Lansangan




Genre: Fiction

Kumukutitap ang iba't ibang ilaw sa labas ng mall. Pinapanood ko ang mga pamilyang labas-pasok sa malamig na gusali. Lahat sila ay nakangiti. Papasok na kumpleto. Lalabas na may dalang pinamiling regalo.

May mga batang nakaupo sa balikat ng kanilang ama. May mga ina namang hawak ang mga anak nilang may suot na magarbo. Samantalang ako, nakatitig ilang metro ang layo. Nakaabang na tatawid mula sa kabilang kalsada. May hawak akong sampaguita sa kanang kamay at basahan sa kaliwa.

"Bili na po kayo, kahit isang piraso lamang po," pagmamakaawa ko sa mga taong dumadaan. Nakatitig sila sa akin na tila nandidiri sa madungis kong mukha at paa kong walang saplot. "Murang-mura lamang po. Piso po isang piraso."

Ipit ko sa aking palad ang tatlong piso na kinita ko sa buong araw na paglalako. Hindi ko mailagay ang mga ito sa suot kong damit dahil butas ang aking mga bulsa. Kung ang mga kaedad ko ay nakikipaglaro sa ibang mga bata, ako naman ay nakikipagpatintero sa mga sasakyan.

Maliksi akong tumawid. Hindi ininda ang humarurot na kotse sa aking harapan. Pinagtinginan ako ng mga tao na tila walang nangyari. Nakatawid ako mismo sa harapan ng mall nang walang galos. Napatingin ako sa loob. May malalaking dekorasyon, magagandang ilaw at masasayang awitin. Tinangka kong pumila kasama ang iba pang mga taong pumapasok. Pinagpag ko ang aking suot.

Nang ako na ang papasok ay huminga ako nang malalim. Nakatitig ako sa guwardiya na tila hindi ako pinapansin. Hinayaan niya lamang akong lumusot at hindi ako pinuna.

"Merry Christmas po," pasasalamat ko sa kanya. Pumasok akong nakangiti. Marahil dahil magpapasko ay hinayaan na niya akong makapasok hindi gaya noong mga nakaraang buwan na lagi akong pinagtatabuyan na parang isang tutang gala.

Mula sa pintuan ay marahan akong tumingala. May malalaking display ng mga laruan sa paligid. May mga Christmas tree sa bawat sulok. Nagkalat ang mga palamuti na kulay ginto, luntian ang pula sa bawat tindahan. Para akong nasa loob ng mga palabas sa telebisyon. Nagsimula akong gumala. Dumungaw ako sa bawat pader na gawa sa salamin. Sa bawat tindahang mapuntahan ko ay may mga magagandang damit at laruan. Mga tanawing tanging ligaya ang dala sa munti kong isipan.

Malamig ang buong paligid, hindi gaya ng mainit na temperatura sa labas. Nakayapak lamang ako ngunit hindi ako giniginaw. Nakaamoy ako ng puto bumbong. Sinundan ng aking paa ang direksyon na tinutukoy ng aking ilong. Sa tindahan ng bibingka ako ay napadpad. Mahaba ang pila. Napahawak ako sa aking tiyan. Hinintay kong kumulo ang tiyan ko gaya ng dati.

Ngunit wala akong naramdamang gutom. Marahil ay sapat na ang masarap na amoy upang pawiin ang hapdi ng aking sikmura.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Inalok ko ang aking mga paninda sa mga masasayang mamimili na nakita ko sa isang bilihan ng kape. Napatingin ako sa mga nakapaskil na presyo. Nanlaki ang mga mata ko. Umiinom sila ng mga kapeng hindi bababa sa isang daang piso. Maligaya akong pumasok. Inisa-isa ang aking mga paninda sa bawat lamesa. Pero gaya ng dati, wala sa kanila ang pumansin sa aking paninda.

Bakit ganoon ang ibang tao? Gumagastos ng malaki para sa mga simpleng bagay upang magmukhang mataas ang estado. Pero para sa mga tunay na nangangailangan, tila maging barya ay pinagdadamot nila.

Lumabas ako ng mall at nagtungo sa katabi nitong simbahan. Nakangiti akong tumingala. Malakas ang tunog ng kampana, senyales na katatapos lamang ng misa. Matiyaga akong nag-abang sa labas.

"Pasko na bukas, malamang kahit ngayon man lang ay maging mapagbigay ang mga tao," bulong ko.

"Merry Christmas po—" Hindi pa ako natatapos nang marinig ko ang mga karaniwang sagot ng mga tao.

"Wala, eh, bata."

Kailan kaya sila magkakaroon?

"Nasaan na ang mga magulang mo? Bakit ka nila pinagtratrabahao?"

Hindi ko rin alam. Matagal na po akong ulila.

"Huwag mong bigyan ang mga iyan. Masasanay silang manghingi."

Hindi naman ako namamalimos. Nagtitinda po ako nang maayos. Ngunit kahit namamalimos ako, hindi naman sigurong tama na ako ay husgahan.

Lahat tayo ay kailangang magsimula sa kung saan. Ngunit paano ako magsisimula kung walang kahit isang kamay na umaabot sa palad kong humihingi ng saklolo.

"Sige na po, kahit pamasko na ninyo—"

"Tumabi ka nga!"

Biglang may tumulak sa akin. Agad akong napapikit. Hinawi ako ng isang lalaking nagmamadali ngunit hindi niya ako tinamaan. Napatingin ako sa aking likuran. Isa pang bata na nanamamalimos ang kanyang nabangga.

Hindi pala ako ang tinatanggihan ng mga taong kasalubong ko. Ang isa pang batang namamalimos pala ang sinasagot ng mga inaalok ko ng paninda.

Napagtingin ako sa aking mga kamay. Tumatagos ang liwanag ng mg Christmas Light sa balat ko. Mabilis akong kinabahan. Agad akong tumakbo. Napadpad ako sa kalsadang tinawiran ko kanina. Nakakita ako ng mga kumpol ng tao.

Minsan tutulungan ka ng iba kung kailan huli na ang lahat.

May mga taong nakapalibot sa isang batang wala nang buhay. Tumagos ang aking katawan sa mga taong nagkukumpulan. Sa gilid ay isang ambulansyang hinahanda ang stretcher na kukuha sa malamig kong bangkay.

Sa pagkakataong iyon ay hindi ako nakaramdam ng lungkot. Walang bahid ng sakit sa aking dibdib. Wala na ang sampaguita at basahan sa aking mga kamay. Naiwan ito sa palad ng katawang nilisan ko.

Tanging kaginhawaan ang aking naramdaman. Sa wakas ay tapos na ang aking paghihirap. Tumigil na ang pasakit. Para sa pulubing kagaya ko, ngayon ko lamang naramdaman ang diwa ng Pasko. Walang Noche Buena, walang regalo. Para sa isang batang tulad kong maagang sinubok ng mundo, ito siguro ang kahulugan at simbolo ng Pasko— kapayapaan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #anthology