.
Huminga ako ng malalim at agad na sumunod sa mga tao palabas ng estasyon. Halos mapanganga ako sa pagkamangha nang masilayan ang buong lugar.
Ang daming mga naggagandahang imprastaktura at matitibay na gusali ang nakatayo sa aking harapan. Ang lahat ng ito ay nakakalula ang laki. Ang dami ring mga kabayo't karwahe ang siyang dumaraan at nakaparada sa gilid. Ang ilang mga kababaihan naman ay nakasuot ng magaganda at magagarbong saya na siyang nagpangibabaw ng kanilang ganda, gayundin sa mga lalaki.
Punong-puno ng kulay at buhay ang buong lugar. Nagkalat din sa paligid ang iba't ibang klase ng mga bulaklak pati na mga puno. Sa madaling salita, napakaganda ng lugar.
Napangiti na lang ako sa nakikita. Hindi ko aakalaing ganito pala kasigla at kamangha-mangha ang sentro ng buong Oraya. Ito ang unang beses na makakita ako ng ganito kagandang lugar. Mukhang tama nga ang sinabi sa akin, nababagay sa lugar na ito ang mga mayayamang tao.
Sa uri pa lang ng tindig at pananamit ng mga tao ay halata nang kabilang sa matataas na antas ng buhay. Ibang-iba ang lugar ang sa bayan ng Abeya kung saan puro gusgusin ang mga tao. Wala pang naglalakihang mga gusali at imprastraktura. Nakakapanibago ang klima at tanawin ng lugar.
Nagsimula akong maglakad-lakad sa paligid dala ang mga kagamitan. Hindi ko maiwasang mainggit sa mga bagay na nakikita ko ngayon. Halos lahat ng nandito; pagkain, damit, at iba pang kagamitan ay kumpleto at mamahalin. Maganda pa ang disenyo ng mga tindahan kumpara sa Abeya na halos sira-sira na ang mga bubong at pader.
Napahinto ako saglit nang biglang tumunog ang tiyan ko. Kumakalam na ang aking sikmura at sumasakit na ito dala ng gutom. Lalo pa akong nanghina nang makita ang isang carinderia at malanghap ang masasarap na pagkain nito.
Napakagat-labi na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad habang iniinda ang tiyan. Hindi ko alam kung saan ako patungo ngayong hindi ko pa kabisado ang lugar. Ang dapat ko munang isipin ngayon ay kung saan ako makakahanap ng bahay na matutuluyan.
Ilang oras ang inabot bago sumuko nang tuluyan ang mga paa ko. Huminto ako sa gilid ng isang puwente (fountain) at uminom ng tubig na nanggagaling dito. Malaki ang puwente. Pabilog ang disenyo at kulay pilak ito. May mga estatwa ring nakaukit sa ibabaw at isang hugis dragon na malaki kung saan doon lumalabas ang mga tubig.
Umupo ako sa lupa at sumandal sa puwente. Pinagmasdan ko ang mga taong dumaraan sa paligid ko. Tingin ko'y pasyalan ang lugar na ito. Maraming mga upuang yari sa mga bakal, mga bulaklak na nagkalat sa paligid pati na rin mga puno.
Marami rin akong nakikita na mga magkasintahang naglalakad. May iba namang pamilya ang nakikipaglaro sa mga anak habang nagtatawanan. Kung titingnan mo, ang saya ng pamilya at buhay nila.
Ang mga bata ay malayang naglalaro at nakikipaghabulan sa kapwa na tila walang pakialam sa mundo. Ang iba nama'y masayang nakikisalamuha sa ibang tao.
Malaya nilang nagagawa ang mga bagay na nais. Bagay na gusto ko ring maranasan. Bagay na ipinagkait sa akin ng tadhana dahil sa pagiging iba ko sa normal na tao.
Huminga ako nang malalim at tumingala sa langit. Hindi ko alam kung anong oras na pero unti-unti nang natatakpan ng dilim ang mga ulap.
Muli akong napabuga ng hangin na tumama sa bangs at saka napapikit dala ng pagod.
Saan na kaya ako pupulutin nito? Ano na ang mangyayari sa akin? Mahahanap ko ba kaya ang nawawalang kapatid? O baka mamamatay ako sa gutom?
Nakaramdam ako ng kirot at lungkot sa puso. Ang hirap naman ng buhay ko. Ang bigat ng mundo ko. Nakatulog na lang ako sa dami ng inisip.
"Nakakainis ka namang bata ka! Paano natin makukuha iyon, e, ang taas-taas?"
Naalimpungatan ako nang may marinig na ingay sa paligid. Napakusot ako ng mata at agad na sinundan ang nanggagaling na boses.
Pero nakapunot ang noo ko nang makita ang dalawang tao, isang babae at batang lalaki na nakaharap sa isang puno. Nakatalikod sila pareho kaya 'di ko makita ang mga mukha.
"O, anong gagawin natin ngayon? Paano natin iyan makukuha, ha? Kaya mong akyatin?" muling saad ng babae.
Napakamot ng ulo ang batang lalaki. "Hindi ko kayang akyatin."
"Edi huwag mo na kunin. Hindi rin naman natin maaakyat ang puno. Tara na, uwi na tayo dumidilim na—"
"Hindi pwede, ate! Mahalaga sa akin ang saranggola ko dahil regalo sa akin iyan ni papa!"
"E, hindi nga natin kayang abutin! Ang taas-taas no'n, oh? Baka kapag inakyat mo ay madisgrasya ka pa! Ako pa mapapagalitan ni tito!"
Itinuro ng babae ang puno sa harapan. Agad ko naman itong sinundan ng tingin. Napakunot na lang ang noo ko nang makita ang isang saranggola na nakasabit sa sanga nito.
Mukhang iyon ang problema ng dalawa.
Hindi naman gaanong mataas ang kinaroroonan ng saranggola pero sapat na rin iyon upang 'di maakyat ng mga tao.
"Ikaw naman kasing bata ka nagdala pa ng saranggola. Sinabi ko na sa 'yong 'wag magdadala, e, hindi ka pa rin nakikinig sa akin. O, ayan, paano iyan ngayon, e, wala si Tito Abro para akyatin ang puno?"
"Humingi na lang tayo ng tulong sa iba, ate."
"Kanino naman tayo hihingi ng tulong, e, wala na halos mga tao rito?"
Napabuntong-hininga na lang ako saka naiiling na tumayo at nilapitan sila. Wala talagang tutulong sa kanila lalo na't iilan na lang ang mga tao ngayon sa paligid. Karamihan ay puro mga babae.
"Ako na ang kukuha," sabi ko at dumiretso sa puno. Sinipat ko muna ito ng tingin bago inakyat. Narinig ko pa ang pagsinghap ng babae sa aking likuran.
"S-Sandali lang— anong ginagawa mo—bumaba ka riyan, binibini—" Ramdam ko ang pagkataranta ng babae dahil sa ginawa ko pero nagpatuloy pa rin ako sa pag-akyat.
Matibay naman ang puno at maraming sanga kaya sisiw lang sa akin ang umakyat. Isa pa, ito ang araw-araw na gawain ko sa bundok. Mahilig kasi akong mamitas ng mga prutas.
Malapit ko na maabot ang saranggola pero panay pa rin ang sigaw sa akin ng babae na pababain ako. Napailing na lang ako.
Narating ko ang kinaroroonan ng saranggola kaya naman ay napangiti ako at agad itong inabot saka muling bumaba. Muntik pa akong madulas nang maapakan ang isang marupok na sanga. Buti na lang at nakakapit ako nang mahigpit sa puno kaya hindi ako nahulog.
"Binibini, ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba? Nasugatan—"
"Ayos lang ako," sagot ko nang nilapitan ako ng babae saka agad na sinuri ang buong katawan ko. Ramdam ko ang pag-alala at taranta sa kanyang boses.
"Jusko ka nag-alala ako sa iyo. Akala ko may nangyari—"
Natigilan kami pareho nang mapatingin sa isa't isa. Pero agad nanlaki ang mga mata naming dalawa nang mamukhaan ang isa't isa.
"I-Ikaw..." Naituro niya ako nang wala sa oras saka agad na napaatras. Napaawang na lang labi ko at napakurap.
"A-Avanah?!"
"Yupie..."
***
"O, ayan, kainin mo muna."
"Salamat." Inabot ko ang tinapay saka agad itong kinain.
Nandito pa rin kami sa parke. Nakaupo na ngayon sa isang bangko. Tumabi sa akin si Yupie at saka kinain ang kanyang tinapay.
Pinagmasdan naming pareho si Holio na inaayos ang saranggola nito. Si Holio ay ang batang lalaki na kasama ni Yupie. Madilim na ang paligid pero nagiging maliwanag ito sa dami at ganda ng mga ilaw na nakakalat sa buong lugar.
"Hindi ko aakalaing makikita kita rito sa Asoha. Parang noong nakaraan lang ay nasa Abeya ka at nililigtas ako sa kamay ng hampas-lupang lalaki. Ngayon naman ay tinulungan mo ako sa pangalawang pagkakataon. Ang totoo, bayani ka ba?"
Natawa lang ako sa sinabi niya. Hindi ko rin naman alam na dito pala siya nakatira.
"Nakakahanga ang pagiging malakas at matapang mo, Avanah. Hindi ko maisip na magagawa mong umakyat sa puno. Delikado iyon, alam mo ba?"
"Sanay na ako," sagot ko saka uminom ng tubig.
"Kahit na! Muntik na akong atakihin sa puso nang makita kang umaakyat. Aba, kargo de konsensya ko pa kapag may nangyaring masama sa iyo."
"Hindi mo naman kailangan makonsensya kaya wala kang dapat ipag-alala. Kusang-loob akong tumulong at hindi mo naman ako pinilit kaya 'wag mo na isipin iyon." Ngumiti ako sa kanya at saka inubos ang tinapay.
"Pero—"
"Maraming salamat dito sa tinapay. Napawi nito ang gutom na ilang araw ko nang iniinda." Uminom ulit ako ng tubig at saka tumayo para kuhanin ang mga gamit na siyang ipinagtaka niya.
"Sandali! Aalis ka na?"
Tumango ako. "May kailangan pa akong gawin."
"Saan ka pupunta? Gabi na, ah." Tumayo siya saka hinarap ako. Bakas sa kanyang mukha ang pagtataka. Napabuntong-hininga ako.
"Umuwi na rin kayo. Baka hinahanap na kayo ng mga magulang ninyo," sabi ko.
"Ikaw, paano ka? May kamag-anak ka bang matutuluyan dito?"
Ngumiti ako saka umiling. "Maghahanap pa ako ng pansamantalang matutuluyan na bahay."
"Pero gabi na masyado. Delikado kapag naglalakad ng ganitong oras—"
"Yupie, salamat sa pag-alala pero sanay na ako sa buhay na mayro'n ako kaya hayaan mo na ako. Kaya ko na ang sarili ko."
"Pero—"
"Sige na. Aalis na ako. Mag-iingat kayo pauwi."
Agad ko siyang tinalikuran at nagsimulang maglakad paalis ng lugar. Pero hindi pa man ako tuluyang nakakaalis ay hinabol ako ni Yupie saka hinawakan sa braso.
"Avanah, sandali lang!"
Napakagat-labi ako at hinarap siya. "May kailangan ka pa ba?"
Huminga siya ng malalim at pumikit nang mariin bago ako muling balingan ng tingin.
"Nakapagdesisyon na ako." Kumunot lang ang noo ko sa sinabi niya. "Nakapagdesisyon na akong patuluyin ka sa bahay namin."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. "Ano?"
Binigyan niya lang ako ng matamis na ngiti.
"Oo kaya tara na! Uuwi na tayo."
"Ha? Pero— teka— sandali—"
Hindi na ako makapalag nang hilain niya ako.
*/***/***/***/****
Unedited...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top