Baluti, Sandata at Kalasag
Genre: Non-fiction
Pagbabago—isang bagay na hindi magbabago sa buhay ng tao. Marami sa atin ang nag-aasam ng pagbabago tuwing bagong taon. Humihiling tayo ng mga bagay na ikauunlad ng ating buhay. Pero para sa isang kagaya ko, may mga bagay na pipiliin kong manatili sa aking sarili. Tatlong bagay na tatawagin ko "Tatlong M's" upang mas madali kong matandaan sa mga susunod na araw.
Ang unang "M" ay para sa salitang "Magtrabaho". Sa humihirap na hamon ng mundo ng ating panahon, hindi maaaring itigil ang pagkayod. Kailangang sabayan ang pagtaas ng presyo ng bilihin. Sinubok ang daigdig ng nakaraang pandemya. Ilan sa aking mga kaibigan at kakilala ang pumanaw dahil dito. Karamihan sa kanila ay walang sapat na salapi pampagamot. Ang iba ay walang pampaospital o sapat na proteksyon dahil sa kawalan ng trabaho. Tinuturi ko ang aking sarili bilang isa sa mga pinagpala. Heto ako ngayon, patuloy na nabubuhay habang humuhupa ang pandemya. Malusog ang aking pamilya habang unti-unting bumabalik sa normal ang mundo. Naniniwala akong may kasamang dasal ang mga biyaya ngunit nasa tao ang gawa. Hindi kami marahil aabot sa taong ito kung tumigil ako sa paghahanap-buhay. Kaya patuloy akong magtratrabaho. Ihahanda ko ang aking sarili sa mga susunod pang hamon ng mundo.
Ang ikalawang "M" ay "Magbakasyon". Magpunta sa dagat, umakyat ng bundok, o magpahinga sa bahay— hindi ko aalisin ang mga ito. Sino ba ang may ayaw magbakasyon? Hindi tayo nilikha upang kumita at magbayad lamang ng mga bayarin. Pipilitin kong lumabas at gumala pa. Sisikapin kong muling lakbayin ang mundo habang nagpapahinga mula sa mga hamon. Lalanghap ako ng mababangong bulaklak, dadamhin ko ang hamog sa matataas na bundok at babasain ko ang aking katawan ng tubig-dagat. Sasakay ako ng eroplano, babaybayin ko ang dagat gamit ang barko, dadalhin ako ng aking mga paa sa mga lugar na hindi ko pa nakikita. Hindi ko aalisin ang pagbabakasyon sa taong ito. Pagniningasin ko pa ang alab sa aking puso na makakita ng magagandang tanawin. Dadayuhin ko ang marami pang lugar. Gagawin kong inspirasyon ang mga ito upang makagawa ng mga magagandang akda base sa kuwento ng mga bagong taong makakasalamuha ko.
"Matuto" ang ikatlong "M". Ang pag-aaral ay walang katapusan. Hindi ito natatapos sa paaralan. Habang-buhay dapat nating nililinang ang ating sarili upang sa ating ikauunlad. Sa taong ito ay hindi ako titigil sa pagbabasa, pakikinig ng payo at pag-aaral sa mga bagay patungkol sa pagiging mahusay na manunulat. Sisikapin kong payabungin pa ang aking kaalaman sa paggawa ng mga kwentong maglalabas ng mga itinatagong emosyon ng aking mga mambabasa. Papagtagumpayan ko ang aking mga kahinaan sa pamamagitan ng pagsasaliksik kung paano pa sila mapapabuti. Papandayin ko ang aking husay at talino. Sisikapin kong higit pang matuto at pagbubutihin ang aking kaalaman hindi lamang para sa aking sarili kundi para sa aking kapwa.
Magtrabaho, magbakasyon at matuto. Ito ang tatlong bagay na hindi maglalaho, hindi magbabago. Sa nagbabagong mundo, panghahawakan ko ang mga ito sa pagharap ko sa mga pagsubok. Gagamitin ko ang mga ito bilang baluti, sandata at kalasag laban sa mga hamon ng buhay. Dadalhin ko ang mga bagay na ito kahit saan mang sulok ng mundo ako mapadpad. Tataglayin ko ang mga prinsipyong ito sa bawat unos at daluyong na ihahandog ng bagong taong.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top