Bawal

Genre: Horror

"My name is Jeremiah Alejan," panimula ko. Nakayuko lamang ako habang nakaharap sa buong klase. "I'm 18 years old and I grew up here in Intramuros."

Unang araw ng pasukan. Nakapasok ako sa pinangarap kong Pamantasan. Sa unahan ako nakaupo kung saan ako kadalasang inilalagay dahil sa aking apelyido. Ano pa nga ba at kailangang ipakilala ang sarili sa unang Lunes ng Hunyo. Tinangka kong lingunin ang mga bago kong kamag-aral ngunit maging sila ay naghahanda na rin sa kakaibang pagpapakilala na nais ipagawa ng guro namin.

"Nice, Intramuros," sabi ni Ms. Canilao, ang guro namin sa Kasaysayan. Nakapalumbaba pa ito habang nakalingon sa akin mula sa kanyang lamesa. "So can you tell us three interesting facts about this place?"

Napakagat ako sa aking labi. Sinubukan kong mag-isip agad. Napatingin ako sa labas. Una kong nakita ang pader na nakapalibot sa dating Bagong Bayan.

"Eh, may nakapalibot pong maliit na kanal sa buong Intramuros," nauutal kong tugon. "Hango po iyon sa konsepto ng mga kastilyo sa Europa. Kapag sinalakay po, kailangan lang panain ng palasong may apoy at kusang magliliyab ang kanal dahil sa methane gas. Instant firewall."

"Very good!" bulalas ng aking guro. Maging ang mga kaklase ko ay napatingin na sa akin. "Now, two more!"

Napahinga ako nang malalim. Tinangka kong mag-isip mabuti ng mga bagay na hindi pa nila alam sa lugar na pag-aaralan nila sa loob ng apat na taon. Napatingin ako sa gusali sa kabilang dulo ng kampus.

"May sinusunod pong batas dito sa loob ng Intramuros," saad ko. Sa pagkakataong ito ay nakatoon na sa akin ang atensyon nilang lahat. "Bawal pong magtayo ng gusali na lalagpas sa dalawang palapag."

"Because?" nakangiting tanong ni Ms. Canilao.

"Para po mapanatili ang kultura," dagdag ko. "Sa panahon po kasi ng mga Kastila hanggang dalawang palapag lamang. Pero maari naman pong gawing higit sa dalawang palapag basta sa labas ay mukhang dalawang palapag lang ang establisyimento."

Itinuro ko ang gusali sa labas. Dinesenyo upang magmukhang dalawang palapag lamang sa panlabas na anyo ngunit marami talagang palapag sa loob.

Unti-unti nang nawawala ang hiya ko. Bakas na ang pagkamangha sa mukha ng mga bago kong kaklase. Halatang nasasabik na sila sa mga ibinabahagi ko.

"Ang galing!" Pumapalakpak na ang aking guro. Nakatayo na ito sa isang sulok habang nakahalukipkip. "And the third one?"

Nag-aalangan ako kung sasabihin ko ba ang huli. Napalunok ako ng laway. Maging ang aking pawis ay nagsimula nang tumagaktak sa aking sintido.

"Ah, eh-" nabubulol kong sagot. "Bawal pong mag-spirit of the glass kahit saan dito sa Intramuros."

Sabay-sabay silang napahalakhak. Mga tawa na tila nagbibiro lamang ako. Maging ang guro ko ay napabalik sa kanyang puwesto na humahagalpak.

Lumipas ang tatlong buwan. Nagkaroon ako ng grupo ng mga kaibigan na sina Jason, Glen at Mark. Minsan ay natoka kaming gumawa ng props para sa isang programa ng aming kolehiyo. Bilang malapit lamang ang bahay ko, napagpasyahan ko munang umuwi upang magbihis at bumili ng ilang gamit.

Alas nuebe na ng gabi nang ako ay bumalik. Wala nang tao sa eskwelahan maliban sa tatlo kong kaibigan na nakaupo sa gitna ng entablado na nasa soccer field. Nakapabilog. May kandila sa gilid. Lahat sila ay magkakadikit ang mga hintuturo sa gitna. Nakapatong sa nakataob na baso.

Minsan talaga, pasaway ang tao. Kung ano ang sinasabi mong bawal ay iyon ang kanilang gagawin.

"Hoy! Anong ginagawa ninyo?" bulyaw ko. Humaharurot pa ako ng takbo dahil mukhang nasa kalagitnaan na sila ng seremonya.

"Shh!" pagsaway ni Mark. "Gusto lang namin malaman kung may multo ba talaga rito."

Aagawin ko na sana ang malaking papel sa ilalim ng baso. Isang Manila Paper na maraming letra ang nakasuat. Ngunit nang payuko na ako ay may umihip na malakas na hangin. Biglang namatay ang kandila at nagdilim ang buong paligid.

"Glen! Walang ganyanan," bulalas ni Jason.

"Baliw! Hindi ako iyon," nanginginig na sigaw ni Glen.

Tinangka kong kunin ang cell phone ko. Papailawin ko na sana ito nang may marinig kaming tunog ng kinakaladkad na kadena. Matinis na tunog ng bakal na kumakalampag sa simento. Mabilis kaming napakaripas patungo sa isang sulok. Bagamat walang makita ay napagpasyahan naming magkumpulan sa dilim.

Pero, lalong lumalapit ang mga yapak at tunog ng kadena.

Kinuha ni Mark ang cell phone niya. Inilawan niya ang soccer field. Tila may kung anong kuryenteng gumapang sa aming likod dahil sa aming nakita. Sa ibabaw ng damo ay may nailawang kung anong bagay si Mark.

Isang paring pugot ang ulo. Lumulutang sa hangin patungo sa entablado.

Kumaripas kami ng takbo. Napunta kami sa kanang hagdan ngunit agad kaming napahinto sa aming kinatatayuan. Dahil may isa pang nilalang sa aming harapan.

Paakyat ay isang sundalong hapon na nababalot sa dugo. Naagnas na ang mukha na parang isang longganisa.

Kanya-kanya kaming takbo patungo sa kabilang hagdan. Ngunit sabay-sabay kaming napahiga nang may biglang tumakbong lalaki paakyat. Tila isang katipunero na tadtad ng butas ang ulo. May lubid sa kanyang leeg at may itak sa kanyang kamay.

Naipit kaming apat sa gitna ng entablado. Kahit saan kami tumingin ay may mga nilalang na lumulutang mula sa iba't ibang panahon. May madre, may mga batang duguan, may mga estudyanteng bali ang buto.

"Anong ginagawa niyo pa rito?" sigaw ng guwardiya sa ibaba. Bigla niyang pinaandar ang ilaw sa buong entablado. Sa isang iglap ay nawala ang mga nilalang na tila ba kathang-isip lamang naming apat. "Magsiuwi na nga kayo!"

"Ito ang dahilan kung bakit bawal ang kalokohan ninyo rito sa lugar namin," naiinis kong bulyaw sa mga kasama ko. "Hindi lang isang kaluluwa ang gagambalain ninyo!"

Binigyan ko sila ng malalakas na batok bago kami kumaripas pababa ng entablado.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #anthology