Kabanata 18

Favorite


"Salamat, Gino..." paos kong sinabi nang makapasok kami sa loob ng malaking bahay.

Hindi ko alam kung saan itong lugar at kung kanino pero may tiwala naman ako sa kaniya na hindi kami mapapahamak.

Tipid siyang ngumiti at agad nag-iwas nang tingin. "Is Jorus the father or this kid?"

Napabaling ako kay Marru na buhat-buhat ng bisig ko, nakatulog dahil sa haba ng biyahe kanina.

Humakbang ako patungo sa sofa upang ilapag si Marru ngunit nagsalita si Gino kaya napahinto ako..

"There's a two-room upstairs you can use it," aniya.

Nahihiya akong napalingon sa gawi niya. "Saang lugar 'to? At kaninong bahay?"

He chuckled. "Daddy gave this vacation house to me, since my twin sister Krizza already moved in with her husband."

Napatango ako.

"Sinong kasama mo rito?" usisa ko.

"None, and I have never stayed here so long," he simply said.

"Bakit naman? Maganda naman dito ah?" taka kong komento.

Namulsa ang dalawa niyang kamay at tipid lang na ngumiti sa akin. "Daddy wants me to take over his company in New York. I was just enjoying myself here for the meantime."

"Oh, wala kang girlfriend? What about your mom?"

Hindi ko napigilan ang sariling mapatanong dahil sa kuryusidad.

Agad naman siyang napaiwas nang tingin. "Our family is messy. Our mother destroyed us and we are still investigating if we are related to Fiona Ronquillo. We can't find any traces that we are connected with each other, and our mother is still missing."

Kumunot ang aking noo dahil sa pagkakalito, gusto ko pa man magtanong ngunit nabibigatan na ako sa timbang ni Marru.

Napangiwi ako.

"Wait lang Gino. Akyat ko muna si Marru," sambit ko.

He glanced to Marru and nodded. "Sure, should I-"

"Hindi, ako na," agap ko nang akmang magboboluntaryo siya sa pagbuhat.

Tumango siyang muli kaya nag-umpisa na akong humakbang paakyat. Medyo kumalma na rin ang pakiramdam ko dahil kahit paano ay nakalayo na kami sa mga Silverio.

Pero hindi ko pa rin alam kung safe nga talaga kami. Lalo na't mapera sila at panigurado na mahahanap at mahahanap nila kami.

Bumuntong hininga ako nang buksan ang pintuan ng kuwarto. Binuksan ko ang ilaw at bumungad ang malinis na loob, malaki rin ang kuwarto at kasya kaming dalawa ni Marru sa kama.

Naglakad ako papasok at diretsong nagtungo sa king size na kama at maingat na nilapag doon si Marru upang hindi magising. Inayos ko ang unan sa kaniyang ulo at kinumutan siya.

Napatuwid ako nang tayo habang pinagmamasdan siya na payapang natutulog. Nangingilid ang luha sa mata ko at naninikip ang dibdib dahil sa nangyayari.

I didn't expect that this would be a mess like this. Ang gusto ko lang naman ay pagbigyan ang hiling ni Marie pero bakit ang gulo-gulo.

Bumuntong hininga ako at napatingala upang pigilan ang pagbagsak ng luha ngunit hindi ko rin napigilan at lumandas iyon sa pisngi ko.

I let myself cry silently and after a couple of minutes, I fixed myself and breathed in and out to calm myself. Muli kong tinitigan si Marru at malungkot na ngumiti.

"Kailangan kong makausap si Jairus, masiyado ng naapektuhan si Marru sa nangyayari dahil sa katotohanan na pilit kong tinatago. Pero natatakot ako, paanong kung—"

"Thea?"

Napaigtad ako sa gulat at mabilis na pinunasan ang luha sa mga mata. Inayos ko ang sarili bago tumalikod ay humakbang patungo sa pintuan nang narinig ang baritonong boses ni Gino.

Binuksan ko ang pintuan at tumambad si Gino na tipid na ngumiti. "I'm gonna buy some food, are you okay here?"

Nahihiya akong ngumiti at tumango. "Salamat Gino. Pasensiya ka na ah? Ikaw lang talaga ang mahihingan ko ng tulong sa ngayon..."

Tumango siya at ngumiti. "It's nothing, Thea. It's a pleasure to help people who are in need."

Ngumuso ako at humakbang na palabas ng kuwarto. Tahimik kong sinarado ang pintuan upang hindi maglikha ng ingay.

"Hindi ko alam kung paano ka pasasalamatan—"

"I'm not asking for payback, Thea. I just want to help you and the Kid," aniya.

Bumaling siya sa pintuan nang nakasaradong kuwarto bago binalik ang tingin sa akin.

"Sorry to ask this but, who's the father of him? Is it Jorus?" tanong niya. "Kaya pala nang nakita ko siya para siyang may kamukha," dugtong niya.

Napalunok ako nang ilang beses dahil sa paninikip ng dibdib. How I wish na si Jorus nga talaga, pero kahit anong gawin ko, hindi na magbabago ang nangyari na.

Lumabi ako at umiling sa kaniya. "H-Hindi... hindi ako sigurado," malat kong sinabi at tunalikod.

Akala ko magsasalita pa siya at magtatanong ngunit hindi ko na narinig ang boses niya. Bumaba ako ng hagdanan at ramam ko ang pagsunod ng presensiya niya sa likuran ko.

"What food do you want?"

Nilingon ko siya at agarang sumagot. "Okay lang kahit ano, Gino. Hindi naman kami maselan."

Tumango-tango siya. "What about the kid?"

"Hindi na, kumakain naman ng kahit ano si Marru, kaya kahit ano na lang."

Napakagat labi ako dahil sa dami na ng utang na loob ko sa kaniya. Gusto ko mag boluntaryong bibili ng pagkain pero hindi ko maiwan si Marru.

Napakamot ako ng ulo at tumingin muli sa kaniya. Ngumiti siya at pinasadahan nang mata niya ang buong kabahayan.

"Alright, I'll be back quickly, feel at home Thea," he said politely.

Bahagya akong napatitig sa kaniya at laking pasasalamat ko dahil nakilala ko siya at nakagaanan ng loob.

Wala naman akong maramdaman na masamang intensiyon niya, siguro nga... nature niya na ang tumulong sa kapwa niya.

Napakurap-kurap ako nang bumalik ang tingin niya sa akin. Muli siyang ngumiti kung saan labas ang kaniyang pantay-pantay na ngipin at masasabi kong hindi rin papahuli ang angkin niyang kagwapuhan.

"I have to go so we can eat our lunch early, I know you're starving now," aniya kaya napatango na lamang ako.

"Salamat ulit, Gino..."

"Don't mention it," anito at bahagya pang kumindat ang kaliwang mata bago tuluyang tumalikod upang tahakin ang daan palabas.

Hinintay ko muna siyang makalabas bago sunod na tumalikod at inakyat pabalik sa kuwarto si Marru.

***

"Ang sarap naman po nito, Tito Gino," masiglang komento ni Marru habang kumakain ng balat ng chicken.

Napangiti ako dahil sa kabila nang nangyayari mukhang okay naman siya.

"Masarap talaga ang Ishi's restaurant. Sa susunod doon na tayo kakain," pagsakay ni Gino.

Nakamasid lamang ako sa kaniya nang bigla siyang nag-angat nang mata sa akin kaya mabilis kong hinawakan ang kubyertos sa plato.

"Hindi n'yo po gusto ang pagkain? Hindi pa po kayo sumusubo," aniya.

"Siyempre gusto ko, masarap kaya 'to!"

Pinasigla ko ang tono ng boses ko upang mawala ang atensiyon sa akin ni Marru ngunit mukhang mas lalo lang iyon tumuon sa akin.

"M-Mama? Puwede ako magtanong?"

Nangunot ang noo ko at napakurap-kurap. Biglang tumambol nang malakas ang dibdib ko dahil sa pag-aalala.

"O-Oo naman..."

Ngumiti siya. "S-Sino po ang-"

"Marru, kain ka muna lalamig ang chicken mo at hindi na 'yan malutong mamaya," sabat ni Gino kaya para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan.

I looked up to Gino as I muttered, thank you. Tumango lang siya kaya binalik ko na ang atensiyon sa pagkain.

"Bakit po walang hotdog?"

Napaubo ako dahil sa sinabi ni Marru.

"Eh, pasensya na po-"

"You want hot dogs?" tanong ni Gino.

Mabilis na tumango si Marru. "Opo, favorite ko po kasi 'yon. Tapos kagabi po, nagluto kami ni Papa Jorus ng hotdog..."

Napanganga ako sa sinabi niya dahil hindi ko naman alam na may ganoong nangyari sa kanila.

"Oh, gusto mo mag-order tayo-"

"Naku Tito, hindi na po. Naalala ko lang," pigil ni Marru.

Lumipad ang tingin sa akin ni Gino sumenyas ako na ayos lang. Tumango na lang ulit siya bago ibinalik ang atensyon sa kaniyang pagkain.

Makalipas ang halos isang oras nang natapos na kaming kumain, nagpaalam si Gino na may biglaang pupuntahan kaya naiwan kaming dalawa ni Marru.

"M-Mama, kailan po ako mag-aaral? 5 years old na po ako 'di ba?"

Kinandong ko siya paupo sa hita ko habang nakaupo kami sa sofa at nagpapahinga. Balak sana naming maligo sa dagat kaso umalis si Gino kaya napagpasyahan namin na mamaya na lang.

Humaplos ang kanang kamay ko sa ulo niya at tinitigan siya rekta sa kaniyang mga mata.

"Kapag naayos ko na lahat, makakapag-aral ka na sa pasukan. Ready ka na ba?"

Kumislap ang kaniyang mga mata at mabilis na tumango-tango.

"Opo, gustong-gusto ko na po mag-aral! May mga bata nga po akong nakikita noon kapag napapadaan sila sa harap ng bahay," masigla niyang kuwento.

Ngumiti ako at tumango. "Sige, sa pasukan mag-aaral ka na. Babalik tayo sa Laguna..."

Malapad siyang ngumiti.

"Nasaan po pala tayo? Bakit po pala tayo umalis sa bahay ni Papa Jorus?" tanong niya bago naglikot ang paningin sa kabahayan.

Napasinghap ako sa tanong niyang 'yon. Hanggang ngayon hindi pa rin ako handa. Hindi ko pa rin kayang sabihin ang totoo. Kahit kanino.

Paano kung bumalik siya o sila? Napapikit ako dahil sa paninikip ng dibdib. Hindi pa rin ako handa. Kung hindi lang talaga para kay Marie, hindi ko na gagawin pa.

Naramdaman ko na lamang ang maliit na kamay ang humawak sa mukha ko. Marahan niyang pinapahiran ang tumulong butil ng luha mula sa aking mga mata.

Dahan-dahan akong dumilat at nabungaran ko ang malungkot na mukha ni Marru.

"Sorry po. Hindi na po ako magtatanong. Huwag na po kayo umiyak..."

Napailing-iling ako sa kaniya at mahinang natawa. "Hindi naman, napuwing lang ako."

Tiningnan niya ako na para bang hindi naniniwala pero kalaunan ay tumango na rin.

"Kailan po tayo uuwing Laguna? Baka po miss na tayo ni Marie. Hindi na po natin siya nadadalaw..."

Niyakap ko si Marru at muling sunod-sunod na bumuhos ang luha ko. Naaawa ako sa kaniya dahil alam kong hanggang ngayon, dala-dala niya pa rin ang sakit sa dibdib niya.

Iniisip ko pa lang ang nararamdaman niya noon para na naman akong nadudurog. Pareho ko silang mahal pero amindo akong si Marie ang madalas kong pagtuunan ng pansin. Kaya gusto kong bumawi sa kaniya ngayon, maibsan lang lahat ng hinanakit niya sa akin.

Napalunok ako.

"G-Galit ka ba sa'kin?" bulong ko.

Mabilis siyang umiling. "Hindi po..."

"Totoo?"

"Opo! Sabi po kasi ni Nanay masama ang magalit. At saka po, mahal na mahal ko po kayo. Kung hindi po dahil sa inyo, Mama, wala ako ngayon dito..." seryoso niyang saad.

Humigpit ang yakap ko sa kaniya. At sa muling pagkakataon, wala akong masabi. Pero laking pasasalamat ko sa magulang ko dahil pinalaki nila ng maayos si Marru.

"Mahal na mahal kita, baby Marru. Simula ngayon, lahat ng gustuhin mo sasabihin mo sa'kin, ha? Gusto ko kapag pumasok ka na palagi mo akong kukwentuhan ah? Lahat sasabihin mo sa'kin..." mahina akong napahikbi.

"Opo, opo, ,Mama... Ang saya po ng puso ko..."

Hindi ko na napigilan ang labis-labis na emosyon. Tuluyan na akong bumigay sa harap ng anak ko, na matagal kong pinagtataguan ng katotohanan.

We stayed hugging each other for a couple of minutes, until my tears spontaneously stopped. Pinunasan ko ang natutuyo ng luha sa mata bago kumalas kay Marru.

Mugto na rin ang kaniyang mga mata dahil sa pag-iyak. This moment is indeed dramatic for both of us, pero alam kong umpisa pa lang 'to ng lahat.

Pinunasan ko ang kaniyang luha habang nakangiti. "Gusto mo nang lumangoy?"

Malapad siyang ngumiti ngunit agad ding napanguso. "Wala pa po si Tito Gino, Mama. Hintayin na lang po natin siya, sabi niya po kasi tuturuan niya ako lumangoy."

Napatango na lang din ako at akmang yayakapin siyang muli nang magsalita siya.

"Sino po talaga ang Papa ko?"

Napaiwas ako ng mata sa kaniya.

"Maghihintay po ako kapag handa na po kayong sabihin sa'kin kung sino po talaga ang Papa ko..." ani Marru.

Nangilid ang luha sa mga mata ko at marahang hinaplos ang kaniyang ulo. Wala akong makapang sabihin dahil ayokong umiyak ulit sa harapan niya. Ngumiti siya kaya niyakap ko na lamang siya nang mahigpit.

"Pero sana po si Papa Jorus na lang, Mama. Mas gusto ko po siyang Papa, e."

Nangunot ang noo ko at napalunok.

"B-Bakit mo siya gusto?"

Napatingala ako dahil sa paghambang pagbagsak na naman ng luha hanggang sa marinig ko siyang mahinang humagikgik kaya napabalik sa kaniya ang tingin ko.

"Kasi po pareho kaming favorite ang hotdog," tawa niya.

Napanganga ako sa sinabi niya at biglang napuno ng emosyon ang kaniyang maningning na mga mata nang sabihin niya ang mga katagang 'yon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top