Chapter 1: Acceptance
Chapter 1:
AVANAH'S POV:
"Halimaw! Mga pamilyang halimaw kayo! Dapat na kayong mamatay!"
"Takboo!"
Hindi na kami magkandaugaga sa pagtakbo nang makitang hinahabol kami ng mga taong may hawak na sulong nagliliyab sa apoy. Ang madilim na gubat ay nagliwanag dahil dito.
Sa musmos na edad ay abot-abot ang kabang nararamdaman naming lahat kasama ang mga magulang at kapatid ko.
"Tumigil kayo mga halimaw!"
Napaiyak kaming dalawa ni Ameya sa takot. Dahil doon ay kinarga kami ng mga magulang namin habang tumatakbo sa gitna ng kagubatan.
"Mama, natatakot po ako," nanginginig na sabi ko habang umiiyak.
"Huwag kang matakot anak, nandito lang si mama at papa. Hindi namin kayo hahayaang mapahamak ng kapatid mo."
"Alera, dito tayo!" rinig kong sambit ni papa.
Lumiko kami sa isang masukal na gubat at nagpatuloy sa pagtakbo. Ramdam ko ang pagod at panghihina ni mama habang karga-karga ang batang ako. Ebidensya rito ang kanyang pawis at paghinga.
Huminto kami nang may makitang malaking bato at agad na nagtago roon. Mula sa kinaroroonan namin ay maririnig ang mga sigaw at yakap ng mga taong humahabol sa amin.
"M-Mama... Patawad po. Hindi ko po sinasadyang masunog ang tindahan ni Aling Mena," umiiyak na saad ko.
Agad namang hinawakan ni mama ang aking magkabilang pisngi. "Sshh. Tahan na. Wala kang kasalanan, maliwanag?"
"P-Pero halimaw raw po ako. Hindi ko po makontrol ang aking sarili, mama."
"Hindi ka halimaw, Avanah," saad ni papa na niyakap ako. "Hindi ka halimaw, anak. Ang iyong kapangyarihang taglay ay biyaya ng maykapal. Tandaan mo iyan."
"Pero-"
"Ayun sila! Nagtatago!"
Agad kaming kinarga ng mga magulang namin sabay tumakbo nang mabilis nang makita ng mga tao. Pero hindi pa man kami nakakalayo ay biglang nadapa si mama nang tamaan siya ng isang palaso sa binti.
"Alera!"
"Mama!"
Dali-daling sinaklolohan ni papa si mama upang makatayo. Pero hindi pa man siya tuluyang nakatayo ay muli na naman siyang natamaan ng isa pang palaso sa kaliwang binti na siyang ikinagulat naming lahat.
Napasigaw kami sa takot. Malapit na kaming maabutan ng mga tao na siyang ikinataranta namin lalo. Lalong tumaas ang emosyong nararamdaman ko sa mga oras na iyon.
Tuluyang bumulagta sa lupa si mama habang namimilipit sa sakit. Pinilit siyang iangat ni papa upang buhatin.
"F-Froy, t-tumakas na kayo. I-Ilayo mo ang mga bata... Iwan niyo na ako rito."
"H-Hindi... Hindi pwede! Sabay-sabay tayong tatakas!" nanginginig na sagot ni papa.
Humagulhol ng iyak si Ameya dahil doon. Ako naman ay muling nakaramdam ng mahapdi at kakaibang init sa katawan na unti-unting umaangat sa aking ulo. Hindi ko ito makontrol kaya naman ay napasigaw na lang ako nang maramdaman ang hapdi at sakit sa aking mga mata.
Mabilis ang sumunod na nangyari. Nakita na lang naming napapalibutan kami ng nagliliyab na apoy sa paligid. Miski ang mga taong humahabol sa amin ay nabalot ng apoy kung kaya't ang lahat ay napasigaw at nagwawala sa sakit na dulot nito.
Napakuyom ako ng kamao at lalong nilamon ng galit.
"Argghh!"
"Avanah, 'waggg!"
"Ate! Ate, gising na!"
Habol-hininga akong bumangon. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko na tila hinabol ng mga kabayo. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Nasa kwarto ako.
Nakahinga ako nang maluwag saka agad pinunasan ang pawis sa noo. Para akong nanghina sa panaginip na iyon.
"Binangungot ka na naman ba, ate?"
Napalingon ako kay Ameya na ngayon ay nag-aayos ng damit. Nakakunot ang kanyang noo habang nakatingin sa akin na may pagtataka sa mukha.
"Anong oras na?" tanong ko nang mapansing tumatama sa akin ang sinag ng araw mula sa bintanang gawa sa kahoy.
"Alas siete ng umaga. Ayos ka lang ba?"
"A-Ayos lang ako." Tumango ako at umiwas ng tingin.
Agad akong tumayo sa katre at kinuha ang pansapin sa paa.
"Hay naku. Siguro napanaginipan mo na naman ang nangyaring insidente noon, ano?"
Muli akong napalingon kay Ameya dahil doon. Tama siya, napanaginipan ko na naman ang isa sa mga bangungot na laging humahabol sa akin mula noong bata ako hanggang ngayon. Hindi na iyon bago sa amin dahil madalas akong binabangungot pero hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng takot at konsensya kapag naaalala ang mga iyon.
Napabuntong-hininga na lang ako at tumayo. Sinuklay ko ang aking kulot, kulay itim at mahabang buhok gamit ang aking mga daliri saka ito pinusod. Inayos ko ang bangs sa noo.
Pinunasan ko rin ang aking mukha gamit ang basang tuwalya.
"Ate."
"Mmm?" Sinulyapan ko si Ameya habang inaayos ang aking mabahang saya.
Tumayo naman siya saka lumapit sa akin. Napatingin ako sa kanyang suot. Gaya ko ay nakasuot siya ng mahabang saya na kulay berde. Bumabagay ito sa kanyang mala-porselanang kutis. Idagdag mo pa ang kanyang kulay itim at bagsak na buhok kaya lalong nangunguna ang kanyang ganda.
"Lagi mong tatandaan na anuman ang mangyari hindi ka halimaw. Tanggap ka namin kaya tanggapin mo rin ang kapangyarihang mayroon ka."
Napangiti na lang ako sa kanya sabay iling. Halos araw-araw niyang sinasabi ang mga salitang iyan tuwing gigising ako. Umabot na sa puntong nakabisado ko na pati ang oras na sasabihin niya iyon.
"Alam ko," sabi ko na lang.
Sabay na kaming lumabas ni Ameya sa kubo. Agad naman naming nadatnan si Lola Yeda na naghihimay ng mga dahon sa ilalim ng puno ng mangga. Si Lolo Morlo naman ay naghahasa ng kanyang paboritong itak.
Matatanda na sila pareho pero malalakas pa rin ang pangangatawan. Simula nang mamatay ang mga magulang namin ay sila na ang nag-alaga sa amin kaya sobrang mahal na mahal namin sila.
Lumapit kami sa kanila at bumati. Doon na rin kami kumain ng kamote na siyang agahan namin ngayong araw. Masaya kaming kumakain habang nagkukwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay.
"Siya nga pala, mamayang ala una ay bababa kami ni Ameya sa bayan," maya-maya'y sambit ni Lola Yeda habang kumakain ng kamote.
"Ano pong gagawin ninyo doon?" tanong ko.
"Mamimili kami ng mga bagong damit para sa inyo. Masyado nang luma ang inyong mga saya kaya kailangan niyo na ng bago."
"T-Talaga po?" hindi makapaniwalang saad ni Ameya. Nang tingnan ko ay nagniningning na ang kanyang mga mata sa tuwa. Matagal niya na kasi gustong magkaroon ng panibagong damit.
"Oo kaya mag-ayos ka na."
"Maaari po ba akong sumama?" tanong ko. Gusto ko rin kasing makababa sa bayan lalo na't matagal na akong hindi nakakapunta roon.
Sa bundok lang kasi umiikot ang buhay namin mula pa noon.
"Hindi maaari, Avanah. Mananatili ka rito sapagkat may ipagagawa ako sa iyo," saad ni lolo.
"Morlo, huwag mong sabihin sa aking tuturuan mo na namang makipaglaban ang iyong apo?" Tinaasan ng kilay ni Lola Yeda si lolo saka ito pinaningkitan ng mata. "Sinabihan na kita kahapon, itigil mo na ang inyong ginagawa. Tandaan mo, babae si Avanah, hindi lalaki. Hindi tinatanggap ng ating lipunan ang ganyang gawain lalo na sa mga babae. Ipinapahamak mo ang iyong apo."
"Alam ko iyon, Yeda."
"Alam mo naman pala, e, bakit-"
"May malalim akong dahilan na tanging si Avanah lamang ang nakakaalam." Kinindatan ako ni lolo. Natawa na lang ako.
"Ah, lola, maglilinis na po kami ni Ate Vanah."
Hindi na ako nakareklamo nang bigla akong hilain ni Ameya papasok sa bahay. Alam niya na kasi ang susunod na mangyayari kaya't siya na mismo ang gumawa ng paraan upang maagapan ang magandang sermon na aking matatanggap.
***
"Bilisan mo, Vanah! Mayroon ka na lamang benteng segundo upang matalo ako."
"Yaa!" Binilisan ko ang aking mga kilos habang nakikipagbuno sa espada ni lolo gamit ang aking pinakamamahal na punyal.
ilang minuto na kaming nagpapalitan ng atake sa bawat isa. Pawis na pawis na kaming pareho ngunit kailanma'y 'di pa nakakaramdam ng panghihina at pagod sa katawan. Masyado akong determinadong matalo si lolo para makaramdam ng pagod.
Alam kong walang laban ang aking punyal kumpara sa matulis at mahaba niyang espada ngunit hindi iyon naging hadlang upang manalo sa labang ito.
Ika na nga ni lolo sa akin, 'Nagiging malakas ang isang bagay kung ginagamitan ng dedikasyon at tiwala ng isang tao.'
Iyan ang lagi niyang pinapaalala sa akin.
Kaya heto ako ngayon, sinisikap na matalo siya sa abot ng aking makakaya.
"Sampung segundo, apo."
Napakagat-labi ako at nagpukos sa pag-atake sa kanya. Muli siyang sumugod sa akin na agad ko namang sinangga ng punyal. Sinipa ko siya ngunit nailagan niya lamang ito. Sinubukan ko siyang daplisan sa braso ngunit nailagan niya itong muli.
"Limang segundo, apo."
Muli akong inatake ni lolo. Muntikan pa akong madaplisan sa balikat kung hindi lang ako nakailag agad. Hinawakan niya ako sa braso saka sinubukang tutukan sa leeg pero umilag ako at inikot ang kamay at siya naman ang aking hinawakan.
"Tatlong segundo."
Siniko ni lolo ang aking kamay saka muling umatake ng espada pero agad ko rin siyang sinipa sa binti at walang anu-ano'y hinila ang kanyang kamay sabay sipa sa kanyang espada palayo sa kanya. Hindi na siya nakahulma kaya naman ay agad ko siyang tinutukan sa leeg sabay ngisi.
"Panalo ako, lolo." Binitawan ko na siya matapos no'n at habol-hiningang dumistansya. Basang-basa na ako ng pawis ngayon.
Napangiti na lang sa akin si lolo na napapailing pa.
"Masasabi kong lalo kang humuhusay sa mga nakalipas na labing-dalawang taon. Binabati kita, apo ko." Tinapik niya ako sa balikat.
Napangiti ako sa kanya. "Maraming salamat po, lolo."
"Ngunit laging tandaan, apo. Gagamitin mo lang ang iyong kakayahan sa oras ng kagipitan at kailangan. Alam mo namang bawal sa ating lipunan ang mga babaeng matatapang, hindi ba?"
"Naiintindihan ko po."
"Isa pa, gamitin mo lang ang punyal kapag hindi mo makontrol ang iyong kapangyarihan, maliwanag?"
"Opo." Tumango na lang ako.
Bata pa lamang ako ay tinuruan na ako ni lolo na makipaglaban at mag-ensayo sa paggamit ng punyal. Ito kasi ang nakikita niyang paraan upang maituon ko sa ibang bagay ang aking kakaibang kapangyarihan kapag hindi ko makontrol ang sarili dahil sa pag-atake ng matinding emosyon. Alam ni lolo ang lahat ng mga pinagdaanan namin kaya kahit ipinagbabawal sa lipunan ay tinuruan niya pa rin ako.
Nagpahinga na ako matapos noon. Alas sais na ng hapon kaya naghanda na rin ako ng panghapunan. Hindi pa kasi dumarating sina lola at Ameya galing sa bayan. Ang layo naman kasi ng bahay namin. Isang oras ang tatahakin bago makarating sa bayan.
Matapos magluto ay inihanda ko na sa mesa ang mga pagkain. Tatawagin ko na sana si lolo para maghapunan pero natigilan ako nang mapansing alas siete na ng gabi pero hindi pa rin umuuwi sina lola.
Nakaramdam ako ng pag-aalala. Kaninang hapon pa dapat sila nakauwi dahil hindi pwedeng gabihin sa daan lalo na't madilim at delikado. Maraming mga mababangis na hayop ang nagkalat sa buong bundok lalo na tuwing gabi.
Lumabas ako ng kubo upang hanapin si lolo. Hindi naman ako nabigo dahil nakita ko agad siya sa ilalim ng puno ng mangga, natutulog. Nang maramdaman niya ang presensya ko ay agad siyang nagmulat ng mata.
"Lolo!"
"Oh, anong problema?" Bumangon siya saka umupo sa silyang kahoy. Napapahikab pa siya.
"A-Ano po... Gabi na po pero hindi pa rin po nakakauwi sina lola. Nag-aalala po ako baka kung ano na ang nangyari sa kanila," sabi ko.
Natawa lang siya. "Malakas at matapang ang iyong lola at kapatid kaya wala ka dapat ipag-alala. Darating din ang mga iyon maya-maya lang."
"Pero-"
Natigilan kaming dalawa nang may marinig na pagsabog mula sa kung saan. Agad namin itong sinundan ng tingin pero nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang apoy sa ere na pumutok.
Alam ko ang ibig sabihin ng apoy na iyon sapagkat si lolo mismo ang gumawa noon upang gamitin sa oras na may mangyaring masama. Iyon ang nagsisilbing daan namin upang makahingi ng tulong. Lagi naming dala ang ganoong bagay saan man kami magtungo.
Unti-unting umusbong ang kaba sa aking dibdib ng mga oras na iyon. Nagkatingin kami bigla ni lolo na katulad ko ay nagulat din sa nakita.
"Sila lola!"
Hindi na kami nag-aksaya ng oras. Dali-dali naming kinuha ang mga armas at agad na pinuntahan ang pinanggalingan ng apoy.
Ilang minuto ang inabot bago kami nakarating sa kinaroroonan ng apoy pero nagtaka kami nang makitang walang tao. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Walang ilaw sa lugar pero sapat na ang buwan upang makaaninag ng tao.
Biglang humangin nang malakas pero imbis na malamig ay mainit ito. Nakalanghap pa ako ng kakaibang amoy na nanggaling sa hangin.
"Dito tayo!"
Agad kong sinundan si lolo nang lumiko siya sa isang daanan. Pero muli kaming napahinto nang makarinig ng isang sigaw. Agad namin itong sinundan pero nanlaki ang mga mata ko sa nabungaran namin. Ang daming lalaki na lagpas bente ang pinalilibutan ang lola ko ngayon. Nakasuot sila ng pandigmaang damit na kulay pilak. Nakatali naman sa isang puno si lola na ngayon ay hinang-hina at puno ng galos sa mukha.
May isang lalaki sa kanyang harapan na may hawak na isang pana't palaso na tila handa nang tirain sa ulo si lola.
Nakaramdam ako bigla ng galit kaya naman ay napakuyom ako ng kamao upang pigilan ang emosyong manaig.
Hindi na kami nagsayang ng oras ni lolo. Agad kaming sumugod sa kanila. Hinagisan ko ng isang punyal ang isang lalaking may hawak ng pana't palaso na agad namang tumama sa kanyang kaliwang dibdib. Nagulat at naalarma ang mga kasamahan niya sa nakita.
Nang makita nila kami ay nagkagulo na bigla. Kaliwa't kanan ang bawat atake. Lahat ng humaharang sa aking daanan ay pinagtataga ko ng punyal. Si lolo naman ay pinalilibutan na rin ng mga kalaban. Nagulat pa silang lahat nang makita akong mahusay sa pakikipaglaban.
Napatingin ako kay lola na ngayon ay napapaiyak na lang habang nakatingin sa amin. Sinubukan kong lapitan siya ngunit lagi akong hinaharangan ng mga espada.
"Isa kang bruha!" sigaw ng isang lalaki sa akin habang nakikipagbuno. "Ang mga babaeng tulad mo ay hindi may katanggap-tanggap sa lipunang ito! Paano ka natutong makipaglaban? Tanging mga kalalakihan lamang ang may karapatan na maging matapang at malakas! Isa kang lapastangan! Nararapat ka nang mamatay bilang parusa!"
"Ang dami mong sinasabi!" sigaw ko sabay tarak ng punyal sa kanyang dibdib. Dahil doon ay tumalsik ang dugo sa aking damit. Lalo akong nanggigil kaya idiniin ko ang pagtarak ng punyal sabay sipa sa iba pang nakapaligid sa akin.
Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang minamaliit ang mga babae. Ginagalit niya ako.
Bigla akong nakaramdam ng kakaibang init sa katawan na siyang ikinatakot ko. Kaya naman ay napahigpit ang hawak ko sa punyal at pilit ibinabaling dito ang atensyon upang maagapan ang paglabas ng kapangyarihan ko.
Nakita ko pang umuusok na ang aking kamay kaya naman ay pinilit kong ikalma ang sarili at ibinaling sa mga kalaban ang panggigigil.
Nagulat ang iba nang makita ang pag-usok ng kamay ko kaya naman ay dali-dali ko silang pinapatay. Depensa, ilag, sipa, at atake ang nangyayari sa loob ng ilang minuto.
Nang maubos ang mga humaharang sa akin ay dali-dali kong nilapitan si lola at kinalas ang tali sa kanyang katawan. Saktong bigla siyang natumba sa akin dala ng panghihina.
Nakaramdam ako ng awa at kirot sa dibdib dahil sa sitwasyon niya. Niyakap ko na lang siya at inalalayang maupo sa tabi.
"L-Ligtas ka na, lola," sabi ko at muli siyang niyakap bago tumayo upang tulungan si lolo. Pero natigilan ako nang bigla niyang hawakan ang aking kamay saka ako tiningnan sa mata. Bakas sa kanyang buong mukha ang pagod. Hinihingal din siya.
"A-Apo, h-hindi mo dapat ginagawa ito. I-Ipinapahamak mo ang iyong s-sarili..."
"Lola..." Lumuhod ako saka hinawakan nang mahigpit ang kamay niya. "Di bale nang mapahamak basta mailigtas ka lang. Hindi ko kakayanin kapag may nangyaring masama sa iyo."
"P-Pero delikado-"
"Handa po akong isakripisyo ang aking kaligtasan para sa inyo," madamdaming sabi ko at tumayo. "Diyan lang po kayo. Tutulungan ko si lolo."
"Avanah sandali-"
Wala nang nagawa si lola nang umalis ako upang tulungan si lolo. Lahat ng nakapalibot sa kanya ay tinatarak ko patalikod.
Gaya ng mga naunang kalaban ko ay nagulat din ang mga ito na makita akong malakas. Lumapit ako kay lolo at nakipagsanib-pwersa. Malalakas ang mga kalaban na tingin ko'y hindi basta-basta.
"Vanah!" Tumalon ako sabay apak sa likod ni lolo nang yumuko siya. Pagkatapos noon ay buong pwersa kong pinagsisipa ang mga kalaban sabay bagsak sa lupa.
Naramdaman kong may espada ang paparating mula sa aking likuran kaya't umikot ako paupo sabay sipa sa lalaking iyon saka ko siya tinarakan ng punyal sa tiyan.
Palakas nang palakas ang bawat atake ng mga kalaban kaya naman ay hinila ako ni lolo sabay sipa sa mga kalaban.
Bigla akong pinalibutan ng limang lalaki kaya naman ay nahiwalay ako kay lolo. At dahil punyal lang ang pananggala ko ay wala akong ibang nagawa kundi ang depensahan ang sarili laban sa kanilang lahat. Nasulyapan ko pa si lolo na muntik nang matusok ng espada sa kanyang likuran kaya naman ay agad kong hinagis ang punyal doon sa lalaki sabay iwas sa mga espadang umaatake sa akin.
"Arrgh!"
Napalingon kaming bigla kay lola nang marinig siyang sumigaw. Pero halos manghina ako nang makita siyang sumuka ng dugo. Nagbaba ako ng tingin sa kanyang tiyan at doon ko nakita ang isang espadang nakatusok doon mula sa kanyang likuran. Biglang nanginig ang kamay ko. Para akong dinudurog sa nakita.
"L-Lola... Lola!" Tinakbo ko ang direksyon niya para sana saklolohan siya pero muli akong hinarang ng mga kalaban.
Muli na namang umusbong ang kakaibang emosyon sa aking dibdib. Dahil doon ay muli kong naramdaman ang pag-init ng aking katawan na siyang kay hirap pigilan. Napakuyom na lang ako ng kamao nang makitang umuusok na ito. Nagdilim din ang aking paningin kaya naman ay dali-dali kong pinatumba ang mga kalaban.
Napansin kong nakalapit na si lolo sa kinaroroonan ni lola habang kinakanlong ito sa kanyang mga bisig.
Dali-dali akong lumapit sa kanilang kinaroroonan pero natigilan ako nang makitang tumagos sa kanyang puso ang isang espada mula sa likuran. Kasabay noon ay ang pagsuka niya ng dugo.
Pero hindi pa iyon doon nagtatapos dahil muling hinugot ng lalaki ang espada at itinarak ito ss tiyan ni lolo na siyang lalong ikinagulat ko. Pero ang lalaking nasa likuran niya ay ngumisi lang.
Tila huminto ang aking paligid sa nakita. Lalong nadurog ang puso ko sa nakita. Nanghina ang aking mga tuhod. Hindi ko nga namalayan na tumutulo na pala ang mga luha sa mata ko.
Doon na tuluyang bumigay ang katawan ko. Wala pang isang segundo naramdaman ko ang kakaibang kuryente papunta sa ulo ko hanggang sa naramdaman ko na lang na nag-iba ang kulay ng paningin ko. Nagtaas-baba ang paghinga ko. Kasabay noon ay ang pagkasunog ng lalaking nasa likuran ni lolo.
Ikinuyom ko ang aking kamao at hinayaan ang lalaking magwala at maglupasay sa hapdi at sakit.
"L-Lolo!" Dali-dali kong tinawid ang distansya naming tatlo pero lalong tumaas ang negatibong emosyon ko nang makitang naliligo na sila sa sariling mga dugo. Dahil doon ay naramdaman ko na lang na nasusunog na ang paligid namin. Sa isang iglap lang ay napalibutan kami ng mga nagliliyab na apoy.
"A-Avanah... I-Itigil mo ang iyong ginagawa, a-apo... 'W-Wag mong sunugin ang gubat," naghihingalong saad ni lolo. Doon ako natauhan. Agad naman siyang natumba sa lupa.
"L-Lolo! Lola!" Dinaluhan ko silang pareho. Parang dinurog ang puso ko sa nakikita. Napaiyak na lang ako. Hindi ko alam kung anong gagawin. Natataranta ako at nabablangko ang utak ko.
"A-Avanah..." Napalingon ako kay lola na hinawakan ang aking nanginginig na kamay. Puno rin ng dugo ang kanyang mga daliri na siyang nagpawasak lalo ng puso ko.
"L-Lola, lolo... G-Gagamutin ko po kayo-"
"H-Hindi na kailangan, apo. Hindi na kakayanin ng katawan ko."
"Pero-"
"A-Apo... M-Makinig ka sa aking mabuti..." Suminghap ng hangin si lola bago ngumiti sa akin. "T-Tandaan mo, mahal na mahal ka namin. T-Tanggap ka namin anuman ang kapangyarihang mayroon ka. K-Kaya tanggapin mo na ang iyong sarili..."
Napaiyak lang ako lalo. "Lola... T-Tanggap ko po ang sarili ko-"
"H-Hindi mo kailangang magsinungaling, apo. I-Ilang beses na namin itong ipinapaalala sa iyo at alam kong alam mong h-hindi mo pa rin tanggap ang iyong sarili," saad ni lolo saka agad na suminghap ng hangin at sumuka ng dugo.
Napalunok na lang ako at napakuyom ng kamao.
"M-Mayroon lamang akong isang kahilingan bago mawala sa mundong ito..." saad ni lola.
"A-Ano po iyon?"
"M-Mahalin mo ang iyong sarili... P-Pahalagahan mo ang buhay na mayroon ka. K-Kailangan mong magpatuloy kahit wala na kami, apo. Baguhin mo ang mundong kinasasadlakan natin. I-Ipangako mo sa 'king magiging matatag ka." Dahan-dahang tumulo sa mga mata ni lola ang mga luhang kumikislap pa sa dilim.
"L-Lola..."
"M-Mangako ka, apo... Mangako kang tutuparin mo ang utos ng iyong lola," naghihingalong sambit ni lolo.
Napailing lang ako at yumuko. "H-Hindi ko po kaya... K-Kailangan ko po kayo..."
"K-Kayanin mo, apo. Alam kong kaya mo. M-Magtiwala ka lang sa iyong sarili. M-Maliwanag ba?" Natahimik ako at napatitig kay lola. "A-Apo, maliwanag ba?"
Ilang segundo ang inabot bago ako dahan-dahang tumango. "M-Mahal ko po kayong dalawa, lolo, lola."
"Alam namin iyan, apo." Gamit ang nanghihina at duguang kamay ay dahan-dahang inabot ni lolo at lola ang aking magkabilang pisngi. Hinawakan ko ang kanilang mga kamay at hinalikan ang mga ito.
"Ngayon, s-sa huling pagkakataon, m-may misyon akong ipagagawa sa iyo, apo."
Napatingin ako kay lola gamit ang mga nanlalabong mata. "A-Ano po iyon?"
"S-Si Ameya..."
Natigilan ako nang maalala si Ameya.
Oo nga pala! Si Ameya! Muntik ko na siyang makalimutan. Ang kapatid ko!
Kumabog bigla nang husto ang aking dibdib.
"A-Ano pong nangyari kay Ameya? N-Nasaan po siya?" kinakabahang tanong ko.
"D-Dinakip nila ang iyong kapatid..."
Lalong nanlaki ang mga mata ko sa narinig. "A-Anong-"
"H-Hanapin mo siya, apo. H-Hanapin mo si Ameya at iligtas sa nakaambang panganib. I-Iyon ang una't huling misyon na ipagagawa ko sa iyo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top